Kagaya ng sinabi in Gray ay sabay na nga silang pumunta sa canteen upang kumain.
Habang papasok doon at sakto namang palabas si Mang Roman.
Nagulat man ay agad na nakabawi si Alex.
"Tang…," bati niya saka nagmano.
"O, anak. Hindi mo ba ipapakilala ang kasama mo?," nakangiti namang sambit ng kanyang Tatang.
"Ah, si Alex nga pala tatang," napapakamot na sabi niya.
Natawa ang kanyang Tatang.
"Alexander Gray Saavedra tatang," ulit niya. "Kaya Alex." Paliwanag niya.
Napatango tango ang tatay niya.
"Nice meeting you po," nakangiti namang bati ni Gray sa kanyang Tatang.
Ngumiti bilang tugon ang kanyang Tatang. "O, kakain ba kayo? Aba eh pumasok na kayo doon at mayamaya'y siguradong marami nang estudyante riyan."
"Sige po, 'tang. Kumain na po ba kayo?"
"Oo, kakatapos ko lang. Maiwan ko na kayo diyan at may ihahatid pa akong mga papeles," paalam ni Mang Roman.
"Ingat po kayo," si Gray iyon.
"Salamat, kayo din," anang Tatang niya at saka sila tuluyang iniwan.
Nagpresinta na siyang mag order subalit hindi pumayag ang lalaki. Ito na ang pumila at siya nama'y naghanap ng mapupwestuhan nila.
Kagaya noong nakaraan ay bumili ang binata ng slice ng cake at juice para sa kanya bukod pa sa ulam na inorder nito. Gayunpaman ay Hindi na siya pumayag na hindi siya magbabayad.
"Sige na. Tanggapin mo na iyan. Di ba ang sabi ko sa iyo ay huli na iyong kahapon?," pilit niya.
Napabuntong hininga ang binata. "Sige. Pero iyong ulam lang. Sa akin na iyong cake tsaka iced tea."
Napakamot naman siya at tumango. "Sige, sige. Fair enough. Salamat ulit."
This time ay ngumiti ang binata at hindi niya napigilang mapangiti na rin.
"No problem. San ka na pupunta after nito?," tanong ni Gray.
"Sa library na lang ulit. Wala naman akong ibang gagawin."
Napatango tango ang binata.
Pagkatapos nilang maglunch ay sabay silang bumalik sa library at muli ay naupo siya malapit sa bintana.
Kumuha siya ng libro at muling nagbasa. Hindi rin niya kinaligtaang itala ang mga importanteng terminology at mga pangalan.
Napakislot siya nang biglang nag vibrate ang kanyang cellphone.
"Bessy, may schedule na tayo. Start na ng klase bukas." Galing ang text na iyon Kay Kaycee. Niligpit niya ang mga gamit at saka tumayo.
"O, Xandy. Aalis ka na?," puna ni Gray.
"May schedule na daw eh sabi ni Kaycee. Pupuntahan ko lang. Mauna na ko ha?"
"Sure. Ingat."
Nginitian niya ito saka tuluyang lumabas ng library.
Pagdating niya sa tapat ng Registrar's office ay agad niyang nakita si Kaycee kasama ang ilan nilang kaklase.
"O ayan ka na pala. Ito ang kopya ng schedule natin," nakangiting bati sa kanya ni Mark saka iniabot ang isang piraso ng papel. Kaklase niya ito at medyo matagal na ring nagpaparamdam sa kanya.
"Salamat," aniya't kinuha iyon mula dito.
Pinasadahan niya ng tingin ang kanyang schedule at napatango tango.
"Magaling naman at half day pala tayo kapag Byernes," nakangiting komento niya.
"Naku! Magbuburo ka na naman niyan sa library sigurado ako," natatawa namang komento ni Gail kaklase rin nila ito. Hindi man sila close ay maayos naman ang pakikitungo ng mga ito sa kanya at gayon din naman siya.
Agad namang sumabad si Kaycee. "Ha! Talagang magbababad iyan doon. May papa Alex na naghihintay sa kanya doon eh," anito saka humagalpak ng tawa. Napakunot noo doon si Mark subalit hindi na niya iyon napansin.
Agad siyang pinamulahan ng mukha at kinurot sa tagiliran si Kaycee.
"Ano ka ba? Wala namang kinalaman si Gray sa pagpunta ko sa library."
"Ay wow! Gray pala," humahagikhik na sabi nito. "tapos Xandy naman tawag nya sa'yo. Ayiieeh! Luma – love life ka na talaga."
Tinampal niya ang braso nito.
"Ahem! Sinong may love life?," si Gray iyon na nasa likuran pala nila.