Chereads / The Rajah's Curse / Chapter 2 - Prologo

Chapter 2 - Prologo

"Ngumiti ka!" Siniko ako ni Ina habang diretso ang tingin niya sa mga pagkain sa hapag. "Ngumiti ka, Sillanah! Papaano kang mapapansin niyan?!"

Kahit ano namang pilit ko, nagmumukha akong kinabagang sanggol na nakangiwi. Hindi ko alam kung bakit pa nga ba ako nagtungo dito. Alam ko namang una pa lang, wala na talaga akong pag-asang mapili.

Sa huli ay humalumbaba ako sa lamesa at nagbuntonghininga.

"Huwag ka nang umasa, Ina." Mas malaki pa ang tiyansa ng pulubi sa labas kaysa akin.

"Anong espiritu iyan, Sillanah?!" Inayos niya ang ornamento ko sa buhok at sinuklay ang nakalugay na bahagi. "Ngiti! Ikaw ang pinakamaganda dito kaya natitiyak kong mabibighani mo ang Rajah!"

Sana nga ganda lang ang usapan, Ina. Kung ganoon, baka tayo na nga ang magwagi at maging Ameia na ang iyong anak. Kaso, may mga bagay tayong hindi na dapat pang pinipilit.

"Ang Rajah ay paparating na! Magsihanda ang lahat! Ang Rajah ay paparating na!"

Napatuwid ang likod ko nang marinig ang sigaw ng tagapaglingkod sa labas. Kumalembang ang gong at napuno ng singhap ang piging.

Nanlamig lamang ang sikmura ko kasabay ng dramatikong pagbubukas ng pinto at pagluwa sa pinakamahalagang tao sa Kaharian ng Rebarah.

Walang nakapagsalita sa mga tao. Pare-pareho kaming nakayuko habang inaangkin niya ang sandali. Pangahas na lang ang gagawa pa ng ingay nang oras na iyon. Tulad ng.. puso ng walang pag-asang tulad ko.

Hindi dapat at wala akong karapatan pero hindi naman talaga ako magaling sumunod sa batas noon pa man. Kaya kahit hindi ito ang tamang panahon para gawin iyon, huli na para pigilan ang mata kong tumitig sa nag-iisang Rajah ng Rebarah.

Tulad ng dati, ang mata niya'y singdilim ng gabing malalim, pinalalamutian ng makapal na latag ng pilik-mata at pinamimisteryoso nang likas niyang pagiging seryoso. Ang labi'y nakapirmi, tila hindi mo basta mauutusang gumalaw para sa mga bagay na hindi mahalaga. Husto ang hubog ng panga at makapal ang kilay. Higit sa lahat, nakapatong sa ulo niya ang simbolo ng kaniyang katungkulan. Lalo noong binibigyang buhay ang itim at mahaba niyang buhok na umaabot sa gitna ng kaniyang likod.

"Ang pinakamagandang lalaki sa lupa ng Rebarah," tila nangangarap na bulong ni Ina. "Pinakamakapangyarihan, pinakamayaman at pinakamakisig.. ah.. di masukat na pag-ibig ng Langit ang binuhos sa iisang tao.."

"At ang iisang taong ito, hindi para sa'kin, Ina," marahas ang paglingon at pag-angil ni Ina sa akin.

"Nandito ka dahil isa kang Layra! Anak na babae ng isa sa pinakamayamang tao sa kapital! Ano at nangliliit ka hindi pa man nagsisimula ang laban?" Mariin ang kaniyang mga bulong habang pareho kamimg nakayuko.

Ngayon ang araw na pinakhihintay ng lahat. Ang araw na mamimili ang Rajah ng kaniyang magiging asawa na siyang magiging Ameia naman buong Rebarah. Dahil maimpluwensiya ang aming angkan at nabibilang ako sa lipi ng mga Maginoo, ang pinakamataas na uri, isa ako sa mga napadalhan ng imbitasyon ng palasyo.

Nasisiguro kong.. ang ina ng Rajah ang namili ng mga kwalipikadong binibini dahil kung dumaan mismo sa kaniya ang imbitasyon.. walang pag-asang makatungtong ako kahit sa damuhan ng palasyo.

"Ang mga piling binibini ay inaanyayahan na naming pumila alinsunod sa inyong mga apelyido upang makapagbigay-galang sa Mahal na Rajah."

Ito ang unang bahagi ng pagsubok. Magbibigay-galang daw dala ang aming mga regalo. Ang regalo namin ay dapat sumisimbolo sa Rajah.

"Alam mo na ang sasabihin mo ha!" Paalala ni Ina.

"Tama na 'yan, Asuna. Hayaan mo ang iyong anak at huwag mo siyang bigyang nerbyos."

Ngumiti ako kay Ama na noon pa ma'y laging banayad sa akin. Sa mga bagay na hindi ko gustong gawin ay hindi niya ako kailanman pinilit. Bilang bahagi ng sangay ng politika, alam kong makatutulong kay Ama kung ako nga ang magiging Ameia kaya kahit hindi niya sabihin ay alam kong hinahangad niya pa rin naman talaga.

Iyon ang dahilan kung bakit hindi ako tumangging dumalo ngayon. Maliban sa mapapaslang ako kung pangahasan kong tanggihan ang imbitasyong mula mismo sa Palasyo.

Ngumuso si Ina at humuling bulong pa.

"Gintong banga! Tandaan mo! Ginto na sumisimbolo sa kaniyang pagiging mataas na uri, isang pag-iral na hindi nasisira paraanin man sa apoy. At banga dahil siya ang sisidlan ng pag-asa ng bansang ito!"

Umiling ako at wala pa man, tila ubos na ang lakas para sa buong programa. Gusto ko na lang matapos ang lahat at mahiga sa aking kama.