Ako na ang pinakakinatatakutang kandidato ng mga karibal ko.
Matapos nila akong pagtawanan, hindi nila inaasahang lalapatan ng labi ng Rajah ang tainga ko.
Huh. Kung alam lang nila kung saan-saan pa noon lumapat ang labi ng Rajah, baka himatayin na sila.
"Hihimatayin ako sa iyong bata ka!" Sinalubong ako ng yakap ni Ina. "Hindi iyon ang inensayo natin!"
"May ulo pa 'ko, Ina. Kumalma po kayo."
"Kung may pasabog kang ganoon, sabihin mo na agad! H'wag yung tunog nang-iinsulto ka muna! Akala ko'y mauubos na ang lipi natin kanina!"
Umiling na lang ako at kumalas sa yakap niya. Gusto ko na talagang umuwi.
Kapag binabalikan ko ang mga titig niya sa akin kanina, alam kong galit pa rin siya. Siguro ay nalagpasan ko ang unang bahaging ito pero hindi na siya mananahimik sa susunod. Gagawin niya ang lahat mapahiya lang ako at mailaglag.
Taliwas sa plano, nakapasok ako para sa susunod na pagsubok. Kalahati ng pasya ay nanggaling sa mga piling opisyal at ang kalahati ay sa Inang Rebarah. Walo na lang ang kalahok at natanggal na ang apat. Kasama doon sa apat na natanggal ang may dalang payong, agila at ang babaeng hindi mapitas ang araw.
"Para sa ikalawang bahagi, magkakaroon na po ng bukod na silid ang mga Layra. Hindi na mapahihintulutang masaksihan ng mga bisita ang gagawing eliminasyon. Tanging ang Mahal na Rajah, Amang Rebarah, Inang Rebarah, piling opisyal at piling tagapaglingkod lamang ang makakasaksi ng pamimili. Pinapayuhan ang lahat na maghintay dito sa piging hanggang sa susunod na anunsyo."
Mabilis kaming nagabayan para sa tamang silid. Kung ano ano ang mga bilin ni Ina subalit hindi ko na iyon sineryoso.
Nakaupo ang bawat Layra sa isang unan sa sahig. Mayamaya ay dumating ang tatlong Kamahalan at naupo naman sa unahan, sa espesyal nilang trono.
Apat sa unang linya, apat din sa ikalawa. Ganoon ang ayos naming mga Layra sa harap ng tatlong Kamahalan. Nasa gilid na gilid lang ako sa kaliwa, nasa huling linya pa. Halos hindi na ako mapapansin pero diretso agad sa'kin ang tingin nito.
Para bang sakit ako sa mata at sisiguraduhin niyang sa susunod, ang sinungaling na si ako ay hindi na niya makikitaan kahit ng anino.
"May iisang tanong lamang na inihanda para sa inyong lahat. Walang tama at maling sagot. Sa pagkakataong ito, kalahati ng pasya ay manggagaling sa piling opisyal ng palasyo. At ang kalahati.. ay sa Amang Rebarah magmumula." Ang opisyal na naatasan iyon.
Huminga ng malalim ang katabi ko. Tumikhim ang ibang Layra at may panay ang himas sa gintong medalyang pampaswerte niya siguro.
Hanggang ngayon, hindi ako sigurado kung gusto kong manalo. Ang alam ko lang, ayaw ko namang malungkot ang mga magulang ko pero ayaw ko rin namang maging Ameia. Ayaw kong manalo pero ayaw ko rin namang hindi sumagot kapag naiinsulto na. Ayaw kong pakasalan siya pero ayaw ko din namang.. pakasalan niya ang iba.
Nasisiraan na yata ako dahil ayaw ko daw lahat pero heto ako.. nag-iisip naman ng sagot sa tanong na ibinato nila.
"Kung nasa hindi pangkaraniwang sitwasyon at ang pasya ng Rajah ay maging labag sa batas ng Rebarah, sino ang dapat na masunod? Ang batas o ang Rajah?"
Binalot ng katahimikan ang silid. Nagmamasid lang ang lahat. Pinaiikot niya rin ang kaniyang mga mata sa lahat ng babaeng nasa harapan niya.
Sipat sipat lang ng tipo, huh?
Etong katabi ko, maputi. Singkit. Parang di taga-Rebarah. Titig na at huwag mahiya, Kamahalan.
Napairap ako.
Hindi talaga mabuting narito ako. Baka pag natalo ako at nakapili siya ng Ameia niya ay hampasin ko silang dalawa ng banga.
"Huling dalawang minuto.."
Hindi pa ako nakakaisip nang ipaalala ng opisyal ang oras. Nagsimula sa kanan sa unang linya ang pagsagot. Ang ibig sabihin ay ako na naman ang huling sasagot.
"Layra Tirintas ng pamilyang Asul," tawag ng opisyal.
"Pagbati, Kamahalan."
"Ihayag mo ang iyong sagot." Ani aming Rajah.
"Ikaw po ang dapat masunod, Kamahalan. Ang sabi'y hindi pangkaraniwang sitwasyon. Yayamang itiniwala namin sa iyo ang aming mga buhay, anomang ipasya niyo'y natitiyak kong para sa ikabubuti ng bansa."