Pinanood ko siyang tumango sa sinabi ng babae. Pinagmasdan ko ang kaniyang mata. Madalas ay tahimik iyon at tila walang sinasabi kaya kaunti lamang ang nakakaintindi ng iniisip niya.
Isa siyang hamon lagi para sa akin noon pa man. Gusto kong sisirin ang dagat ng misteryo niya at alamin ang bawat iniisip niya. Gusto kong kilalanin ang kaniyang mata, tulad ng babaeng kinakabisa ang sarili niyang repleksyon sa salamin.
At sa ilang beses kong pagsubok na pag-aralan siya, sigurado ako ngayon sa nakikita ko.
Maipagkakamali ng iba iyon bilang paghanga pero alam kong hindi siya.. basta bastang madadala ng mabulaklak na salita na naduduwag kalabanin siya.
Kung ganoon lang siya kadali, hindi kami aabot sa sampalan sa una naming pagkikita.
"Ipagpaumanhin mo po, Kamahalan. Subalit naniniwala akong ang katagang "hindi pangkaraniwang sitwasyon" ay panggulo lamang. Ang batas ng Rebarah ay hindi nababali. At ang Rajah ay nagtuturo ng pagsunod sa pamamagitan ng halimbawa. Kaya po.. ang batas natin ang laging pinapananaig. Patawarin mo ako kung ako'y nagkakamali, Kamahalan."
Napatitig ako sa ikaapat na babaeng nagsalita. Siya ang kauna-unahang pumanig sa batas kaysa sa Rajah.
"Tama siya," ngumuso ang babae sa tabi ko at tiningnan ako. "Ang galing niya, hindi ba? Sana lahat, di'ba? Hindi ko naman talaga kaya ito. Ayaw kasing maniwala ni Ama eh! Nakapasok lang ako dahil naensayo ko ang sasabihin para sa unang bahagi! Ngayon baka mapatay pa 'ko pag may nasabi akong mali!"
Tahimik siyang pumadyak ng paa at tila iiyak na. Nginitian ko na lang siya at sinabing kaya niya ito. Hindi nagtagal at tinawag nga ang katabi ko.
"Layra Helena ng pamilyang Macario."
"P-Pagbati, Kamahalan," maputla na siya kaysa palad ko. "Ah.. ah.. ang batas po, Kamahalan. Ang sabi ni Ama'y lahat tayo'y alipin ng batas."
Sinapo niya ang kaniyang mukha at namumutlang tumingin sa Rajah.
"Ano bang sinasabi ko? Hi-hindi po kita inihahalintulad sa alipin, Kamahalan!" Nagpatirapa na lang siya at hindi na tumingala pa. "Parusahan mo ko, Kamahalan. Parusahan mo po ako!"
Napapikit ako samantalang ang mga kalaban nami'y tila naaaliw pa sa kahinaan ng iba.
"Naiintindihan ko ang sinabi mo, Layra Helena. Itaas mo na ang 'yong ulo."
Napatuwid ulit ako ng upo nang sulyapan niya naman ako.
"Layra Sillanah ng pamilyang Treban."
Itinukod niya ang siko sa gilid ng kaniyang trono at doon humalumbaba. Akala mo'y isa kong pagtatanghal na pinaghahandaang panoorin.
"Pagbati, Kamahalan."
"Ang batas o ang iyong Rajah? Sino ang dapat na masunod sa palagay mo?" Ang maawtoridad niyang boses ang muling lumukob sa silid.
Siguro ay dahil ginalingan ko noong una, nakatitig tuloy lahat ng tao ngayon sa akin. Nag-aabang kung magwawagi muli ako. O pwede ring naghihintay na magkamali naman ako.
"Sa isang hindi pangkaraniwang sitwasyon," kinandado niya ang mata niya sa akin, "sino ang dapat na masunod, Layra Sillanah?"
"Ako."