Chereads / The Rajah's Curse / Chapter 7 - Higit sa Mamahaling Bato

Chapter 7 - Higit sa Mamahaling Bato

Namilog ang mata niya at nagbulungan na naman ang mga tao. Pinagtawanan na naman ako ng mga Layrang akala yata'y ang gaganda ng sagot.

Napaayos ng upo ang mag-asawa sa gilid ng Rajah samantalang ang magaling kong pinaglipasang nobyo, napaahon sa kaniyang pangangalumbaba.

"Ikaw?"

"Ako nga po, Kamahalan."

"Lapastangan!" Sigaw ng opisyal subalit itinaas ng Rajah ang kaniyang kamay para patahimikin ito.

"Maaari ko bang itanong kung bakit ikaw, Layra Sillanah?"

"Kung ako ang iyong magiging Ameia, ako ang dapat na masunod, Kamahalan. Bilang itinakdang Ameia mo, katungkulan kong payuhan ka sa panahong nalilito ka at naguguluhan. Sa isang sitwasyong hindi pangkaraniwan na ano pa't maisip ng aming Rajah na kalimutan ang batas, hindi ba't iyon ang panahon na katulungin mo kong magpasya?"

"Kung papayuhan mo lang ako, bakit ikaw ang dapat na masunod? Hindi ba't nasa akin pa rin ang huling pasya?"

"Kung ang payo ko'y hindi nasunod, nangangahulugan iyong walang kabuluhan ang payo ko, Kamahalan. Wala akong naitulong sa'yong paghihirap at kabiguan ko iyon bilang iyong katuwang."

Nagulat kaming lahat ng muling dumagundong ng tawa mula sa Amang Rebarah.

"Mahal na Rajah.. isang babaeng higit sa mamahaling bato ang iyong kaharap.."

Agad akong yumukod para pabulaanan iyon.

"Ako'y higit pong mababa, Amang Rebarah."

"Bumangon ka, Mahal na Layra. May nais akong itanong sa iyo."

"A-ano po iyon, Kamahalan?"

"Ang babae'y hindi pinahihintulutang makialam sa mga bagay ng politika. Bakit mo naisip na kakailanganin ka ng Rajah?"

Napakurap ako at natantong tama siya. Napatingin ako sa Rajah na noo'y lumingon sa Amang Rebarah.

"Ama.." awat niya dito.

"Gusto ko ring marinig, Mahal na Rajah," anang Inang Rebarah.

Napapikit ang Rajah at binalikan ako ng tingin. Anong problema ng isang 'to? Ginigisa ako ng magulang niya pero mukha siyang problemado. Huwag mo sabihing.. gusto naman niya talagang manalo ako?

Humugot ako ng malalim na hininga bago muling nagsalita.

"Ang Ameia po ba'y palamuti lamang sa palasyo? O tagapagsilang lamang ng tagapagmana? Hindi ko po pinangahasang tingnan sa ganoon kababang uri ang Ameia. Para sa akin, ang Ameia ay ina ng buong Rebarah. Siya at ang politika ay hindi mapaghihiwalay dahil siya mismo ay bahagi ng bansang ito."

Pinatay ako ng ilang sandaling katahimikan ng walang ideya kung anong iniisip ng matataas na opisyal at ng tatlong Kamahalan sa harap ko.

Lalo lamang akong namatay nang tumawa ang mag-asawa at pagkatapos ay sabay na bumulong sa Rajah. Ngumiti ng tipid ang Rajah at may sinabi rin pabalik.

Maiintindihan ko.. kung matatanggal ako.