"Layra Habini ng pamilyang Arsugon, nagbibigay-galang Kamahalan."
Nasa dulo ako ng pila subalit narinig ko ang malamyos na tinig ng unang babae.
May dala siyang hindi pangkaraniwang halaman kaya umuusyoso ang lahat ng tao sa kaniya.
Tumango lamang ang Rajah at pagkatapos ay itinuon ang mata sa regalo sa harap.
"Anong halaman ang iyong dinala para sa akin?"
"Isang hindi pangkaraniwang halaman ito, Kamahalan. Pinatubo sa mayamang lupa ng Timog. Ito po'y tinatawag nilang.. Kalatsutsi."
Pinigilan kong paikutin ang mata.
"Kapara ninyo ang halamang ito, Kamahalan. Espesyal at lumaki sa mayamang bayan ng Rebarah. Ito po'y tatak ng inyong kaluwalhatian at walang hanggang kapangyarihan sa bawat lupa ng Rebarah."
"Salamat. Nagustuhan ko ito," pormal ngunit mapagtanggap ang tono niya.
Labingdalawa kaming Layrang nakapila at panglabingdalawa ako. Kung mapapairap ako sa bawat kalahok ay nasa likod na ang mata ko bago ko maiabot ang gintong banga ni Ina.
"Napakagandang alpombra!" Ang ina ng Rajah na nasa kaniyang gilid ang nagsabi noon.
"Salamat, Inang Rebarah. Ito po'y gawa sa balat ng pinakamabangis na oso na nabubuhay lamang sa Gubat ng Sinayon. Kawangis nito ang ating Kamahalan, tulad ng osong naghahari sa gubat ay siyang paghahari ng Mahal na Rajah ng may buong kalakasan."
Bla..bla..bla..
Kalatsutsi.. Oso.. sino namang interesado sa mga 'yon?
Kulang na lang ay sundutin ko ang tutuli sa aking tainga sa sobrang inip at rindi. Mayroon pang nagdala ng agila. Sa unahan ko'y may dalang malaking payong na napapalamutian ng mamahaling bato.
Tss. Alam ko na iyan.
Ikaw ang kanlungan ng buong bansa, Kamahalan. Magbigay lilim ka't kapanatagan sa buong bansa. Kami'y mga lingkod mong laging nasa ilalim ng payong ng 'yong pamumuno.
Laos.
Pero ang pinakamabangis sa lahat ng narinig ko ay wala daw siyang dala dahil hindi naman niya kayang pitasin ang araw. Swabe.
Pakiramdam ko'y naisahan ako ng binibining iyon. Sana sinabi ko na rin lang na hindi ko kayang pitasin ang mga bituin para hindi na ako nagbuhat ng gintong bangang ito.
Sa sobrang dami kong iniisip, hindi ko namalayan na tapos na ang pagbibigay-pugay ng babae sa unahan ko.
Napalunok ako nang mapunta sa akin ang mata ng lahat ng tao. Ang mata.. niya.
Nilukob na ko ng matinding lamig. Ang kabag ay tila nagbabalik sa sikmura. Bumuhos sa akin ang sanlibong alaala noong sigurado pa akong.. pagmamay-ari ko siya.
Nakita ko ang pag-inat ng kilay niya at ang mapang-insultong pagtaas ng sulok ng labi. May hamon sa kaniyang mata. Na sa sandaling lumapit ako'y sinasabihan niya akong maghanda dahil magiging magaspang siya.
Walang kapostu-postura kong binuhat ang gintong banga. Sa sobrang bigat ay para akong manggagawa ng espadang nagbubuhat ng bakal.
Pagkatapos ay ibinaba ko iyon malapit sa kaniyang paanan.
Lumuhod ako't yumukod para sa pagbati. Na para bang hindi niya pa ko kilala at kailangan iyon.
"Layra Sillanah ng pamilyang Treban, nagbibigay-galang, Kamahalan."
Pag-angat ko ng mata'y madilim na ang titig niya. May ulap ng galit sa gitna ng kaniyang mata at ang labi'y paminsan-minsang nagpaparte na parang nag-aalinlangan.
Tumayo ako at hinarap siya ng tuwid dahil.. mukhang magsisimula na siya..
"Gintong banga?" Naramdaman ko ang pangmamaliit niya doon. "Nakatanggap na ako ng tatlong tulad niyan mula sa mga Rajah na ating kaalyado. Maaari mo bang sabihin sa akin ang ipinagkaiba ng bangang dala mo?"
Bakit akin lang ang kinukwestiyon niya? Ngayon lang ba siya nakatanggap ng agila? Ng alpombra? Ng wala?!
Sinabi bang magdala ng hindi niya pa nakikita? Ang sabi'y magdala ng kapara niya!
Ito ang kapara niya sa akin!
"Wala, Kamahalan." Matapang kong sabi.
Tumawa ang ibang Layrang karibal ko. Tumawa ang ama't ina nila ng palihim. Tawa lang. Dahil kapag naihampas ko sa mukha niyo 'tong banga, baka huli niyo na iyan.
"Wala?" Nakita kong dumaan ang aliw sa mukha niya.
"Wala po, Kamahalan."
"Kung ganoon, bakit na lang iyan ang dinala mo sa akin?"
Praktisado ko na ang isasagot dito. Praktisado na rin ni Ina. Praktisado nga kahit ng mga alipin sa'ming bahay sa kakapaulit-ulit ni Ina ng dapat kong isagot.
Pero.. patawarin nawa ako.
"Katulad mo ang bangang 'yan, Kamahalan. Walang pinagkaiba sa ibang gintong bangang ibinigay ng ibang Rajah. Walang pinagkaiba sa mga bangang nililok sa putik. Para sa akin, wala kang pinagkaiba sa ibang mayaman at mahirap. At banga po ang dinala ko dahil tulad mo, walang laman ang bangang iyan."
Nagsinghapan ang buong palasyo. May palagay akong malapit nang himatayin ang aking ina. Pero ang mataas na Rajah, nagawa pang dilaan ang pang-ibabang labi niya.