Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 51 - Do You Really Love Him?

Chapter 51 - Do You Really Love Him?

Pagkarating na pagkarating nina Theo at Rina sa mansion, agad na kinuha ni Theo ang kanyang laptop upang panoorin ang laman ng flashdrive na binigay sa kanila ni Dominador.

"Handa ka na bang malaman?" tanong ni Theo kay Rina na tumango-tango lamang sa kanya.

Sinimulan na ni Theo i-play ang video at doon lumabas kung paano nabangga ang ama ni Rina. Tumatawid ang ama ni Rina noon nang dumating ang isang sasakyan. Pinindot ni Theo ang pause kaya huminto rin ang footage at na-focus naman sa screen ang likuran ng kotse na nakabangga sa ama ni Rina.

Hindi man makita nang maayos ang plate number ng sasakyan, sigurado naman si Theo kung kanino ang sasakyan na iyon, kulay pa lang ay alam na niyang sa dad niya ang kotse.

"Theo? Bakit bigla kang natulala? Alam mo kung kanino ang sasakyan na 'yan?"

Marahang napatango si Theo. Iyon ang dating kotse ng kanyang ama. Alam niya iyon dahil palagi niya iyong nasisilip mula sa kanyang silid sa tuwing darating ang kanyang ama sa mansion.

"Kanino?"

"Kay Dad," utal na wika ni Theo.

Napatakip naman ng bibig si Rina at naiiling-iling. Hindi siya makapaniwala na ang taong matagal na nilang hinahanap at ang taong may kasalanan sa pagkakamatay ng kanyang ama ay nasa tabi-tabi lamang pala at nagpapakasasa sa buhay.

Napatayo si Rina mula sa pagkakaupo sa sofa at lumayo kay Theo.

"Rina..."

"Lumayo ka sa 'kin."

"Rina, wait..."

Hindi na natapos pa ni Theo ang sasabihin dahil tumakbo na palabas si Rina sa kanyang silid. Sa totoo lang ay maging siya ay hindi matanggap na ang sarili niyang ama ang may kasalanan ng lahat at sa ginawa nito, nanganganib na mawala rin si Rina sa kanya.

"Rina, hintay! Huwag mo 'kong iiwan!"

Hinabol niya si Rina sa kuwarto nito at doon ay natagpuan niya ang babae na nag-iimpake na ng mga damit.

"Rina, where are you going? Iiwan mo 'ko?"

Hindi sumagot si Rina sa halip ay nagpatuloy lang sa ginagawa.

"Rina, please. I thought you love me? Bakit parang ang dali sa 'yo na iwan ako?"

Hindi pa rin sumagot si Rina kay Theo. Iniiwasan niya kasing magsalita dahil baka hindi niya mapigilan ang sarili na makapagbitiw ng masasakit na lintanya kay Theo. Alam niyang walang kasalanan ang lalaki pero hindi niya kasi maiwasang hindi magalit lalo na kapag naiisip niya kung gaano katagal tinago ng ama nito ang lahat.

Maraming nagbago sa buhay nila simula nang mamatay ang kanyang ama. Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil kailangan niyang maghanap-buhay, naging malungkot ang kanyang ina, naghirap sila nang sobra dahil nawala rin ang taong tutustos sana sa pangangailangan nila. Ayos lang naman para sa kanya na wala ang lahat ng iyon, ang hindi niya matanggap ay ang maagang pagpanaw ng kanyang ama dahil lang sa kapabayaan ng isang tao.

"Rina...don't leave me, please."

Napansin pa ni Rina ang pagiging garalgal ng boses ni Theo pero pinili niyang magbingi-bingihan dito.

"It was accident, Rina. Hindi mo na ba mapapatawad si Dad?"

"Aksidente man o hindi, kasalanan niya pa rin...alam mo ang ikinagagalit ko, Theo? Bakit ang tagal niyang itinago 'yon? Bakit hindi niya inamin ang lahat ng kasalanan niya! Hindi ko mapapatawad ang dad mo! Dahil sa ginawa niyang pagtakas sa kasalanan, mas lalo lang tumindi ang galit ko para sa kanya! Sisiguraduhin kong mabubulok sa kulungan ang dad mo!"

"Alam kong galit ka kay dad...pero...pero...pati ba sa 'kin, galit ka?"

Hindi na naman nakaimik si Rina. Hindi niya alam! Hindi niya alam kung dapat din ba siyang magalit kay Theo. Hindi niya alam kung dapat din ba siyang magalit sa buong Ledesma pero iyon ang gustong mangyari ng isip niya, ang magalit sa lahat!

"Aalis na ako."

Tuluyan nang naglakad palabas ng mansion si Rina. Narinig niya pa ang paulit-ulit na tawag sa kanya ni Theo ngunit hindi na talaga niya ito nilingon.

Samantala, habang nagpapatuloy ang kaguluhan sa mansion, dumiretso naman si Dominador sa police station upang sabihin ang lahat-lahat ng nangyari. Simula sa pag-utos sa kanya ni Eduardo na kuhain si Theo, sumunod ang pag-utos ni Eduardo na manmanan si Armando at panghuli ay ang pag-utos naman ni Armando sa kanya na ipabura ang footage ng pagkakabangga ni Armando sa ama ni Rina.

Naging malaking balita iyon sa social media kung saan samu't saring interview rin ang kinaharap ng magkapatid na Eduardo at Armando. Lumipas pa nga ang dalawang araw, ang mainit na balita ay mas lalo pang uminit at nahalungkat. Marami ang naawa sa sitwasyon ni Theo dahil ngayon ay alam na nila ang pulot-dulo ng pagkakaroon nito ng mental health condition.

Nabalitaan din iyon ni Rina subalit wala siyang pakialam. Para sa kanya, tama lang na nangyari iyon sa Ledesma. Tama lang na na-expose ang baho ng mga ito sa lahat. Buong akala ng mga tao sa kanila ay napakalinis ng apelyidong Ledesma ngunit hindi alam ng lahat na marami palang tinatago ang mga ito.

"Nakakagulat talaga. Parang kailan lang ang saya-saya pa nating kasalo sila sa pagkain," turan ng ina ni Rina habang nakatingin sa screen ng telebisyon.

"Hindi rin ako makapaniwala, Ma," walang emosyong sabi naman ni Rina.

"Kumusta ka naman anak? Ano'ng plano mo?"

"Gusto kong makulong si Armando, Ma. Kailangan niyang pagbayaran ang kasalanan niya."

"Paano naman kayo ni Theo, anak?"

Napalunok ng laway si Rina sa tanong ng kanyang ina. "Paanong kami? Ma?"

Pinatong ni Rosita ang palad sa kamay ng anak. "Huwag mo nang ilihim sa akin anak ang relasyon ninyo ni Theo, alam kong mayroon kayong relasyon dalawa."

"Pero..."

"Ano ba talaga ang nararamdaman mo para kay Theo?"

"Ahm..."

"Anak, kung mahal mo siya, huwag mong hayaan na ang katotohanang nalaman mo ang sumira doon."

"Pero...paano si Papa?"

"Wala namang kasalanan si Theo...kung iniisip mo 'yon, huwag kang mag-alala anak, hindi naman ako magagalit sa 'yo at alam kong ganoon din ang papa mo, sigurado akong hindi niya gustong magkasira kayo ng dahil lang sa nalaman natin."

"Ma..."

"Alam mo ba kung paano kami nagkakilala ng Papa mo?"

Umiling-iling si Rina.

"Hindi magkasundo ang papa mo at ang magulang ko. Hindi talaga pabor ang lolo at lola mo sa papa mo dahil sa hindi nakapagtapos ang papa mo...wala ring magandang trabaho. May relasyon na kami ng papa mo noon pero sa tuwing magpupunta siya sa bahay, masasakit na salita ang palaging naririnig ng papa mo mula sa lolo't lola mo."

"Tapos ano hong nangyari?"

"Isang araw, hindi na nakapagtimpi ang papa mo lalo na ng duru-duruin siya ng kuya ko, ng tito mo. Kaya sa huli, pinatulan na rin ng papa mo ang tito mo at pinagbuhatan ito ng kamay. Dinala sa hospital ang tito mo, ganoon din ang papa mo dahil pinagtulungan din siya ng mga taong nakatira sa lugar natin..."

"Hindi ko alam na may nangyari palang gano'n..."

"Ang gusto ko lang sabihin sa 'yo anak, kung talagang mahal mo si Theo, walang ano man ang hahadlang sa inyong dalawa. Kahit magkagalit-galit pa ang pamilya niya at pamilya natin. Alam mo bang namatay na lang ang mga lolo at lola mo sa side ko at ng papa mo ay hindi pa rin sila nagkakasundo? Pero hindi iyon naging hadlang sa amin ng papa mo. Hindi sila ang magdidikta ng mangyayari sa relasyon naming dalawa. Mahal namin ang isa't isa at kahit hindi pa tanggap ng magulang ko ang papa mo, pinaglaban ko siya at ganoon din naman ang papa mo sa 'kin. Hanggang ngayon ay hindi ko pinagsisisihan na pinili ko ang Papa mo dahil totoong minahal niya ako. Minahal niya tayo. Hindi man niya tayo nabigyan ng marangyang buhay, binuhos naman niya sa atin ang mayaman niyang pagmamahal."

"Kaya nga lalo akong nagagalit, Ma...dahil si Papa ang nawala. Namatay si Papa dahil sa dad ni Theo."

"Galing na rin sa bibig mo. Papa ni Theo at hindi si Theo. Ngayon, mahal mo ba si Theo?"

Marahang tumango si Rina na ikinangiti naman ng kanyang ina.

"Kung mahal mo siya, hindi kita hahadlangan, hindi ko kayo hahadlangan dahil alam ko ang pakiramdam na hindi ka suportahan ng mga magulang mo sa isang relasyon. Kaya naman bilang magulang mo, ibibigay ko ang suporta ko sa inyong dalawa."

"Pero Ma...Hindi ka ba nagagalit o nasasaktan?"

"Matagal na iyon anak, panahon na rin na kalimutan na natin ang nangyari. Isa pa, wala namang may gusto sa nangyari. Alam kong maging ang dad ni Theo ay hindi rin ginusto iyon. Aksidente iyon, Rina pero alam kong may rason ang Diyos kung bakit iyon nangyari sa atin. Nagalit at nasaktan ako pero mas pinili kong magpatawad."

Napayuko si Rina at ang mga luha sa gilid ng kanyang mga mata ay tuluyan nang nagpaunahan sa pagbagsak. Everything happens for a reason. Iyon ang katagang palaging binibitiwan ng kanyang ama noong nabubuhay pa ito. Iyong tipong kahit wala na silang maiulam o kahit maglugaw at asin na lang sila, palaging positibo ang kanyang ama sa lahat ng bagay. Laging bukam-bibig nito na kung ano man ang kalagayan nila, may magandang plano ang Diyos para sa kanila. Kahit sobrang hirap na hirap na sila sa buhay, naniniwala ang kanyang ama na darating ang panahon na ibubuhos ng Diyos ang biyaya sa kanila. Darating ang panahon na pasasaganahin din ng Panginoon ang buhay nila. Hindi man ngayon, sa susunod na araw o sa susunod na araw pa, naniniwala ang ama niya na darating iyon lalo na kapag nakahanda na rin sila sa pagtanggap ng mga biyaya na ibubuhos nito.

Marahang lumapit ang ina ni Rina sa kanya upang punasan ang mga luha sa kanyang pisngi. Tumingala siya sa nakangiti niyang ina kaya unti-unti na ring sumilay ang ngiti sa kanyang labi.

'May rason din ba kung bakit nangyari iyon sa kanila? May rason din ba talaga kung bakit nagkatagpo-tagpo ang landas nilang lahat? Kung bakit sila nagtagpo ni Theo?'

Niyakap ni Rina ang kanyang ina. "Salamat, Ma dahil palagi kang nandyan para suportahan ako."

"Wala 'yon nak...May sasabihin din ako sa 'yo..."

"Ano 'yon, Ma?"

Bumalik sa pagkakaupo si Rosita kaya naman naupo na rin siya nang maayos.