Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 53 - Looking For Theo

Chapter 53 - Looking For Theo

Kabababa pa lamang ni Rina sa tricycle na sinakyan niya papunta sa mansion ay natanaw na niya si Dr. Steve sa labas ng gate. Nang makita siya ng doktor ay lumapit din ito sa kanya.

"Dr. Steve, ba't nandito ka pa rin?"

"Nagbabakasakali lang ako na papapasukin na nila ako," sagot ni Dr. Steve saka nilingon ang mga guwardiya.

Lumapit si Rina sa mga guwardiya. Sa ilang buwan niyang nagtatatrabaho sa mansion ay nakapagpalagayan na niya ang mga ito ng loob at ganoon din naman ang mga ito sa kanya. Siguro naman ay kung manghihingi siya ng pabor sa mga ito ay hindi siya matatanggihan dahil may pinagsamahan na rin naman silang lahat. Sa katunayan, siya rin ang nagluluto ng mga pagkain dito at madalas niya rin makakwentuhan ang mga bantay.

"Totoo bang wala na si Theo rito?" tanong niya sa mga guwardiya.

"Rina...nandito ka na..." Umiwas ng tingin sa kanya ang mga guwardiya. Mayroong nagtatanggal ng bara sa lalamunan at mayroon namang pinili na lang na ngumiti nang pilit.

"Hindi na rin ba ako pwedeng pumasok sa mansion?" tanong niya.

"Wala namang sinabi, kaso..."

"Kaso, ano?"

Tumingin ang guwardiyang kausap ni Rina kay Dr. Steve.

"Ano?" pag-uulit naman ni Rina sa kanyang tanong.

Bumulong ang guwardiya na nasa harap niya. "Si Dr. Steve lang talaga ang 'di pinapapasok..."

"Bakit?"

"Dahil sa balita. Alam mo 'yong kay Dominador? Anak kasi ni Dominador si Dr. Steve kaya gusto na rin ng Ledesma na maputol ang koneksyon niya sa pamilya ni Dominador."

Habang nagbubulungan sina Rina at ang isang guwardiya, nakatingin lamang si Dr. Steve sa mga ito at may hinala na sa nangyayari. Sigurado siyang may tinatago sa kanya ang mga guwardiya. Kung hindi, bakit kailangan pa ng mga ito na ibulong ang sasabihin kay Rina? Hinala niya na kung ano man iyon ay may kinalaman iyon sa kanyang ama na si Dominador.

Nang gumawi naman ang mga mata nina Rina at ng mga guwardiya sa direksyon niya, napagpasyahan na rin niyang magsalita para magpaalam na.

"Sige, Rina. Mauna na ako."

"Sige, Dr. Steve."

Sumakay na si Dr. Steve sa kotse niya at minaniobra na iyon. Kaso, hindi pa siya nakakalayo ay nakita na niya sa side mirror si Rina na pinapapasok ng mga guwardiya. Tama nga siya ng hinala. Siya lamang talaga ang hindi pinapapasok. Tama lang din ang naging desisyon niya na umalis muna dahil kung hindi siya aalis, marahil hindi pa rin makakapasok si Rina.

Ayos na sa kanya na makitang nakapasok si Rina at makasigurong may kasama na si Theo sa loob ng mansion. Kumpirmado niya na rin na nagsisinungaling sa kanya ang mga guwardiya kanina pa. Hindi talaga umalis si Theo. Ayaw lamang talaga siyang papasukin sa loob ng mga guwardiya kaya kung ano-anong kasinungalingan ang pinagsasabi ng mga ito upang tabuyin lang siya sa mansion.

Samantala, nang makita ni Rina na umandar na ang kotse ni Dr. Steve, agad siyang pinapasok ng mga guwardiya sa loob ng mansion.

"Pasok ka na, Rina. Nandito talaga si Theo."

"Sige, salamat."

Pagkabukas na pagkabukas ng gate ay agad na tumakbo si Rina papunta sa main door. Pinagpapasalamat niya na hindi talaga umalis si Theo dahil kung hindi ay baka tuluyan na rin siyang mawalan ng pag-asa.

Hindi na niya sasayangin ang pagkakataon na makasama muli si Theo. Mahal niya si Theo at iyon ang mahalaga. Mahal niya ang lalaki kahit pa malaki ang kasalanan ng ama nito sa kanila.

Tinulak na niya ang main door nang makarating siya sa harap niyon pagkatapos ay tumakbo na papasok sa loob.

"Theo!" sigaw niya.

"Theo! Nasa'n ka?" pag-uulit niya nang pagtawag sa lalaki habang patakbo ring humahakbang sa hagdan.

Habang papalapit siya nang papalapit sa kuwarto ni Theo, pabilis din nang pabilis sa pagtibok ang kanyang puso dala ng kasabikang makita ang lalaki.

"Theo!" sigaw niya muli pagkatapos tinulak din ang pinto ng silid ni Theo nang walang pag-aalinlangan.

"Theo!"

Kasalukuyang nag-iimpake na ng mga damit si Theo para sa pag-alis niya. Matapos sabihin ng mommy niya ang suhestiyon nito na umalis muna sa mansion ay pinag-isipan niya rin iyon ng isang gabi hanggang sa mapagpasyahan niyang sundin na nga si Caridad. Mas mabuti na rin iyon upang makalayo siya sa lahat lalo pa at mainit pa ang balita sa kanilang pamilya.

Sinasara na niya ang zipper ng maleta nang biglang bumukas ang pinto kung saan ay lumikha rin iyon nang malakas na tunog nang humampas sa pader.

"Theo!"

Agad siyang lumingon kung kanino galing ang pamilyar na boses mula sa pintuan at tama nga siya dahil iyon ay si Rina. Hindi na niya nagawa pang magsalita at suyurin man lang ng tingin ang kabuuhan ng babae dahil agad na siyang dinamba nito ng yakap.

"Akala ko umalis ka na," sabi ni Rina sa garalgal na boses.

"Rina..."

"Theo, I'm sorry kung iniwan kita."

Nangingilid ang mga luha ni Rina dahil sa pinaghalong 'saya' na makita si Theo at 'pag-aalala' sa kalagayan ng lalaki.

"Hindi ka na galit sa 'kin?"

"Hindi naman ako galit sa 'yo."

Napansin ni Rina ang hawak na maleta ni Theo kaya tumingala siya dahilan upang magtama ang mga mata nila ni Theo.

"Aalis ka talaga?"

Tumango-tango si Theo.

"Sasama ako," sagot ni Rina na nagpaawang lamang sa bibig ni Theo dahil hindi rin nito inaasahan ang mga sinabi niya.

"Talaga?"

"Hmm. Sasama ako sa 'yo kahit sa'n ka pa magpunta. Bakit? Ayaw mo ba akong makasama?" tanong ni Rina habang bakas ang ngisi sa mga labi.

Agad din namang umiling si Theo sa tanong na iyon. "Hindi, hindi. Gusto kong sumama ka."

Ngumiti si Rina. "Gusto rin kitang makasama Theo. Kung pwede nga lang ay habang-buhay na."

"You want that?"

"Oo naman, para habang buhay rin kitang maalagaan at masasamahan. Sabay nating haharapin ang lahat ng mga problema na darating sa 'tin. Walang iwanan. Hinding-hindi ko na gagawin ang pag-iwan sa 'yo, promise."

"Promise?"

"Hmm. Promise," aniya kasabay nang pagtaas ng isang kamay.

"Hindi ako naniniwala. Baka mamaya iwan mo lang ako basta-basta nang wala man lang iniiwang mensahe."

"Hala...totoo nga, promise. Hindi na talaga ako aalis nang padalos-dalos. Hindi na kita iiwan."

"Sabihin mo munang mahal mo ako para maniwala ako."

"Natututo ka na, a. Pinag-aaralan mo na rin ba kung paano maging corny?"

"See? Hindi mo masabi na mahal mo ako." Halata ang bahagyang pagnguso ni Theo kaya lalong napangiti si Rina.

"Syempre mahal kita. Mahal na mahal."

"I love you too."

"I love you more," sagot ni Rina.

"Love you 'til I die," si Theo saka kinabig sa bewang si Rina.

"Love you even in our second life. Kahit reincarnated na tayo, mamahalin pa rin kita."

"Love you forever," sabi ulit ni Theo na may mukhang hindi patatalo.

" I love you forever and ever and always."

"I love you even though we're in hell. We will make it heaven if we are together. Kaya kahit saan tayo magpunta, kahit saang lugar pa 'yon, kahit gaano pa 'yon kagulo, ayos lang sa 'kin at ituturing ko 'yong paraiso basta ikaw ang kasama ko."

Hindi na nakapagpigil pa si Theo sa mga narinig na sinabi ni Rina kaya naman ay niyakap niya ang babae. Noong una ay nanlaki lang ang mga mata ni Rina sa biglaang ginawa niya pero nang naikalma na rin ng huli ang sariling damdamin, tumugon ito pabalik sa kanya at halos panggigilan din siya sa higpit ng yakap nito.

"Tara na?"

"Where?" si Theo.

"Sa paraiso. Joke...tara na sa lilipatan natin."