Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 50 - I Know The Truth

Chapter 50 - I Know The Truth

Magkayakap sa kama sina Theo at Rina at parehong nakatakip ng kumot ang kani-kanilang hubad na katawan.

"Now, start telling something about yourself to me."

"Hmm. Ano ba ang gusto mong malaman?"

"About you and your family."

"Hmm...wala na si Papa. First year college ako nang namatay siya. Hanggang ngayon hindi pa nahuhuli ang taong nakabangga sa kanya kaya mas lalo akong nagagalit sa taong iyon. Marahil kung dinala niya si Papa sa hospital at hindi tinakbuhan, baka buhay pa si Papa hanggang ngayon. Masyadong naduwag ang taong 'yon...kung nasaan man siya ngayon, bahala na ang tadhana ang magparusa sa kasalanan niya."

Inamoy-amoy ni Theo ang buhok ni Rina. "What if dinala ng taong 'yon ang papa mo sa hospital? Ano ang gagawin mo sa nakabangga?"

"Syempre, kailangan niya pa rin pagbayaran ang kasalanan niya."

Siniksik ni Rina lalo ang sarili kay Theo, "Tapos ayon, nang namatay si papa, natigil na rin ako sa pag-aaral. Tumulong na lang ako kay mama na magtrabaho at pag-aralin ang dalawa ko pang kapatid."

"You are hard-working, Rina."

"Kailangan, e."

May sasabihin pa sana muli si Rina nang tumunog ang phone niya. Tiningnan niya si Theo upang magpaalam sana kung maaari na ba siyang gumamit ng phone.

"Go. From now on, you can use your phone everytime you want."

Napangiti si Rina at hinalikan si Theo sa pisngi. "Thank you," sabi niya saka tuluyan nang tumayo upang kuhain ang phone na nakalagay sa bulsa ng kanyang pantalon.

Binasa niya ang na-received na message. 'Alam ko kung sino ang nakabangga sa ama mo.'

"Ayos ka lang?" tanong ni Theo nang mapansin ang sandaling pananahimik ni Rina.

"A, e. May natanggap kasi akong text."

"Mula kanino?"

"Hindi ko alam...pero ang sabi niya alam niya raw kung sino ang nakabangga sa papa ko."

"Naniniwala ka ba?"

"Hindi ko alam...pero hindi ko rin malalaman na totoo iyon kung hindi ko susubukan," utal na wika ni Rina.

Tumayo na rin si Theo sa kama. "Give your reply in that message. Kung makikipagkita sa 'yo, sasamahan kita."

"Si-sige. Thank you, Theo."

Wala nang inaksaya na oras pa si Rina dahil agad-agad siyang nag-reply sa message. Tinanong niya kung sino pero ang tanging sinagot lang sa kanya nito ay ang magkita sila sa isang restaurant sa Manila. Tamang-tama naman dahil napagpasyahan na rin ni Theo na tumulong na sa pagma-manage ng hotel sa Manila. Napag-usapang din ng dalawa na pagkatapos ng gawain sa hotel ay didiretso na sila sa restaurant upang makipagkita sa nag-text.

Lunes ng umaga at papaalis na sana si Dr. Steve sa bahay nila nang maabutan niya sa sala ang kanyang ama na bihis na bihis din.

"Sa'n ka pupunta, Dad?"

"D'yan lang nak. May aayusin lang na problema."

Nang makaalis si Dr. Steve sa kanilang tahanan, tumuloy na rin ang kanyang ama na si Dominador sa kanyang lakad. Gamit ang bagong kotse na niregalo sa kanya ng anak, dumiretso siya sa restaurant na malapit sa LED hotel Manila branch.

Matagal nang kinikimkim ni Dominador ang galit sa pamilyang Ledesma kaya naisip niya na iyon na rin siguro ang oras upang makapaghiganti siya sa mga ito. Matagal na siyang sunod-sunuran sa mga Ledesma, bukod sa nagpaalipin siya kay Eduardo, lihim din siyang nagtatrabaho para kay Armando. Dahil nga sa hirap ng buhay, lahat na lang siguro ng paraan para magkapera ay sinuong na niya. Kaya nga lamang, sadyang mapang-abuso ang pamilyang kanyang pinaglilingkuran. Lahat ipapagawa ng mga ito gamit ang pera.

Maraming beses na rin siyang napahamak sa mga ipinag-utos sa kanya subalit hindi naman siya makatanggi dahil palaging pinapamukha ng dalawang magkapatid sa kanya ang mga naitulong ng mga ito sa kanilang pamilya. Sa tuwing tatanggi siya sa masamang plano ng mga ito, palaging may naisusumbat ang mga ito sa kanya.

Kinuha niya ang kanyang phone at nag-message sa katagpo sa araw na iyon. 'Nandito na ako, nasaan ka na?'

Apat na taon din ang nakalipas simula nang ipag-utos ni Eduardo na manmanan lahat ng galaw ng kapatid na si Armando. Hindi lingid sa kanyang kaalaman ang lihim na galit nito sa kapatid kaya lahat na lang nang maiisip nitong paraan upang sirain ang kapatid ay ginawa na nito.

Ilang araw niyang sinundan si Armando sa bawat lakad nito at nagkataon nga na naging saksi rin siya kung paano mabangga ni Armando ang isang lalaki. Matapos mabangga ay hindi man lang binaba ni Armando ang lalaki upang dalhin sana sa hospital.

Sa huli, dahil na rin hindi kinaya ng konsenya ni Dominador ang makita ang kaawa-awang kalagayan ng lalaki, tinabi niya ang sasakyan na minamaneho, binaba ang lalaki at dinala sa hospital kahit alam niyang hindi na kaya dahil hinang-hina na ito. Pero nagbakasakali pa rin siya na maililigtas ito, kaya lamang ay kusa nang sumuko ang katawan nito bago pa man sila makarating sa hospital.

"Ikaw na ba ang nag-message sa 'kin?"

Nagbalik si Dominador sa sarili nang makita si Rina sa harap niya. Hindi niya inaasahan na maging si Theo ay isasama ng babae sa pagkikita nila pero kinalma niya ang sarili.

"Ngayon, sabihin mo sa 'kin kung sino ang nakasagasa sa papa ko," utos ni Rina.

"Hindi ko alam na isasama mo rin si Theo rito, Rina."

"You know us?" tanong naman ni Theo kaya Dominador.

"Paanong hindi ko kayo makilala. Lalo ka na Theo, anak ka ng taong matagal ko ng amo."

"Si Dad?"

Uminom si Dominador ng tsaa na inorder niya habang hinihintay si Rina. "Oo, matagal na akong nagtatrabaho sa ama mo at maging sa tito Eduardo mo."

"E, ako? Paano mo ako nakilalala?" Si Rina naman ang nagtanong.

"Dahil ako ang taong nagdala sa ama mo sa hospital nang makita ko siyang duguan sa kalsada."

"Dinala mo siya? Sabihin mo, nakita mo ba talaga kung sino ang nakabangga sa kanya?"

Ngumisi si Dominador. "Para matapos na 'to, tingnan n'yo 'yan." Nilapag ni Dominador ang isang flash drive sa mesa. "Nandiyan ang video na magtuturo kung sino ang nakabangga sa ama mo. Hiningi ko pa ang cctv footage na 'yan."

"Papaano? Mayroon pala nito? Bakit noong naghingi kami, ang sabi wala?"

Lihim na napangiti si Dominador. Alam niya kung bakit hindi pinakita kay Rina ang footage dahil inutusan siya ni Armando na bayaran ang mga tauhang nagmo-monitor sa cctv. Pinabura niya rin iyon at nanghingi ng sarili niyang kopya.

"Walang hindi imposible sa pera."

"Ha?" takang tanong ni Rina.

"Wala, basta panoorin n'yo na 'yan at malalaman n'yo kung sino ang matagal n'yo nang hinahanap, Rina." Tumayo na si Dominador saka nilingon si Theo.

"Oo nga pala, Theo. Patawarin mo ako sa naging kasalanan ko sa 'yo noon...pero napag-utusan lang din ako."

"Ano'ng sinasabi mo?" Sa pagkakataong iyon ay si Theo naman ang nabalot ng pagtataka.

"Malalaman mo rin." Ngumiti muli si Dominador. "Paano, mauna na ako. Marami pa akong dapat tapusin."

Hindi na lumingon pa muli sa direksyon nina Theo at Rina si Dominador nang lumabas siya sa restaurant. Hindi na siya nagtagal dahil may sunod na sadya pa siya. Sa tingin niya, kapag nagawa na niya ang bagay na iyon, matatahimik na rin ang lahat. Mawawala na ang koneksyon ng Ledesma sa pamilya niya. Siguradong hinding-hindi na rin sila tatawagan pa ng pamilyang iyon upang may ipagawa na kung ano-ano. Siya na ang tatapos sa ugnayan nila sa Ledesma para hindi na rin niya maipasa ang naging kapalaran sa anak na si Dr. Steve. Tama na ang pagiging sunud-sunuran nila sa pamilyang Ledesma.