Alas otso ng gabi nang makauwi sina Theo at Rina mula sa LED Hotel. Matapos maka-recover ni Theo ay sandali muna nilang pinuntahan ang kusina ng hotel kung saan pinakilala din sa kanila ang head chef at ang iba pang mga tauhan doon.
Alam kasi ni Theo na importante rin ang mga pagkain na sine-serve nila sa mga guest. Dapat high quality ang lasa noon at dapat malinis. Mahirap na rin na mabalita ang hotel na may customer na dinala sa hospital dahil sa pagkain s-in-erve nila rito. Isa iyon sa iniiwasan ni Theo.
"Congrats, Theo," pagbibiro ni Rina nang nakapasok sila sa mansion at nakarating sa sala. Nag-unat siya ng kamay at saka humikab. "Ito ang araw na naglaan ka ng mahabang oras sa labas."
Umupo si Theo sa sofa. Sinandal niya ang mga likod sa sandalan ng sofa at pumikit.
"Gusto mo ba ng maiinom?" tanong ni Rina.
"Tubig na lang."
"Sige, kukuha lang ako."
Nang nakabalik si Rina mula sa kusina para kuhaan ng tubig si Theo, natagpuan niya ang lalaki na nakahiga na sa sofa. Nilapag niya ang tubig sa mesa at pinagmasdan ang lalaki. Marahil ay napagod din ito nang sobra kaya nakatulog na lamang. Nakakapagod naman kasi talaga ang magpaikot-ikot sa hotel. Sa lawak ng LED Hotel, nakakaubos talaga ng lakas kung lilibutin mo iyon.
Alam din ni Rina na marahil napagod din si Theo sa pag-iisip kung paano ba makakatulong sa business ng pamilya lalo pa't hindi lingid sa kanya kung paano unti-unting bumabagsak ang hotel dahil bilang na lamang din ang dumadayo roon. Maganda sana kung hahatak pa sila ng mga customer lalong-lalo ng mga mayayaman at kilalang personalidad. Subalit sadya talagang nalalamangan na ang LED hotel nila ng iba pang hotel sa Manila tulad ng Landtelho. Mas tinatangkilik na iyon ng matataas na tao. Mas hinahangaan iyon at dinadayo ng mga tao kumpara sa kanila.
Aakyat na sana si Rina upang kumuha ng kumot. Hindi niya na balak gisingin pa si Theo dahil pagod na ito. Ayaw niyang istorbohin sa pagpapahinga ang lalaki. Hahakbang na sana siya nang biglang hawakan ni Theo ang kamay niya. Nilingon niya ang lalaki na nakapikit pa rin subalit mahigpit na nakahawak sa kanya.
Tipid siyang napangiti habang tinitingnan ang mukha ni Theo na mukhang inosente kapag tulog. Para itong bata na animo'y natatakot na iwanan ng isang magulang.
"Mom..."
Nawala ang pagkakangiti ni Rina nang narinig ang sinabi ni Theo. Naihiling niya sa sarili na sana ay pangalan na lamang niya ang nabanggit ni Theo, na sana siya na lamang ang nasa panaginip nito subalit hindi, dahil mas tumatak sa puso nito ang pag-aaruga ng ina kumpara sa kanya. Nais niya na sana magkaroon din siya ng puwang sa puso ni Theo subalit mukhang malabong mangyari iyon.
Aalisin na sana niya ang pagkakahawak ni Theo sa kanyang kamay nang narinig muli ang sunod na sinabi ni Theo.
"Rina..."
Kasunod nang pagbanggit ni Theo sa kanyang pangalan ay ang pagmulat nito ng mga mata. Nagtaas ito nang tingin sa kamay nito na nakahawak sa kamay niya. At nang ma-realized iyon, bigla na lamang nitong binawi ang kamay.
Tumayo si Theo.
"Ang tubig ko."
Natataranta namang inabot ni Rina ang tubig kay Theo samantalang kinuha lang iyon ni Theo na para bang wala lang nangyari.
Sa bawat pagtungga ni Theo at sa bawat paglagok nito ay napapalunok din si Rina lalo pa nang makita ang paggalaw ng adam's apple ng lalaki. Hindi niya namalayan na napapalunok din siya dahil siya rin mismo ay nakaramdam ng panunuyot sa lalamunan dala ng paraan ng paglagok ni Theo na mukhang nang-aakit o nagyayayang lapitan ito. Malakas talaga ang karisma at sex appeal ni Theo, iyon ang matagal nang inamin ni Rina sa sarili lalo pa kapag nakikita niya ang mahabang peklat nito sa mukha. Lalo iyong nakaka-attract para sa kanya.
Umiling-iling si Rina at pilit na binabalik ang sariling katinuan. Mahina niya ring nasampal ang sarili na napansin naman ng lalaki.
"Kung inaantok ka na, matulog ka na rin," anito na inakala'y kaya napapasampal si Rina sa mukha dahil pilit na inaalis ang antok.
"Mamaya na kapag tulog ka na rin."
Nagsalubong ang kilay ni Theo. "Mamaya pa ako matutulog."
"Ha? Mukhang pagod ka na, a."
"Don't mind me. Matutulog ako kung kailan ko gusto kaya matulog ka na."
Tumayo na si Theo para umakyat na sa taas kaya wala na ring nagawa pa si Rina kundi sundin ang lalaki. Hinatid niya na lang muna nang tingin ang umaakyat sa hagdan na lalaki pero mamaya pa ay lumingon muli ito sa direksyon niya kaya napaiwas siya nang tingin.
"Oo nga pala...you look gorgeous in your dress at lahat ng sinukat mong damit kanina ay bagay sa 'yo."
"Ha?" Napanganga si Rina.
"Basta...masyado lang rev..."
"Masyadong ano?"
"Wala, never mind it," anito at nagpatuloy na sa pag-akyat.
Hindi naman napigilan ni Rina ang pagguhit ng ngiti sa kanyang mga labi nang tuluyan nang naglaho sa paningin niya si Theo. Ramdam niya rin ang pag-iinit ng kanyang pisngi dahil sa papuri ni Theo. Hindi niya lang alam kung aware ba ang lalaki sa sinabi o sadyang bangag o inaantok lang ito kaya napuri siya ng ganoon. Subalit ang mahalaga sa kanya ay ang compliment ng lalaki. Kung mayroon nga lamang siyang sound recorder, mainam sana kung na-record niya ang sinabi nito dahil minsan lang magsalita ng ganoon si Theo.
Nasampal-sampal ni Rina ang sarili at nagpasya na lamang din na sumunod sa pag-akyat para pumunta sa sariling silid.