Chereads / Enchanted in Hell (Tagalog) / Chapter 24 - New Challenge

Chapter 24 - New Challenge

Lumipas ang ilang araw ng paghahanda ni Theo sa pagdating ng special guest ng LED Hotel ay ang pagdating naman ng masamang balita tungkol sa ama ni Theo.

Ayon sa ina niya, tuluyan na raw lumabo ang mata ni Armando at halos wala na itong makita. Nagpa-check-up na rin sila sa espesyalista at sinabi ng mga ito na kinakailangan talaga munang magpahinga ni Armando.

Hindi pa nga raw sana papayag si Armando subalit napilit lamang ito nang takutin na kapag nagmatigas pa ito ay maaaring hindi na talaga ito makapagtrabaho. Sa huli, nadaan naman si Armando sa salitang binitiwan ng mga doktor.

"Kailangan nang papalit sa ama mo sa branch natin sa Baguio," sabi ni Eduardo. Nasa mansion silang lahat upang pag-usapan ang dapat gawin sa pansamantalang pagpapahinga ni Armando. Kasama ni Eduardo ang anak na si Cliff samantalang kararating-rating lamang din ng ina ni Theo sa mansion na sinalubong naman nang yakap ni Theo.

"Anak, Theo...kailangan namin ng tulong mo...kung okay lang sa 'yo," saad ni Caridad sa anak. Nagmamakaawa ang boses at mata nito sa anak na lihim na pinapanalangin pumayag si Theo o makipag-cooperate ito sa kanila.

"Ano'ng gagawin?"

"Kailangan nang mamamahala sa branch natin sa Baguio."

Umubo-ubo si Eduardo at tumingin sa lahat. "Andyan naman si Cliff, puwedeng siya muna ang pumalit sa pagma-manage sa Baguio."

Napanganga na lamang si Cliff sa tinuran ng ama pero nang makabawi ay nagtangka siyang magsalita, "Pero..."

"Hayaan mo na si Theo sa Manila...mas kailangan ka sa Baguio. Alam mo namang hindi pa kayang lumayo ng pinsan mo sa kulungan niya." Makahulugan o nagpaparinig ang mga salita ni Eduardo na nakuha naman ni Theo dahilan para mapakuyom siya sapagkat sigurado siya na gusto talaga nitong sabihin sa kanya na wala siyang kuwentang anak at hindi siya makakatulong sa pamamahala sa Baguio.

"O, sige...pabor din ako na si Cliff muna ang mag-manage sa Baguio," pagsang-ayon ni Caridad at saka binalingan ang anak. "Theo, ikaw muna ang bahala sa Manila."

Hinawakan ni Caridad ang kamay ni Theo kaya walang nagawa si Theo kundi ang tumango na lamang sa ina. Hindi rin naman makakatulong kung makikipagtalo pa siya, mabuti na rin siguro na mag-focus siya sa branch nila sa Manila tutal ay may kasunduan din naman sila ng ama.

"Tss. Akala ko hindi papayag ang takot na tuta," insulto muli ni Eduardo na akmang papatulan sana ni Theo subalit napatigil si Theo nang maramdaman niya ang paghawak nina Rina at ng ina sa magkabilaan niyang kamay—sa kanang kamay niya ay si Rina at sa kaliwa naman ay si Caridad.

Mabuti na nga lamang at nakapagpigil pa si Theo. Huminga siya nang malalim at pilit na pinapakalma ang sarili mula sa tiyuhin na noon pa man ay wala nang ginawa kundi ang insultuhin o maliitin siya dahil lamang sa tumatanggi siyang lumabas.

Inaamin ni Theo na bukod sa kanyang ama, isa rin ang tiyuhin niya sa kanyang kinaiinisan. Saksi siya kung paano nito sulsulan ang ama at kung bibilangin ang mga masasakit na salitang sinabi nito sa kanya, kulang ang isang araw upang bilangin iyon.

Katulad ng kanyang ama, nasa kanya rin ang sisi ng kanyang tiyuhin dahil naniniwala ito na kung hindi lamang siya lumabas noon sa mansion, kung hindi lamang siya sumuway, nangulit at tinakasan ang mga nagbabatay sa kanya, marahil hindi rin siya mapapahamak.

Siya na nga itong napahamak at nasaktan, subalit siya pa rin ang nasisisi. Naisip ni Theo na marahil malaki ang panghihinayang ng ama niya at ng tiyuhin sa malaki ring pera na nawaldas sa kanila dahil sa ransom upang maibalik siya. Fifty million kasi ang hininging kapalit ng mga k-um-idnapped sa kanya noon para maibalik siya.

"Hindi na ako magtatagal...Cliff, ngayon ka na mag-uumpisa sa Baguio kaya maghanda ka na rin," wika ni Eduardo kay Cliff. Mahahalata naman ang paghaba ng nguso ni Cliff dahil sa napipilitan lamang itong sumunod sa ama.

"Hindi na ako magtatagal, Theo ikaw na bahala sa branch natin sa Manila, huwag mong bibigyan ng panibagong problema ang ama mo," bilin din ni Eduardo kay Theo.

"Mauna na kami," paalam naman ni Cliff.

Nang nakalabas na ang mag-amang sina Cliff at Eduardo, nilingon ni Caridad ang anak dahil balak na rin nitong magpaalam kay Theo.

"Hindi na rin ako magtatagal anak, kailangan ng dad mo ng kasama sa hospital. Hindi pa kasi tapos ang pagsusuri sa kanya at kailangan niya muna talagang magpahinga."

Napayuko si Theo at umiwas nang tingin sa mata ng ina. Wala mang emosyon ang kanyang mukha ay hindi kaila sa kanya ang pagdaramdam dahil palagi na lamang mas mahaba ang oras na nilalaan ng ina sa kanyang ama kumpara sa sariling anak. Pero wala naman siyang magawa dahil totoong higit na kailangan ng ama ang kanyang ina sa oras na iyon.

"Sige na umalis ka na. Andito naman si Rina," saad ni Theo sa monotone na boses at nilingon si Rina.

"Salamat sa pag-intindi anak."

Napaismid si Theo dahil kung alam lang ng ina niya kung gaano niya iniintindi at inaalala ang ama kahit pa nga hindi niya naramdaman ang pag-aalala nito noon sa kanya nang nasa trauma pa siya.

Hindi na nga nagtagal si Caridad, pinaalis lamang nito sina Cilff at Eduardo pagkatapos ay sumunod na rin siya at nagpaalam kay Rina at Theo.

Samantala, tanging pagsunod na lamang nang tingin sa papalabas na ina ang nagawa ni Theo. Gusto niyang habulin ang ina at yakapin ito muli subalit nakaramdam siya ng pagdadalawang-isip.

"Ayos ka lang, Theo?" bulong ni Rina sa kanya.

"Tss. Hindi ko alam," sagot nito at saka tumayo.

"Sigu—"

"Stop asking for now! I'm not in the mood."

Naglakad na pabalik sa sariling silid si Theo, samantalang si Rina naman ay napanganga na lamang sa pagkapahiya habang tinatanaw ang papalayong lalaki.

Nagbago na naman ang mood ni Theo na inintindi na lamang din ni Rina. Minsan napapaisip na nga lang siya kung ano ba ang mayroon sa pamilyang Ledesma at bakit ganoon na lang magsalita si Eduardo sa pamangkin nitong si Theo. Sadya ba talagang ganoon lamang ang ugali ng tito nito sa pamangkin o may lihim talaga itong galit na binubuhos na lamang kay Theo. Sigurado naman kasi si Rina na isa sa dahilan kung bakit nagalit si Theo ay dahil sa sinabi ng tito nito. Naisip niya rin na marahil dismayado rin ang lalaki dahil sa pag-alis ng ina nito samantalang kararating-rating pa lamang sa mansion.

Napailing-iling si Rina at dumiretso na lamang sa kusina. Sa halip na aksayahin niya ang oras sa kaiisip tungkol doon, ilalaan niya na lamang iyon sa paglilinis ng mansion.