Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 175 - IT'S THE RICH OLD MAN'S BIRTHDAY AGAIN

Chapter 175 - IT'S THE RICH OLD MAN'S BIRTHDAY AGAIN

Ilang oras din ang inilagi nila sa ospital habang masinsinang nakipag-usap si Vendrick sa mga magulang ni Chelsea. Saka lang sila umuwi nang may tumawag kay Vendrick at sinabing nadakip na nila ang lalaking nagpainom ng druga sa dalaga bago paulit-ulit na hinalay, pagkatapos ay ini-blackmail ang dalaga, tinakot na papatayin kapag nagsumbong ito kaya walang nagawa ang huli kundi ilihim sa lahat ang nangyari rito.

Nagulat pa nga sila nang ipakita ni Vendrick ang larawan ng lalaki sa ina ni Chelsea at sinabi nitong kilala nito ang nasa larawan at magkaibigan ang dalawa. Paano nitong nagawa ang ganuong bagay sa dalaga?

Ang mga magulang na rin ni Chelsea ang naghain ng demanda para sa kriminal at hinayaan na silang makauwi para makapagpahinga na rin silang mag-asawa.

"Drick, paano mong nalaman ang nangyari kay Chelsea?" untag niya sa katahimikang namayani sa kanila sa loob ng sasakyan habang nagmamaneho ito pauwi sa bago nilang bahay.

"It was because of you," sagot nito, sumulyap lang sa kanya.

"Sa'kin? Paanong dahil sa'kin?" balik-tanong niya, lalong nalito sa sinabi nito.

"The target was supposed to be you. Pero nang malaman ng lalaking 'yon na naruon si Chelsea at nakita pang walang kasamang lumabas ng club ay nagbago ang isip nito at si Chelsea ang binalingan," paliwanag nito pero nakatingin ng diretso sa kalsada habang nagmamaneho.

Napaayos siya ng upo, biglang nakaramdam ng takot. Kelan ba 'yung nagpunta sila sa club? Matagal na 'yun ah. Siya pala ang target ng lalaking iyon? Mabuti na lang, hindi siya iniwan ni Vendrick nang mga sandaling 'yon.

Napakapit siya sa hita nito habang malalim na nag-iisip. Ito nama'y hinawakan ang kanyang kamay saka pinisil.

"Don't worry. Hindi ko hahayaang may makapanakit sa'yo, honey," sambit nito, naruon ang kaseguraduhan sa salita.

"Aba, talaga! Marunong yata ako mangarate. Di siya uubra sa'kin," maangas niyang sagot sabay taas-noong napadiretso ng tingin sa kalsada.

Natawa ang asawa sa kanyang sinabi pero napadiin ang pisil sa kanyang palad. Napahagikhik na rin siya.

--------@@@@@---------

Pagkapasok lang ng kotse sa maluwang na gate ay tumambad agad sa kanila ang walong branded na mga sasakyan sa harap ng kanilang bahay.

Awang ang mga labing nagkatinginan silang dalawa.

"Kanino ang mga 'yan?" gulat na usisa niya agad.

"I'm not sure, really. But that blue hyundai is owned by Gab and the one beside it is Dave's car," lito din nitong sagot.

"Ano'ng ginagawa nila rito?" tanong na uli niya't nagmamadali nang binuksan ang pinto ng kotse saka lumabas mula roon. Hinintay muna niyang maiparada ni Vendrick nang maayos ang kotse bago sila sabay na pumasok sa loob ng bahay.

Pagkapasok lang sa loob ay tumambad na uli sa paningin nila ang maluwang na bulwagang puno na ng dekorasyon.

"Marble! Vendrick!!!!"

Napanganga siya, sabay na uling nagkatitigan ni Vendrick at tila iisa lang ang katawang napapihit paharap sa nagsalitang galing sa kusina ng bahay.

"Manang Viola?!" sabay na naman silang napabulalas ng asawa.

"Ano'ng ginagawa niyo rito, manang?" gulat niyang usisa.

Umismid agad ang matanda.

"Ang sakit niyo naman mag-usisa, parang hindi ako pwedeng magpunta rito," himutok nito sabay halukipkip.

Natawa si Vendrick at lumapit na rito saka ito mahigpit na niyakap.

"Si manang talaga. Ano ngang ginagawa mo rito?" anang lalaki.

"Damuhong na 'to. Ano pa bang gagawin ni Viola dito malibang siya ang namamahala sa pagdekorasyon ng bahay," sabad bigla ng lolo nito sa kanyang likuran.

"Bakit dedekorasyunan ang bahay?" Napalingon siya agad sa dating alagang naka-wheelchair pa rin nang mga sandaling iyon at tulak-tulak ng isang estrangherong lalaking napatingin kay Vendrick, ang huli nama'y nagulat din pagkakita rito ngunit nang makabawi'y lumapit na sa lalaki.

Ang talim ng pagkakatitig sa kanya ng matanda saka inihampas sa kanya ang hawak nitong panyo.

"Damuhong ka! Palibhasa kasi'y 'di ako mahalaga sa'yo kaya 'di mo na maaalalang kaarawan ko ngayon!" pagmamaktol nito.

Npanganga siya, pagkuwa'y natawa na rin. Talaga ngang nawala sa isip niya ang kaarawan nito.

Lumapit na siya sa matanda sabay yakap dito.

"Happy birthday, lolo," mangiyak-ngiyak niyang bati .

Bumungisngis naman ito.

"Marble!!!!"

Nagulat na naman siya sa mga tiliang iyon at napaayos na ng tayo saka humarap kay Manang Viola habang nakikita sina Marie, Bing at iba pa na nagtatakbuhan nang palapit sa kanya. Nakisabay na rin si Manang Viola na tumakbo at humarang sa kanyang harapan.

"Hep! Hep! Isa-isa lang ng yakap at triplets ang ipinagbubuntis ni Marble, baka magulat siya sa dami niyo," pigil agad ng mayordoma sa mga itong naghagikhikan lalo sa ginawa ng una.

Nakitawa naman siya't lumapit na mismo sa mga katulong para yakapin ang mga ito.

"Akala namin, di ka na namin makikita. Nagulat talaga kami nang tumawag si Senyor Leo kay Manang Viola at sabihing magpunta kami rito," kwento ni Bing habang yakap siya.

Napahagikhik siya sa nalaman. Ang matanda pala ang may pakana ng lahat.

"Muntik na nga himatayin sa takot si manang. Ang alam kasi namin patay na si Senyor," dugtong ni Marie sa sinabi ni Bing.

Pinandilatan naman ito ni Manang Viola. "Sa dami-dami ng ikukwento mo, iyon pa'ng naisipan mong isambulat," reklamo nito. Naghagikhikan na uli sila.

Humiwalay sa pagkakayakap ang mga katulong at bumaling sa senyor na nakangiti lang habang nakikinig sa kanila.

Habang si Vendrick ay nagpunta na sa likod bahay upang alamin kung sino pa ang mga bisitang dumating at di makita sa palibot sina Gab.

"Mommy!" hiyaw ni Kaelo ang pumailanlang sa buong bulwagan. Patakbo itong lumapit sa kanya habang hinahabol ni Eva.

"Careful, cutie. Baka madapa ka!" saway niya pero 'di pa rin ito nagpapigil at nang makalapit ay nagpakarga agad sa kanya sabay baling sa mga katulong na nakapalibot.

"Oy, si Kaelo! Ang cute talaga ng batang 'to," gigil na wika ni Melly saka marahan itong kinurot sa pisngi sa panggigigil.

Napabungisngis naman ang bata sa ginawa ng babae.

"Alam mo, may kamukha talaga itong batang ito eh," sabad ni Manang Viola.

"Nasa bibig ko na pero 'di ko lang maisambulat ang pangalan eh."

"Si Ate Lorie," siya na ang nagsalita saka ngumiti sa lahat.

Natigilan ang mga ito, nagkatinginan sa bawat isa.

"Anak siya ni Lorie?! Nasaan pala si Lorie? Nasa ibang bansa ba? Bakit ikaw ang nag-aalaga sa kanya?" sunu-sunod na tanong ni Marie saka tinitigang mabuti ang bata.

Napalingon siya sa kinaroroonan ng lolo ni Vendrick, ngiti lang ang itinugon nito.

"Nasa heaven na siya," tipid niyang sagot saka ibinaba ang bata.

"Go to Uncle Dave's son, cutie. Play with him," aniya sa batang kumaripas na naman ng takbo palabas ng bahay papunta sa dalampasigan.

Matagal na natahimik ang lahat. Si Manang Viola lang ang bumasag niyon.

"Oy, oy! Tigilan niyo na ang kadramahan dyan at birthday ngayon ni senyor. Kailangang matapos natin ang pag-aayos ng kabahayan," saway ng mayordoma sa lahat nang mapansin balak ng mga itong mag-chorus ng iyak nang malamang patay na si Lorie.

Nagpakatungong lumayo ang lahat kasama na si Eva na noon lang din nalamang patay na dating kasama.

Napabuntunghininga siya.

"Punta tayo sa puntod niya bukas! Dadalhin ko kayo duon!" habol niya sa mga itong tumigil lahat sa paglalakad at humarap na uli sa kanya.

"Talaga? Sige! Sige! Sasama ako!" hiyaw ni Bing. Sumegunda naman ang iba pa at naghahagikhikan na uling nagtungo sa kanya-kanyang gawain.

Naiwan silang ng matanda at ang tagapagbantay nito.

"Lo, salamat po," aniya dito, lumapit na siya't lumuhod sa harap nito.

Sumilay na naman ang isang matamis na ngiti sa kulubot nitong mga labi saka hinagod ang kanyang ulo.

"Kahit hindi kita totoong apo, mahal na mahal kitang damuhong ka. Bago ako pumanaw sa mundong ibabaw, hindi ko hahayaang may makapanakit sa'yo," saad nito.

Natawa siya sa sinabi nito sa halip na mapaiyak.

"Ito naman, damuhong talaga. Hindi ba pwedeng giatay na lang?" biro niyo.

Inis na binawi nito ang kamay mula sa pagkakahawak sa kanyang ulo.

"Umalis ka na nga. Iniinis mo lang ako eh. Asikasuhin mo ang mga bisita ko sa dalampasigan," utos sa kanya.

Tumawa siya nang malakas at tumayo na. Ngunit bago siya umalis ay yumuko muna siya saka ito hinalikan sa noo.

"I love you, lo. Love na love kita," sambit niya saka tumalikod na't umalis.

Nagpakawala ng isang buntunghininga ang matanda, hinabol siya ng tanaw hanggang makalabas ng bahay, maya-maya'y tumingala sa detective.

"That's my favorite grandchild," wika nito sa lalaki.

Tumango lang ang huli bilang tugon at hinabol din siya ng tingin.