Kung malas si Marble nang araw na yun, swerte naman siya nang agad makasakay sa Cebu Pacific bilang chance passengers, tatlo sila ni Eva.
Unang beses niyang makasakay sa areplano pero di man lang niya naramdamang nag-enjoy siya sa flight na 'yun. Hinayaan lang niya ang dalawang i-treasure ang mga sandaling nasa taas sila ng himpapawid at nakatingin sa mga alapaap na tila mga dambuhalang bulak na nagpakalutang sa himpapawid.
Sa dami ng kanyang iniisip ay di na niya napansin ang oras, ni di niya namalayang nakarating sa sila sa destinasyon.
Kung di pa siya siniko ni Eva ay di pa niya mapapansing nakalapag na pala ang eroplano sa airport at sila na lang ang natitira sa loob niyon kasama ang mga crew.
"Mommy, are we going to visit my grandparents?" usisa ni Kaelo nang makapasok na sila sa airport.
Tumango lang siya.
Nanatili lang nakasunod sa kanila si Eva at bitbit ang bag.
Sinipat niya ang relo, alas-tres pa lang nang hapon.
Sumakay na lang sila sa taxi para makauwi na agad sa kanila.
Hindi pa rin siya umiimik habang nasa loob ng taxi. Sa totoo lang, di niya inaasahang sa gantong sitwasyon siya uuwi. Ni wala sa hinagap niyang mapapaaga ang kanyang pagbabakasyon duon.
Aaminin niyang nasaktan siya sa nalamang si Vendrick mismo ang naglagay ng mini-cam sa mismong kwarto nito para lang ipahiya siya sa pamilya nito. Sobrang sakit, bumabaon iyon sa kailaliman ng kanyang puso. Kung di siya seguro malakas na babae'y kanina pa siya iyak nang iyak. Pero ayaw niyang gawin 'yun, tama na 'yung pumatak ang kanyang luha sa harap ng dalawang mga animal na 'yun.
"Madam, andito na tayo sa Tabo-an public market," untag ng driver sa katahimikan.
"Diretso lang kuya," utos niya't itinuon na ang pansin sa kalsada.
"Woww, Marble. Maganda naman pala ang lugar niyo, para na ding 'andun tayo sa manila," palatak ni Eva sa tabi ng driver's seat, lumingon sa kanya.
Ngumiti siya.
"Ang laki na pala ng ipinagbago dito. Dati mas madami pa ang mga bahay na gawa sa pawid. Ngayon halos lahat ay mga sementado na," sa wakas ay nagawa niyang magkwento. Napangiti si Eva sa narinig
"Manong, lumiko ka po sa kantong yan," utos niya sa driver maya-maya. Sumunod naman ito.
Sa wakas ay huminto na rin ang taxi sa mismong harapan ng kanilang bahay.
"Ito ang bahay niyo, Marble? Wow, maganda pala. Ang ganda ng kulay, mint green!" bulalas ni Eva at nagmamadaling lumabas ng sasakyan.
Siya nama'y binuhat na ang tulog na si Kaelo saka lumabas ng taxi.
Nakita niya agad ang inang nagsasampay ng mga nilabhan sa kanilang bakuran habang ang ama nama'y nagliligpit ng mga ginamit nito sa pagtitinda ng buko juice sa gilid ng kanilang bahay.
Kumabog agad ang kanyang dibdib sa tuwa, excited na mayakap ang mga magulang pero di niya napigilang mapahagikhik nang mamasdan ang dalawang palapag nilang bahay na paborito pa niyang kulay ang ginamit na pintura ng ama. Kahit bahay nila'y asensado na rin. Tricycle na ang gamit ng kanyang tatay sa pagtitinda ng buko juice, hindi na kariton.
Di niya napigilang humanga sa mga roses at orchids na nakatanim sa loob ng bakuran ng bahay. Ang gaganda ng kulay ng mga iyon, tila masasayang sumasalubong sa kanila habang nanunuot sa kanyang ilong ang mabangong amoy ng mga iyon.
Ang laki talaga ng ipinagbago ng bahay nila. Dati sila ang pinakamahirap duon, ngayon nakikipagsabayan na iyon sa mga kapitbahay na ang mga anak ay nasa abroad.
Nakakatuwa, nakakaproud.
Binayaran niya muna ang driver bago lumapit sa kanilang sementadong bakurang hanggang beywang ang taas.
Lalong lumukso sa tuwa ang kanyang dibdib nang magtama ang kanilang mga mata ng inang malaki ang pagkakabuka ng bibig sa pagtataka kung sino sila at kung ano'ng ginagawa nila duon. Tiyak na di siya nito nakilala.
Ngumiti siya sa ina't inayos ng karga ang anak ngunit di man lang siya nito ginantihan ng ngiti, sa halip ay tumalikod pa sa kanila at nilapitan ang asawa.
"Luis! Sino ang mga 'yan? Ba't nakangiti sakin?" takang tanong nito sa kanyang amang agad namang napaharap sa kanila ni Eva.
Kumaway na si Eva sa mga ito sabay bulong sa kanya. "Kamukha mo pala ang papa mo, Marble."
Lumapit sa kanila ang kanyang ama.
"May maitutulong ho ba kami sa inyo?" usisa nito, tinitigan siyang mariin saka nahihiyang ngumiti, halatang di rin siya nito nakilala.
"Opo. Papasukin niyo po muna kami, tatay," si Eva na ang sumagot.
Napamulagat si Mang Luis sa narinig at sandaling di nakapagsalita, nanatili lang nakatitig kay Eva.
Naguguluhan namang bumaling si Eva sa kanya.
"Sige na, sabihin mo papasukin tayo't nangangalay na ang braso ko," utos niya sa kasama.
"Linda! Linda! Andito si Marble! Ang anak natin! Umuwi na siya!" buong lakas na hiyaw ng kanyang ama ngunit kay Eva nakatitig.
Nagmamadali nitong binuksan ang gate ng bahay saka sila pinapasok sa loob.
Siya nama'y nagmano muna sa ama.
"Tat-" aniya ngunit agad itong yumakap kay Eva, pinugpog ng halik sa pisngi sa sobrang tuwa.
"Ang anak ko! Ang ganda-ganda na ng anak ko!" paulit-ulit nitong sambit.
Di makapagsalita si Eva, lalo naman siya.
"Marble!!! Marble!!!" tili ng ina habang kumakaripas ng takbo palapit sa kanila.
"Nan-" salubong niya ngunit di siya nito pinansin, kay Eva dumiretso't humagulhol ng iyak na yumakap nang mahigpit sa katulong.
Aba't wala man lang pumansin sa kanya?! Siya itong anak, di man lang siya nakilala?! Imposible!
"Teka po! Teka po! Di na ako makahinga," natatawang awat ni Eva saka lumapit na sa kanya bitbit pa rin ang bag.
Ang dalawa'y nagpapaligsahan na sa pag-iyak habang nakabuntot pa rin kay Eva.
"Bakit ngayon ka lang nagbakasyon, bata ka? Tignan mo nga, anlaki na ng ipinagbago ng itsura mo! Hindi ka na namin halos makilala. Nawala na ang mga pangil mo! Ang puti-puti mo na at ang ganda-ganda pa," litanya ng kanyang nanay pero kay Eva nakahawak habang panay ang singa ng sipon sa kwelyo ng damit.
Napapapalatak na lang siya.
Ang ama nama'y kinuha na ang bag mula kay Eva at ipinasok sa loob ng bahay.
Hindi niya alam kung matatawa ba sa nangyayari o maiinis. Hanggang nang mga sandaling iyo'y di siya napapansin ng mga magulang.
"Oy! Mga kapitbahay! Mga kapitbahay! Andito na si Marble! Umuwi na si Marble! Mga kapitbahay!!!" Sa tinis at lakas ng tili ng ina'y kahit yata nasa kabilang kanto ay dinig ang sigaw nito.
Sasawayin niya sana ito ngunit nagdalawang-isip siya't nagmamadali nang pumasok sa loob ng bahay. Napakamot na lang sa ulo si Eva at sumunod na rin sa kanya.
"Linda, asan si Marble! Ano'ng dalang pasalubong? May biskwit ba? Madami ba ang dala?" Nagtakbuhan na ang mga kapitbahay sa kanila, nakiusyoso sa mga dumating.
"Aba'y syempre! Maraming dala ang anak ko!" pagmamayabang ni Aling Linda.
Sa wakas nailapag na rin ni Marble ang tulog na anak sa ibabaw ng diban na gawa sa kawayan, pinatungan yun ng manipis at mahabang foam.
"Kaibigan ho ba kayo ng anak namin, ma'am? Pagpasensyahan mo na ang bahay namin, mahirap lang kasi kami," anang ama sa kanya habang tinutulungan siyang ayusin ang higa ni Kaelo sa diban.
Napahagikhik siya.
"Marble, ano ba'ng pangalan ng kaibigan mo?" tanong nito kay Eva na di makapagsalita sa nangyayari.
Muli siyang napahagikhik at hinawakan sa kamay ang ama.
"Tatay..." tawag niya.
Napamulagat na uli ang ama't nanlaki na ang mga matang pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa saka natuon ang pansin sa suot niyang fitted jeans na siya rin niyang suot nang umalis mula rito.
Pagkuwa'y napabaling kay Eva.
"Si Eva po ako, tatay. Siya po si Marble," sagot na ni Eva.
"Tatay, namiss po kita!" hagulhol na niya saka ito agad na niyakap.
"M-Marble, ikaw ba talaga 'yan anak?" di-makapaniwalang kumpirma ng ama.
"Opo, ako nga po. Kayo ha, ako ang anak niyo, di niyo man lang ako agad nakilala," nagtatampo niyang sambit sa pagitan ng pag-iyak.
Bumulyahaw na ng iyak ang ama, ang higpit ng pagkakayakap sa kanya. "Marble! Ang anak ko! Ikaw pala 'to anak ko! Patawarin mo si tatay at di ka agad nakilala! Ang anak ko!".
Ilang minuto sila sa ganung ayos, pagkuwa'y bahagya nitong inilayo ang katawan sa kanya at tinitigan ang kanyang mukha, ilang beses na hinimas saka muli siyang niyakap.
"Proud na proud sayo si tatay, anak. Ipinagmamalaki ka ni tatay. Mahal na mahal kita anak ko," madamdamin nitong sambit. Napaiyak na uli sila pareho.
Tumalikod naman si Eva na nadadala na rin sa ginagawa nila at nagpahid na ng luha sa mga mata.
Eksakto namang kapapasok ng kanyang ina.
"Hoy Luis!" pagalit na tawag nito sa asawa.
Agad siyang kumawala sa pagkakayakap sa ama at umiiyak ding humarap sa ina.
"Nanay--" tawag niya.
Napatda sa kinatatayuan ang ina, di agad nakakilos, pinaglipat-lipat ang tingin sa kanila ni Eva.
Lumapit na siya para magpakilala.
"Nanay, ako to, si Marble. Di niyo ba talaga ako nakikilala?" Sinabayan na niya ng iyak ang sinabi.
"Ma-Marble! Ikaw ang Marble namin?!" bulalas nito.
Ilang beses siyang tumango.
Kung malakas ang hagulhol nila kanina ng ama, di hamak na mas malakas ang ngawa ng inang tumakbo na sa kanya't mahigpit siyang niyakap.
"Marble, anak. Bakit ang ganda mo na? Hindi tuloy kita nakilala. Ang anak ko!!" bulyahaw nito ng iyak.
"Nanay, wala pa rin kayong ipinagbago. Ang tinis pa rin ng boses niyo," biro niya sa pagitan ng pag-iyak.
Hinampas siya nito sa braso.
Ang iyakan ay napalitan ng tawanan hanggang sa maghiwalay sila at sabay na nagpahid ng luha sa mga mata.
"Sino pala itong isa?" usisa na ng ina maya-maya.
"Eva po, nanay. Katulong po nina Senyorito Vendrick tsaka yaya po ni Kaelo," pakilala na ng dalaga.
"Katulong ka? Aba'y bakit ang ganda ng kutis mo pati mukha?"
Napahagikhik si Eva sa sinabi ng ginang.
"Oy, Linda. Maghain ka muna ng pagkain duon at baka hindi pa kumakain ang anak mo at itong kasama niya," sabad ng kanyang ama.
Napatingin siya sa labas ng bahay at nakitang naghahabaan ang leeg ng mga kapitbahay na nakikiusyoso kanila.
"Marble, 'asan na ang biskwit!" sigaw ng isa sa mga 'andun.
Dumungaw na siya sa labas ng bintana at kumaway sa mga ito.
"Hello po, kumusta kayong lahat? Sensya na po, hindi po ako nakabili. Bukas na lang po. Biglaan po kasi ang pag-uwi namin," sagot niya sa mga ito.
Natulala ang lahat pagkakita sa kanya, halatang di siya agad nakilala.
Hinila ng ama ang kanyang kamay.
"Halika anak, ipakikilala ko sayo ang sinasabi kong matanda. Mula nang dumating siya dito, gumaan bigla ang takbo ng buhay namin.," anang ama, di naitago sa boses ang excitement na maipakilala sa kanya ang sinasabi nitong matanda.
Bumaling siya kay Eva at sinenyasang bantayan muna si Kaelo. Tumango naman ito.
Hawak ang kanyang kamay ay umakyat sila sa ikalawang palapag ng bahay at huminto sa tapat ng isang kwarto. Napansin niyang tatlo ang nagpakahilirang saradong pinto sa parteng yun ng bahay nila.
Pinihit ng ama ang door knob saka sila pumasok sa loob. Ngunit nagtaka siya kung bakit ganun ang ayos ng kwartong iyon, katulad na katulad sa ayos ng kanilang kwarto ng matanda noon, maliit nga lang ang espasyo ng silid na kinaruruonan kumpara sa silid ng kanyang alaga sa manila.
Iniikot niya ang tingin sa buong paligid, mula sa kulay ng sofa, mga malilit na unang nakapatong duon, at sa kulay ng bedsheet ng kama'y para talaga niyang nakikita ang silid ng kanyang alaga. Walang pinagkaiba, parehas na prehas.
Napako ang tingin niya sa matandang nakaupo sa wheelchair at nakatalikod sa kanila.
"Ahm--t'yong, ipakikilala ko po kayo sa anak ko. Kauuwi lang po niya galing sa manila," bungad ng ama sa matanda.
"Uhm!" tipid na sagot ng matanda.
Nagtaka siya, bakit ayaw nitong humarap sa kanila?
Napatingin siya sa ama. "Tatay, bakit ayaw niyang humarap sa atin?" usisa niya.
"Ssshh! Ganun lang talaga siya. Ayaw niyang makipag-usap sa ibang tao maliban sa amin ng nanay mo," pabulong na sagot nito.
Binawi niya ang kamay sa ama at dahan-dahang lumapit sa matanda.
"Hello po! Ako po si Marble. Magandang hapon po," bati niya sabay pakilala.
Haharap na sana siya rito ngunit pinihit nito ang remote ng wheelchair patalikod sa kanya.
Takang napatingin siya sa ama. Sumenyas ang huling hayaan na lang niya.
Pero nangulit siya.
"Ahem!" kunwa'y inubo siya saka bumulaga paharap sa matanda.
Napanganga siya nang makitang duling ito't tila na-stroke na nakangiwi ang bibig.
Napalunok siya. Kaya pala ayaw nitong ipakita ang mukha, kahindik-hindik pala ang itsura nito.
Muli siyang bumalik sa kinaruruonan ng ama.
"Tatay, di ba sabi mo, pulubi 'yan? Pero bakit ang ganda ng kwarto niya? Saan kayo kumuha ng pinaggawa nito?" pabulong niyang usisa dito.
"Yun nga ang ikinapagtataka ko, anak. Mula nang dumating siya, naging magaan na ang pera samin. Sinasadya na nga ako dito ng mga customer ko, hindi na ako naglalako sa palengke. Nasa labas na lang ako ng bakuran natin. Tsaka madali nang maubos ang tinda ko." mahabang kwento nito.
"Ang galing naman pala. Pero 'tay, bakit ganyan ang itsura niya? Na-stroke ba siya?" pabulong na uli niyang usisa sa ama.
Kumunot ang noo ng ama.
"Nastroke? Hindi! Gwapo nga siya kahit matanda na," pabulong din nitong sagot.
Huh? Napatingin siya sa likod ng matanda. Pero bakit nang makita niya'y duling na nga'y di pa pantay ang bibig, tila ba na-stroke.
"Halika na, anak. Baka ayaw niyang nagtatagal tayo rito," yaya ng ama.
"O sige po," sagot niya saka nauna nang lumabas ng kwarto.
Isinara uli ng ama ang pinto niyon.
"Tatay, mauna na kayo, susunod ako mamaya," aniya sa amang nagpatiuna na sa pagbaba ng hagdanan.
Nahihiwagaan talaga siya sa matandang 'yun. Para kasing may kamukha ito eh.
Pinihit niya nang dahan-dahan ang door knob at maingat na pumasok sa loob.
Dinig pa niya ang pagbungisngis nito na ikinagulat niya at biglang natigilan.