Chapter 29 - Part 28

NAKAKALUNOD ang pakiramdam kapag nararamdaman mo na ang tibok ng iyong puso na para bang nakabara na ito sa iyong lalamunan. Mabigat ang pagtaas-baba ng dibdib dahil habol mo ang iyong hininga. Hindi na kayang ibaling ang atensyon sa iba dahil nakapokus na lamang ito sa bagay na nagbigay ng pagkabalisa sa sistema mo. Malamig ang atmospera ng buong silid pero nagbabanta ang maliliit na butil ng pawis sa ilong at nguso pati na sa mga palad na hindi mo mapigilang huwag paglaruan.

Iyon ang eksaktong nararamdaman ni Lily habang tinatahak ang malapad na pasilyo na natatabunan ng itim na carpet. Walang sinuman ang naroroon, tanging ang matatayog at makakapal na haligi at pader lang. Sa itaas ng kesame ay may makikitang kwadradong butas, mula doon ay pumapasok ang sinag ng araw mula sa labas. Ang buong loob ng gusali ay gawa sa kongkreto. Sa hitsura palang ay sigurado siyang masyadong matibay ang pagkakagawa niyon. Nag-e-echo sa kada sulok ng pook ang bawat yapak na nililikha niya.

'Bakit parang iba ang pakiramdam ko dito? Masyado namang malaki ang kwartong ito para sa isang opisina lang, kahit na nga ba sabihing pinuno s'ya ng army. Ganito ba talaga ang mga opisina dito? Pati kay Juda? Wala man lang kahit isang Sauro, kung mu-murder-in ako dito, wala siguradong witness. Malinis na malinis ang pagkakagawa, kahit magsisisigaw ako walang makakarinig sa akin."

"Nagkaharap din tayo, babaeng tao."

Napatalon si Lily dahil sa biglang pagsalita ng kung sino. Dumagundong ang malaking boses nito at parang niyanig bigla ang hangin sa paligid.

'Saan na s'ya?'

Madilim ang unahan ng nilalakaran niya kaya wala siyang maaninag mula doon. Unti-unti, may sinag ng ilaw mula sa itaas na gumalaw at huminto iyon sa gitna. Noon niya napagtanto na may nakaupong malaking dragon sa isang malaki at weird na kings chair sa itaas ng isang platform. Nakadekwarto ito at nakapangalumbaba. May suot na itim na kapa at itim din na damit. May tusok-tusok ang malaking padding na nakapatong sa magkabilang balikat nito, feeling niya ay iyon palang sapat nang gamiting nakamamatay na sandata. Kung siya siguro ang matusok doon, magmumukha siyang ipis na tinaga ng pako.

"M-magandang araw po, S-sir."

"Nakikilala mo ba ang kaharap mo?"

"O-opo."

"Ako si Silvio, ang pinuno ng sandatahang lakas ng planetang Sauro."

"Iyan nga po ang narinig ko. Kumusta po kayo?"

Mas lalong kinabahan si Lily nang tumayo ito at nagsimulang bumaba sa anim na baitang ns hagdan palapit sa kinatatayuan niya. Mabibigat ang kada yapak na binibitawan ng paa nitong may suot na metal na botas. Naalala niya si Juda.

Nagtataka siyang sinundan ng tingin ang matandang Sauro dahil imbes na huminto sa harap niya ay pumaikot ito at mataman siyang tinitigan mula ulo hanggang paa. Pakiramdam niya ay para siyang sisiw na kinikilatis ng isang lion bago mapagdesisyonang lamunin.

'Baka ang papa ang bumubuga ng apoy.'

"Hmmn... Ikaw ang kinahuhumalingan ng bunso kong anak? Ordinaryo."

'Abat! May pinagmanahan nga talaga!'

"Nagustuhan mo ba ang inihanda ko?"

'Huh?'

Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat sa pagkagulat niya at magiliw na ngumiti. "Pinaayos ko ang hall na ito para sa pagkikita natin. Nagpalagay pa ako ng mga ilaw sa itaas, tingnan mo."

"Er-o-opo, Sir."

"Diba maganda? Perpekto sa dramatic introduction."

Actually hindi niya masasabing matanda, mukhang hindi naman masyadong malayo ang agwat ng edad ng magkapatid sa ama kung pisikal lang ang pagbabasehan. Matikas parin ito. Iyon nga lang, ang boses ay medyo may garalgal na ngang konti. Kapares nang sa lalaking nasa late forties.

"Ahh... yeaahh?"

"Alam ko, alam ko. Hindi mo na ako kailangang puriin. Plano ko nga magpagawa ng estatuwa ko, diyan!" inilahad nito ang mga kamay para ituro ang kanang bahagi ng platform.

'Estatuwa niya tapos sa gilid nakaupo s'ya?'

"Lalagyan ko din ng malalaking larawan naming magpamilya ang mga pader. Papipinturahan ko ng asul ang ceiling na may puting linya sa gilid para magmukhang kalangitan."

nakatingala nitong kinikilatis ang kisame.

"Ahm... Sir? Okay lang po kayo?"

Tiningnan siya nito gamit ang nakangiting mga mata, mukhang excited nga ito sa planong renovation.

"... Ikaw? Okay ka lang ba? Diba kamakailan lang nagkasakit ka?"

"Okay naman ako, Sir. Salamat sa pag-aalala." diskumpyado ang tingin na pinukol niya sa kaharap.

'Mukhang nalagasan yata ng screw.'

"Napakawirdo talaga ng panlasa ng mga anak ko, sa dinami-dami ng mapipintog at preskong primerang klase na mga babaeng Saurong nakalatag, ni hindi man lang nila binigyan ng pansin." Saad nitong hinahagod ang baba at nagpalakad-lakad sa harap niya. "At ang liliit pa ng pinili. Mukhang hindi napakain ng maayos."

'Anong tingin n'ya sa amin, isda? Baka hindi naman ito ang tatay ni Juda. Uso ba ang prank dito?'

"Lily, hindi ba?"

"Ahuh..."

"Halika, may ipapakita ako sa iyo." basta na lang nitong hinila ang kamay niya papunta sa sa isang pintuan sa gilid ng malaking silid na iyon.

Tumuloy sila sa isang kwarto na mas maaliwalas ang hitsura kumpara sa pinasukan niya kanina. Malaki din iyon pero mas nagmukhang opisina. Beige ang kulay ng paligid na may halong light gray na designs sa piling parte. May sala set na kulay itim sa gitna at malaking hugis letter C na lamesa na kakulay ng sofa at dalawang single na upuan sa harap nuon sa dulo. Kahit saan mang sulok siya nakatayo sa kwarto ay kita niya ang tanawin sa labas ng gusali dahil ang pinakapader sa likod ng office table ay gawa sa salamin.

"Ito ang opisina ko, welcome!" hanggang ngayon ay hindi parin matanggap ng kukote niya na nakikipag-usap siya sa ama ni Juda na siyang may hawak ng pinakamataas na posisyon sa mga mandirigma. Something is off!

"May natanggap akong bagong tsaa mula sa isang kaibigan sa Vulpes. Gusto kong matikman mo rin ito." saad nito habang nagsasalin ng umuusok pang tsaa sa isang maliit na tasa.

"Vulpes?"

"Oo, iyon ang planeta ng mga Soro."

"Soro?"

"Hindi mo alam? Fox."

"Aahhh... Fox."

"Heto, tikman mo." bigay nito sa tasang walang hawakan. "Mag-iingat ka at mainit pa." Dumampot din ito para sa sarili at nauna nang humigop. "Hmmn... "

Para naman hindi maoffend, humigop nalang din siya nang bahagya.

'Hmmn, ang sarap nga at amoy bulaklak. Nakakarelax.'

"Masarap hindi ba?"

"Opo." nakangiti niyang sagot at humigop pa.

"Lily, halika." anang lalaki na lumapit sa pader na salamin at dumungaw doon. Sinunod niya ang utos ng matanda dahil mukhang may ipapakita ito sa kanya.

Tanaw ni Lily ang grupo ng tila itim na langgam sa dami na mga Sauro. Properly lined up at nakasuot ng itim na armour. Halos nasasakop ng mga ito ang kalahati ng buong field. Tuwid itong nakatayo sa mistulang airport sa lapad na espasyo. Sa hinuha niya ay mga mandirigma ito na kasalukuyang nasa formation.

"Ilan lang iyan sa mga bagong recruits na mandirigma."

"Ang dami naman po."

"Oo, dahil malakas ang hukbo ng mandirigma sa mundong ito. Ang kasalukuyang namumuno niyan, maliban sa akin, ay si Juda." tinuwid nito ang daliri sa harap niya kaya sinundan niya kung saan iyon nakaturo.

Sa pinakaharap ng hukbong iyon ay kitang-kita ang matingkad na kulay ng kapa na suot ng lalaki. Bukod tangi itong nakasuot nang ganoon kaya hindi maipagkakamali ang pagkakakilanlan. Wala sa loob na napangiti siya sa nakita dahil marami siyang naaalala sa kapa na iyon.

"Iyan ang buhay ni Juda, Lily. Kahit noong bata pa lang siya, ang una niyang naisipang paglaruan ay espada. Maaga niyang nakabisado ang paghawak niyon at nadagdagan pa ng iba't-ibang sandata sa paglipas ng mga taon. Naging eksperto siya sa pakikidigma sa murang edad kaya ngayon, siya na ang inaatasan kong humawak sa buong sandatahan. Ako, mas nagpopokus sa papeles at iba pang bagay na kailangan ng mabisang pagpaplano at desisyon. Kasi si Juda, kung napapansin mo, napakamainitin ang ulo. Very impulsive. Kahit ako minsan, nahihirapan akong kontrolin ang ganoon niyang ugali. Hindi siya basta-basta tumatanggap ng mahinahong pag-uusap para solusyunan ang isang hindi pagkakaintindihan. Ang gusto niya, labanan, digmaan, dugo."

Tahimik na nakikinig si Lily sa kwento ng matanda. Naging seryoso ang timpla nito, malayung-malayo sa pinakita nitong kenkoy na personalidad kanina.

"Pero magmula nang dumating siya mula sa Rattus, nag-iba ang ihip ng hangin. Hindi ko matukoy pero mas nagkaroon siya ng puso sa lahat ng bagay, lalo na sa masyado niyang kinamumuhian, ang mga nilalang na kinakitaan niya ng kahinaan.... At nadiskobre ko nga kung bakit." anitong ngumiti sa kanya.

"Mahal mo ba si Juda, Lily? Tanggap mo ba kung ano at sino siya?" matamang nakatitig ang dilaw na mata ni Silvio sa mga mata ni Lily. Tila inaarok nito ang kaibuturan ng kaluluwa niya para marinig ang sagot na walang halong pagkukunwari.

"Mahal ko siya." umalpas iyon sa bibig niya na para bang nasa dulo na ang salitang iyon ng dila niya sa mahabang panahon. Hindi na kailangan pang iproseso ng utak.

Ngumiti lang ang malamlam na titig ng lalaking Sauro sa kompirmasyong natanggap mula sa kanya. Hindi na ito nagkomento sa halip ay tinanaw ulit ang anak sa labas ng gusali.

"Tingnan mo," kagaya nito dumungaw siya ulit sa bintana para manlaki lang ang mga mata. Si Juda, sinasakmal ang kawawang bagong recruit. Hawak sa leeg, halos nangingisay na itong nakalambitin sa ere. Napahalakhak ang ginoo, "Ang basa ko sa sitwasyon ay marahil ang Saurong iyan ay hindi nakayanang isagawa ang binigay na gawain ni Juda."

"Ang harsh naman po, bakit kailangang gawin niya 'yan?"

"Ang Judang nakilala ko noon ay hindi lang ganyan ang gagawin. Siguradong maghihirap ang Saurong iyan sa kakahanap ng ipapalit na mukha at maninirahan siya sa loob ng pagamutan ng ilang buwan."

'Ganun ka bayolente?'

"You seemed to be his light, Lily. Sana, huwag mong hayaang dumilim ulit ang landas na dinadaanan niya."

"Naiintindihan ko po." His last statement was so touching, tumagos iyon sa loka-loka niyang utak pati sa puso. Alam niya na pinahihiwatig na din nito na tanggap na nito ang piniling kapalaran ng mga anak kaya napakasaya niya. May support na siya galing sa father-in law to be n'ya.

"Halika, puntahan natin sila." sabi nito at naunang nagtungo sa pintuan.

Latest chapters

Related Books

Popular novel hashtag