Chereads / Falling for my Gay Housemate! / Chapter 7 - Research

Chapter 7 - Research

"ANO ba `yang sine-search mo, ha? Bihira na lang nga tayong magkita eh kung anu-ano pa ang ginagawa mo," sita ni Kristine kay Michelle.

"Sinasamantala ko ang wi-fi dito, may kailangan lang akong signs na hanapin. Hindi ko kasi magawa sa office dahil bawal. Nahihiya naman ako kung makikihiram kay Jamie nung mobile wifi niya eh gamit niya sa trabaho," tugon niya sa bestfriend.

Bakit kasi wala siya makitang signs ng pagiging paminta? Wala naman kasing term na paminta sa English eh. Ah, closet queen nga pala. Sige pa siya sa pag-type.

Tinampal ni Kristine ang kamay niya. "Nang-a-ano ka eh! Nakaka-insulto 'yang nag-ce-cellphone ka eh magkasama tayo. Tama na nga 'yan!"

Sumunod si Michie sa kaibigan. Ayaw naman niyang ma-offend ito, at mali nga naman na kung kailan sila magkasama ay saka siya nag-dududutdot sa kanyang cellphone. Isinilid na niya ang cellphone sa kanyang bag.

Since elementary ay kaibigan na niya si Kristine at nag-aral sila sa iisang unibersidad nung college. Theater Arts ang tinapos ni Kristine. They also make it to a point na kahit once a month ay mag get together.

Kagaya ngayon, nagkita sila sa isang mall sa Cubao. Nasa isang restaurant sila na may wifi. Nasa boundary ng Caloocan at Quezon City kasi si Kristine kaya pumipili sila ng lugar na halfway para sa kanilang dalawa.

Kung tutuusin ay mas malapit sa kanya ang Cubao, pero ito na ang nagsabi na doon na lang dahil baka mamuti lang daw ang mata niya sa traffic sa EDSA kung bandang North sila magkikita. Isang sakay lang kasi ito sa MRT. Kaya labs na labs niya ang bff eh.

"Teka, Jamie? Sinong Jamie? Jamie Kaye De Jesus?"

Umiling siya. "Hindi iyong kaklase natin nung high school. Jamie na housemate ko ngayon. Lalaki siya. Wait, hindi nga pala siya lalaki, paminta.

"Pero alam mo, nagdududa lang ako minsan kung talagang paminta siya. Kahit saang anggulo kasi siya tignan, lalaking-lalaki." Hindi pinansin ni Michie ang panlalaki ng mga mata ni Kristine.

"Kumuha ka ng lalaking housemate?" Bigla itong natigilan. "Paminta? Sigurado kang paminta? Paano mo nalamang paminta nga siya?" sunod-sunod nitong tanong.

"Iyon na nga, nalilito ako kung talagang paminta nga siya. Kasi sinabi lang niyang paminta nga siya nung sinabi ko na ang hinahanap kong housemate ay babae. Pabiro ko dinugtong na puwede din ang bakla. Sabi pa ni Jamie na walang ibang nakakaalam kasi ayaw niyang ipagsabi, dahil baka makaabot sa parents niya na may mga sakit sa puso," tugon niya.

Huminga ng malalim si Michelle. "Ay naku, bff, kapag nakita mo siya, dream guy! Matangkad at lalaking-lalaki! Super guwapo pa kahit na long hair. At mind you, intelihente! Plus marunong pa magluto," at napabuntunghininga siya bago nangalumbaba.

Ang hirap kasing tanggalin sa isip ang guwapong mukha ng pamintang iyon. Kainis!

Pinitik ni Kristine ang ilong ni Michelle kaya inis niyang tinabig ang kamay nito at tinignan ng masama ang kaibigan.

"Hoy! I know that look! Huwag ka ngang gumanyan-ganyan kung totoong paminta `yang housemate mo. Ang beki, beki `yan hanggang sa kamatayan. Unless magpakalalaki ka para mapansin niya. Pero bakit ka ba nagdududa kung paminta nga siya?" Pumitik-pitik pa si Kristine sa harap niya na tila ay gusto siyang gisingin mula sa isang trance.

Nasagot lang ni Michelle ang tanong ni Kristine nang kumakain na sila. Dumating na ang inorder nila kaya natigil siya sa pag-e-emote.

Mukhang pareho silang nagutom dahil ilang minuto na nilalantakan lang nila ang mga inorder.

"Nung unang gabi kasi niya sa condo, nanghiram siya ng beddings. Hindi kasya iyong mayroon siya na pang single bed lang, eh twin ang size nung kama doon. Pinalampas ko kaysa higaan niya na walang bedsheet.

"Nangako naman siya na bibili agad the following day at lalabhan iyong ginamit niya. Isa kasi sa rules ko ang walang hiraman ng gamit." Lumunok muna si Michelle bago uminom.

"O, tapos?" naiinip na tanong ni Kristine.

"Eh ang mga beddings ko ay girly colors na pink, violet o kaya floral. Naghanap ba naman ng blue, green, o kaya ay nasa ganoong shade. Nang mapansin niyang nagtataka ako, pumreno na okay na raw kahit white o yellow.

"`Di ba? Kung paminta `yon, `di okay lang sa kanya kahit pink. Baka pumalakpak pa nga ang tainga niya eh." Saglit silang nagkatinginang dalawa. Tila ay pinag-iisipan mabuti ni Kristine ang mga sinabi niya.

"Eh kasi nga, baka hindi pa malaman kung ano ang gusto niya. At saka girl, color preference `yon, `no. `Di naman ibig sabihin na porket paminta eh pambeki na nga ang taste. Baka `di nya peg `yun.

"Iyong mga kasama ko sa theater na mga beki, disente manamit kasi nakakapagladlad naman sila kapag nasa stage na." Tumigil ang kaibigan na tila ay may malalim na iniisip.

Nang tignan siya nito muli ay kinindatan siya. "Ganito, try ko next weekend na dumalaw sa bahay mo. Siguraduhin mo na nandun ang Jamie na `yan. Alam mo naman, hindi pa ako pumapalya sa pagkilatis kung guy o gay."

Napangisi si Michelle. Oo nga pala! Nung college ay trip nilang tumingin sa mga lalaki at hinuhulaan nila kung gay o guy. At madalas ay tumatama si Kristine. Nakipag high five siya sa kaibigan.

"MICHIE! You never said he was that gorgeous!" kinikilig na sabi ni Kristine pagpasok nila sa kuwarto niya.

Ito ang araw na pinag-usapan nila. Nagkataon na nasa salas si Jamie at nang nag doorbell si Kristine ay ang una ang nagbukas ng pintuan.

Siya naman ay kalalabas lang ng banyo kaya nagka-kuwentuhan pa ang mga ito. Turn kasi niya maglinis ng banyo at pagkatapos ay naligo pa siya.

"OMG! Para siyang hero sa mga romance novels na binabasa natin noon. That long hair made him look sexier! Pero kapag ini-imagine ko siyang clean cut, parang artista. Grabe!" dagdag pa nito na kulang na lang ay gumulong sa sahig dahil sa sobrang kilig.

Gustong ibato ni Michelle ang gamit na hairbrush sa kaibigan. Pero bakit ba siya naiinis eh totoo naman ang sinabi nito?

"Umayos ka nga!" singhal niya. "Baka marinig ka ni Jamie, nasa labas lang siya."

"Push ko pa, gusto ko siyang pikutin! He's the living epitome of Adonis! Parang greek god na ibinaba sa lupa para i-torture ang mga babae sa pagnanasa," sabi ni Kristine na humiga pa sa kama niya na naglilikot na para bang kiti-kiti.

"Ang gaslaw mo! Ayusin mo nga `yan," naiiritang sabi ni Michelle sabay dampot ng unan na naihulog ng kaibigan bago ibinato dito. "Baka nakakalimutan mo kaya ka nandito eh para kilatisin siya kung paminta o hindi," paalala niya.

Biglang natigilan si Kristine na tila ay noon lang naalala ang pakay. Umayos ito ng upo at tinapik pa ang tabi, na ang ibig sabihin ay pinauupo siya doon. Tumalima naman agad si Michelle.

"Alam mo, itong shoes na `to," simula ng kaibigan bago itinaas ang legs at paa upang ipakita ang stilleto na suot, "hindi niya nakilala. Napansin ko kasi sa mga beki friends ko at kasama sa work, pinapansin nila ito. Alam nila ang tatak.

"Pero si Jamie, `ni hindi tinignan eh. At alam mo, nahuli ko siyang napasulyap sa boobs ko," anito sabay kindat sa kanya. "`Di kaya silahis ang peg nung Jamie? Baka puwede ko pang akitin nang makalimutan niyang gusto rin niya ang boys."

Napa-maang si Michelle sa kaibigan. Plunging neckline nga ang suot nitong blouse kaya bahagyang masisilip ang cleavage. "Bruha ka! Lalandiin mo lang pala," sita niya. Pero naalala rin niya ang pagkakataon na nahuli niya si Jamie na nakatingin sa kanyang dibdib. 'Di nga kaya?

Nagsalubong ang kilay ni Kristine. "Loka, `di ba ang misyon ko nga ay alamin ang sexuality ng iyong housemate? At sa impression ko sa sandaling pag-uusap namin, palagay ko ay lalaki talaga siya. Baka naman nagpanggap lang na paminta para tanggapin mong housemate?"

Naisip ni Michelle na posible nga ang sinasabi ng kanyang bff. "Pero ang sabi kasi sa akin ni Jamie, na feeling ko naman ay totoo talaga, nasa crossroads daw siya. May mga naging girlfriend siya pero wala pang fafa.

"Saka `di nga siya naglaladlad. Hindi kaya nalilito pa siya? Saka nakakapanghinayang kung talagang beki siya, `no?" Lumabi siya at humilig sa balikat ng kanyang kaibigan.

Tumango-tango si Kristine bago hinaplos ng marahan ang kanyang ulo. Nalilito tuloy siya, kung beki talaga si Jamie, sayang na sayang talaga. Pero kung hindi naman, kaya ba niyang paalisin ito sa kanyang unit?

Tumuwid siya ng upo bago nangalumbaba. Nasasanay na siya na kasama si Jamie. At ipokrita siya kung i-de-deny niya na super crush niya ito. Masarap kaya ang kiligin. Pero dapat ay hindi mahulog ang puso niya. Paano kung totoong beki ito? Masasaktan siya ng husto.

Tumingin siya sa kaibigan. Maya-maya ay ngumisi ito at tumingin sa kanya, na alam na alam ni Michie ang ibig sabihin: may naiisip itong kalokohan.

"Alam kong gusto mo talagang malaman kung paminta siya o hindi. Ganito ang gawin mo..."

Inilapit ni Michie ng husto ang kanyang tainga sa kaibigan at kahit dalawa lang sila sa silid, ibinubulong lang nito ang mga plano. At panay lang ang tango niya.