Chereads / Falling for my Gay Housemate! / Chapter 9 - Hangover

Chapter 9 - Hangover

"GORA na, shot ka lang muna. `To naman. Para mawala ang inhibitions mo mamaya at ma-celebrate ang karmang dumating sa ex ko. Mabuti na lang at na-dump ko siya noong naghihinala akong two-timer siya.

"Eh ano siya ngayon? Inilaglag lang basta nung babaeng kulasisi niya! Ang galing ng karma," sabi ni Kristine kay Michelle.

Kapag nalalasing si Kristine, saka lang nito nauungkat ang sama ng loob sa ex-boyfriend. Hindi naman niya masabi na bitter ang kaibigan dahil nakapag move on na ito, baka naaalala lang ang nakaraan kapag lasing na.

Anim na buwan na rin ang nakaraan nang maghiwalay si Kristine at ang ex-boyfriend nito. At kailan lang ay may nagbalita sa bff niya, na iniwan din ang ex nito nung babaeng ipinagpalit dito.

Pagkaalis ng unit niya ay tumuloy sila sa bahay ng kaibigan at tinulungan ito sa ginagawang project ng pamangkin. Pagkatapos ay niyaya na siya nitong kumain at uminom. Hindi naman niya akalain na ang iinumin ay hard drink pala. Eh unang beses niya.

"Ano ka ba? Alam mo naman na hindi ako umiinom eh. Baka mahirapan ako makauwi niyan."

"Tungek! Syempre ihahatid kita, `no. Paano mo malalandi si Jamie kung matino ang isip mo? Eh isa ka pang Maria Clara sa ugali kaya hanggang ngayon ay hindi ka pa nagkaka-boyfriend.

"Kaya uminom ka kahit isang baso lang. Promise, tanggal ang kaartehan mo sa katawan," pangungumbinsi pa sa kanya ni Kristine. "Saka celebration pa more `to! Para sa wala kong kuwentang ex."

Sabagay, may point ang bff niya. Ayon dito, ni hindi nga raw siya marunong makipag-flirt kaya hanggang ngayon eh NBSB siya. Eh bakit ba? Ganito lang naman talaga siya.

Pero kahit ang bff niya ay nalasing. Kaya nang datnan sila ni ate Chona na mula sa trabaho, ito na ang naghatid kay sa kanya pauwi.

Kung tutuusin, malinaw pa ang isip niya pero halatang lasing siya, kaya delikadong mag-commute. Puwede naman siya mag-Grab taxi, pero binawalan siya ni Ate Chona. Mabuti sana kung babae ang driver ng makukuha niyang taxi.

May sasakyan si ate Chona na gamit nito sa trabaho bilang medical representative. Iyon na lang daw ang bayad sa kanila sa paggawa ng project ng anak nito.

At pagkauwi ni Michelle, hindi na niya nagawang landiin si Jamie dahil inaantok na siya sa kalasingan. Nakakahiya nga at inasikaso pa siya ng lalaki, ay, paminta.

Bakit walang nagsabi sa kanya na isang baso lang ng hard drink ay malalasing na siya ng ganito? Kilig na kilig siya habang pinapadaan ni Jamie ang kamay sa kanyang braso.....

NAPAMULAT si Michelle sa alarm ng kanyang cellphone na katabi pala niya. Agad siyang napahawak sa kanyang ulo dahil pakiramdam niya ay may sampung kilo ng sementong nakadagan doon.

"Patay ka sa `kin, Kristeta! Ayoko ng ganitong pakiramdam," nagngingitngit na sabi ni Michelle. Ipinikit niya ang mga mata at saka inihilamos ang kamay sa mukha.

Cold water. Iyon ang unang pumasok sa isip niya. Gusto niyang maghilamos ng malamig na malamig na tubig.

Unti-unti siyang gumapang pababa ng kama, at nakatayo naman siya kahit paano. Mabuti na lang at masakit lang ang ulo niya, pero hindi siya nahihilo.

Pagkalabas ng kanyang kuwarto ay dumiretso siya sa banyo upang umihi, mag toothbrush at maghilamos. Hindi niya nakita si Jamie sa salas o kusina.

Nakatulong kahit paano ang malamig na tubig para tumigil ang pagpintig ng kanyang sentido. Ganito pala ang hangover.

Inabot niya ang bimpo na nakasampay. Pagkapunas ng mukha ay lumabas na siya ng banyo.

Nasa kusina na si Jamie. Siguro ay nasa kuwarto nito ito kanina nang lumabas siya ng bedroom kaya hindi niya nakita.

"Good morning. How's your he-" Hindi naituloy ng lalaki ang sinasabi nang bumaling sa kanya.

Napatingin siya kay Jamie. Hawak nito ang apron na mukhang isusuot pa lang. Nakamaang ito sa kanya? Bakit?

Nakatingin ito sa katawan niya na para bang wala siyang saplot. Napatingin siya sa katawan at nanlaki ang kanyang mga mata bago napatili at tinakpan ang sarili.

Bago pa makahakbang si Michelle patakbo sa kanyang kuwarto ay itinakip na ni Jamie ang apron sa kanyang katawan na para bang may iba pang makakakita.

Saka lang niya naalala na nang ihiga siya sa kama ng binata at umalis na ito, tumayo siya upang magpalit ng damit. Hinugot niya ang unang nadukot sa drawer. Inaantok na rin siya ng panahong iyon kaya basta na lang siya nagpalit ng damit.

Malay ba niya na isang sexy lingerie na medyo see-through, teka, medyo lang ba? O sige na nga, see-through ang isinuot niya. Actually, nag-iisa lang iyon.

Si Kristine ang nag regalo sa kanya nung birthday niya last year. Talaga namang pahamak ang Kristetang iyon! Gusto niyang kurutin ng pinong-pino ang bff niya dahil sa patong-patong na kahihiyan niya ngayon kay Jamie. Bakit kasi umayon pa siya sa plano ng kaibigan?

"Hey, okay lang. Wala akong nakita."

Nag-angat ng tingin si Michelle at naniningkit ang mga matang sinipat si Jamie. "Ano'ng walang nakita? Eh nanlalaki nga ang mga mata mo kanina!" naiiyak na sabi niya.

Gusto niyang magpapadyak pero pinigilan niya ang sarili. Magmumukha lang siyang bata na nag-ta-tantrums.

Panty lang ang underwear na suot niya. At sa nipis ng parang net na lingerie, sigurado siyang nakita nito ang dibdib niya.

Bakit kasi hindi niya agad napansin kanina na ganoon ng suot niya? Oo nga pala, masakit kasi ulo niya.

"If it's any consolation, paminta naman ako `di ba? Nabigla lang din ako, `no," sabi nito na may twang sa huli. Kumunot ang noo ni Michelle, may lambot sa huli ang pagsalita ni Jamie.

Para ba i-emphasize ang pagiging beki nito? Baka naman nag decide na si Jamie magladlad? `Di kaya?

Nagdududang tinignan ni Michelle ang binata. "Tumalikod ka, babalik ako sa kuwarto." Tumalima naman si Jamie. Pagpasok niya ng silid ay sinabunutuan niya ang sarili.

Lalaki pa rin si Jamie, kahit na sabihin nating paminta ito. Gusto niyang maiyak!

Ano ba `yan? Talagang kailangan makita siya ni Jamie na ganoon ang suot? Pero kung talagang bakla ito, babalewalain nito ang nakita, `di ba? Argh! Sino ba ang niloloko niya? Sarili lang niya!

Nagbihis si Michelle ng pambahay. Dinampot niya ang hinubad na dress kagabi, pati na ang lingerie, at magkasabay na inilagay ang mga iyon sa hamper. Itinabi rin niya ang sapatos na mukhang isinipa lang niya kung saan.

She paced around her room. Gusto niyang makapag isip ng matino.

Nahihiya siyang harapin si Jamie, nakita pa rin nito ang katawan niya na kahit may damit ay masasabing hubad din. Pero in fairness, gentleman ito ha. Tinakpan siya ng apron na kung tutuusin ay hindi naman nito kailangan gawin.

Ano ba, matutuwa ba siya na dahil sa paminta ito ay walang epekto ang nakita sa kanya, o manghihinayang na paminta ito dahil sa ipinakitang pagiging maginoo? Lalo yatang sasakit ang ulo niya.

Muntik pa siyang mapalundag nang may kumatok sa pintuan. "Michie, handa na ang breakfast. Baka gusto mo akong saluhan. `Di ka ba bibisita sa inyo?"

Nag desisyon siyang harapin ang housemate. Ibinukas niya ang pinto at nabungaran doon ang lalaki. "Nagpaalam ako kila mama na next weekend na lang ako uuwi, kasi nga nagkita kami ni Kris kahapon."

Tumango-tango si Jamie. Ang bruho, kumikinang ang mga mata at hindi maalis ang ngiti sa mga labi. Sapakin kaya niya para mawala ang ngisi nito?

Hindi naman ito nang-aasar, mukha lang lalaki na tumama sa lotto. Hindi talaga siya makukumbinsi nito na wala itong nakita. Kainis!

"Ahm, okay. Kain na tayo," yaya ni Jamie. "Baka lumamig ang longsilog. Mas masarap iyon habang mainit pa."

Nagbaba ng tingin si Michelle. "Lalabas na ako. Tatapusin ko lang iyong nililigpit ko." Isinara ulit niya ang pintuan at binilisan tapusin ang ginagawa. Kapagkuwan ay dumulog na rin siya sa komedor kung saan naglalagay na ng kape si Jamie sa kanilang mug.

"Mas maganda kung mas maraming kape ang iinumin mo kasi diuretic ito. Hindi na kita mapilit uminom kagabi ng kape dahil naghihilik ka na. Baka mapaso ka pa kapag tumapon sa iyo ang kape.

"Pero mas maganda sana kung naka inom ka ng kape kagabi. Para maiihi mo ang alak na nasa katawan mo. Pagkakain ay inumin mo itong mefenamic acid para mawala `yang sakit ng ulo mo."

Hindi mapigilan ni Michelle na pagmasdan si Jamie habang nagsasalita ito. How come he seemed so ideal?

Ideal boyfriend material sana ito. Magandang lalaki, maasikaso, gentleman, masarap magluto, pasado na rin ang performance sa housechores (siya pa ba ang magrereklamo eh siya itong bago lang din sa lahat ng iyon), at mukhang matino. Panghihinayang pa more?

"Sana ay magustuhan mo ang timpla ko ng kape. Hindi ko kasi magaya ang timpla mo na masarap talaga," untag sa kanya ng lalaki.

Ngumiti siya. "Sinabi ko naman na sa iyo ang timpla 'di ba?" tanong niya.

"Oo, pero hindi ko pa rin talaga magaya kahit ano'ng gawin ko," nakangiting sabi ni Jamie.

Pinaupo siya nito sa silya at nakita niyang nakahain na ang breakfast nila. May sinangag, longganisa, at itlog. Longsilog nga.

Binalingan na lang niya ang pagkain, walang mangyayari sa iniisip niya. Kung tutuusin, sa pagkakalasing niya, hindi man niya sinasadya ay parang inakit na rin niya si Jamie. At sigurado siyang kukulitin siya ni Kristine sa mga detalye.