NAGPRISINTA si Michelle mamili sa supermarket dahil pupunta ito sa mall pagkatapos magsimba. Pagdating nila kagabi mula sa bar ay hindi na ito nag-usisa. Ni-respeto nito ang kanyang pananahimik.
Muntik na niyang ipagtapat dito ang kanyang totoong pagkatao. Mabuti na lang at napigilan niya ang sarili. Pero hirap na ang kanyang kalooban sa pagtatago ng katotohanan.
"One day I will tell her the truth. May tamang panahon," pangako niya sa sarili.
Nakapagsimba na siya bago pa mag gym at magluto ng breakfast. Himalang maaga siya nagising kanina kaya marami na siyang nagawa, bago pa nagising ang dalaga.
Ngayon ay nag-iisa siya sa unit, at naisipan niyang maglinis. Kapag naabutan pa siya ng ganoon ni Michie ay may pogi points pa siya. Teka, bakit ba gusto niya magpa-impress sa babae?
Come to think of it, he's beginning to like her. No, he likes her. He really likes her.
Noong una pa lang niya itong nakita ay nagandahan na siya sa babae. Sure, marami na siyang nakitang magagandang babae sa ibang bansa, pero type niya ang ganda ni Michie.
Pero bukod sa ganda't hitsura ng babae, iyong mga ginagawa nitong maliliit na bagay ang nakahaplos sa puso niya.
Kagaya ng pag-iiwan nito ng breakfast tuwing umaga, pagtatanong tuwing hapon kung ano ang ulam nila na nauuwi sa kanilang kumustahan, at ang pagdadala nito ng kung anu-anong pasalubong kapag na-tye-tyempuhan niyang paborito pala nito ang niluto niya.
Sigurado siyang mabait si Michelle, bukod pa ang pagiging appreciative, thoughtfulness, at matalino. At ang pinakagusto niya sa lahat ng katangian nito ay ang pagiging malambing.
Soft spoken ito magsalita kahit na makuwento at mausisa, napakahinhin pang kumilos. Babaeng-babae sa lahat ng anggulo.
Mahirap magpanggap lalo na kung magkasama sila sa iisang bubong kaya sigurado siya na sa tagal ng kanilang pagkakasama ay totoo ang ipinapakita nitong ugali.
Awww shit! Gusto niya ang babaeng kailangan niyang pagpanggapan bilang bakla? Inilabas ni Diego ang vacuum upang malunod ng ingay niyon ang gumugulo sa kanyang isipan.
Nagsimula siyang maglinis sa kanyang kuwarto, pagkatapos ay sa salas naman. Paatras siya papunta sa entertainment cabinet nang mabangga niya ang isang stool.
Dinampot niya ang stool para itayo nang mapansin niya ang ilalim na bahagi ng entertainment cabinet. May apat na patong doon ng album. He got curious and took the albums.
Hindi naiwasan ni Diego na mapangiti habang pinagmamasdan ang pictures ni Michelle. Ang unang album na nabuklat niya ay pictures ng dalaga sa pinapasukang unibersidad noong nasa college pa.
Napakunot ang noo niya nang mapagmasdan ang lalaking kasama ni Michie sa graduation nito. Mukha silang magkapamilya. Pamilyar sa kanya ang hitsura ng lalaki at ang pagkakangiti nito. Kamukha nung lalaki iyong isang nakasama niya sa student council noong high school.
Mike? Michael Dimapalad? tanong ni Diego sa sarili. Fourth year na siya noon sa high school nang makasama niya sa student council ang lalaki, na first year high school naman. Vice president ang position niya noon, habang first year representative naman si Mike.
Hindi niya ito makakalimutan. Naging magkaribal sila sa panliligaw sa muse ng basketball team ng kanilang eskuwelahan na kagaya nitong first year din. Siya ang pinili ni Sabrina kaya galit na galit sa kanya si Mike nang iwan din niya ang babae.
Pagka-graduate niya sa high school ay saka siya nagpunta sa states. Naiwan siya saglit dahil patapos na siya sa high school nang ma-aprub ang petition ng lola niya sa father niya. Kinailangan madala na agad ang panganay niyang ate sa states bago pa umabot ng twenty-one ang edad nito. Siya at ang sinundan niyang ate ang magkasabay na pumunta ng states pagkatapos ng kanyang graduation.
He gasped. Shoot! Si Michie ay Dimapalad ang surname. Expletives were pouring out from his mouth.
Dumampot siya ng ibang album. At nanlamig ang kanyang buong katawan nang makita ang baby picture ng babae sa pag-ihip sa kulay pink na mga kandila, habang kasabay si Mike na umiihip naman sa mga kulay blue na kandila na nakalagay sa iisang birthday cake. At halatang kambal ang dalawa.
Dahil sa kanyang nadiksubre, naging komplikado ang lahat. Nagsinungaling siya kay Michelle tungkol sa kanyang tunay na pagkatao. At ngayong may nararamdaman na siya para sa dalaga, paano niya sasabihin ang katotohanan dito?
HINDI maintindihan ni Michelle, pero simula noong Linggo ay naging malamig ang pakikitungo sa kanya ni Jamie at tila ay umiiwas ito hanggat makaka-iwas.
Okay naman sila nung galing sa bar ah. Nasira lang ang mood dahil doon sa beki na nangulit kay Jamie. Pero pagdating ng bahay ay nagyaya pa itong manood sila ng movie at nagluto pa nga ng popcorn sa microwave.
Dati, hinihintay pa siya ng lalaki para sabay silang mag dinner. Ngayon, laging tapos na kumain ang binata at nasa kuwarto na kapag naghahanda na siya papasok sa trabaho.
Nag iiwan naman si Jamie ng note sa lamesa tungkol sa ulam na niluto nito, at kung sa microwave niya iyon ipapainit, o sa toaster kapag prito, o kaya sa kaserola na mismo kapag sabaw.
Para tuloy wala siyang housemate. Darating siya mula trabaho na tulog si Jamie, at papasok siya na nagpapahinga na ito sa kuwarto.
Na-mi-miss niya ang pagkukuwentuhan nila habang kumakain ng hapunan at kung minsan ay nanonood pa sila ng tv kapag may magandang palabas. Hindi na siya papayag na ganito lang sila lagi. Dapat harapin siya ng pamintang `to.
Kararating lang ni Michelle mula sa overnight stay sa bahay ng kanyang magulang. Last weekend ay hindi siya naka-uwi dahil nga nag bar sila ni Jamie. Kaya bumawi naman siya ngayon.
Sabay-sabay silang nagsimba kaninang umaga bago tumuloy sa mall at namasyal. Pagsapit ng hapon ay nagpaalam na siyang babalik na sa kanyang bahay.
Nag stop over siya sa isang kiosk para bumili ng pagkain na alam niyang gustong-gusto ni Jamie, adobong adidas at inihaw na chicken ass. Bumili rin siya ng paborito niyang isaw.
Alam ni Michelle na nasa kuwarto si Jamie dahil bukas ang ilaw sa salas at may naririnig siyang tugtog. Iniwan niya muna ang mga pagkain sa lamesa kung nasaan din ang ulam na natatakpan ng food cover.
Sinilip niya kung ano ang niluto ni Jamie, at napangiti siya nang makitang nag pansit pala ito. Tamang-tama tuloy ang binili niya, puwede i-partner.
Nagbihis muna si Michelle at saka kinatok ang binata sa kuwarto. Nang walang sumasagot ay sinubukan niyang pihitin ang seradura na hindi pala naka lock.
Tinatawag pa rin niya si Jamie habang unti-unting ibinubukas ang pinto. Ano kaya ang nangyari sa lalaking `to? Bakit hindi sumasagot?
TV ang naririnig niyang tunog sa labas. At hindi maipaliwanag ni Michelle ang naramdaman nang makita si Jamie na nakasubsob sa kama, tulog habang nakabukas ang laptop nitong naka off ang screen.
Malamang ay ilang minuto na itong tulog kaya naka sleep mode na ang laptop. Nagdalawang isip siya kung papatayin ba niya ang tv, laptop at ilaw, o gigisingin na lang ang binata. Bahala na.
Lumapit si Michelle sa lalaki at bahagyang niyugyog ang balikat nito at tinawag ang pangalan. Umungol muna ang lalaki bago nasisilaw na inaaninag siya.
"Jamie," muli niyang tawag. Napilitan pa siyang dumukwang para tignan maigi ang mukha nito.
"Ha? Sino?" tila ay wala sa sariling tanong ng lalaki.
"Sorry ha, ginising kita. Kararating ko lang, may dala kasi akong pasalubong. Yayayain sana kitang kumain pero hindi ka sumasagot sa tawag at kalampag ko. Pasensya ka na`t kinailangan kitang gisingin. Hindi ko kasi alam kung dapat ko bang patayin ang tv at laptop mo para tuloy-tuloy na ang pagtulog mo."
Biglang bumangon si Jamie na para bang nalagyan ng bagong baterya. Ang ipinagtataka lang ni Michelle ay kung bakit parang lumalayo sa kanya ang lalaki.
Pasimple tuloy niyang inamoy ang hininga at ang sarili. Maayos pa naman ang amoy niya. Bakit parang may allergy ang binata sa kanya kung maka-react `to? Nakaka-insulto na, ha. Tumayo siya ng diretso.
"Thanks, Michie. Sige susunod na ako sa`yo. Aayusin ko lang ang mga gamit ko," sabi ni Jamie na hindi nakatingin sa kanya at iniligpit ang mga gamit.
"Okay," aniya bago tinalikuran ang binata at nagkibit-balikat. Dumiretso siya sa komedor. Hindi nagtagal ay sumunod nga ang binata roon. Nagtataka lang si Michie kung bakit tila ay iwas sa kanya ang housemate.
Kailangan niyang alamin kung may problema ba sila. Subalit naudlot ang pagtatanong niya nang makita ng lalaki ang pasalubong niya.
"Naku! Bakit hindi mo sinabing ito pala ang pasalubong mo sa `kin?" masiglang tanong ni Jamie sabay dampot ng isang adidas na agad nitong sinubo. "Thank you, ha," makulit na paulit-ulit na sambit ng paminta nang makapangalahati na ang pasalubong niya.
Si Michelle naman ay masaya na sa nilalantakan niyang pansit na may mga piraso ng lechon kawali na topping. Ayaw na niyang kuwentahin kung ilan ang calories ng kinakain, basta masarap. Uminom muna siya ng tubig bago sinagot si Jamie.
"Naisipan kong pasalubungan ka kasi lately ay napapansin kong busy-busyhan ka. Pagbangon ko ay lagi kang nasa kuwarto na."
Hindi umiwas ng tingin ang lalaki, bagkus ay tinitigan lang siya. Then she saw the tenderness in his eyes, something sort of affection. "I guess you're both successful. I'm happy about that."
"Huh?" Saan nanggaling `yon? "Ano?" naguguluhan niyang tanong.
"May extrang trabaho na ipinapagawa iyong isa kong kliyente kaya talagang busy ako this past week. At malamang ay magiging erratic talaga ang schedule ko dahil sa work."
Ano daw? Bakit ganoon ang direksyon ng usapan nila? Parang hindi nagsasalubong. Sinagot nito iyong tanong niya kanina, hindi iyong tinatanong niya ngayon.
Walang direksyon ang usapang ito. Ay, meron pala, sa buwan lang nga.
"Okay," mabagal niyang tugon. "Heto o, may chicken ass din," aniya sabay abot kay Jamie ng lalagyan ng pagkain. Natawa ang binata sa tinuran niya.
"Hindi ko alam kung bastos ang pagkakapangalan ng ass, o ma-te-turn on ako sa ass, o iisipin kong literal na puwet lang talaga siya na masarap kainin," anito.
Gustong mag blush ni Michie. Oo nga pala, paminta si Jamie. Pero kung minsan ay nahihilo na siya sa kakaisip kung beki o lalaki nga ito. Paano na nga lang kung ang type talaga nito ay straight na lalaki at hindi beki? Ang sarap sumimangot.
"Kumain ka na lang, huwag mo na pag-isipan pa ang pangalan." Napangiti siya.
Miss niya ang ganito nilang kuwentuhan. Hindi pa nga umaabot ng buwan, na-mi-miss na niya ang lalaki? Masama na itong nararamdaman niya.
"Thank you so much," sabi ni Jamie na patuloy ang paglantak sa adidas at chicken ass. Mabuti na lang at hindi mahilig doon si Michie kaya hindi siya kumukuha.
"Kanina ka pa nagpapasalamat. Ikaw naman, parang others." Lumunok muna siya. "Kung laging ganito ang lulutuin mo, baka maging lumba-lumba ako. May galit ka sa `kin, `no?" kunwari ay may angas na paninita ni Michie kahit panay subo naman niya ng pansit kung saan niya inuulam ang isaw.
"Paborito mo pala ang pansit. Nakatyamba ako," masayang sabi ni Jamie.
Ngumiti siya. Pakiramdam niya ay bumalik na sila sa dati. O baka naman guniguni lang niya na tila ay iniiwasan siya ng binata? Kung ano pa man, basta masaya siya na nagkukulitan na sila ulit.