Chereads / Falling for my Gay Housemate! / Chapter 3 - Interview sa Paminta!

Chapter 3 - Interview sa Paminta!

"Paminta!" naibulalas ni Michie at saka natutop ang bibig gamit ang dalawang kamay dahil medyo napalakas ang boses niya. Bakas ang pagkalito sa mata ni Jamie.

"Paminta?"

Ay, mukhang hindi nga nakikihalubilo si Jamie sa mga kabaro upang maitago ang tunay na pagkatao.

She was disappointed, but at the same time, finds the situation funny. Iyong hinihintay ni Michelle na magic buong buhay ay ngayon niya naramdaman.... pero sa isang bakla pa! Saklap naman!

She leaned forward and acted that she's going to whisper. Nakuha naman ng lalaki ang senyales niya kaya lumapit din ito.

And oh my! Pati ang pabango nito ay lalaking-lalaki! Ang cool sa ilong ng bango! Hay, sayang talaga. Erase! Erase! Let it go, Michie. Never forget na magkapuso kayo.

"Paminta ang tawag sa baklang pinapalabas na lalaking-lalaki siya. Hindi makikita sa hitsura at kilos niya ang pagiging gay, pero nagnanasa sa ka-baro," natatawang paliwanag niya.

At least safe ang pakiramdam ni Michelle dahil kung closet queen ito ay hindi siya pag-iinteresan. Ows, gusto nga ba niya iyon? Nakaramdam talaga siya ng panghihinayang, gusto niyang magka-interes sa kanya ang lalaki.

Ay, oo nga pala't paminta ito. From her experience, masaya pa nga ang may kaibigang beki dahil madadaldal at palabiro ang mga ito.

Tumango-tango si Jamie bago tumuwid ng upo. His face was sort of contorted. Baka nga kaya wala itong alam sa mga terminologies at beki language ay dahil itinatago nito ang totoong katauhan.

Tumikhim si Michelle. "Okay. Next, tell me about yourself," aniya na para bang nag-i-i-screen siya ng empleyado.

Isang corner lang naman ng labi ni Jamie ang tumaas pero hindi nakalagpas sa paningin ni Michie ang kislap sa mga mata nito. Alam niyang may kasabihan na makuha ka sa tingin, pero natatakot siya na tila ay nakukuha siya sa ngiti.

Pasaway na puso. Paano na kaya kung ngitian siya nito ng pagkatamis-tamis? Baka mahulog ang puso niya. Hindi pwede, beki 'to eh.

"Well, alam mo na ang name ko. I'm 28 years old and obviously single with no strings attached. Web developer and programmer ang work ko kaya most of the time ay sa bahay lang ako mananatili. But from time to time ay aalis din ako ng bahay kapag may kailangan asikasuhin," tugon ni Jamie sa kanya.

"Lugi pala ako sa bill ng kuryente kung hati tayo," aniya.

"Don't worry about that. Iyong konsumo mo ngayon sa kuryente at tubig, iyon ang share mo. Iyong itataas noon ay ako ang magbabayad. Kung hindi puwede maglaba sa condo, may laundry shop ba doon?"

"Meron naman. Pero meron akong washing machine at dryer na puwede kong ipagamit sa`yo. Pero bumili ka ng sarili mong detergent, bleach at fabric softener. Iyong mga consumables ay kailangan magkahiwalay tayo.

"The same applies for the toiletries, beddings, towels and food. Kahit ako na ang magbabayad sa cable ng tv. Pero iyong internet connection, ikaw na ang mag-a-apply niyan sa condo management. Ikaw din ang magbabayad sa monthly charge, dahil ikaw lang din naman ang gagamit."

Nag-isip pa si Michelle kung may nakalimutan pa siya. Sa lahat naman ng sinasabi niya ay tumatango lang si Jamie.

Titig na titig ang lalaki kay Michelle pero nakapagtatakang hindi siya naiirita o nasasagwaan. Sa totoo lang, ang tingin nito ay tila nagsasabi na babaeng-babae siya na dapat hangaan.

O? May paghanga ba sa tingin ni Jamie? Ah, baka naiinggit na babaeng-babae siya na gusto nito maging. Muntik na matawa sa naisip si Michelle.

"Kung magkakabisita ka, please limit it sa lobby ng condo. Bawal ang sleepovers ng friends kahit kamag-anak, o kung may boylet ka. No parties, please. Do that somewhere. Kapag may nasira ka sa mga gamit ko doon, you have to pay for it, or replace it. Ahm, may iba ka pa bang tanong?"

"How about the terms of deposit and advance?"

Oo nga naman, iyon ang pinaka-importante sa lahat. Aba, may twang ang English nito. Hindi naman ito nagtatrabaho sa call center na gaya niya. Baka isa sa mga bata na mula sanggol ay sinanay na mag-ingles kaya nang matuto ng Pilipino ay may twang.

"Nasabi ko na sa email ang amount ng rent per month. I would just require two months deposit and one month advance. Iyong advance, puwede mong magamit sa last month ng pag stay mo. Iyong deposit, ibibigay ko lang sa`yo after ma-ikaltas lahat ng bills na maiiwan mo.

"Kailangan din natin magpirmahan ng kontrata kung sakali at kakailanganin ko din ng police at NBI clearance mo. Pasensya na, pero I need those papers for my own security."

Blanko ang hitsura ni Jamie bago nito nagawang sumagot. Tumungo muna ang lalaki bago muling tumingin sa kanya. Napansin yata ng lalaki na pinag-aaralan niya ang reaksyon nito kaya nginitian siya.

Shucks! Ang guwapo talaga! Nakakapanghinayang naman o..... Ilan na kayang babae ang napaiyak nang matuklasang bakla ito?

Kung ang lalaki ay puwede ma-friendzone ng babae, ang babae naman ba ay puwede ma-gayzone ng beki o paminta? Pero ang sabi nito ay wala pa itong ibang pinagsasabihan. Owz?

Baka bola lang sa kanya para pumayag siya maging housemates sila. No, mukhang hindi naman ito ang klase ng lalaki na ilalagay ang sarili sa alanganin para lang makakuha ng matitirhan.

Sigurado naman siya na marami pang nagpapa-upa ng mga condo units.

"Okay. Bigyan mo lang ako ng panahon para makuha ang clearances. May iba pa ba?" tugon ni Jamie sa mababa at buong tinig.

Kainis! Kahit ang boses nito ay imposibleng mapagkamalang beki. Ni hindi pumipilantik ang tinig at ni walang senyales na gusto maging beki, lalaking-lalaki pa nga. Napaka-unfair naman ng tadhana.

O kay saklap! In fairness, magaling ito magtago, ha. Kahit sino ay maloloko.

"Ang pinaka importante sa lahat, gusto ko laging malinis ang bahay at ayoko ng makalat. Maghahalinhinan tayo sa paglilinis ng banyo. Kung magulo ang loob ng kuwarto mo, problema mo na iyon.

"Pero kapag umalis ka, kailangan ay malinis iyon at ang condition ng furnitures ay hindi nasalaula."

Nagtaas ng kilay si Michelle nang natawa si Jamie. Tila ay may bumundol pa sa dibdib niya nang maisip na ang halakhak nito ay napaka sexy. Gusto niyang makiliti hanggang sa dulo ng kanyang gulugod. Nakakaasar talaga.

"Mas mahigpit ka pa sa mommy ko. But your requests are reasonable at kaya kong sumunod. Pero alam mo naman siguro kung paano maglinis at mamahay ang isang lalaki, hindi at par sa standards ng mga babae."

Lalong tumaas ang kilay ni Michelle na agad nitong nakita kaya dinugtungan ang sinabi.

"Remember, hindi ko naman sinabing nagladlad ako. Actually, nasa crossroad ako talaga pero mahirap ngang may makaalam na iba kaya I trust you to keep my secret. Huwag mo akong ikompara sa ibang bakla na mga homemaker." Now, that's understandable. "Anything else?"

"Tingin ko ay iyon na ang lahat. I-no-notify na lang kita kung nakapili na ako ng housemate. Paki-iwan na lang ang contact number mo," sabi ni Michelle.

Sa lahat ng na-interview niya, si Jamie lang ang hiningan niya ng contact number. Iyong iba ay sinabihan lang niya na e-email niya. Ibig sabihin, pag-iisipan talaga niya kung ito na nga ang hinahanap niyang housemate.

"Alam mo, may advantages din kung ako ang pipiliin mong housemate," sabi ni Jamie habang isinusulat sa papel na inabot ni Michie ang contact number nito.

"Like what?" Sige nga, sakyan ni Michelle ang pangungumbinsi ng paminta. Though hindi niya aaminin na mukhang ito nga ang pinakamatino sa lahat ng na-interview niya.

Pero baka magaling lang nga itong umarte, kasi kung hindi nito sinabing beki ito ay hindi talaga niya ito pag-iisipang ganoon nga.

"For one, hindi ako manghihiram ng mga damit at sapatos mo. Na usually ay nangyayari kapag pareho kayong babae. Pangalawa, ni hindi din kita hihiraman ng makeup dahil puso ko man ay gay, I don't intend to look like a girl. Baka magmukha lang akong bakulaw."

Natawa si Michelle sa sinabi ni Jamie.

"At pangatlo, I have a feeling na magkakasundo tayo, and I'll guarantee you that I'm a nice guy."

Muling tumaas ang kilay ni Michelle sa huling sinabi ng lalaki, o paminta, o whatever. Pero kahit paano ay nakuha nito ang respeto niya.

Naguguluhan man ito sa sexual preference nito, ito ang klase ng tao na alam ang puso niya pero tanggap na kailanman ay hindi siya magmumukhang babae. Hindi naman kasi porke't bakla, kailangan na magmukhang babae.

Tinignan ni Michie ang papel na ini-abot sa kanya bago ibinalik ang tingin sa kausap.

"Kaya ko sinabi ang mga ito kasi alam kong maingat ka. Ni hindi ka naglagay ng name sa ad mo, walang contact number kundi email lang. At ang email na iyon ay puwedeng ginawa mo lang for the sake of finding a housemate. That alone tells something about you. A private and careful person just like me."

Hindi kaagad nakasagot si Michelle sa mga sinabi ni Jamie. Mukhang intelihente nga ang taong ito. Iyong iba ay hindi pinuna ang mga bagay na iyon. Tumango-tango siya.

"Thank you, I'll take what you said as a compliment. I-re-review ko muna ang lahat ng na-interview ko at kapag nakapag desisyon na ako, kung sakaling ikaw ang napili, I'll contact you asap. Para maipakita ko sa`yo ang place at ma-present mo na din ang mga clearances.

"Kapag okay tayong pareho, then magpipirmahan na tayo ng kontrata at magbabayad ka na for the deposit and advance," aniya.

Umayon at nagpasalamat sa kanya si Jamie. Nang makipagkamay kay Michie ang paminta, bakit ba lakas ng isang lalaki ang naramdaman niya?