"MAMA, hindi dapat umalis si Michie dito sa bahay. Kapag nagpunta na ako sa Singapore, siya na lang ang makakasama ninyo," pag-po-protesta ni Michael sa kanilang ina na si Amanda.
Napasimangot si Michelle Dimapalad sa sinabi ng kakambal. Si Mike, na nickname ng kapatid, at ang kanilang papa ay ayaw pumayag na tirhan niya ang condo unit na binili niya sa pinsan nilang si Anton.
Well, ang usapan nila ay may deed of sale pero siya ang magpapatuloy sa paghulog ng amortization sa banko.
Iyong downpayment ng unit ay Lolo at Lola nila ang nagbayad kaya hindi na siya sisingilin ng pinsan doon. Papunta na kasi ito sa states dahil approved na ang petition ng nanay nito kaya gusto lang na may sasalo sa pagbabayad ng amortization.
"Ma, kaya nga po gusto kong tirhan iyong unit ko ngayon kasi nandito pa si kuya Mike. Para kapag nasa Singapore na siya, babalik na ako dito. Pauupahan ko na lang ang unit ko, `de extra income na rin `yon sa akin, `di ba? Syempre gusto ko din naman matirhan iyon bago ipagamit sa ibang tao.
"Saka napaka convenient dahil malapit lang sa trabaho ko kaya menos na sa pasahe. Maiiwasan ko pa ang nakakalokang traffic ngayon.
"Saka ngayon pa lang ay nag-iisip na akong kumuha ng housemate para may gumamit nung isang kuwarto. And at the same time ay may renta iyon na makakatulong para sa pagbabayad ko nung amortization," pag-ra-rason ni Michelle.
Aba, hindi yata siya magpapatalo. Kambal man sila ng kapatid, sinanay siyang tawagin itong kuya dahil nauna daw ito ng 30 minutes ng paglabas kaysa sa kanya.
Ang kakaiba doon, quarter to midnight lumabas ang kapatid niya at siya naman ay 12:15 ng madaling araw kaya magkaibang araw pa ang kanilang birthday kahit kambal sila. Na-emphasize tuloy na mas matanda sa kanya ang kakambal.
"Housemate? Naku, mahirap ang ganyan. Paano kung psycho ang makasama mo? O kaya ay magdala pa ng lalaki sa unit mo? Baka mapahamak ka lang," protesta ulit ni Mike na naunahan pa ang kanilang ama.
Tatango-tango lang si Papa Ramon.
"Ma!" bulalas ni Michelle na humihingi ng pang-unawa sa ina. "Syempre mag-iingat naman ako sa pagkuha ng housemate. Kaya nga may interview muna para makilatis ko iyong tao eh."
Tumikhim muna si mama Amanda bago nagsalita. "Ramon, Mike, twenty-four years old na si Michie. Nasa tamang edad na siya para mag desisyon para sa sarili niya.
"At Mike, darating naman talaga ang panahon na maiiwan kaming dalawa ng papa niyo dito sa bahay. Ang term doon ay empty nest. Magkakaroon talaga kayo ng sari-sariling pamilya. At hindi mo puwedeng puwersahin si Michie na tumira dito para lang may kasama kami ng papa mo.
"Maigi na iyong matuto din siya mamuhay ng mag-isa bago mag-asawa. Nang makita niyang hindi madali na magluluto na siya, maglalaba, plantsa at maglilinis. Para mag-isip si Michie ng isangdaang beses bago mag nobyo at mag-asawa."
Napasimangot si Michelle, akala niya ay pabor na sa kanya eh, may hirit din pala ang mama niya. Binelatan pa siya ng kapatid bago nakakaasar na ngumisi. Pero at least ay hindi kontra si mama sa kanyang kagustuhang tirhan ang condo unit.
"I agree sa mama ninyo," sabi ni papa Ramon. "Kung desisyon ni Michie na subukang mamuhay mag-isa, i-respeto natin. Pero ang pagkuha ng housemate, kailangan pag-isipan mabuti. Iba-iba ang ugali ng tao, mahirap na."
Hindi man pabor kay Michie ang huling sinabi ng ama, masaya na siyang malaman na pumapayag itong mamuhay siya ng mag-isa. At kahit si Mike ang pinaka nag po-protesta sa paglipat niya, ito naman ang todo sa pagtulong.
Kasa-kasama niya ang kakambal nang maglipat siya at ito mismo ang nag-mando sa nag deliver ng mga bagong furnitures niya. Ang ilang appliances kagaya ng personal ref, induction stove, at iba pa ay pinabaon ng kanyang magulang.
Nang naka-ayos na ang lahat ay nagkaroon pa sila ng house blessing at nandoon ang buong pamilya niya at kanyang mga bff's.
Ang una niyang bff since time immemorial ay si Kristine, at ang bff#2 ay si Lizzie na kasama niya mula nang siya ay magkatrabaho.
Pero mas masasabi niyang mas close talaga sila ni Kristine dahil napakatagal na nilang magkaibigan at ito ang kasabay niyang lumaki.
Worth it ang pag-iipon na ginawa niya mula nang magkatrabaho siya three years ago sa isang call center pagka-graduate niya sa kursong Mass Communications, dahil nakapag-pundar naman siya ng mga gamit ngayon.
Information Technology naman ang tinapos ng kanyang kapatid at maganda na ang posisyon ngayon kaya ipapadala na ng kompanya nito sa Singapore.
Puwede naman ito magbalikbayan every three months, ito lang nga ang sasagot sa gastos nito sa pamasahe kapag umuwi.
Aba, hindi biro ang tukso na natatanggap niya sa mga katrabaho na hindi siya nagpapakulay ng buhok, nagpapa-rebond, o ang cellphone niya ay de pindot pa rin hanggang ngayon at hindi man lang Android.
Nakakantiyawan pa siyang kuripot kasi kahit minsan ay hindi man lang siya sumasama sa mga café na nagtitinda ng overpriced coffee. Sa kanya lang, maging praktikal kasi mahirap kumita ng pera.
Hindi biro ang mag-pacify ng kliyente na kulang na lang ay laitin ang buong pagkatao niya na ang sagot lang sa problema ay pindutin nito ang On button.
Ang laging kumakampi sa kanya ay si Lizzie dahil hindi rin ito mahilig magpa-salon at tumambay sa mga café. Nagkakasundo sila sa pagbili sa mga convenience store, o kaya sa mga street vendor kaya naging malapit sila sa isa't isa.
Iyon din ang dahilan kaya sila naging mag bff's sa work. Matipid din ito dahil breadwinner ng pamilyang nasa probinsya. Hindi nila maintindihan bakit kailangan magbayad ng mahigit isandaan piso para sa kape na pwede mo mabili na 3-in-1 sa tindahan o grocery.
Masasabi ni Michelle na regular lang ang kanyang pamilya. Hindi man sila mayaman ay hindi naman below poverty level.
Teacher sa isang public school sa lugar nila ang kanyang mama, habang ang kanyang papa ay nagtatrabaho sa isang heavy equipments company bilang bookkeeper.
Nakaluwag lang sila sa gastusin nang pareho na silang nagtatrabaho ni Mike. Iyong bahay nila ay dalawang taon pa lang ang nakakalipas nang ma-fully paid sa Pag-ibig.
"Grabe, hindi ako makapaniwalang mag-isa na lang nga ako," wika ni Michelle sa sarili habang nakahiga sa kama.
Unang gabi niya iyon sa unit. Hindi kasi siya pinayagan ng ina na doon matulog habang naglilipat pa lang at hindi pa na be-bendisyunan ang bahay.
Excitement ang naramdaman ni Michie sa mga unang araw, pero nang ilang linggo na ang nakalipas, nakakadama na siya ng lungkot kahit bumibisita siya sa kanila tuwing weekend. At noon siya nagpasya kumuha na lang nga ng housemate.
****
"THIS is it!" bulalas ni Diego Capalan sa sarili bago binilugan ng blue ballpen ang nakitang ad sa diyaryo. Sa hotel na tinutuluyan niya, laging may diyaryo sa umaga.
Sa tulong ng mga kuneksyon, mga falsificated documents at i.d. na peke, siya ngayon si Jamie Santos. At dahil sa atrasadong teknolohiya at sistema ng bansa, mas madaling makapagtago sa sinilangang bansa.
Ad: Looking for housemate. Near Makati and Quezon City area. With good personality. Will share with bills and utilities. Room, semi-furnished with aircon. For further inquiries, details, or to set an interview, contact me at the email listed below.
Kailangan na niyang makahanap very soon ng matitirhan dahil kung hindi, mauubos ang pondo niya sa kakatira sa hotels at apartelles.
Mahigit isang linggo na si Diego sa bansa na nagpapalipat-lipat ng matutuluyan para hindi siya ma-trace.
Yes, he's hiding, and he needs to hide in the open. Magulo ba? Oo, magulo, kasing gulo ng kanyang sitwasyon. Kaya naisipan ni Diego magtago sa Pilipinas dahil sa tatlong bansang pinagtaguan niya, na-te-trace pa din siya ni Einar.
Bakit kasi nababaliw ang matandang iyon at pinipilit siyang ipakasal sa anak nito? Mabuti na lang at sa mga pagkakataon na natunton kung nasaang bansa na siya, bago pa mahuli ay nagagawa na niyang makatakas muli.
Ilang buwan nang hindi nagpapagupit ng buhok si Diego para mabago ang hitsura niya kahit paano. Lagi lang nga niya ipinupusod ang kanyang buhok, kaya napagkakamalan siyang graphic artist na malayo sa trabaho niyang web developer at programmer.
Iyon naman ang kagandahan sa trabaho ni Diego, basta dala ang kanyang laptop at mobile internet ay nakakapagtrabaho siya kahit nasaang bahagi pa siya ng mundo. Ang mahirap lang, baka iyon din ang ginagamit ni Einar upang ma-trace siya.
Alam naman niya na darating ang panahon na haharapin niya ang problema, at kailangan sa oras na iyon ay may solusyon na siya. Pero sa ngayon, ito munang problema niya sa matitirhan ang kanyang lulutasin.
Kinuha ni Diego ang laptop at saka nag email. Sana ay mabilis sumagot ang kung sinoman ang naghahanap ng housemate. Kapag nakabawi na siya sa pondo mula sa ginastos niya sa airfare at hotel bills, kukuha na siya ng sariling apartment.