"Maligayang pagbabalik, senyorita Elena!" Bati ng dalawang gwardya sa tapat ng pintuan ng aming bahay. Ngumiti na lamang ako at tumango, senyales na tinatanggap ko ang kanilang pagbati.
Pagkapasok namin, hindi ko maiwasan na mapatulala sa isang malaking larawan na unang bumubungad pagkatapos ng maikling pasilyo galing sa harapang pinto.
"Senyorita Elena, mag ayos ka na sapagkat malapit na dumating ang iyong ama. Naihanda narin nila Luningning at Tala ang iyong mga susuotin. Naghihintay na sila sa iyong kwarto upang ayusan ka. Kaya't anak ako'y mauuna na sa kusina."
"Sige po Nay. Salamat po pala sa pagsundo." Tugon ko habang nakatingin parin sa larawan.
Tumalikod na si Nay Esme at dumiretso sa kusina. Ang larawang ito. Larawan ng aking ina at ang nag iisang alala ko sa kanya. Natupok kasi ng apoy dati ang aming bahay na naging sanhi upang mawala ang mga gamit ng aking ina at ito lang ang aming naisalba. Lumapit ako sa larawan at hinawakan ang nakaukit sa kaibaba ng kahoy na nakapalibot sa larawan, ang pangalan ng aking ina. Maria Amelita La Guardia.
"Senyorita! Senyorita! Dumating na po ang sulat ni senyorito Lorenzo galing Madrid!" Sigaw ni Danilo, isa sa mga katiwala ng bahay.
Napalingon agad ako. Sa wakas at dumating na ang sulat ng aking kapatid. Naantala kasi ang paghatid nito dahil sa kasalukuyang maliit na rebelyon na nangyayari sa Espanya. Kinuha ko agad ang sulat na nasa kamay niya at nagpasalamat. Dumiretso agad ako sa aking kwarto na nasa pangalawang palapag ng bahay.
"Senyorita Elena magsisimula na ba tayong ayusan ka?" Bungad ni Tala habang papasok ako.
"Sandali lamang, aking babasahin muna ang sulat." Masayang ani ko sakanya habang inaalis ang tatak ng sulat gamit ang kutsilyo.
"Ayan ba ang sulat ni senyorito Lorenzo galing Madrid?" Galak na tanong ni Luningning na nagaayos ngayon ng mga kolorete para sa mukha.
Agad ko siyang tinanguan at umupo sa gilid ng aking higaan upang basahin ang sulat.
Aking minamahal na kapatid,
Salamat sa iyong pagsulat saakin at sa pangangamusta. Kamusta ka diyan? Kumakain ka ba ng maayos? Tuloy pa rin ba ang inyong pag-iisang dibdib ni Teodoro? Nakausap ko na si ama patungkol diyan ngunit hindi niya ako kinausap pagkatapos noon. Alam ko gusto mo siya ngunit alam mo naman na hindi ka niya magugustuhan dahil sa isip batang dahilan niya. Sana pag-isipan mo ang payo ko sayo nung huling sulat ko sayo dahil para saakin ay hindi siya ang nararapat para sayo. Hindi niya alam ang iyong halaga. Ayoko lang na masaktan ka sa huli kapatid, ang hinihiling ko lamang ay makahanap ka ng lalaking magmamahal sayo at pantay kayo sa kanyang paningin. Hindi ba't iyon ang iyong nais? Naririnig ko rin sa mga ibang kakilala ko na kaliwa't kanan ang kaniyang babae nung naririto siya sa Espanya. Alam mo rin ba na nakauwi na siya diyan sa San Il Defonso nung nakaraang taon pa. Nalaman ko lang ito kamakailan lang. Patawad Elena ngunit hindi ko hahayaan na maikasal ka sa isang taong katulad niya kaya hintayin mo ako at uuwi ako sa susunod na buwan upang pigilan na itong kasunduan na ginawa ng ating mga magulang. Alam ko'y kahit nagdadalawang isip ay iginigiit mo na ipagpatuloy ang kasalan dahil ito'y kasunduan na gawa ni ina pero kung ang kapalit nito ay kasiyahan at katahimikan ng iyong buhay ay hindi ako magaatubiling pigilan ito dahil ako ang nakakatanda mong kapatid. Tatapusin ko lang ang huling semestre ng aming klase ngayong buwan at magkikita na muli tayo. Hindi mo na kailangan tumugon sa aking sulat. Mag iingat ka lagi at pagisipan mong mabuti ang bawat desisyon simula ngayon.
Nagmamahal ang iyong kapatid,
Lorenzo La Guardia
Babalik na siya. Babalik na ang aking kapatid. Hindi ko na napigilan ang aking luha.
"Bakit kailangan niya pa kausapin si ama." Mahinang bulong ko.
Alam niya namang ito lang ang hiling ni ama saakin simula bata dahil ito ang ibig ni ina na maikasal ang kanyang anak sa anak ng kaniyang matalik na kaibigan.
"Nag-aalala lamang ang senyorito sa iyong kinabukasan. Kahit kami rin po, ayaw rin namin kayong maikasal kay senyorito Teodoro dahil masama ang trato niya sainyo simula nung bata pa po kayo ngunit kami ay mga alalay niyo lamang wala po kaming karapatan na makigulo sa kasunduan ng dalawang angkan." Wika ni Luningning.
Napatitig na lamang ako sa kanilang dalawa na lumuluha rin. Tama sila maraming tao na walang karapatan makialam sa kasunduang ito, kahit ako. Napatingin nalang ako sa bintana habang tumutunog ang kampana senyales na alas-sais imedya na. Isa't kalahating oras na lamang ang natitira bago kami magkita muli. Teodoro. Teodoro Del Prado katulad ka parin ba ng dati? Napatawad mo na kaya ako?
Napailing nalang ako at pinunasan ang mga luha ko bago ngumiti muli. Ako si Elena La Guardia, ang nag iisang anak na babae sa pamamahay ng La Guardia kaya. Kaya. Kaya dapat. Dapat ang imahe ko ay dapat isang babaeng nasa prestihiyosong katayuan. Hindi nararapat na umiyak at magreklamo ako dahil tama nga naman ang mga tao na nasa paligid ko, na nasaakin na ang mga luho na ginugusto ng lahat at ang tanging hiling lang naman nila ay aking ngiti. Ngiti. Ngiting inosente at walang bahid ng karumihan.
Napahinga na lang ako ng malalim at tinignan ang dalawa.
"Tumahan na kayo tara't maghanda na. Wag niyo narin isipin ang nangyari kanina dahil hindi naman natin alam kung ano mangyayari sa hinaharap malay ninyo mag-iba ang ihip ng panahon at sumangayon ito sa ating kagustuhan." Sabi ko habang kinukuha ang mga aksesorya na aking gagamitin para mamaya.
Ngumiti nalang ang dalawa at tinulungan nalang ako sa pag-aayos.
"Senyorita eto pala ang iyong damit na ipinadala ng iyong ama kaninang umaga. Ang pagkakaalam ko ay galing ito sa Espanya at napakanda ng tela. Napakanda ng kulay asul sa iyong mestisang balat." Ani ni Tala sabay tango rin ni Luningning.
Tinignan ko ang aking sarili sa salamin sa loob ng aking kwarto. Ang damit ko ay may iba't ibang klase ng asul na kulay at may mga dilaw na burda na hugis bulaklak sa blusa ng aking saya na nababagay sa aking kayumangging mata at itim na mahabang buhok. Hindi ko maiwasan na mapatitig at mapaisip kung totoo nga bang kamukha ko ang aking ina. Ganto rin kaya ang itsura ni ina nung nabubuhay pa siya? Bagay rin ba sa kanyang morenang balat ang asul na saya? Kamukha ko nga ba siya? Kaya ba hindi ako kayang titigan ni ama? Kaya rin ba hindi ako tanggap sa punong pamilya ng La Guardia dahil mas kamukha ko ang aking ina kaysa kay ama? Kaya ba si Lorenzo ang tanggap nila? Andami na lumalabas sa aking isipan kaya't di ko napansin na na patulala nalang ako at nagbalik lang ang aking ulirat noong ako'y tapikin ni Tala.
"Tara na senyorita sa upuan at aayusin na namin ang inyong buhok." Masigla nilang sabi.
Umupo ako sa tapat ng lamesa sa loob ng kwarto at naglagay ng simpleng kolorete sa mukha tulad ng pampapula ng labi at pulbo. Habang inaayos ni Luningning ang aking buhok sumigaw bigla si Tala.
"Luningning! Luningning! Pumarito ka!" Sigaw ni Tala na nasa lalagyan ng mga aksesorya ng aking buhok.
"Ano ba iyon Tala? Hindi mo ba nakikita na tinutulungan ko si Senorita dito!" Tugon ni Luningning.
"Nawawala ang paboritong payneta na may mga puting diyamante ni senyorita na regalo ni senyorito Lorenzo sakanya nung isang taon!" Tarantang sabi ni Tala.
Napalingon si Luningning at tumakbo papunta kay Tala. Paynetang puti? Ah! Yung ibinigay ko kay Anna. Oo nga pala't ibinigay ito ni Lorenzo saakin ngunit naibigay ko pala ito. Hindi naman ako nagsisisi dahil hindi lang naman ito ang paborito ko at nag iisang bigay ni Lorenzo. Nakapanghihinayang ng kaunti dahil gusto ko ito sapagkat ito ay payak at hindi agaw pansin ngunit sadyang nababagay lang ito kay Anna kaya't naibigay ko ng walang alintana.
"Hala! Patay! Patawad senyorita at naiwala namin ang iyong payneta!" Paiyak na sabi ni Luningning. Si Tala ay umiiyak na rin habang tumatanggo na parang sumasangayon sa sinasabi ni Luningning ngayon.
Lumapit ako sa kanila na nakaluhod sa aking harapan at umupo rin sa tapat nila. Nginitian ko sila at umamin.
"Wag kayo mag-alala at hindi niyo ito naiwala sapagkat ibinigay ko ito sa isang napagandang binibini na aking nakasalubong kanina."
Bakas sa mga mukha nila ang pagkagulat siguro'y di nila inakala na ibibigay ko lang ito. Tumayo ako at dumeretso sa lalagyan ng mga payneta upang mamili ng aking gagamitin. Napili ko ang isang asul rin na payneta na may iba't ibang kulay na diyamante at nilagay sa aking buhok. Kinuha ko ang puting sapatos na may takong na padala rin ng aking kapatid kasama ang payneta at isinuot ito. Habang sinusuot ko ito ay kumatok at ibinalita na andiyan na ang karwahe ni ama upang sunduin ako. Kinuha ko ang aking panyo't pamaypay at dumeretso sa pintuan. Teka hindi ba't nasa loob rin ng kwarto sila Tala. Lumingon ako at nakita ko sila na naka buka ang bibig habang nakatitig saakin.
"Maiwan ko na kayo. Salamat nga pala sa pagtulong sa pagaayos. Dumeretso narin pala kayo sa kusina dahil baka nangangailangan ng tulong si Nay Esme."
At doon lang natauhan ang dalawa at tumungo na nagbibigay senyales na naintindihan nila ang aking mga sinabi. Lumabas na ako ng tuluyan at sumakay sa karwahe. Nandito na si ama at naka bihis narin siya. Binati ko siya ngunit tinanguan lang niya ako dahil nakatuon ang kanyang mata sa mga papeles ng mga kasong hawak niya.
Alejandro La Guardia, isang tanyag na pilantropo at abogado dito sa bansa pati narin sa Espanya. Siya rin ang pangalawang anak ng punong pamilya ng La Guardia at ang tagapagmana sana ng pamilya. Subalit siya rin ang itinuturing na kahihiyan sa pamilya sapagkat mas pinili nito pakasalan ang isang Pilipinong utusan ng Gobernador Heneral. Ngunit naging masaya naman siya kahit nawala siya sa pwesto niya bilang tagapagmana dahil nasa piling niya si ina. Mahal na mahal niya si ina kaya't siguro ay mabigat parin ang loob niya matapos ang sampung taon.
Gusto ko umiyak habang inaalala ang mga kwento nila Nay Esme patungkol rito dahil saksi sila sa mga pangyayari sa buhay nila ina't ama. Simula nung namatay si ina ay hindi na muli siya ngumiti, hindi ko na nga rin maalala ang kanyang mukhang naka ngiti. Matipid na rin siya magsalita, dati nung ako'y walong taong gulang ay naglakas loob akong tanungin siya kung bakit nagbago na siya at bakit hindi niya na ako kwinekwentuhan tuwing gabi. Ang sagot niya lamang ay,
"Patawad ngunit kakaunti lang ang alam kong wika ng mga Pilipino kaya't hindi kita makwentuhan tulad ng dati. Alam mo naman na ang iyong ina ang aking gabay sa pakikipagusap sainyong magkapatid dahil lumaki kayo na hindi Espanyol ang inyong salita."
Pagkatapos niya sabihin ito ay niyakap niya ako at patuloy na umiyak dahil sa pangungulila kay ina ngunit hindi ko alam na ito rin pala ang huling yakap na matatanggap ko kay ama. Kailan ko kaya muli makakausap at makikita ang dating ama namin na masiyahin.
"Elena. Elena!"
"Ha? Ano po yun ama?" Tugon ko sa pagtawag ni ama.
Hindi ko napansin ay napatulala na naman ako habang nakatingin sa bintana ng karwahe. Nagiging madalas na ang pagkakatulala ko at di ko maintindihan ang sarili dahil nagiging malungkutin na rin ako kahit walang dahilan.
"Bakit ka umiiyak? May nangyari ba habang nasa trabaho ako?" Seryosong tanong ni ama.
"Wala po ama, naalala ko lang ang kwinento nila Tala tungkol sa mga batang natatagpuan sa gilid ng tulay na parang mga kinulam at pinatay." Ngiting tugon ko habang pinupunasan ang luha.
"Wag mo na iyon isipin. Wag ka mag-alala inaasikaso na namin ang patungkol diyan. Siya nga pala ngayon ko lang napansin na tumangkad ka ulit at humaba na iyong buhok na hanggang bewang ngayon. Mas-mas naging kamukha mo ang iyong ina kaya't huwag na umiyak." Sambit nito habang nakatingin saakin bago bumalik ulit ang tingin nito sa mga papel na nasa kamay niya.
Napangiti ako dahil halatang hirap si ama magsalita ng salitang ng mga Pilipino pero pinilit niya ito upang kausapin ako at damayan. Binanggit niya rin si Ina. Mas naging kamukha mo ang iyong ina. Kasing kamukha ni ina? Ibig ba sabihin nun maganda ako ngayon? Alam ko na si ina lang ang maganda sa paningin ni ama kaya nakakagalak ito ng damdamin para saakin.
Tinignan ko si ama bago tumingin ulit sa mga poste ng mga ilaw sa daanan. Kapatid na Lorenzo sana nakikita mo ito. Sana nakikita mo ngayon na unti-unti nang bumabalik ang dati nating ama na nawala nung tayo ay mga bata pa lamang.
Mga ilang minuto lamang ay nakarating na kami sa pamamahay ng mga Del Prado na batay sarado ng mga gwardya sibil. Sumaludo at bumati ang mga ito isa't isa nung pumasok kami. Ang unang tumambad saamin ang maliit ngunit napakagandang hardin ni Senyora Concepcion at dito rin kami sinundo ni Alfredo na kanang kamay ng Heneral Del Prado. Hinatid niya kami sa pinaka-malaking kwarto ng bahay, kung saan ginaganap ang mga piging at mga pagtitipon. Makikita mo na agad ang karangyaan ng Del Prado sa pasilyo palang na puno ng mga mamahaling dekorasyon at mga pinta na gawa ng mga tanyag na magpipinta sa Espanya. Hindi mo masasabi na may masamang gawain ang Del Prado kahit ano pang karangyaan ang ipinapakita nila dahil ang mga ito ay isa sa mga sinaunang angkan na nabuo at yumaman sa Espanya na lumipat lang dito dahil naririto ang trabaho na ibinigay ng Hari sa namumuno ng kanilang pamilya.
Andito na kami sa harapan ng kwarto. Kumatok si Alfredo ng tatlo bago bumukas ang pinto.
"Andito na po pala kayo. Magandang gabi Senyor Alejandro. Magandang gabi...."
"Aking Elena." Ngiting bati nito saamin ni ama ngunit ang kanyang mata ay saakin parin nakatingin.
Ang abo nitong mata. Isa sa mga matang hindi ko makakalimutan.