NANG MAGISING SI JACK, ANG HELLO KITTY na kurtina ang una niyang nakita—sumasayaw-sayaw ito sa pagkakasabit sa bintana, nilalaro ng hangin. Nang subukan niyang tumayo, parang iikot muli ang mundo niya, kaya humiga na lang siya ulit. Kulay pink ang kuwarto. Panay posters ng mga kung sino sinong Korean actors, pero nasa pinakagitna at pinakamalaki ay isang Hello Kitty poster. Pati ang kumot niya ay may mga Hello Kitty prints. Nang lumingon si Jack sa tabi ng kama, nasa katabing desktop ay mga framed pictures ng isang maganda at nakangiting babae. Ilang minuto pa bago niya na-realize kung sino ang babae sa mga pictures: si Camille!
Saka naman biglang bumukas ang pinto at siyang pasok ni Camille, naka-pambahay na, namumugto pa rin ang mga mata. May dala itong tray ng pagkain at inumin, na tahimik na inilapag sa desktop sa tabi ng kama. Hindi ito nagsasalita, nakatingin lang kay Jack.
"Nasa langit na ba ako?" tanong ni Jack.
"Oo," sabi ni Camille, hindi pa rin ngumingiti.
"Ngayon ko lang nalaman na uso pala ang Hello Kitty sa heaven. Baka paglabas ko dito sa kuwarto mo, pumipilantik na rin ang mga daliri ko at gusto ko na rin magtayo ng beauty parlor."
Dun na napangiti si Camille. "Sira." Buntong-hininga. "Kumusta na ang pakiramdam mo? Masakit pa ba?" Hinipo nito ang panga ni Jack; napaigtad sa sakit si Jack. "Sorry," bulong ni Camille.
Napapikit si Jack. Hayup na Brett, tinutoo talaga ang pagkakasuntok. Nagpapasikat lang naman ako e…
"Bakit mo naman kasi biglang sinugod yung tao?" sabi ni Camille. "Di ba ikaw ang laging nagsasabi, 'I'm a lover, not a fighter'? O bakit parang ang tapang mo na ngayon?"
"Anong magagawa ko? Pinaiyak ka niya."
"Sus! Drama! Hindi bagay sa iyo."
"Mukha bang drama lang itong halos hindi ko maigalaw ang panga ko?"
"Hindi ko naman sinabing sugurin mo agad si Brett, eh. Hindi pa nga ako tapos magsalita."
"Ang sabihin mo," sabi ni Jack, napaupo na sa kama. "Ubod nang tigas ng iyong ulo! Sinabihan ka nang huwag magtitiwala dun sa mokong na yun, bumigay ka pa rin. Isang sorry, isang deny lang ni Brett, nagpapa-uto ka na agad. Nadadamay pa ako."
"Wala naman nagsabi sa iyong makialam ka."
"A ganun? Ako pa talaga ang kontrabida. Thank you ha."
"Sorry na," sabi ni Camille. "Tapos na kami ni Brett. Hindi ko na talaga papansinin yun."
"Parang ganyang ganyan din yung sinabi mo last time."
"Last time," sabi ni Camille, hinga nang malalim, "Wala pang nangyaring ganyan. Saka ako mismo nakakita ng ginagawa nila ni Joanna."
"Sana sinugod mo agad pagkakita mo."
"Ewan ko ba." Kinuha ni Camille ang baso ng softdrink at iniabot sa kanya. Uhaw na nilagok ito ni Jack—nun niya lang naramdaman na tuyo pala ang lalamunan niya. "Parang ako ang napahiya nang makita ko sila. Lumayo ako agad bago nila ako mapansin eh."
"Lesson learned," sabi na lang ni Jack, saka tumayo. "Uwi na ako. Hinahanap na ako sa amin."
"Gusto mo dito ka na mag-dinner?"
"Oo bah! Gusto mo dito na rin ako tumira e. Hakutin ko lang saglit ang mga damit ko!" Ngisi si Jack. "Sige na, bukas na lang ulit. Naka-isang good deed na ako today. Quota na ako. Bukas naman."
Sa may pintuan na nasabi ni Camille ang salitang "Salamat."
"Anong salamat?" lingon ni Jack. Gabi na, medyo malayo pa ang lalakarin nito, pero parang ayaw pa talaga nito umalis. "May bayad yun!"
"Anong bayad?" tanong ni Camille, kunot-noo.
"Kiss!" In-offer ni Jack ang nguso niya.
"Tse!" Sabay bagsak ng pinto sa mukha ni Jack. Narinig na lang ni Camille na nagtatawa si Jack sa labas, ang mga salitang "Joke lang. O sige bye na," na sinabi nito, ang mga yabag palayo. Matagal nang wala si Jack ay nakasandal pa rin si Camille sa pinto, nalilito sa mga bagong nararamdaman. Bigla niyang naisip: paano kung hindi talaga nagjo-joke si Jack? Kung serious talaga siya sa kiss?
What if?