Chereads / Tanga Mo, Love / Chapter 1 - Math Assignment

Tanga Mo, Love

JBLazarte
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 101.9k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Math Assignment

HINDI MALAMAN NI JACK KUNG PAANO SASABIHIN kay Camille ang tutoo. Paano mo nga naman maaatim na makitang ma-disappoint ito? Heto't asang asa ang bruha: ilang ulit pang nire-review ang math assignment ni Brett, na si Camille ang gumawa, sinisiguro na wala itong mali kahit isa. Pag naka-perfect score nga naman si Brett, mapupuri na naman ito ni Mrs. Santos, ipangangalandakan na naman ito sa harap ng buong klase. "Itong si Brett ang ideal student! Athletic at matalino na—guwapo pa!"

Syempre, emphasis on "gwapo." Sabi nga ni Camille nung minsan, "Siguro kung nagasawa si James Reid at Daniel Padilla, si Brett ang anak nila." Sabay bunghalit ng tawa. Loka rin itong si Camille, ang taba ng utak.

Kung alam lang nila na si Camille ang gumagawa ng lahat ng mga math assignments ni Brett.

At kung alam lang sana ni Camille…

"Hindi na darating yung si Brett," sabi ni Jack. "Malamang nalimutan ka na naman."

"Hindi yun," sabi ni Camille. "Baka na-traffic lang."

Traffic? E dyan lang yun nakatira sa tapat ng school. Minsan ang sarap barahin ng pagiging in denial ni Camille e.

Nagkakandahaba na ang leeg ni Camille sa katatanaw sa mga taong padating. Nakaupo sila sa ilalim ng puno ng talisay malapit sa entrance ng school. Tanghaling tapat, nagngangalit ang sikat ng araw.

Di na makatiis si Jack. "Bakit hindi mo kasi itext?"

"Tinext ko na!" Bagsak ang mukha ni Camille. "Hindi naman nagrereply e."

Kita mo na, naisaloob ni Jack. Gagong Brett, ginagamit ka lang nun. Pero hindi na ito masabi ni Jack. Baka sya na naman ang sisihin ni Camille. Pagsabihan syang "Nega ka kasi. Lahat na lang ng masama ine-expect mo sa mga tao. Ibahin mo si Brett."

Oo, ibahin mo si Brett. Saksakan ng babaero nun. Bobo pa. Yun nga lang, ang galing mag-basketball.

Kung bakit naman kasi hindi ako marunong magshoot ng bola, mag-dribble. Kung bakit kasi ang bilis kong hingalin, naiisip ni Jack habang pinagmamasdan si Camille. E di sana ako ang pinagpapantasyahan ng bayan.

"Bakit hindi mo na lang iabot yang assignment sa loob ng classroom?"

"Ano ka ba?" Iritado na si Camille—dahil sa init ng katanghalian at dahil na rin sa pagka-late ni Brett. "E di nabuko sya ng lahat ng mga kaklase natin? Kawawa naman yun. Baka pagalitan sya ni Mrs. Santos at isumbong sa parents nya."

Mabuti nga yun, para matuto naman ang ugok na yun.

"Anong sabi mo?" salubong na ang mga kilay ni Camille, malapit nang sumabog ang pasensya nito. Pikon na.

"Ang sabi ko—" kamot ng hindi naman nangangating ulo—"darating na siguro yun. Konting hintay na lang at andyan na bigla yang boyfriend mo."

Sa salitang "boyfriend," umaliwalas bigla ang mukha ni Camille. "Alam mo yan, best friend!"

Wow, ang tamis bigla ng ngiti, muntik na kaming langgamin, naisip ni Jack. Asang asa ang bruha. Naku, kung alam mo lang Camille. Ang kaso, ayaw na ni Jack na sya ang taga-hatid ng masamang balita kay Camille. Nadala na sya. Kahit na ba may kasabihang, "You don't shoot the messenger," sya pa rin ang pagbubuntunan ng sama ng loob ni Camille. Tulad nung isang beses, nakita nya sa mall si Brett, kaakbay si Joanna, yung super-friendly na syota ng bayan na masabihan lang ng "I love you" ay sumasagot agad agad ng "I love you more!" Okay, sorry, medyo exaggerated yun, pero parang ganun na rin. At dahil first time na maka-scoop ng scandal, ang unang ginawa ni Jack ay magsumbong kay Camille. At dahil first time na may nag-attempt na basagin ang bubble nya, ang unang ginawa ni Camille ay ang hindi maniwala. "Baka naman pinsan nya yun? O baka naman hindi si Brett yun? Baka si James Reid talaga yung nakita mo at hindi si Brett?"

Wow, ha. Artista lang?

"E di tanungin mo sya," sabi noon ni Jack. Ang lakas pa ng loob nya. Sure na sure sya na wala ng takas itong si Brett. Matagal na kasi syang asar dun. Akala mo kung umasta ay image model ng Bench. Akala mo kung makangiti ay endorser ng Close-up. Kung makalakad sa mga pasilyo ng school, akala mo may spotlight na laging nakatutok sa kanya. Nakakaasar naman talaga ang feelingero na yun. "Tanungin mo sya pagdating nya. Kumprontahin mo. Tingnan natin kung makatanggi pa sya."

Nang masalubong nila si Brett ng hapong yun, todo deny naman ito. Actually, hindi todo deny, tamang denial lang. Tipong, "Hindi ako yun ah! Duh!" Yun lang at naniwala na agad si Camille. Nalaglag agad ang panty, lalo na nung ngumiti ng mala-Close-up smile si Brett sabay paalala kay Camille na deadline na ng assignment nya sa math at kung pwede'y makuha na nya ang mga sagot. Eventually, si Jack pa ang nasisi. Kesyo inggit lang sya dahil wala syang lovelife, walang social life, walang kahit anong life. Puro libro, computer, libro, computer, pang-iinis pa ni Camille.

"Bakit di ka humanap ng girlfriend para hindi ka nangungunsumi sa kaligayahan ng iba?" sundot pa ni Camille.

Ayaw na ayaw pa naman ni Jack ng kinukwestyon ang mga life choices nya. Bakit, masama ba na magpursigeng mag-aral para makakuha sya ng scholarship sa kolehiyo? Masama ba na pilitin nyang matutong makagawa ng sarili nyang Android app? Krimen ba na maituturing na ang paborito nyang libro ay ang koleksyon ng mga love poems ni Elizabeth Barrett Browning? Pero isang titig nya lang kay Camille at sa asang-asa na mukha nito, nilunok na lang nya ng tahimik ang mga masasakit na salitang muntik na nyang bitiwan. Simula noon, hindi na kumokontra si Jack. Kapag niyaya sya ni Camille na sumama sa mga pagtatagpo nila ni Brett, umo-oo na lang sya. Ayaw nya ring tumanggi dahil medyo nag-aalala sya kay Camille—baka manyakin ito ni Brett kapag wala sya dun. Baka kung anong gawin—ewan lang nya, pero parang may lihim na violence si Brett. Wala syang tiwala sa hilatsa ng mukha nito. Sabi nga ng bandang Parokya ni Edgar, si Brett ay yung tipo ng gwapo na bagay maging kontrabida sa pelikula.

"Ayan na sya," paimpit na bulong ni Camille sabay siko kay Jack. Malayo pa lang, lutang na lutang agad ang good looks ni Brett—matangkad sa karaniwan, maputi, makinis, may tutsang ("bigote at balbas yun!" pagko-correct sa kanya minsan ni Camille). Samantalang sya, ni hindi yata sya tutubuan ng kahit isang hibla ng bigote. Kumaway si Camille, pero hindi agad sila nakita ni Brett—bawat makasalubong kasi nito, binabati sya, kinakausap, lalo na ng mga girls.

"Bwiset na mga babae to," bulong ni Camille, namumula na naman sa inis. "Anlalande! Kulang na lang maglulupasay sa paanan ni Brett!"

Akala mo sya hindi ganun, bulong ni Jack.

"Ano'ng sabi mo?" bwelta sa kanya ni Camille.

"Wala. Ang sabi ko ang lalandi nga ng mga babaeng yan! Ang sarap pagsasabunutan!"

Hindi na nagsalita si Camille, pero nakakunot pa rin ang noo. Hinayaan na lang nyang mapansin sila ni Brett—wala rin naman ibang dadaanan kundi ang mismong tapat nila. Nawala lang ang simangot ni Camille nang lumapit na nakangiti si Brett sa kanila.

"Hi, Cam!"

Cam? Bago yun ah. Pinipilit ni Jack na mag-astang parang wala lang sa kanya ang nakikita. May napansin syang patay na ipis sa may damuhan sa paanan nya. Parang medyo nainggit sya dun sa ipis.

"Hi, Brett," bati ni Camille. "May problema ba? Parang na-late ka na yata?" Sa tono ng pananalita ni Camille, parang siya pa itong nagso-sorry.

"May tinapos pa kasi ako eh."

"Tinext kita kanina ah."

"Talaga? Parang wala akong nareceive." Larawan ng kainosentehan ang mukha ni Brett. Nagscroll down pa sa messages sa cellphone nito. "Wala naman eh."

"Hayaan mo na," sabi ni Camille. Buong ingat na iniabot kay Brett ang hawak nitong papel: larawan ng alipin na nag-alay ng sakripisyo sa diyos nya. "Heto na nga pala ang assignment mo."

"Wow! Thank you!" Niyakap nya si Camille. "Thank you, thank you talaga! Sobrang galing mo talaga, Cam!"

"Wala yun!" Pero halatang kinikilig si Camille sa pagkakayakap sa kanya ni Brett.

Tuwang tuwa naman ang gaga, naisaloob ni Jack.

"Thank you," sabi ni Brett, mabilis na isinusuksok sa bag ang math assignment. "See you later, Cam."

"Yung usapan natin, nalimutan mo na?"

Alanganing kunot ng noo ang isinukli ni Brett. "Usapan?"

"Yung mamaya? Iti-treat mo ako ng dinner, di ba?"

"Ah, oo nga pala!" Pero wala na sa kanila ang isip ni Brett; nagpipipindot na ito sa cellphone nya, nagtetext. "Sure, Cam. Text kita later ha. Meet na lang tayo dun?"

"Okay." Larawan ng kaligayahan si Camille. "See you later."

Matagal nang nakaalis si Brett ay nakatayo pa rin si Camille dun, nakatanaw. Si Jack naman, tahimik lang, kunwari balewala sa kanya yung realization na mukha na silang tanga dito.

Later, nung gabing yun, mahigit isang oras na naghintay sa fastfood si Camille, nagtetext, tinatawagan ang magtitreat sa kanya ng dinner. Pero walang Brett na sumipot. Laging "User is out of coverage area" ang binabalik ng cellphone nya tuwing ida-dial nya ang number ni Brett. Gustong maiyak ni Camille pero hindi: inisip na lang nya na baka nagkaproblema lang si Brett. Ayaw nyang maniwalang sinadya ng lalaki na hindi siya siputin. Hindi ganun si Brett. Hinding hindi.

Alam lahat ni Jack yun dahil kahit hindi sya niyayang sumama ni Camille sa meet-up nila dapat ni Brett (na dati naman ay sinasama siya), naroon lang sya sa labas, nakatayo, nagbabantay, nalulungkot para sa kaibigang nasa loob ng fastfood, na naroon pa rin at tahimik na sinusundot ng tinidor ang spaghetti nito.