Chereads / Maldita Kong Puso / Chapter 12 - Chapter 12: Mia Remembers

Chapter 12 - Chapter 12: Mia Remembers

MADILIM na nang nakaparada ang kotse sa lodge.  Hindi muna bumaba ang dalawang pigurang lulan niyon: isang babae at isang lalaki.  Kapwa sila walang kibo, nakatanghod sa harap.  Waring pinakikiramdaman kung ano ang sunod na gagawin—o sasabihin—ng isa.

Ang babae ang unang nagsalita.

"Hindi na 'to puwedeng maulit pa."  Pahat ang boses nito.  Balisa.  "Dapat lang na iwasan natin ang isa't-isa magmula ngayon."

"Alam ko," sambit naman ng lalaki.  "Pero wala naman talagang problema, hindi ba?  Ikaw na rin ang nagsabing ako ang tipo ng lalaking pinakaayaw mo."

"Oo nga pala."  Tipid na ngumiti ang kinausap.  "At ako ang tipo ng babae na hindi ka kailanman magkakagusto."

Ngumiti rin ang lalaki.  "Muntik ko nang makalimutan.  Mabuti't pinaalala mo."

"Nanunuya ka ba?"

Buntong-hininga.  "Ano sa tingin mo?"

Saglit na katahimikan.

"Mauna na 'ko sa 'taas," anang babae pagdaka.  Inibang paksa.  Isinantabing kasagutan.  Pinihit nito ang seradura ng pinto ng sasakyan.  "Good night.  'Tsaka salamat na rin at ihinatid mo ako—"

"Hintay."  Hinagip ng lalaki ang isang kamay nito.  Masuyo.  Nanghihimok.

Lumingon ang babae.  Tinitigan ang binata nang mata sa mata.  Mababanaag ang pag-aatubili sa mukha ng dalawa.  Ang hubad na pagnanasa.

Waring tumigil ang takbo ng oras.

At sa loob ng sagradong sandaling iyon, sabay nilang tinawag ang pangalan ng isa't-isa.

"Daniel—"

"Almira—"

Huh?  Kumurap si Mia.

"'Ayan na 'yung cue, go!" apurang bulong ng production assistant sa likod niya.  Itinulak siya nito papalabas sa veranda ng bahay-bakasyunan.  Natalisod si Mia ngunit hindi nadapa, awa ng Diyos.  In the nick of time ay naalala rin niya ang kanyang mga linya.

"Tulong!" sigaw niya bilang 'Felyang Lukring.  Padambang nagtatakbo si Mia pababa ng malawak na hagdan.  "Si Inay Magda!  Duguan si Inay Magda!  Duguan!  Maraming dugo!"

Tumawag ng "Cut!" si Direk.  Nakahinga siya nang maluwag.  Gayundin sina Miss Virna at Clark Alejandro—ang rakishly handsome na si 'Daniel' doon sa car.

Pasado ang take.  Nag-go-ahead si Direk Jet upang i-ready na ang mga kailangang i-ready para sa kasunod na eksena.

Muntikan na 'yon, ah, puna ni Mia.  Na naman.

Naiinis na siya sa kanyang sarili.  Hindi pa kasi sapat na nitong dalawang araw ay panay ang pagkakamali niya sa mga scenes na hindi naman ganoon ka-komplikadong i-pull-off.  Ngayon naman ay kailangan pang magpadala ang overactive niyang imahinasyon sa isang piling eksena sa teleserye.  Isang eksenang all too familiar for comfort.

Pamilyar, that is to say, tanging sa pantasya ni Mia lamang.  Two days ago, taliwas sa katatanghal lang, hindi siya nanatili sa loob ng kotse nang mai-park na nila ang Accord sa paradahan ng Johaira's.  Lumabas na siya kaagad bago pa man mapatay ni Ren ang makina ng sasakyan.  Hindi na rin sila nakapag-usap, then, and ever since.

Not that they didn't get to say plenty before that.

'You're superficial.  Maraming arte.  May pagka-childish and immature.'

Umaalingawngaw pa rin sa kanyang isip ang mga binitawang salita ni Ren noong dapithapong iyon.

'The typical spoiled princess.'

Sumimangot si Mia.  Spoiled?  Childish and immature?  Iyon ba talaga ang impression ni Ren sa kanya?  At ano'ng paki ba niya kung gayon nga, anyway?

Sumimangot pa siya lalo.

Bakit ba siya may paki magpahanggang-ngayon?

"Hahagulgol ka in the background sa sunod na scene, hindi makikipag-away," magaang untag sa kanya ng papalapit na pigura ni Weng.  Dinalhan siya nito ng isang tetra pack ng strawberry milk, as per request, at isang balabal para sa lamig.  "Nakoh, mabuti naman at na-one-take mo 'to, pangga.  Baka literal na napilipit ka ni Direk sa leeg kung ikaw pa if ever ang naging sanhi ng take two.  You do know na kelangan nang mag-may-I-fly-away to LA sina Virna at Clark bukas, right?"

"Oo."  Mia nodded.  Lilipad ang dalawa bukas patungong Los Angeles, California upang i-promote ang US screening ng To Love You, ang pelikula ng mga ito under Royal Films.  Tatlong araw pa bago bumalik ang naturang magka-love team sa Palawan.  Iyon ang dahilan kung kaya pandalas sila ngayon sa produksyon na i-wrap-up ang taping ng mga scenes na kasali ang dalawa.  "I'm sorry nga pala kung parang ang sagwa ng performance ko of late," patuloy ni Mia.  "Pagbubutihin ko na from now on, promise."

"Sabihin mo 'yan kina Direk, huwag sa 'kin," abiso ni Weng.  Kumurap-kurap ito saka tinitigan siya.  "Pero himala, ah.  You're owning up to your recent failings.  Nilalagnat ka ba, dear?"

"Hindi," aniya, sabay bugaw sa kamay ni Weng na akmang ipang-che-check nito sa kanyang noo para sa sinat.  Huminga siya nang malalim.  "Bakit, ganoon ba talaga ka-surprising na mag-sorry ako?"

Lalong napatitig sa kanya ang bading.  "You're asking me that, pangga?  Seriously?"

"Weng..."

"Okay, fine."  Nagkibit-balikat ito.  "Well... medyo.  Palaban ka, eh.  Sumpungin.  Pretty much used to getting your way."

Napayukod si Mia.  "Parang spoiled brat, in other words."  So tama si Ren, gano'n?

"Aba'y hindi," kagyat na kaila ni Weng.  Ngunit kagyat rin nito iyong binawi.  "Mm, alright, kinda.  Pero girl, okay lang naman 'yon.  Bearable.  Part na nga ng charm mo bilang ikaw."  He eyed her quizzically.  "Ano ba'ng nangyari sa 'yo, anyway?  Ba't biglang napagtripan mo'ng itanong sa 'kin 'yan?"

Bakit nga ba?  "W-wala lang," maang na tugon ni Mia.  Nagkibit-balikat rin siya.  "At walang ano mang nangyari sa 'kin, ano."

That's right, bulong ng dalaga sa sarili.  Wala ngang nangyari.

May muntik nang mangyari, that was for sure.  May muntik nang maulit.  But she and Ren didn't kiss sa pagkakataong iyon.  They'd been literally thrown into each other's arms, but still they didn't kiss.  Sa pagkakataong iyon ay nagwagi ang katinuan.  Natauhan sila.  Napigilan ang kanilang mga sarili.

And so they didn't kiss.

"Waley?  Truthfully?" samantala'y inkreduloso namang bira sa kanya ni Weng.

"Wala talaga," muling diin ni Mia.

She ought to be relieved, really.  Relieved, and grateful na rin.  Hindi ba't pruweba iyon na hindi siya taksil at salawahan?  Na in fact ay tapat pa rin siya sa boyfriend niyang si Adrian?  Dapat siyang matuwa.  Magdiwang.  Ipagbunyi ang katatagan ng kanyang loob sa hara ng tukso.

'Tukso' na Ren Ishida ang pangalan.  Na ginawaran ni Weng ng namesung na—

"—ni Labuyo?"

"Ha?"  Mia promptly looked up.  Heaven help her if kaya na palang bumasa ng mga isip ang manager niya.

"Eh kayo 'ka ko ni Labuyo, waley rin ba?" aliw na ulit nito.

Suminghot siya.  Mega-ostentatious na pinaikot pasalangit ang kanyang mga mata.  "Waley na waley, Weng."

Walang nangyari.

We didn't kiss.

She shouldn't be as she was right now, frustrated and annoyed.  Naiiyamot hindi lamang kay Ren kundi pati sa kanyang sarili.

Higit sa lahat, she shouldn't still want to kiss the arrogant bastard.  Or constantly dream about kissing said arrogant bastard in the two days after they had almost kissed.  Batid niya iyon.  Sang-ayon ang diwa niya roon.

Ngunit tila determinadong magpakamaldita ng kanyang puso.

And so did Weng, as it turns out.

"Then maybe 'yan ang dahilan kung bakit nagkakaganyan ka, pangga," pahayag nito.  "On edge ka kasi type mo'ng i-update ang status n'yo ni Labuyo from 'waley' to 'havey'."

Related Books

Popular novel hashtag