Tumatakbo si Joaquin sa isang madilim na eskinita, pawisan at hingal na hingal. Palingon-lingon siya sa kanyang likuran, inaaninag ang humahabol sa kanya. Hindi siya natatakot sa mga aswang, at kahit anong uri pa ang humarap sa kanya ay buong tapang niya itong lalabanan. Hinding-hindi siya tatakbo.
Ngunit, sa pagkakataon iyon, ang humahabol sa kanya ay isang tao. Isang pulis.
Alam niya na hindi siya naging maingat. Naging kampante siya dahil matagumpay niyang napapaslang ang kanyang mga target na aswang. At ngayon nga ay nangyari na ang iniiwasan niyang mangyari. Mayroong nakakilala sa kanya habang minamanmanan ang susunod niyang target. Makalipas lamang ang ilang sandali ay mayroong isang kotseng tumigil sa kanyang harapan. Isang lalaki ang lumabas na nakasibilyan. Isang tingin pa lamang ay alam na ni Joaquin na isa itong pulis.
"Joaquin Pineda!"
Agad kumaripas ng takbo ang pari. Dito na nga nagsimula ang kanilang habulan.Nagpasikot-sikot siya sa loob ng squatters area na pinasukan niya, 'di alintana ang mga taong nababangga niya.
"Hoy! Sira ulo ka, ah!" sigaw sa kanya ng isang lalaking tadtad ng tattoo ang katawan.
Kahit maingay ay alam niya na sinusundan pa rin siya ng pulis na ngayon nga'y namumukhaan na niya. Palagi niya itong nakikita sa telebisyon sa tuwing ang balita ay ang tungkol sa kaso niya. Ito ang nangunguna sa pagtugis sa kanya.
Si Inspector Jonathan Romero, naisip ni Joaquin.
Kahit na pumapatay siya ng mga aswang, ayaw pa rin naman niyang manakit ng mga tao. Isa pa rin siyang pari. Ayaw rin naman niyang mahuli at mabulok sa kulungan. Kaya't wala siyang magawa kundi ang tumakbo at tumakas.
Hindi siya pamilyar sa lugar na pinasok kaya't hindi niya alam kung papaano makakalabas sa magulong lugar na iyon. Basta't paliku-liko lang siya kung saan siya puwedeng dumaan.
Hanggang sa matigil siya ng tumambad sa kanya ang isang mataas na batong pader. Luminga-linga siya, naghahanap ng ibang madadaanan ngunit wala siyang nakita kundi isang pumipikit-pikit na bumbilya.
"Tigil!" isang malakas na sigaw ang kanyang narinig mula sa kanyang likuran. "Taas ang mga kamay!"
Dahan-dahang itinaas ni Joaquin ang dalawang kamay. Kahit hindi siya lumingon ay alam niyang nakatutok sa kanya ang baril ng pulis.
"Matagal na kitang hinahanap, Joaquin Pineda." sabi ni Tano sabay labas ng isang posas.
"At bakit niyo naman hinahanap ang isang alagad ng Diyos?" inosenteng tanong ni Joaquin.
"Alagad ng Diyos?" Tumawa ng malakas ang pulis. "Puwes, ako ang alagad ng batas. At nagkasala kayo sa batas, Father," may panlilibak na tugon ni Tano. "Isa kayong mamamatay-tao."
Napangiti si Joaquin. "Nagkakamali kayo, sir. Hindi ako pumapatay ng tao. Ang pinapatay ko ay-"
"Sa prisinto ka na magpaliwanag!" Lumapit si Tano sa pari para posasan ng marinig niya ang isang kalabog mula sa kanyang likuran. Napalingon siya at nakita ang hugis ng tatlong lalaki na nakatayo sa dilim.
"Jackpot tayo dito! Nandito na ang Killer Priest, may panghimagas pa tayong parak."
Malakas na nagtawanan ang tatlong di kilalang lalaki.
Napakunot ang noo ni Tano. "Lumayo kayo. Police business ito."
Nagpatuloy lang sa pagtawa ang tatlo.
"Sinabi ng-"
"Huwag niyo ng sayangin ang laway niyo," putol ni Joaquin na nakatalikod pa rin at nakataas ang dalawang kamay. "Gaya nga ng sabi ko kanina, hindi ako pumapatay ng tao." Biglang humarap si Joaquin." "Hindi tao ang mga iyan."
Muling ibinaling ng pulis ang kanyang tingin kay Joaquin. "Ano bang pinagsasabi mo?"
"Mga kampon ng Diablo ang mga iyan." Ibinaba ni Joaquin ang dalawang kamay at akmang dumudukot ng kung anong bagay sa kanyang likuran.
"Anong ginagawa mo? Sabi ng taas ang kamay, eh!" galit na sigaw ni Tano.
Doon nagsimulang lumapit ang tatlong lalaki. Muling nilingon ng pulis ang tatlo at biglang nakaramdam ng kaba. Hindi niya matukoy ngunit parang mayroong kakaiba sa tatlong lalaki. Parang may mali sa kanilang hugis. Kahit ang paraan ng kanilang paglakad ay hindi pangkaraniwan. Pansamantalang nakalimutan ni Tano ang pari habang nasa tatlo ang kanyang atensyon.
"Matutuwa ang hari kapag nalaman niyang patay na ang Killer Priest," masayang sabi ng lalaking nasa gitna. Muling nagtawanan ang kanyang mga kasama.
Patuloy na lumapit ang tatlo hanggang sa maliwanagan sila ng maliit na bumbilya. Dito nanlaki ang dalawang mata ni Tano.
"Anak ng-"
Sa kanyang harapan ay nakatayo ang tatlong halimaw na sa bangungot lamang makikita. Hindi mailarawan ang kanilang mga hitsura. Bukod sa kanilang tindig, wala ng anumang katangian nila ang masasabing tao. Ang kanilang mga mata ya malalaki, mapupula, at luwa na. Ang kanilang mga bibig ay puno ng matatalas na ngipin at mahahabang dila na tulad ng sa ahas ang lumalabas mula rito. Ang kanilnag mga kamay naman ay payat at mahahaba, na nagtatapos sa mga kukong parang mga kutsilyo. Mukha silang mababangis na hayop lalo na't wala silang mga suot na damit.
"Kainan na!" Mabilis na sumugod ang tatlo at tumalon ng parang mga gutom na lobo.
Salamat sa dalawampung taong karanasan bilang pulis, awtomatikong kumilos ang katawan ni Tano kahit na puno ng takot. Tumalon siya sa kanan upang makaiwas at agad na pumihit para paputukan ang lalaking inilagan niya. Kinalabit niya ang gatilyo ng hawak na baril ngunit biglang humampas sa kanya ang matigas at mabigat na katawan ng isa pang halimaw. Nagpagulong-gulong siya at tumama sa batong pader. Dito niya nakita ang halimaw na umatake sa kanya, nakangiti ito at dahan-dahang lumalapit sa kanya. Sinubukan niyang tumayo ngunit hindi siya makagalaw. Malakas ang pagkakahampas niya sa pader kaya't hindi siya makahinga. Pilit siyang lumaban ngunit wala siyang magawa habang unti-unting nagdidilim ang kanyang paningin hanggang sa mawalan siya ng ulirat.
"Buti na lang dumating kayo," masayang sabi ni Joaquin. "Hayaan niyong pasalamatan ko kayo." Itinaas ni Joaquin ang dalawang kamay, na ngayon nga'y may hawak ng dalawang baril.
Pinaulanan ni Joaquin ng bala ang mga aswang, sunud-sunod na putok ang umalingawngaw ngunit lubhang mabilis ang tatlo, na madaling nailagan ang mga bala. Hanggang sa marinig ng pari ang mahinang Klik! Klik! ng kanyang baril, tanda na wala na siyang bala. Agad siyang dumukot ng bagong magazine ngunit biglang sumulpot sa kanyang harapan ang mga isa sa mga aswang. Ang kamay nito na puno ng matatalas na kuko ay nakataas, nakaamba upang atakihin siya.
Agad tumalon si Joaquin paatras, at tanging hangin na lamang ang nakalmot ng aswang. Pagkatapos ay malakas niyang tinadyakan sa sikmura ang lalaki dahilan para mapaatras ito at mapaupo sa lupa. Sa gilid ng kanyang mga mata ay nakita naman niya ang isa na tumatakbo papalapit mula sa kanan.
Tumalon ito para sunggaban siya. Agad ibinato ni Joaquin ang hawak na baril, na tumama sa mukha ng aswang. Napaungol ito sa sakit at bumulagta. Mula sa loob ng kanyang mahabang jacket ay bumunot si Joaquin ng isang patalim. Ito ay isang ginunting, na minana niya sa kanyang amang sundalo. Mahaba ito na mukhang kalahati ng isang gunting at ang talim nito ay kumikinang pa sa dilim.
Mabilis niyang nilapitan ang aswang na nakabulagta pa rin at, gamit ang dalawang kamay, ibinaon ang ginunting sa tiyan nito. Tumili ang aswang na parang kinakatay na baboy, lalo pa ng paikut-ikutin ng pari ang patalim.
Lalo namang naulol ang dalawa pang aswang ng makita ang sinapit ng kasama. Mayroon silang isinisigaw na kung ano ngunit hindi maintindihan ni Joaquin ang kanilang wika. Sumugod ang isa na parang gutom na leon, tumatakbo gamit ang mga kamay at paa. Walang takot naman siyang sinalubong ni Joaquin. Tumalon ang aswang ngunit nagpadausdos sa lupa ang pari at dumaan sa ilalim ng halimaw. Kasabay nito ay malakas niyang hinataw ang aswang gamit ang hawak na ginunting. Nahiwa ang aswang mula dibdib hanggang tiyan, dahilan upang bumulwak ang lamanloob nito papalabas. Bumagsak ang aswang na kumikisay-kisay pa.
Hindi naman kaagad napansin ni Joaquin ang huling aswang. Sinunggaban siya nito mula sa likod at kumapit sa kanya. Pilit siya nitong kinakagat sa leeg. Buti na lamang ay nahawakan niya sa ito sa buhok gamit ang isa niyang kamay. Ramdam din niya ang talas ng mga kuko nito na pumupunit sa kanyang jacket. Alam niya base sa pagmamasid niya sa mga halimaw na ito na kapag nasugatan siya kahit ng kanilang mga kuko lamang ay tiyak mapaparalisa siya sa sakit. Kayat agad siyang kumilos at itinarak ang hawak na ginunting sa ulo ng aswang. Subalit mabilis ito at nakailag. Sa halip, sa balikat lamang bumaon ang mahabang patalim.
Kumalas kay Joaquin ang aswang at napaatras, ang ginunting ay nakatarak pa rin sa balikat. Hinawakan nito ang kamagong na hawakan ng espada at mabilis na hinugot. Napasigaw ito sa sakit at galit. Agad namang initsa ng aswang ang patalim sa malayo.
Wala ng sandata si Joaquin. Parang batid ito ng aswang na mukhang ngumingiti. Nagpalinga-linga ang pari at nakita ang baril na ibinato niya kanina. Nakita rin ito ng aswang na agad na sumugod, sumisigaw na para bang sinasabi na wala ng magagawa pa ang lalaki. Tumakbo si Joaquin patungo sa baril. Dinig niya ang galit na hiyaw ng aswang sa kanyang likuran.
Tumalon siya upang abutin ang baril. Pagbagsak sa lupa ay gumulong siya at agad na kinuha ang extrang magazine sa bulsa at mabilis na isinalpak ito sa hawak na baril. Napaupo siya at agad na itinutok ang baril sa sumusugod na aswang.
Sumalpok ang mabigat na katawan ng aswang kay Joaquin.
Tatlong sunud-sunod na putok ang narinig.
Pagkatapos noon ay katahimikan. Tanging ang huni lamang ng mga kulisap lamang ang maririnig. Ang bumbilyang kumukurap-kurap ay tuluyan ng namatay. Nabalot ng dilim ang paligid.
Isang kaluskos ang narinig, na nasundan pa ng isa. Sa dilim, dahan-dahang tumayo ang aswang. Hinihingal ito, ang dila ay nakalabas na parang aso. Tumalikod ito at naglakad papalayo. Ngunit nakakailang hakbang pa lamang ito ng biglang bumagsak. Duguan ito mula sa tatlong butas sa kanyang katawan.
Umupo si Joaquin at naubo mula sa lupang pumasok sa kanyang bibig at ilong. Nang mahabol ang hininga ay agad siyang tumayo. Tiningnan niya ang paligid. Ang tatlong aswang ay nagbalik na sa kanilang anyong-tao. Sa batong pader naman ay nakasandal pa rin ang pulis na wala pa ring malay.
###
Nahimasmasan si Tano ng marinig niyang may tumatawag sa kanya.
"Tano? Tano?" Kasabay nito ay naramdaman niya ang isang kamay na yumuyugyog sa kanya.
"Tano, anong nangyari sa'yo?
Mabilis na dumilat si Tano ngunit nabulagan siya sa liwanag sa paligid. Kinusot niya ang kanyang mga mata at iginala ang tingin.
Nasa loob siya ng kanyang kotse.
"Tano, ayos ka lang ba?"
Lumingon si Tano at nakita si Efren, isa sa mga kasamahan niyang pulis.
"E-Efren?"
"Ano ka ba Tano? Bakit ka natutulog diyan? Tatlong lalaki ang napatay ng Killer Priest!" sunud-sunod na sabi ni Efren.
"Tatlong lalaki?" tanong ni Tano. Dito niya naalala ang mga nangyari. Hinahabol niya si Joaquin. Pagkatapos ay may dumating na tatlong lalaki.
Hindi! Tatlong halimaw!
Biglang namutla ang mukha ni Tano, na agad namang napansin ni Efren.
"Tano, ayos ka lang ba?" pag-uulit na tanong nito. "Bakit biglang namulta ang mukha mo?"
Tiningnan lang ni Tano ang kausap at walang naisagot.