Chereads / Si Gabriel Cruz at ang Lupon ng mga Aswang / Chapter 7 - Senior Inspector Tano Romero

Chapter 7 - Senior Inspector Tano Romero

Isa na namang walang tulugang gabi ito para kay Jonathan. Kahit gabi na ay nasa kanyang lamesa pa rin siya sa police headquarters. Nakasabog ang sandamakmak na papel at mga litrato sa ibabaw ng kanyang lamesa. Ito ay mga police reports at mga larawang ng crime scene. Ilang beses na niyang binasa ang mga dokumento at mariing binusisi ang mga larawang ngunit hindi pa rin niya makita ang hinahanap. Hindi tuloy maiwasang mag-init ang kanyang ulo.

Tumayo si Jonathan, ang katawan ay halatang nanlulumo sa pagod. Tinungo niya ang maliit na kusina at muling nagtimpla ng kape. Hindi na niya maalala kung nakakailang tasang kape na siya. Basta't ang mahalaga ay manatiling gising siya at alerto. Mabilis siyang bumalik sa kanyang lamesa at pabagsak na naupo. Nagsindi siya ng sigarilyo at muling pinagmasdan ang mga ebidensya sa kanyang harapan.

Marami ang nagugulat kapag nalaman nilang edad kuwarenta pa lamang si Jonathan, na mas kilala bilang Tano. Sa dami kasi ng guhit sa kanyang mukha, at sa kanyang namumuting buhok, hindi maiiwasang isipin na senior citizen na siya. Sabi ng kanyang mga kapatid, masyado raw kasi siyang abala sa kanyang trabaho. Pangkaraniwan na ang mga gabing wala siyang tulog. Halos bahay na nga niya ang police station dahil mas matagal pa ang inilalagi niya rito kaysa sa sariling bahay. Palibhasa ay walang asawa at pamilya, walang magsesermon sa kanya kung hindi man siya umuwi. Tanging ang mga nakababatang kapatid na lamang niya ang nagpapaalala sa kanya na huwag magpakalulong sa trabaho.

Saludo naman sa kanya ang mga kasamahan sa trabaho. Isang modelong pulis si Tano, at isa sa pinakamatitinik na imbestigador sa bansa. Lahat ng kasong hinawakan niya ay kanyang naresolba. Lahat ng may sala ay kanyang nahuli at naipakulong. Kaya't walang duda ang kanyang mga kasama na mahuhuli rin niya ang suspek.

Si Tano ang pangunahing imbestigador sa mga kaso ng pagpatay laban kay Joaquin Pineda, na binansagan ng media bilang "Killer Priest." Bagamat tutol sa taguring iyon, hindi naman niya maitatanggi na akmang-akma ito sa lalaki.

Si Father Joaquin Perez, dalawampu't siyam na taong gulang, ay ang pari sa Our Lady of Pillar Church sa Bacoor, Cavite. Ayon sa mga pakokyano ng simbahan, mabait at tahimik na tao ang pari. Matulungin ito at mapagmalasakit sa iba. Kaya't hindi sila makapaniwala na makagagawa ng isang karumaldumal na bagay si Father Joaquin.

Hindi naman nabigla si Tano sa mga pangyayari. Sa dami ng kasong nahawakan niya, at sa dami ng mga kriminal na naaresto niya, alam niya na lahat ng tao, kahit ano man ang katayuan sa buhay, ay may kakayahan na gumawa ng mga malalagim na bagay di lamang sa kanilang kapwa kundi pati na rin sa kanilang mga sarili. Si Father Joaquin ay isa lamang tao kaya't taglay niya ang kadiliman at kalupitan na natural na namumuhay sa puso ng mga tao.

Kinuha ni Tano ang isang larawan sa kanyang lamesa habang umiinom ng kape. Bagamat saulado na niya ito, muli niya itong binusisi, umaasang may makikitang bago na hindi niya napansin noon.

Sa larawan, dalawang lalaki ang nakahandusay sa isang eskinita. Nagkalat ang kanilang dugo sa semento at sa mga pader. Hindi pa rin nakikilala kung sino ang dalawang lalaki.

Ilang minuto niyang tinitigan ang larawan, inikot-ikot ito para makita sa iba't ibang anggulo. Nang walang makitang bagong detalye ay muli niyang itong nilapag sa lamesa at napabuntong-hininga. Sunod naman niyang hinanap ang sinumpaang testimonya ng babaeng nakita nilang walang malay sa pinangyarihan ng krimen. Hinawi niya ang mga nakasabog na papel at ng makita ang hinahanap, agad niya itong kinuha at binasa.

Ayon sa babae, pauwi na siya noon mula sa trabaho niya sa club ng mapansin niya na sinusundan siya ng dalawang lalaki. Bigla siyang nakaramdam ng takot lalo na ng tawagin siya ng isa sa mga lalaki. Kumaripas siya ng takbo ngunit madali din siyang inabutan ng dalawa. Tinangka niyang manglaban ngunit sinikmuraan siya at doon nga ay nawalan na siya ng ulirat. Nang magising siya ay nakasakay na siya sa isang ambulansya.

Muli niyang inulit basahin ang dokumento ngunit talagang sadyang wala siyang anumang makuhang impormasyon na magagamit. Hindi kasi nakita ng babae kung sino ang pumatay sa dalawang lalaki.

Muling humigop si Tano ng mainit na kape sa kanyang tasa. Inisa-isa niyang muli ang mga dokumento, larawan, at kung anu-ano pang ebidensiya na kanilang nakalap. Mariin niyang pinagtuunan ng pansin ang salaysay ng mga saksi.

Ayon sa salaysay ng isa, madalas daw tumambay ang dalawang biktima sa harap ng Josie's Bar. Nitong mga nakaraang araw, napapansin daw niya ang isang lalaking nakaitim na leather jacket na nakatayo di kalayuan sa bar. Ang akala niya ay may hinihintay lamang ito ngunit napuna niya na naroon lamang ang lalaki kapag nandoon din ang dalawang biktima. Kapag umalis na ang dalawang biktima, umaalis na rin ang lalaking nakajacket. Nang ipakita sa saksi ang larawan ni Joaquin, positibo niyang kinilala na ito nga ang lalaking nakita niya.

Isang saksi naman na nakatira sa isang bahay na katapat ng eskinitang pinangyarihan ng krimen ang nagsabi na nagising daw siya dahil may narinig siyang sigaw ng isang babae. Ngunit nang dumungaw siya sa bintana, wala naman siyang nakita. Babalik na sana siya sa pagtulog ng biglang may isang lalaking naka-itim na jacket ang sumulpot at pumasok sa madilim na eskinita. Ilang minuto siyang naghintay ng magulat siya sa isang malakas na putok galing sa eskinita. Napayuko siya sa takot at di nagtagal ay sunud-sunod na putok ang narinig niya na sa tingin niya ay galing sa isang baril. Lumabas lamang siya ng bahay ng makitang marami ng tao ang nasa labas para mag-usisa. Bagamat hindi tiyak na nakilala ng saksi ang lalaki ng ipakita sa kanya ang larawan ni Joaquin, nagtugma naman ang kanyang paglalarawan sa hitsura ng lalaki sa testimonya ng naunang saksi.

Muling napabuntong-hininga si Tano. Hindi niya maintindihan ang motibo ni Joaquin. Pinatay niya ba ang mga lalaki para iligtas ang babae? O sadyang balak na niya talaga silang patayin at nagkataon lamang na may pinagtangkaang gahasain ang dalawa ng gabing iyon? Ano naman ang motibo ng pari para patayin ang kanyang buong pamilya? Paano naman ang limang lalaki na pinatay niya sa Tondo? Nabaliw na ba ang pari at naging isang serial killer? Sa mga tanong na ito ay walang makitang sagot si Tano. Ang tanging solusyon lamang ay ang mahuli ang lalaki.

"Mahuhuli rin kita, Father," mahinang sabi ni Tano sa sarili. Pagkatapos ay tumayo siya upang muling magtimpla ng kape.