Bagamat ayaw niyang ipahalata ay hindi mapigilan ni Gabriel ang humanga sa magarang kotse ni Bagwis. Halos butingtingin niya ang bawat sulok ng loob ng kotse habang tahimik na nagmamaneho ang matanda. Nagyaya kasi si Bagwis na kumain muna dahil nagdidilim na rin naman. At dahil gutom na, pumayag na rin ang batang lalaki.
Nang tumigil ang kotse ay lalong namangha si Gabriel. Nasa harap sila ng isang maganda at mamahaling restaurant.
"Dito tayo kakain?" hindi makapaniwalang tanong ni Gabriel.
Hindi sumagot si Bagwis. Sa halip ay bmaba ito ng kotse at naglakad papunta sa pintuan ng restaurant. Madali ding bumaba si Gabriel ng sasakyan at sinundan ang matanda.
###
Hindi makapaniwala si Gabriel sa dami ng pagkaing nakahain sa kanilang lamesa. Halos hindi niya alam kung anu-anong klaseng putahe ang mga iyon. Ang alam lang niya ay lahat ay mukhang masarap.
"Sige na. Kain na," nakangiting sabi ni Bagwis. Siya na ang umorder ng kanilang pagkain dahil walang kaalam-alam si Gabriel sa mga restaurant.
Hindi na nagdalawaing-isip si Gabriel at kaagad na sinunggaban ang fried chicken na nasa tabi niya. Dahil sa wala namang alam tungkol sa tamang paggamit ng iba't ibang kubyertos, kinamay na lamang niya ang mga pagkain. Ngayon lamang siya makakatikim ng ganoong kasarap na pagkain kaya't wala siyang pinalagpas. Litsong kawali, baked tahong, kare-kare, hipon, mga kakaibang lamang-dagat na hindi niya alam ang pangalan, iba't ibang uri ng gulay at prutas, at kung anu-ano pa. Layat iyon ay tinikman niya. Tahimik lamang siyang pinapanood ni Bagwis.
Nang matapos ay halos hindi na makahinga sa kabusugan si Gabriel. Isang malakas na dighay ang kanyang pinakawalan.
"Ayos! Busog!" masayang sabi ni Gabriel.
"Handa ka na bang makipag-usap?" tanong ni Bagwis.
Biglang umasim ang mukha ni Gabriel. "Oo na! Basta iksian mo lang, ha. Kailangan ko na ring umuwi."
Sandaling napatitig si Bagwis sa malayo, tila ba nag-iisip kung saan magsisimula. Pagkatapos ay seryoso niyang tinitigan ang batang lalaki sa mata.
"Gaya ng nasabi ko sa'yo kanina, kilala ko ang iyong ama. Leon ang pangalan niya. Bata pa lamang siya ay kasama ko na siya. Masasabi ngang ako na ang nagpalaki sa kanya."
Tahimik lang si Gabriel, naghihintay.
"Naniniwala ka ba sa mga aswang?"
Napatingin si Gabriel sa matanda, nabigla sa kanyang tanong. Binuksan niya ang kanyang bibig ngunit hindi siya binigyan ni Bagwis ng pagkakataon para makapagsalita.
"Totoo ang mga aswang. Gayundin ang mga duwende, engkanto, at kung anu-ano pang nilalang."
"Ano bang-" biglang itinaas ni Bagwis ang kanyang kamay kaya't hindi naituloy ni Gabriel ang kanyang katanungan.
Totoo ang mga engkanto, impakto, at mga lamanluma. Hindi lang sila nakikita dahil sa isang grupo ng mga taong may kapangyarihan na pumoprotekta sa mundong ito. Sila ang mga Datu."
"Datu?" singit ni Gabriel. Yun ba yung mga lider noong unang panahon?"
"Tama ka," sagot ni Bagwis. "Sila nga ang mga lider noon. Ngunit ibang Datu ang tinutukoy ko. Mayroong dalawang uri ng Datu. Ang una ay ang nagsisilbing hari ng mga pamayanan noon. At ang pangalawa, na siyang tinutukoy ko, ang siyang namamahala sa ibang mga nilalang. Sila ang tagapagbantay ng mundo ng mga tao. Ibinigay sa kanila ang kapangyarihan para pamahalaan ang mga nilalang mula sa ibang mundo--mga engkanto, impakto, at lamanlupa."
Kumunot ang noo ni Gabriel, halatang hindi naniniwala sa mga sinasabi ng matanda.
"Alam kong mahirap paniwalaan ito. Pero totoo ang sinasabi ko sa'yo."
"Teka lang," putol ng batang lalaki," ano bang kinalaman niyan sa akin?"
Huminga ng malalim si Bagwis. "Ang iyong aman, si Leon, ay isang Datu. Siya ang kahuli-hulihang Datu bago siya namatay."
###
"Noong unang panahan, noong tapat pa lahat ng mga Datu sa kanilang tungkulin, hindi matatawaran ang kanilang kapangyarihan. Walang magawa ang ibang mga nilalang kundi katakutan at sundin sila.
"Ngunit paglipas ng panahon, maraming mga Datu ang tumalikod sa kanilang tungkulin. Nasilaw sila ng makamundong kapangyarihan at kayamanan. Dahil dito ay humina ang kapangyarihang nananalaytay sa dugo ng mga Datu. Hanggang sa naubos na ang kanilang lahi. Ang iyong ama na lamang ang nag-iisang Datu. Sa kasamaang palad, napatay siya siyam na taon na ang nakararaan.
"Yun din ang gabing napatay ang iyong ina."
Napatingin sa malayo si Bagwis, inaalala ang malagim na gabing iyon.
###
Malalim na ang gabi ngunit dahil sa bilog na buwan, maliwanag pa ang buong paligid. May mga batang masayang naglalaro ng taguan sa kalsada at ilang matatandang nagtsitsismisan sa tapat ng isang tindahan. Sa harap ng isang maliit, ngunit magarang bahay ay nakaparada ang isang kulang abong kotse. Sa loob nito ay may dalawang lalaking nakaitim na kasuotan. Sa unang tingin ay mapagkakamalan silang mag-ama.
"Magtatagal ka ba, Leon?" tanong ng nakatatandang lalaki na nasa likod ng manibela.
"Hindi. Sandali lang ako, Bagwis." sagot ni Leon na nasa katabing upuan.
"Kailangan ko lang magpaalam sa kanila." Maririnig ang kalungkutan sa kanyang boses. Maamo ang mukha ng lalaki, masasabing hindi siya tatanda sa trenta. Walang anumang guhit ang kanyang mukha at ang kanyang malago ngunit maayos na buhok ay itim na itim pa.
Sandaling pinagmasdan ni Bagwis ang mga batang naglalaro sa kalsada. Pagkatapos ay hinarap niya ang kasama.
"Alam mong ito ang pinakamabuting gawin."
Tahimik lamang si Leon. Kitang-kita ang paghihinagpis sa kanyang mga mata na nakatingin sa malayo.
"Alam ko," mahinang sagot ni Leon. Pagkatapos ay binuksan niya ang pinto ng kotse at mabilis na bumaba.
"Dadaanan ko lang si Ramil. Babalik ako pagkatapos ng isang oras," sabi ni Bagwis sa nakatalikod na si Leon. Nang hindi umimik ang lalaki ay matulin ng pinatakbo ng matanda ang kanyang sasakyan.
Naiwan si Leon na nakatayo sa harap ng puting gate ng bahay. Ilang minuto rin siyang walang kibo, nag-iisip. Pagkatapos ay dahan-dahan niyang pinindot ang doorbell.
Ding-dong.
Di naman nagtagal at narinig ni Leon ang tunog ng gate habang ito'y binubuksan mula sa loob. Pagkabukas ay sumalubong sa kanya ang isang magandang babae na masayang nakangiti sa kanya.
"Kanina ka pa namin hinihintay ng anak mo, Leon."
"Yumi," ang tanging nasabi ni Leon.
###
Mabilis lumipas ang oras kaya't nagmamadaling binalikan ni Bagwis si Leon. Nag-aalala siya pra sa lalake. Simula pa lamang ay tutol na siya sa relasyon ni Leon kay Mayumi. LUbhang mapanganib lalo na't isang pangkaraniwang tao lamang ang babae. Hindi siya karapat-dapat para kay Leon. Para sa isang Datu.
Lalo pang lumala ang sitwasyon ng sabihin ng lalake sa kanya na nagdadalang-tao si Mayumi. Pinilit niya si Leon na kalimutan na lamang ang babae ngunit sadyang matigas ang ulo nito. Masaya pa nga ito sa pagdadalang-tao ng babae.
Hanggang isilang na lang ni Mayumi ang anak nila ni Leon. Laking tuwa ng dalawa. Sa Bagwis naman ay puno ng pag-aalala. Masyadong mapanganib lalo na't mayroon siyang anak sa isang babaeng hindi dugong maharlika. Siguradong malalagay silang lahat sa hindi maganda kapag may nakaalam sa bagay na iyon. Sinubukan niyang ipaliwanag kay Leon ito ngunit binalewala lamang ng lalaki ang kanyang mga babala.
Lumipas na nga ang mga taon at ngayon ay apat na taon na ang kanilang anak. Bagamat tutol pa rin ay wala ng nagawa pa si Bagwis kundi pabayaan si Leon. Naging kanilang lihim ang pagkakaroon niya ng anak kay Mayumi. Isang lihim na sila lang ang nakakaalam.
Ngunit ang magulong mundo ay sadyang lalong gumugulo. Napakaselan ng relasyon sa pagitan ng iba't ibang mga nilalang, at bilang Datu, kailangang maging maingat ni Leon sa bawat kilos niya at galaw. Napakaraming mga banta sa pamamahala ni Leon. Dahil sa humihinang kapangyarihan ng Datu, maraming mga nilalang ang naglalakas loob na sumuway sa kanyang mga utos. Marami ang gustong maghari-harian sa mundo ng mga tao. Marami ang nauuhaw sa kapangyarihan.
Kaya't laking pasasalamat ni Bagwis ng magdesisyon si Leon na layuan muna si Mayumi at ang kanyang anak. Ito ay para rin naman sa kanilang sariling kaligtasan. Hindi sila magiging ligtas kapag patuloy na makikipagkita si Leon sa kanila. Kahit na anong gawin nilang paglilihim, siguradong may makakatuklas din nito.
Pagdating ni Bagwis sa bahay ni Mayumi, napansin niya kaagad ang nakabukas na gate. Kahit kailan ay hindi pa niya nakikitang naiwanan ni Mayumi na bukas ang kanyang gate. Napansin din niya ang bahay na patay lahat ng ilaw. Biglang kinabahan si Bagwis. Dali-dali siyang bumaga ng sasakyan at tumakbo papasok ng bahay.
Pagkabukas na pagkabukas niya ng pinto ay tumambad sa kanya ang isang nakahandusay na lalaki sa lapag. Duguan ito at wala ng buhay. Sa bandang kanan ay may isa pang bangkay, ang leeg nito ay nalaslas ng isang matalim na bagay. Iginala ni Bagwis ang kanyang paningin. Gulu-gulo ang mga gamit at ilang talsik ng dugo ang nakita niya sa mga pader. Wala siyang nakitang anumang bakas ng buhay.
Isang kalabog ang narinig niya mula sa ikalawang palapag ng bahay. Mabilis siyang umakyat sa hagdan at pumasok sa kuwarto. Gulantang siya sa kanyang nakita.
Sa lapag ay nakahandusang ang tatlo pang duguang lalaki. Ngunit ang nakapagpagimbal sa kanya ay ang taong nakahiga sa kama. Tila tumigil ang pagtibok ng puso ni Bagwis ng makilala niya kung sino ito.
Si Mayumi.
Bagamat madilim ay kitang-kita niyang patay na ang babae. Duguan ito mula sa iba't ibang sugat sa kanyang katawan. Humakbang siya papalapit sa babae ngunit muli niyang narinig ang isang kalabog. Nanggaling ito mula sa kabilang silid.
Mabilis niya itong tinungo at doon nakita niya si Leon. Hawak-hawak nito ang kanyang Kampilan. Bagamat madilim ay kitang-kita ni Bagwis ang matalas nitong talim. May natamong mga sugat si Leon ngunit hindi niya ito iniinda. Punung-puno ng galit ang mga mata ng lalaki. Kaharap ni Leon ang isang lalaki, isang aswang. Nakakatakot ang hitsura nito, na parang pinaghalu-halong baboy, kalabaw, ahas, at aso. Matatalas ang mga ngipin nito at nakalabas ang mahabang dila. Nakaamba kay Leon ang mga kamay nitong mabalahibo at puno ng matatalas na kuko.
"Leon," tawag ni Bagwis ngunit hindi siya pinansin nito.
Nang makita ng aswang ang matanda ay napasigaw ito sa galit. Parang galing sa impyerno ang boses nito. Sa isang iglap ay bigla nitong nilundag si Leon ngunit mas maliksi ang Datu kaya't madali lamang niyang nilagan ang pag-atake ng aswang. Kasaby ng isang malakas na sigaw ay ibinaon ni Leon ang kanyang Kampilan sa tagiliran ng aswang. Napasigaw muli ito, na sa pagkakataong ito ay dahil sa sakit, at pagkatapos ay bumagsak sa lapag.
Ilang minuto din bago nakapagsalita si Bagwis. "Anong nangyari dito, Leon?"
Dahan-dahang tiningnan ni Leon ang matanda. "Hindi ko alam. Basta't bigla na lamang silang dumating. Siguro'y nasundan nila tayo," hingal na sagot nito. "Pinaakyat ko sina Mayumi para magtago, pero-"
Biglang parang kinuyumos ang mukha ni Leon ng maalala ang sinapit ni Mayumi. Nabitawan tuloy niya ang kanyang sandata.
"A-Ang bata?" tanong ni Bagwis.
Biglang natauhan si Leon sa sinabi ni Bagwis.
"Si Gabriel? Gabriel!" Mabilis na tumayo si Leon at tumakbo sa kabilang kuwarto kung nasaan si Mayumi. Sa likod niya ay nakasunod si Bagwis.
"Gabriel! Gabriel!"
Biglang bumukas ang pinto ng malaking aparador na nasa sulok. Mula sa loob ay dahan-dahang lumabas ang isang umiiyak na batang lalaki.
"Anak!" bulalas ni Leon. Humakbang siya papalapit sa anak ngunit biglang bumalikwas ang isang lalaki na nakahandusay sa lapag. Sinunggaban nito ang bata, nakaunat ang mga kamay na may matatalas na kuko.
"Gabriel! Hindi!" Sing bilis ng kidlat ay tinalon ni Leon ang anak.
"Leon!" Walang nagawa si Bagwis sa bilis ng mga pangyayari.
Bumaon ang mga kamay ng aswang sa likod ni Leon. Napangiwi siya sa sakit ngunit hindi siya sumigaw. Tiningnan niya ang yakap-yakap na anak at ng masiguradong hindi ito nasaktan, dumukot siya ng isang patalim at, kahit hindi nakatingin, sinaksak ang aswang na nasa likuran niya. Bumagsak ito, nangingisay pa ang katawan.
Dito ay nakakilos na si Bagwis. Mabilis niyang nilapitan si Leon at tiningnan ang mga sugat nito. Napangiwi siya sa kanyang nakita.
"Umalis na tayo dito. Kailangnang magamot ang mga sugat mo."
"Si Mayumi," tutol ni Leon sabay harap sa babaeng nasa kama.
"Huwag kang mag-alala. Babalikan ko din siya kaagad," mahinahong sabi ni Bagwis. Inalalayan niya si Leon pababa ng hagdan habang karga-karga niya sa isang kamay si Gabriel. Pagdating sa baba, isang malakas na ingay ang narinig nila na nagmumula sa bubong. Nasundan pa ito ng mga yabag ng paa.
"May mga kasama pa sila," galit na sabi ni Bagwis. "Halika na, Leon. Kailangan muna nating tumakas."
"Hindi." Tinulak ni Leon ang matanda at tumayo ng tuwid. "Tumakas na kayo. Ilayo mo ang anak ko dito."
Napanganga si Bagwis sa sinabi ng lalaki. "Nababaliw ka na ba? Hindi mo sila kaya sa kondisyon mo."
"Minamaliit mo yata ako, tanda." nakangiting sabi ni Leon. "Nakalimutan mo na yatang ako ang Datu. Isa pa, ako naman talaga ang habol nila. Huwag kang mag-alala. Ang mahalaga ay ligtas si Gabriel."
"Peroโฆ"
"Sige na Bagwis," tiningnan ni Leon ang matanda sa mata, "umalis na kayo. Inuutusan kita bilang Datu. At bilang isang kaibigan."
Tumango na lamang ang matanda. Pagkatapos ay tumalikod na siya at lumabas sa likod na pintuan. Mula sa loob ay narinig niya ang mga sigaw at ingay ng isang paglalaban. Kumaripas siya ng takbo papalayo kahit na isinisigaw ng kanyang damdamin na bumalik sa bahay. Nakailang kanto na rin ang naitakbo niya ng siya at biglang tumigil at lumingon pabalik. Nakabuo siya ng pasya.
Lumapit siya sa isang waiting shed at inilapag ang kargang bata.
"Huwag kang aalis dito, ha. Babalik din ako kaagad."
Hindi umimik ang bata. Tiningnan lamang nito si Bagwis.
Madaling tumayo ang matanda at tumakbo pabalik ng bahay. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring masama sa Datu. Kailangan niyang mapangalagaan ang kaligtasan ng Datu. Iyon ang kanyang tungkulin.
###
"Pinatay namin silang lahat, mga aswang na gustong tapusing ang Datu." Muling tumigil si Bagwis, uminom ng malamig na tubig mula sa kanyang baso.
"Maraming natamong sugat si Leon pero ang pinakamalala ay ang sugat niya sa likod. Malalim iyon at hindi tumitigil ang pagdurugo. Nang dalhin ko siya sa manggagamot ay huli na ang lahat. Marami ng dugo ang nawala sa kanyang katawan. Wala na kaming nagawa para sa kanya.
"Sa totoo lang ay nawala na sa isip ko ang tungkol sa iyo noong gabing iyon. Ngunit bago malagutan ng hininga ang iyong ama, ibinilin ka niya sa akin."
Bagwis, alagaan mo si Gabriel. Ituring mo siyang parang sariling mong anak. Narinig ni Bagwis si Leon sa kanyang isipan.
"Bagamat ang iyong ina ay hindi isang maharlika, ikaw lamang ang nag-iisang anak ni Leon. Ikaw na lamang ang nagtataglay ng dugo ng mga Datu. Ikaw ang siyang hahalili sa iyong ama.
"Bumalik ako kung saan kita iniwan, ngunit wala ka na roon. Inikot ko ang buong paligid pero hindi na kita nakita.
"Ang huling balita ko ay ipinasok ka raw sa isang bahay ampunan. Nang puntahan naman kita doon, ang sabi sa akin ay tumakas ka raw."
Tiningnan ni Bagwis si Gabriel, binabasa ang reaksyon nito.
"Siyam na taon na ang lumipas," pagpapatuloy ng matanda, "pero hindi ako sumuko. Ipinangako ko sa iyong ama na aalagaan kita. At ngayon nga ay nakita na kita."
Biglang pumalakpak si Gabriel.
"Wow! Ang ganda ng kuwento mo! Parang pelikula!" natatawang sabi ng lalaki.
Tahimik lang ang matanda, walang anumang reaksyon o emosyong mababasa sa kanyang mukha.
"Alam mo, tanda," biglang seryosong sabi ni Gabriel," kung anumang droga yang ginagamit mo, mabuti pa tigilan mo na yan. At saka huwag kang mangdadamay ng ibang tao sa trip mo." Pagalit na tumayo si Gabriel at tinalikuran si Bagwis. Naglakad siya papalayo ngunit agad ding tumigil. Umikot siya at hinarap ang matanda.
"Lumaki ako sa kalsada. Nabuhay ako sa sarili kong hirap," nanlalaki ang mga mga mata ng batang lalaki sa galit. "Wala akong mga magulang! At lalong hindi ko kailangan ng mga magulang!"
Muling tumalikod si Gabriel at mabilis na lumabas ng restaurant.
Sinundan lamang ng tingin ni Bagwis ang lalaki.