Bilog ang buwan at maliwanag ang gabi ngunit bibihira ang makikitang tao na naglalakad sa kalsada. Wala rin ang mga batang karaniwan ng nakikitang naglalaro ng taguan o habulan. Ang mga pintuan ng mga bahay ay mariing nakapinid at ang mga gate ay mahigpit na nakakandado.
Walang laman ang mga balita sa telebisyon kundi ang tungkol sa nawawalang mga bata. Ilang buwan na ang nakalilipas ng misteryosong mawala ang ilang mga batang naglalaro kapag gabi. May ilang saksi na nagsasabing dinukot daw ang mga bata ng isang grupo ng mga kalalakihan. Isang anggulong tinitingnan ng awtoridad ay ang kidnapping, subalit ni isang beses ay wala man lamang kumontak para humingi ng ransom. Isang popular na teoriya ng mga pulis ay baka ibinebenta ang mga bata sa mga sindikato ng human trafficking o sex slave. May nagsasabi naman na dinudukot ang mga bata upang kunin ang kanilang mga internal organs. May ilan ding nagsasabi na gawa ito ng isang kulto. Hanggang sa ngayon ay wala pa ring malinaw na lead ang mga pulis. Hindi pa rin nakikita ang mga bata.
Puno ng takot ang bawat pamilya dahil sa isa na namang bata ang napabalitaang dinukot. Si Anabel Reyes, pitong taong gulang, ay huling nakita na naglalaro sa harap ng kanilang gate. Isang saksi ang nagsabi na isang asul na L300 van ang tumigil sa tapat ng bahay nina Anabel. Pagkalipas ng ilang minuto ay mabilis din itong umandar paalis. Hindi na nakita pa si Anabel. Siya ang ika-pitong batang pinaghihinalaang dinukot ng mga kidnappers.
###
Sa unang tingin ay magugulat ka sa itsura ng isang matandang lalaki na naglalakad sa isang madilim na eskinita sa Tondo. Marumi at mabaho ang eskinita kaya't iisipin mo na naliligaw ang lalaki sa suot niyang itim na amerikana, plantsadong slacks, at balat na sapatos na ubod ng kintab. Masasabing delikado para sa isang katulad niya ang maglakad-lakad sa lugar na iyon.
Ngunit wala namang dapat ipag-alala, dahil walang ibang tao na makikita sa eskinitang iyon. Sa katunayan, walang pumapasok sa lugar na iyon dahil lahat ng pumupunta doon ay hindi na nakikita pang muli.
Patuloy lang sa paglalakad ang matandang lalaki, walang anumang bakas ng takot o pag-aalala sa kanyang kulubot na mukha. Hanggang huminto siya sa harap ng isang maliit at sira-sirang bahay. Sa harap ng pinto ng bahay ay nakatayo ang dalawang lalaki. Marumi ang kanilang mga damit na para bang ilang taon na nilang suot. Sa kanilang mga balikat ay nakasukbit ang matataas na kalibre ng baril.
Tiningnan ng dalawang lalaki ang di-inaasaahang bisita. Tinitigan nila ang maayos na pananamit ng matanda, ang kanyang pagod na mukha, at ang buhok na pawang puti na lahat.
"Naliligaw ka 'ata, tanda?" tanong ng isang lalaki sabay tawa.
Hindi umimik ang matanda. Tinitigan lang ang dalawang bantay.
"Narinig mo ba 'ko? Ang sabi ko, nalili-"
"Tumabi kayo. Si Jaime ang pakay ko," putol ng matanda.
"Aba! Ang yabang ng isang ito, ah!" Galit na itinutok ng lalaki ang hawak na baril sa matanda. "Baka gusto mong-"
"Ibaba mo 'yang baril mo, Abner."
Sabay na napatalikod ang dalawang guwardiya at napayuko ng makita ang lalaking lumabas sa pintuan.
"Mga bastos kayo, ah!" sigaw ng bagong dating na lalaki. "Hindi niyo ba nakikilala ang bisita natin?"
"Eh, boss…"
Isang sampal sa mukha ang pumigil sa kung anumang sasabihin ng bantay na nagngangalang Abner.
Lumapit ang lalaki sa matanda at ngumiti.
"Pasensya na, Manong Bagwis. Medyo mahirap na rin kasing maghanap ng mga tauhan na may utak, eh," sabi ng lalaki sabay tingin ng masama sa dalawang lalaki sa kanyang likuran.
"Nasaan si Jaime?" tanong ng matandang si Bagwis.
"Andoon siya sa loob. Halika, pasok tayo."
Tumabi ang dalawang bantay para paraanin ang matanda. Sa loob, maraming tao ang nakaupo sa isang malaking lamesa. Mukhang nagkakasayahan sila at may mga nakahandang pagkain. Nag-iinuman din sila at malakas na nagtatawanan. Ngunit bigla silang natahimik ng makita ang matanda.
Iginala ni Bagwis ang kanyang mga mata sa madilim na silid. Sa isang sulok ay nakita niya ang kanyang hinahanap. Isang batang babae ang nakatali sa isang upuan. Nakahinga siya ng maluwag ng makitang buhay pa ang bata. Wala lamang itong malay.
"Bagwis! Bakit 'di ka nagpasabi na darating ka?" bati ng isang lalaking nakaupo sa kabisera ng lamesa. Hindi tulad ng ibang mga tao na naroroon, maayos at malinis ang itsura nito. "Sana ay nakapaghanda ako. Hindi ko naman pwedeng ialok sa iyo itong kinakain namin," nakangiting sabi ng lalaki sabay turo sa mga pagkaing nakahain.
Isang malakas na tawanan ang pumuno sa silid.
Tinitigan lang ni Bagwis ang lalaki.
"Alam kong alam mo kung bakit ako naririto, Jaime," seryosong sabi ni Bagwis. "Lumabag kayo sa kasunduan."
Biglang natahimik ang lahat. Kita sa mga mukha nila ang takot at kaba. Tanging si Jaime lamang ang nanatiling nakangiti.
"Bagwis. Nagkakatuwaan lang naman kami. Napaka-KJ mo naman."
"Wala akong pakialam sa katuwaan ninyo. Malinaw na nilabag niyo ang kasunduan natin." Humakbang si Bagwis papalapit at itinukod ang dalawang kamay sa lamesa. Tinitigan niya ng masama si Jaime.
"Alam kong kayo ang dumudukot sa mga bata. At alam ko rin na kinakain niyo sila," galit na sabi ng matanda.
Sa sinabing iyon ni Bagwis ay nawala ang ngiti sa mukha ni Jaime. Kumunot ang noo nito at napuno ng galit ang mga mata.
"Eh, ano ngayon?" mayabang na tanong ni Jaime.
Dahan-dahang tumayo ng tuwid ang matanda at ipinasok ang dalawang kamay sa bulsa ng pantalon.
"Wala kayong karapatang gawin iyon. Napagkasunduan natin na hindi kayo maaaring kumain ng mga bata," matigas na sagot ni Bagwis.
Napailing lang si Jaime.
"Ano ka ba naman, Bagwis? Siyam na taon ng patay ang amo mo, di ba? Wala na ang Datu. Ano pa ba ang ipinaglalaban mo?"
Hindi sumagot si Bagwis.
"Alam mo, kaya lang naman kami pumayag sa kasunduan na gusto mo ay dahil sa nirerespeto namin ang lakas at kapangyarihan mo." Nginitian ni Jaime si Bagwis, at sa isang iglap ay nagbago ang hitsura ng lalaki. Naging isang nakakatakot na nilalang na may matatalas na mga ngipin.
"Pero," sabi ni Jaime na ang boses ay biglang lumalim at naging magaspang, "wala na ang dating lakas mo. Matanda ka na, Bagwis."
Muling napuno ng tawanan at sigawan ang silid. Dahan-dahang tumayo si Jaime at itinaas ang mga kamay para patahimikin ang mga kasama.
"Tapos na ang panahon ninyo, Bagwis. Oras na para kami naman ang maghari." Isang malakas na pagsang-ayon ang sumalubong sa sinabi ni Jaime.
"Mabuti pa umuwi ka na, tanda." Inabot ni Jaime ang isang kutsarang nasa isang mangkok at sumandok ng pagkain na mukhang laman-loob ng kung anong hayop. O tao.
Biglang natawa si Bagwis.
"Anong sabi mo?" nakangiting tanong ni Bagwis. "Wala na ang dating lakas ko?" Sa isang iglap ay bumunot si Bagwis ng isang balisong mula sa kanyang bulsa. Mabilis niya itong pina-ikot-ikot sa kanyang kamay at biglang ibinato kay Jaime. Bumaon ito sa noo ng lalaki. Gulat na pinagmasdan ng lahat si Jaime habang dahan-dahan siyang bumagsak, wala ng buhay.
"Sino ang susunod?" kalmadong tanong ni Bagwis.
Sabay-sabay na bumunot ng baril ang lahat ng tao sa silid at itinutok ito kay Bagwis.
Sa labas, laking gulat nina Abner at ng kanyang kasama nang magsimula ang putukan sa loob ng bahay.
"Anong…" bulalas ni Abner. Mabilis siyang lumapit sa pinto ngunit bigla siyang pinigil ng kanyang kasama.
"Bakit?" galit na tanong ni Abner.
"T-Teka, mukhang delikado sa loob."
"Gago! Aanhin mo pa 'yang baril mo kung hindi mo gagamitin!" Hinila pabukas ni Abner ang pinto at mabilis na pumasok. Bagamat nagdadalawang-isip ay sumunod din ang kanyang kasama.
Hindi na sila nakalabas pa ng buhay sa bahay na iyon.
Ilang minuto din ang lumipas bago natigil ang putukan. Muling naging tahimik ang buong paligid. Dahan-dahang bumukas ang pinto ng bahay at lumabas si Bagwis. Karga-karga niya ang bata na wala pa ring malay.
Muli niyang tinahak ang madilim na eskinita pabalik hanggang marating niya ang kalsada kung saan nakaparada ang kanyang kulay-abong kotse. Dahan-dahan niyang isinakay ang bata at ikinabit ang seatbelt nito. Pagkatapos ay hinubad niya ang kanyang amerikana at tiningnan ang kanyang balikat.
Nagdurugo ito mula sa daplis ng bala.
"Mukhang matanda na nga talaga ako," sabi niya sabay buntong-hininga.
Biglang tumunog ang kanyang cellphone na nasa bulsa ng kanyang amerikana. Dahan-dahan niya itong dinukot, ang mukha ay bahagyang napapangiwi sa kirot na nararamdaman sa balikat.
"Hello? Kris?"
"Sir Bagwis!" isang boses ng lalaki ang sumagot. "Kamusta na kayo? Okay lang ba kayo? Nakuha niyo ba yung bata?" sunud-sunod na tanong ng lalaki.
"Oo," ang tanging sagot ni Bagwis.
"Hay salamat! Mukhang tapos na din ang kidnap-"
"Oo nga pala," biglang putol ni Bagwis, "may balita na ba sa pinagagawa ko sa'yo?"
"Naku! "May good news ako para sa inyo!"
Biglang natigilan sa paghinga si Bagwis.
"Yung pinahahanap niyo sa akin," masayang sabi ni Kris, "nakita ko na!"