Chereads / Win Over Mr. Perfect - Tagalog / Chapter 3 - Acquaintance Party

Chapter 3 - Acquaintance Party

Alas otso na ng gabi. Maririnig dito sa bukid ang tunog ng mga kuliglig at mga kaluskos na marahil ay mula sa mga hayop sa paligid. Katulad na lamang ng aso, pusa at manok na pagmamay-ari ni Aling Lordes.

Mula sa mesa ay sumilip ako sa bintana. Litaw na litaw ang liwanag mula sa mga kulisap dito sa madilim na bukirin. Makikita ang mga anino ng naglalakihang puno at matataas na halaman. Tumatagos din sa mga dahon ng mga puno ang liwanag na nagmumula sa bilog na buwan.

Sumubo ako ng kanin at humigop ng sabaw na nasa mangkok. Kumakain kami ng hapunan. Pinagsasaluhan namin ang sinigang na binili nina Mama at Papa sa halagang apatnapu. Gabi na rin kasi sila umuuwi kaya wala ng panahong magluto si Mama. Kaya sa halip magluto ay bumibili na lang sila ng lutong pagkain. Sakto lang naman iyon sa amin dahil tatlo lang kaming naghahati. Pero, kapag maagang naubos ang tinitinda nilang gulay, nakakauwi sila ng maaga. Kapag maaga ang uwi nila ay nakakapagluto pa si Mama.

Mahirap ang ginagawa nina Mama at Papa. Matatanda at pagod na sila. Dapat nagpapahinga na ang mga ito sa kanilang edad, ngunit hindi nila ginawa. Dahil kung hindi sila magtatanim, walang aanihing pampaninda. Kung walang matitinda, wala rin kaming pambili ng bigas at iba pang kailangan namin sa pangaraw-araw.

Marami rin kaming dapat bayaran. Tulad na lamang ng kuryente at tubig. Kaya kailangan naming magtipid sa paggamit ng kuryente at tubig dahil hindi naman kalakihan ang nabebenta ng aking mga magulang.

"Kumusta ang unang araw?" tanong ni Papa sa akin.

Binaba ko muna ang kutsarang hawak bago magsalita.

"Okay lang po Pa...Ang saya sa William University. Ang lalaki ng building ng bawat institute. Ang ganda at sobrang linis," nakangiting sabi ko.

"Talaga anak? Basta mag-aral kang maigi para magkaroon ka ng magandang trabaho. Huwag mo sayangin ang binigay na pagkakataon sa'yo."

"Opo ma."

"Baka naman may nanliligaw agad sa'yo do'n," pabirong pang-uusisa ni Papa.

Kinaway-kaway ko ang aking kamay sa hangin habang umiiling.

"H-hala wala po, walang magkakamali. Maraming pogi at maganda sa school namin...malabo 'yon pa," natatawang sabi ko.

"Aba'y bakit malabo? Ang ganda-ganda mo kaya," papuri ni mama sa akin.

"Basta anak, malaki ka na kaya alam kong alam mo na kung ano ang tama at mali. Hindi kita pagbabawalan sa pagbo-boyfriend basta alam mo ang limitasiyon. Saka dapat, ipakilala mo agad sa amin...ayoko nang naglilihim."

Napakamot ako ng ulo sa sinabi ni Papa. Nakakailang ang pinag-uusapan namin.

"Ikaw talaga Pa, siyempre naman po. Kung mayroon man, kayo po ang unang makakaalam...promise."

Pagkatapos kumain ay naghugas ako ng pinggan. Dito sa labas ang hugasan ng pinggan.

Habang naghuhugas ay napapakamot ako dahil sa pagkagat ng lamok sa aking kamay at binti. Kaya hindi lang kamay ko ang may bula kundi pati na rin ang aking mga binti.

Pagkatapos maghugas ay pinasok ko na sa loob ang mga platong nakataob sa maliit na palanggana. Bukas ko na lang iyon isasalansan sa lalagyan paggising ko kinabukasan.

Maaga akong nagaasikaso dahil malayo-layo ang biyahe papunta sa William University. At saka para hindi ako abutan ng matinding trapik.

"Kailan ba natin sasabihin sa kaniya?"

"Hindi niya na kailangan malaman."

"Paanong hindi? Kailangan niyang malaman para sa ikabubuti niya."

Napapunta ako sa silid nina Mama at Papa dahil sa bulungang narinig ko. Hinawi ko ang kurtina na nagsisilbing harang sa kanilang pintuan.

"Ma, Pa. Nag-aaway ba kayo?"

Napansin ko ang pagtitinginan nilang dalawa. Makikita rin ang bakas ng pagkagulat sa mata ni Mama nang dumating ako.

"Hi-hindi anak...pinag-uusapan lang namin yung nangutang samin ng gulay na halagang kwarenta. Hanggang ngayon kasi 'di pa nagbabayad," paliwanag ni mama.

"Gan'on po ba? Ah sige po...matutulog na po ako."

"O sige anak, matulog ka na. Maaga ka pa naman bukas," sabi ni Papa.

Inayos ko ang kurtina sa silid nila bago ako tuluyang pumunta sa aking silid.

Natakot ako kanina. Ayoko kasing nakikitang nag-aaway sina Mama at Papa. Lalo pa't kung ang dahilan ng pag-aaway nila ay ang mga gastusin namin. Para sa akin kasi, kahit walang pera ay okay lang basta masaya pa rin kami. Money isn't the source of happiness. We can be happy in many reasons. Kung kontento ka lang sa buhay ay magiging masaya ka. Kontento ka sa binigay sa iyo ng Panginoon. Kuntento ka sa blessings ng Diyos.

Contentment is not about what other people think. Ang iba kasi kontento na sila sa buhay kaya hindi na sila nagsusumikap para maiahon ang sarili sa kahirapan.

Contentment is being thankful and happy for what you have but never forget to dream big. Puwede maging kontento ang isang tao ngunit may pangarap pa rin. Let's us all be thankful for what the Lord has given. Kung bibigyan tayo ni Lord ng break and opportunities. Why not? Let us all follow what the Lord's will because He has a better plan for us. Not to harm but to prosper us.

Kinabukasan, alas singko pa lang ay nakasakay na ako ng tricycle. Tama lang ang oras ng pag-alis ko para eksaktong seven ay nasa school na ako.

Apat na sakay kasi ang biyahe ko. Una, sa tricycle papunta sa terminal ng dyip. Pagkasakay ng dyip bababa naman ako sa tawid, malapit sa Commonwealth Market. Pagkababa roon, mag-aabang ulit ako ng dyip na bumabiyahe papuntang Anonas. Panghuli, sasakay ako ng tricycle papunta sa William University.

Pagkarating na pagkarating ko ay nasalubong ko si Ms.Xavier. Kumaway ako sa kaniya nang makita ko siya.

Si Ms. Xavier ay professor sa Mathematics. Mahusay siyang propesora. Ayon kay Papa, nagtapos ito ng Bachelor of Secondary Education major in Math at naging Cum Laude dito sa William University. Naging scholar din siya.

Nang makapagtapos si Ms. Xavier. Nagturo muna siya sa Saint Luke High School. Pagkatapos, nag-aral ng masteral upang makapagturo sa Kolehiyo. Nang matapos niya ang kaniyang unit, nag-apply agad siya dito sa William University.

Maraming nagsasabing hindi lang matalino si Ms. Xavier kundi isa ring masipag at huwarang guro. Kaya nga ninais ko ring maging guro dahil siya ang aking naging inspirasyon.

"Kumusta Sonny? Ang aga mo ah."

Nahihiya akong ngumiti kay Ms. Xavier.

"Kailangan po Ma'am eh."

"Tama 'yan anak. Pagsikapan mo pang mabuti. Tiyak kong malayo ang iyong mararating."

"Opo Ma'am. Pangako po, pagbubutihin ko."

Med'yo mahaba-haba rin ang napag-usapan namin ni Ms. Xavier nang tumunog ang bell.

"Oh pa'no Sonny, mauna na ako sa'yo. Pupunta na ako sa unang subject ko."

"Sige po Ma'am."

Lumakad na si Ms. Xavier papunta sa Una niyang klase. Nag-iba na rin ako ng liko. Pupunta na ako sa class room ko.

Pagpasok ko ng silid ay napansin ko na naman ang kakaibang tinginan ng mga kaklase ko sa akin.

Pumunta ako sa puwesto ko sa tabi ni Ken. Ngunit may nakaupo na sa upuan ko. Nakaupo roon si Ishiah.

Tumingin ako sa paligid, naghahanap ako ng bakante pang mauupuan. Ngunit lahat ay may nakaupo na maliban sa upuan ni Ken.

"Ishiah, diyan ako nakaupo."

Masama akong tiningnan ni Ishiah.

"Excuse me? Anong ikaw? First come, first serve tayo dito...dahil nauna ako sa'yo dito, ako na ang nakaupo dito."

Nakataas ang kilay ni Ishiah habang nagpapaliwanag. Pinag-krus din nito ang kaniyang mga braso.

"Diyan ka na umupo."

Lumingon kaming dalawa ni Ishiah kay Ken na kararating-rating lang.

"Ken? San ka uupo? Diba dito ka sa tabi ko?" tanong ni Ishiah habang hinahawi ang buhok.

"Akala ko ba first come, first serve. Dahil nauna si Sonny sa 'kin, diyan na siya uupo. Tama ba ako?"

Napalunok ng laway si Ishiah. Halata sa mukha niya ang pagkapahiya. Nilingon ko si Ken. Sobra naman ata siya sa pagtrato kay Ishiah.

"Sonny, diyan ka na umupo," awtorisadong utos ni Ken sa akin.

"P-pero, wala ka ng upuan."

"Oo nga Ken," sabat ni Ishiah.

"Maraming upuan dito sa William University. That's not a problem."

Lumabas na si Ken upang kumuha ata ng upuan.

Nilingon ko si Ishiah na sobrang sama ng tingin sa akin. Hindi ko na lang siya pinansin, sa halip ay umupo na lang ako sa bakanteng upuan na tabi ng kaniya.

Mayamaya, dumating na si Ma'am Aileen at si Ken na may dalang upuan. Pumuwesto siya sa may pinaka-likod ng class room.

"Class, sinong nagdala ng mga upuan sa room 306? Napakarami ng tambak na upuan do'n. Tapos kanina nakita ko si Ken na nagbubuhat ng upuan niya. Anong nangyari? Mayroong 50 chairs sa bawat classroom. At 30 lang kayo lahat. Bakit magkukulang ang upuan? Bakit niyo dinala sa room 306?"

Nagtaas ng kamay si Ishiah.

"Ma'am, naisip po kasi namin na sobra-sobra na 'yong 50 chairs para sa amin lahat. Kaya nilagay na lang po namin do'n para po maging maluwag ang class room. Hindi naman po namin alam na kulang pa pala ng isa."

"Ah gan'on ba? Mabuti nang malinaw sa 'min. Nagtataka kasi ang mga estudyante sa room 306 kung bakit maraming upuan do'n. Kaya kinausap ako ni Ms. Xavier dahil nakita raw kayo ng student niya. Sa susunod, kung may gagawin kayo, ipagpaalam niyo muna para hindi tayo nakakaabala ng ibang klase. At hindi doon nilalagay ang mga upaan. Doon sa Storage Room. Ayoko ng maulit ito."

"Okay po Ma'am," sabay-sabay na sabi ng mga kaklase ko.

"Oo nga pala, magkakaroon tayo ng Acquaintance party. Hindi ito sapilitan, kung ayaw niyong sumali ay ok lang. Kung gusto niyo naman, edi maganda. Pero minsan lang ito mangyayari. Kaya mas maganda kung sasama kayo."

Umingay ang klase. Halata sa mga kaklase ko na excited sila sa gaganaping Acquaintance Party.

Gusto kong sumali para maranasan ko iyon. Pero wala naman akong susuotin. Wala kaming perang pangrenta o kaya pambili ng gown. Gusto ko kaso mas marami pa kaming pagkakagastusan. Hindi naman namin puwedeng unahin ang Acquaintance Party kaysa sa mga bayarin sa bahay.

Natapos ang morning class, luch time na namin. Masiyadong Mahal ang bilihin sa canteen kaya nagbaon na lang ako ng kanin. Pupunta na lang ako sa labas ng school upang maghanap ng nagtitinda ng ulam.

Halagang bente lang ang budget ko sa ulam kaya bumili na lang ako ng halagang kinse na gulay. Ang limang pisong matitira ay iipunin ko na lang.

Nang makabili ay pumasok ako muli ng school. Dumiretso ako ng canteen at naghanap ng bakanteng upuan.

Malawak ang canteen ng William University. Maraming mga mesa at upuan para sa kakain na mag-aaral. Bukod pa don, well ventilated din ang loob. Mabango at malinis.

Nagawi ang tingin ko sa mga paninda. May pritong manok, liempo, stake, fish fillet, lechon at salad. Mayroon ding mga ulam na may sarsa at sabaw tulad ng chicken curry, adobo, sinigang, pininyahan, tenola at marami pang iba. May mga gulay at prutas din silang binebenta. Mukhang masasarap ang kanilang mga pagkain. Tingin pa lang ay matatakam na ang mga makakakita nito. Ngunit hindi iyon kaya ng budget ko.

Umupo ako sa bakanteng mesa. Nilabas ko ang aking baunan na may lamang kanin. Nilagay ko ang biniling gulay sa takip ng aking baunan at nagsimula nang kumain.

"Nandito ka pala, puwedeng dito umupo?"

Nag-angat ako ng tingin sa nagsalita.

Si Sean pala. Nakangiti ito sa akin.

"S-sige, maupo ka."

Nilapag nito ang tray na dala. May laman iyong fish fillet, stake, chicken at saka salad. Mayroon din siyang dalawang can soda. Nilapag niya lahat ng iyon sa mesa.

"Kuha ka, para sa ating dalawa ito."

Nilapag ni Sean ang isang soda malapit sa baunan ko. Ang isa naman ay nilapag niya malapit sa kaniya.

Nahihiya akong sumubo ng pagkain ko. Ang dami noon para sa aming dalawa.

Sumandok si Sean ng salad at nilagay iyon sa baunan ko. Kumuha rin siya ng manok at nilagay muli sa baunan ko.

"Ubusin mo 'yan para tumaba ka," sabi niya pagkatapos nagsimula nang sumubo.

"Salamat."

"Anong salamat? May bayad 'yan."

"Huh? W-wala akong pera."

"Puwede ba kitang maging partner sa Acquaintance?"

Napayuko ako.

"Hala bakit? Ayaw mo ba? Grabe ka naman. Ayaw mo bang sumama sa pangit?"

Pinilig-pilig ko ang aking ulo.

"Hi-hindi, ang pogi mo kaya..." Napatakip ako ng bibig sa sinabi ko.

"Ano ulit yun? Paki-ulit nga." Nilapit ni Sean ang tainga niya sa akin.

Tinulak ko siya ng marahan palayo sa akin. Bumalik siya ng ayos sa pagkakaupo saka sumubo ulit.

"Shindi nga, shakit? Aswhaw mo ba?"

Napakunot-noo ako.

"Huh?"

Nilunok niya muna ang pagkaing nasa bibig bago nagsalita.

"Ang sabi ko...hindi nga, bakit? Ayaw mo ba?"

"Gusto ko."

"Gusto mo akong maging partner?"

"Hindi..."

"Ayaw mo? Ouch ang sakit naman."

"Ang ibig kong sabihin. Gusto kong sumama sa Acquaintance Party. Kaso wala naman akong pera pambili ng ticket."

"Yun lang ba?" May nilabas itong dalawang ticket sa bulsa.

"Dalawa itong ticket na nabili ko. Sa'yo na lang 'tong isa."

"Naku hindi na, at isa pa....wala rin akong susuotin."

"Naku hindi problema 'yon. Gown designer ang ate ko. Marami yung mga design na gown na babagay sa'yo."

"Nakakahiya naman sa'yo Sean."

"Pumayag ka na...sige ka, magtatampo ako sa'yo." Ngumuso si Sean sa harap ko kaya natawa ako. Ang cute niya tingnan.

"Sige pag-iisipan ko...pero magpapaalam pala muna ako kanila Mama at Papa."

Natapos kaming kumain ni Sean. Kaya bumalik na kami sa class room namin. Gaya noong una, agaw-pansin na naman kaming dalawa ni Sean. Halos lahat ng mga babaeng makakasalubong namin ay masama ang tingin sa akin.

Huminga ako ng malalim. Ayoko na lang silang pansinin.