Ang lihim kong pinanghahawakan ng matagal ng panahon. Eto na ang pinakamatindi sa lahat ng mga naranasan ko mula sa pagiging bata noon. At ito rin ang hinding-hindi ko makakalimutan sa tanang buhay ko. Maging ng aking mga magulang at sa mga kapatid ko ay hinding-hindi nila nalaman ito, at hindi ko rin naman nasabi sa kanila 'yun noon. Marahil ngayon, malalaman na nila ang matagal ko ng pinakaiingatan na sekreto, kung paano muli ako ay nandito ngayon. Saksi rin noon ang mga nakasama ko.
Sa aking pagkakatanda, mga 10 to 11 years old ako noon at sariwang sariwa pa sa akin ang lahat ng pangyayari noon na naganap. Nagkayayaan noon ang mga may edad na taga sa amin, ang mga dati noon mga binata pa lang na sila Eigie at marami pa, andon din ang kapatid ni Tatang na si Jun. Marami kami noon at kaming mga kabataan tulad noon nila Mandy, Buboy/Roger at ilan pa. Kasama rin namin noon si Raffy at Nestor. Mga nasa anim kaming kabataan noon ang sumama sa kanilang malalaki upang maligo sa ilog.
Sa usapin naman ng ilog, bagong baha noon at talagang malakas ang current ng ilog. Ang kulay ng tubig ng ilog sa'min kapag bagong baha ay kulay ng pinaghalong kape at gatas. Binalita noon ni Jun na kapatid ni Tatang kila kuya Eigie mula sa umpukan nila noon na malalim ang tubig sa manggahan. Talagang malalim daw at hindi masukat ang ilalim n'yon. Magandang balita 'yon para sa mga marurunong lumangoy na katulad nila dahil nakakapanabik iyon. At para naman sa mga batang katulad namin na hindi marurunong lumangoy noon ay napakadelikado 'non. Andon noon ang pananabik nila na masubukan ang bagsik ng ilog na 'yon mula sa kanyang nagngingitngit na galit. At para naman sa mga katulad naming mga bata noon na sumama ay kapanapanabik na din.
Nagkakayayaan na noon sila para pagpunta 'don at kaming mga ilang kabataan naman ay sumama na rin sa kanila. Sa pagtawid pa lang ng ilog noon ay nahirapan na kaming mga kabataan dahil talagang malakas ang alon ng tubig at para bang tatangayin nito ang mga paa mo kapag mahina-hina ang mga tuhod mo. Maya-maya pa'y nakarating na kami sa manggahan. Kanya-kanya ng hubaran ng mga damit ang mga kasama namin, ang iba nama'y mga nakashort at brief lang at ang ibang kabataan gaya namin ay walang mga saplot. Sa pagpunta pa lang 'don, sinabihan na kami nila kuya Eigie na sa tabi lang kami pwedeng maligo at talagang malakas ang agos nito at malalim pa. Masayang-masaya noon sila sa kakapaligo sa ilog ng manggahan. Nakikita pa namin sila na tumatawid sa paglangoy mula sa kabila at pilit sinusukat ang ilalim nito, ngunit sadyang malalim nga ang dala ng baha na 'yon at hindi nga nila masukat. Tuwang-tuwa sila noon habang kami'y mga masasayang nagtatampisaw din sa gilid ng pangpang.
Sa pangpang pa lang noon ay may kalaliman na din! Hanggang balikat ko na ang tubig 'don at mas lalo pa kaya sa gitna. Mga ilang minuto din noon ang kasiyahan namin. At maya-maya pa'y nagbago na ang lahat.
Sadyang delikado ang ilog sa'min lalo na kapag bagong baha. At may mga parte talaga doon na lumalalim at lalong lumalalim pa kapag bumabaha. Ang ibang parte naman ng ilog ay nagbabago ang anyo kapag nakakaranas ang ilog ng paulit-ulit na pagbaha. May mga batang nalunod na din sa ilog namin noon at ang iba naman ay sinawing palad tulad nila Pablo.
Nasa gilid lang kami noon ng pangpang nila Mandy at masayang masaya na din ng bigla akong madala ng agos sa may kalaliman. Doon hindi ko na nagawa pang makabalik sa mababaw na parte na dati ko namang nagagawa sa ilog ng Montalban noon mula sa pangunguha namin nila mama at papa ng mga labanos para linisan sa pangpang ng ilog noon. At habang naglilinis sila ng mga labanos sa pangpang, ako naman ay mag-isang naliligo sa ilog. Makailang beses din noon akong mapapunta sa malalim na bahagi ng napakalawak na ilog ng Montalban noon. At maka-ilang beses na din muntikan akong malunod noon 'don. Ginagawa ko lang noon na kapag napapapunta ako sa malalim na parte ay nilalakad ko lang ito mula sa ilalim pabalik ng pangpang. Hindi pa ako noon marunong lumangoy at sa pagkakaroon ko noon ng presence of mind, nagagawa ko naman makabalik ng paulit-ulit sa pangpang. Pero sa pagkakataong iyon, hindi ko na nagawa pang makabalik sa pangpang at unti-unti na akong kinakain noon ng ilog.
Ang bilis ng pangyayaring iyon, nadala na lang ako sa gitna at tinatangay na ng ilog sa kalaliman. Pilit ko noong tinataas ang mga kamay ko at nagpupumiglas sa malakas na ilog. Ang nasa isip ko noon, maiangat ko lang ang mga kamay ko sa taas at baka makita nila na nalulunod ako at matulungan nila ako't masagip. Ngunit sadyang malakas ang ilog noon at wala akong nagawa sa paghatak nito sa'kin upang hindi ko maitaas ang mga kamay ko. Hanggang, makaramdam na lang ako ng unti-unting pagkahina! Hindi ako noon makahinga at unti-unti na ding nauupos ito, hanggang sa sumuko na lang ako at tanggapin na lang ang magiging kapalaran ko. Nakita ko ang sarili ko habang tinatangay na lang ng tubig at papisig-pisig na lang ang katawan ko noon. Halos malagutan na rin ako ng hininga noon o para bang wala na nga, tanging ang isip ko na lang ang gumagana noon. Bigla na lang may lumabas na isang malaking screen sa isipan ko at doon nakita ko ang mga magulang ko at mga kapatid ko na nag-iiyakan. Malinaw ko silang nakikitang lahat sa screen na yoon. At nakadama ako ng kalungkutan sa nakita ko. Tinanggap ko na noon na ito na ang katapusan ko at wala ng paraan pa para mabuhay ako. Nasabi ko na lang sa sarili ko noon na, "Wala na, patay na ako!" "Wala na!"
Totoo nga pala ang nakikita ko sa mga pelikula na kapag mamamatay na ang isang tao ay may lalabas na isang malaking screen o monitor sa isipan mo at maaalala mo ang mga mahal mo sa buhay. Akala ko sa pelikula ko lang makikita ang mga 'yon, ngunit ito ang nararanasan ko ngayon. Totoo pala ang mga 'yon!
Sa pagsuko ko noon sa buhay at tanggapin na lang ang kamatayan ko ng maluwag sa damdamin ko, bigla na lang may kakaibang bagay ang naganap noon. Hinampas ako ng sobrang nakakasilaw noong liwanag. Sobrang liwanag talaga 'non! At nakita ko na lang ang sarili ko na nasa tabing pangpang na lang na nakaupo na. Habang sila noon ay bising-busy sa paglangoy, ako naman ay nasa pangpang na. Hindi ko alam kung papano iyon nangyari. Ang alam ko lang para sa'kin, isang malaking milagro 'yon o himala. Ang bilis ng pangyayaring iyon talaga! Parang isang flash of light at bigla na lang napapunta na lang ako sa pangpang ng para bang walang nangyari sa'kin.
Mula sa pangpang na pinagbagsakan ko, mga tansya ko lang ay lagpas 70 meters ang pinagbagsakan ko mula sa pinaglunuran ko. At mula sa kinauupuan ko, sa wakas napansin na nila ako noon. Dali-dali silang lahat noon na lumapit sa'kin. Inabutan nila ako noong nakaupo pa rin sa pangpang habang tulala pa sa nangyari sa'kin. Hindi ko rin noon malilimutan ng tinanong ako ni Jun tubol, "nakainom ka ba ng tubig noh?" Sumagot ako noon sa kanya, "hindi, hindi ako nakainom." Dagdag pa n'ya sa'kin noon, "kita mo nga ang tiyan mo, lumobo na. 'Yan ba ang hindi nakainom?" Sabay tawa na lang s'ya 'non.
Nagyaya na noon si kuya Eigie sa kanila na tayo na, "umuwi na tayo." Marahil, kinabahan sila noon sa nangyari sa'kin. At marahil din kung natuluyan nga ako noon, hindi ko rin alam ang mararamdaman ng mga kasama ko, lalong lalo na nila kuya Eigie na malaki ang mga edad sa amin noon. Hindi ko rin alam noon kung anung ipapaliwanag nila sa mga magulang ko kung natuluyan nga akong mamatay noon mula sa pagkalunod.
Tahimik ang karamihan sa'min noon habang naglalakad kami sa tabing ilog at tumawid habang mga papauwi na kami. Ako naman eh, sobrang tahimik noon at nag-iisip habang nakakaramdam din ng pagkatakot sa nangyari sa'kin. Nang makarating kami sa'min noon, dali-dali akong tumakbo sa bahay. At tahimik na humiga na lang at natulog na. Ilang araw din akong hindi noon lumabas ng bahay para makaiwas sa usapan sa nangyari sa'kin noon 'nung isang araw. Lagi ko noong iniisip mula sa bahay namin na may kumuha sa'kin mula sa ilog na iyon. O, may sumagip sa'kin mula sa tiyak na kamatayan. Niligtas ako ng Diyos! Makailang beses ko ding iniisip magpahanggang ngayon na malabo akong matangay na lang sa pangpang. Mukhang imposible talaga 'yon! Dahil kung tatangayin ako ng agos, malamang mas malayo pa ang mararating ko at malamang patay na ako noon habang inaagos ako ng malakas na tubig. Marahil mararamdaman ko pa 'yon kung may malay pa ako kahit konti ang paggulong gulong ng katawan ko at paghampas sa mga batong madadaanan nito mula sa pag-agos ng ilog kasama ang katawan ko kung magkagayon man. Talagang kakaibang bagay 'yon para sa'kin!
Magbuhat ng mangyari sa'kin iyon. Lagi ko na lang noong napapanaginipan ang marahil bangungot kong paulit-ulit na napapanaginipan mula ng bata pa lang ako. Laging sumasagi sa pagtulog ko noon na para akong nasa kalawakan. At nahuhulog sa isang lagusan na sobrang bilis at umiikot din ng mabilis ang lagusang iyon. Maraming iba't-ibang uri ng matitingkad na liwanag ang sumasalubong sa'kin noon. Paulit-ulit ko 'yon nararanasan noon mula sa'king pagtulog at pilit ko itong nilalabanan para magising ako. Dahil habang nahuhulog ako sa isang portal o isang wormhole ng kalawakan ay nakakadama ako ng pagkatakot sa sarili ko. Hindi ko maipaliwanag ang mga bagay na 'yon mula sa pagtulog ko. At kahit minsan sa kababawan pa lang ng pagtulog ko ay bigla na lang itong dumadating. Muli kong nararanasan na naman ang pangyayaring iyon na para bang nasa isang kalawakan ako at nakalutang at maya-maya'y bigla na lang akong mabilis na nahuhulog sa isang portal. Hindi ko talaga maintindihan ang mga bagay na 'yon noon.
Matapos ang napakahabang panahon mula noon hanggang sa ngayon. Gayun pa man, pilit ko pa rin itong gustong maranasan muli mula sa pagtulog at panaginip ko noon. Ngunit sa 'di malaman na kadahilanan, hindi ko na ito nararanasan pa. At kahit pilit ko pa itong isipin at hanapin sa panaginip ko, hinding-hindi na ito dumadating. Anu nga ba ang sekreto ng buhay? May mga lihim ba ito mula sa pagiging tao natin? May koneksyon ba tayo mula sa kalawakan? May koneksyon ba tayo mula sa mga makakapangyarihang nilalang? Ang naranasan ko noon ay isang malaking palaisipan para sa'kin at talagang interesante mula sa mga may kakayahan na hindi natin nakikita ngunit nararamdaman na gumagawa ng isang makapangyarihang hakbang mula sa pagiging mga tao natin.
Matiyagang inuunawa ko ngayon at pinag-aaralan ang buhay at pinagmulan ng mga tao. Mula sa kalawakan kung saan doon nag-umpisa ang lahat, hanggang sa ating mundo na mga ating tinutungtungan ngayon. At hanggang sa May lalang o likha sa lahat ng bagay sa buong sansinukod. Alam kong may koneksyon ang lahat ng mga ito mula sa ating mga kaisipan. Kailangan mo lang hanapin at idiskubre ang mga 'yon. At patuloy ko pa rin itong hahanapin!