Chereads / PAANO MAGING TAO? (mga aral, leksyon, biro at sekreto ng buhay) / Chapter 69 - Ang pagtatapos ng grade six sa St. Mary Elementary School.

Chapter 69 - Ang pagtatapos ng grade six sa St. Mary Elementary School.

Nag-umpisa na naman ang pasukan bilang elementary. At ngayon bilang grade six na at huling yugto na ng pagiging bata marahil. Maraming mga bagay ang naaalala ko pa sa pagiging grade six. Ang mga mukha ng mga kaklase ko mapababae man o mapalalaki ay patuloy na tumatakbo pa rin sa isipan ko. Naging adviser namin ulit si Ms. Santos na ngayon ay si Mrs. Catunggal na. Nagkaroon na din s'ya ng sariling pamiliya at mga anak. Ang kanyang kasintahan noon na nakikita namin s'yang hinahatid nito at sinusundo noon pang mga grade one kami ay kanya ng napangasawa.

Nagkaroon ako noon ng konting takot kay mam lalo na noong grade one pa lang kami. Naging matindi kasi sa'min si mam sa mga pamamalo, pamimingot at kung anu-ano pang nakakasakit sa mga bata kaya noong naggrade six na kami, inisip ko noon na baka saktan n'ya na naman kami. Matagal-tagal ko rin s'yang hindi nakita sa pagtuturo sa'min ngunit palagi ko naman s'yang nakikita noon na nagtuturo sa ibang mga grades. At pagsapit ng pasukan hanggang sa kalagitnaan at hanggang sa matapos ang aming pagiging grade six na 'di ko man lamang nakita sa kanya na namalo s'ya sa'min. Ang pagiging masungit at mabangis n'ya noon ay naglaho na. Ang laki talaga ng pinagbago ni mam ng nagkaroon na s'ya ng pamilya. Naging sobrang bait n'ya sa'min, masayahin at naging makwento din sa kanyang pamilya't anak. Ni minsan hindi n'ya ako napagalitan sa buong taon na 'yon at parang wala akong naalala na kami'y kanyang pinagalitan sa pagiging grade six namin. Naging mali ang hinala ko noon sa kanya sa una kong impresyon sa kanya. Marahil iniisip din ni mam na nagbibinata at nagdadalaga na kami noon, o maging kahit anu pa man. Nagbago talaga ang lahat at maganda 'yon para sa lahat-lahat.

Naging kaklase ko noon ang aking mga kababatang taga sa amin na malimit ko talagang maging kaklase. Si Cazandro/Angdon, Kimburt/Nunoy, Rochelle/Oche, Eillen/Aileen at si Carla. Kaming anim noon ang tanging mga taga sa'min ang nagkakasama-sama sa grade six section two. Hindi ko na rin matandaan noon kung naging kaklase ba namin si Joey Abuela o naging section three s'ya. (O iba pang rason) Ang ibang taga sa'min naman gaya ni Andy Gib/Mandy/Erwin at iba pa ay naging section three. Nagpaulit-ulit noon si Mandy sa elementary at inabutan pa namin sa pagiging grade six at nakasabay namin sa paggraduate. Ang ibang mga kaklase n'ya ay halos lahat mga kakilala namin noon at ang iba 'don ay naging kaklase din namin. Maging sa mga taga section one ay halos kakilala din namin, dahil na rin sa halos anim na taon naming nagkasama-sama sa St. Mary.

Nagkaroon din kami ng bagong mga kaklase sa pagiging grade six gaya nila Patrick na taga Marikina Village. Naging kadikit ko din s'ya noon at nila Kimburt. Sa aming labasan sa tanghali lagi kami noong magkakasabay. Naging galante si Patrick sa'min, mabait s'ya at mapagbigay. Lagi n'ya kami noong nililibre ng ice candy sa labasan tuwing uwian.

Si Mrs. Esguera bilang teacher namin sa music and arts ay naging paborito din ako. Malimit s'ya sa'kin noon magpadrawing sa'kin. Naging mataas din ang grado ko sa kanya. Si Mrs. Castaneda naman sa science or english, maalin man sa dalawa ay naging terror sa amin. Kinatakutan s'ya noon ng mga bata sa pagiging masungit n'ya at istrikto. Natandaan ko pa na makailang ulit din noon kinutongan si Kimburt at ilan pa naming kaklase maging mga babae man. 🤣 Kapag oras na ni mam Castaneda nagiging mga parang mga anghel kami sa katahimikan at kabaitan dahil kapag mag-ingay ka sa kanya makakatikim ka sa kanya ng malutong na kotong. Naging bansag din namin noon kay mam ang salitang "kotong". O, and'yan na si Kotong bilis upo na. Hindi ko din maintindihan na kapag may nakokotongan si mam ay 'di naming maiwasang matawa ni Kimburt noon. Ewan ko ba! Hahaha!!!

Si Kimburt din noon ang naging sigasigaan sa'min sa loob ng aming section kaya malakas din ang loob ko noon na mag-ingay at manggulo minsan sa aming mga kaklase dahil alam ko na may sasalo sa'kin sa kanila at 'yon ay si Kimburt. Naalala ko pa noon na nakasuntukan n'ya si Teresa isang malaking babae. Iyak noon si Teresa at nagsumbong ito sa kanyang tatay at si Kimburt ay naging wanted sa ama nito. 😁 Marami kaming ginawang mga kalokohan noon sa loob ng klase kasama si Kimburt. Pinagtripan din namin ang iba naming mga kaklase at kinukulit. Si Cazandro noon ay nanatili sa pagiging mabait sa'min.

Tuwing lunes ng umaga ang flag ceremony at pagkatapos ang kaunting programa. May mga sayawan ng mga estudyante at kantahan din. Maging sa hapon ng biyernes ang closing flag ceremony at ilang maikling programa ulit pagkatapos nito. Naranasan din namin sa St. Mary ang 3 o'clock habit noong kami'y mga panghapon. Andon din din noon ang manunuod kami ng sine eskwela at math tinik sa loob ng aming classroom sa umaga. Naranasan din namin noon ang pamimigay ng masarap at malamig na milo energy drinks. Ang walang kamatayang nutri ban mula sa bakery nila Alberto na aming kaklase. Noong grade six din namin nagkaroon kami ng educator na si sir pulis mula D.A.R.E o Drug Abuse Resistant Education mula sa bayan ng Marikina. Noong grade one to grade two kami may nagba-bible study din sa'min. Nakakapanuod din kami ng libre minsan sa sa stage kapag hapon mula sa isang projection at malaking puting tela ng mga pambata noong palabas na pelikula tulad ng "The Lion King", "Tambulina", "E.T" at ilan pa. Nasaksihan din namin ang pagbisita ni Mayor Bayani "BF" Fernando at ng kanyang asawa ni "MCF" at namigay ng mga candies na may litrato nya'ng comiks. Itinuro n'ya noon sa'min ang "kalat mo, ibulsa mo!" Makailang beses din pinarangalan ang aming munting eskwelahan na isa sa pagiging malinis na eskwelahan sa Marikina. Naisali din kami sa palarong pang-eskwela ng mga paaralan sa marikina. Lumahok kami sa track and field at sa katapusan ng palaro 'di pinanalad kaming mga lalaki na manalo sa pamumuno ni Mr. Tado. Ang aming kaklaseng babae na si Amy at Leah at s'yang tanging nagwagi sa kanilang debisyon. Masaya na kami noon dahil nilampaso nila ang kanilang mga katunggali. (Si Amy at Leah ay may pagkaboyish noon) Nakapamasyal din kami noon sa Ayala Museum ng libre sakay ng dalawang inarkilang mga bus. Nakakita ako noon ng mga iba't-ibang klase ng work of arts doon. At iba't iba pang mga pangyayari sa paaralan na iyon.

Kaysarap balikan ng mga araw na iyon! Kung tutuusin nakamiss talaga ang mga araw na iyon. Ang pagiging inosente ninyo sa mga bagay-bagay hanggang sa unti-unti kayong natututo at namumulat sa paligid. Ang mga tawanan at kulitan ninyong mga magkakaklase, ang mga munting pinagsamahan ninyo noon, ang mga baon na pinagsaluhan, ang mga papel na binabahagi, ang mga ballpen, lapis at crayons na pinapahiram, ang mga kwentuhan sa mga pambatang palabas tuwing pasukan na, ang munting away minsan man o madalas, ang lahat-lahat na mga naging guro namin magmula noong grade one hanggang grade six, naririnig ko pa din ang mga salita nila at pagtuturo sa amin hanggang ngayon. At ang mga ngiti ng aking mga munting nakasabayan na mga bata noon ay lagi kong nakikita sa'king isipan. Nanghihinayang din talaga ako sa mga class pictures namin noon magmula ng matangay lahat ni Ondoy. 'Yung isang class picture namin noong grade four kami ay nilagyan ko pa 'yon ng mga pangalan ng mga kaklase ko base sa pagkakasunod-sunod namin ng tayo.

Bago sumapit noon ang pagtatapos, naranasan namin ang huli naming christmas party. Naging masaya 'yon mula sa pamumuno ni mam. Talagang pinagplanuhan namin 'yon. Nagkaroon kami noon ng fund para sa mga pagkain at mga palaro sa pamamagitan ng pag-iipon o pagbibigay araw-araw ng mga barya mula sa aming taga singil at si mam ang naging taga ingat ng kaban hanggang sa maabot namin ang takdang halaga ng bawat isa sa amin. Chicken, spaggeti and rice plus drinks ng Jollibee ang aming naging pagkain. Ang iba 'don pinambili ni mam ng mga mga mapapanalunang mga premyo sa palaro. Masayang-masaya kami noon sa huling x-mas party noon!

Pagaraan din ng mga suot ang iba kong mga kaklase at halos lahat yata sa'min noon ay umatend. Natatandaan ko din na nagbigay sa'min noon si mam Catunggal o nag-ambag ng malalaking sorbetes na nakalagay pa sa stainless steel na lalagyan. Natapos na lang ang ilang oras na kasiyahan namin noon at nakapag-exchange gift din kami. Pare-parehas kaming mga umuwing busog at may mga ngiti sa mga labi.

Nagbalik kami ng january 1998 at pagdating ng marso ay nagsipagtapos na kami. Sa totoo lang, hindi ako noon nakaramdam ng kalungkutan sa aming pagtatapos. Hindi ko rin noon inisip na mamimiss ko ang mga kaklase ko maging ang aming mga naging guro na ngayon ay hinahanap-hanap ko sa'king gunita. Ang tumatakbo sa isipan ko noon ay wala! Nakita ko din noon nanuod sa labas ng bakod ang ilang mga taga sa amin at si Erlinda na naging puppy love ko noon. Sila mama at papa at si ate Judy ay nandon din. Malamang masaya sila noon ng pagtatapos namin. May mga kuha din kami ng litrato kasama ko sila Kimburt at kanyang nanay, Mandy at ilan pa pagkatapos ng graduation namin. Wala din akong naalalang nakipagkamay ako sa mga kaklase ko noon. Ang bilis ng pangyayari noon pagkatapos ng programa unti-unti din agad naubos ang mga tao.

Wala kaming naging handa noon dahil si papa ay nawalan na noon ng trabaho. Si ate Dolly na malapit sa pamilya ko noon na taga Marikina Village ang nanlibre sa'min ni Jing. Naging magklase noon si Mark Anthony at kapatid kong si Jing (mula sa pagkakaalala ko) at pagkatapos ng programa ay nagyaya s'ya sa aming dalawang magkapatid ni ipasyal sa Sta. Lucia Mall. Ipinagmaalam n'ya kami noon kila mama at papa at pumayag naman sila, hindi na rin noon sumama sa'min sila mama. Nang makarating kami sa Sta. Lucia Mall ikinain kami ni ate Dolly sa Jollibee at ipinasyal sa loob ng malaking mall. Nasaksihan ko din ng araw na iyon sa event center sa baba ang dalawang magkakapatid na April Boys na may mall show at kami'y nanuod sa kanilang konsierto. Naging masaya ako noon nuong mga araw na 'yon habang hindi ko na inisip ang mga kaklase ko at si Mrs. Catunggal.

Lumipas ang napakahabang panahon at hindi pa ako nakakapasyal muli sa munting St. Mary. Ang mga naging kaklase ko noon sa elementary ay nakikita ko pa rin ang karamihan sa kanila noong nasa Marikina pa ako. Si Jerry So at ilan pa ay naging kaklase ko sa high school. At ang ilan ay nagupitan ko noon sa barber shop na pinasukan ko noon maging si Mr. Tado ay naligaw din doon sa pagupitan na iyon. 22 years na ang lumipas ng magtapos ako sa elementary at sa totoo lang natuto ako ng maraming bagay sa loob ng anim na taon sa pinakamamahal kong St. Mary. Salamat sa'yo at sa mga guro sa pagkalinga n'yo sa kamusmusan ko noon!!! 👍