Chapter 70 - Kapag araw ng mga bakasyon.

Samu't-sari ang hatid ng mga bakasyon sa eskwela, lalong-lalo na sa mga kabataan na katulad namin. Talagang makabuluhan ang bawat araw lalo na kung ang iisipin mo lang ay paglalaro at paglalakwatsa. Ang mahabang araw ng mga pagpasok ay natapos na din at muli ang pananabik sa bawat araw na wala kang iniintinding mag-aaral. Sa labas bakod, asahan mo na kapag bakasyon, umaapaw ang plaza ng mga kabataan na nagsisipaglaro. Andyan na ang mga pagtakbo sa larong taya-tayaan, habulan ligtasan at kung anu pa man. Habang ang iba ay mga kanyang mga laro din.

Sa umaga, minsan wala pa akong almusal ay nasa lansangan na. Ang mga nauusong mga laro rin gaya ng mga teks, holen, laruan at kung anu-anu pa ang nag-uudyok sayong lumabas ng bahay bitbit ang mga laruang panlaban mo. Tandang-tanda ko pa noon ang mga teks o mga playing cards na nauuso noon. Kinalakihan ko ang mga maliliit na teks na ang tema ay ang mga pelikulang pilipino na may bilang hanggang 01 to 63 o64. Marami din ako naipanalong ganon at nakapag-ipon ako sa loob ng aming bahay ng mga gadangkal na mga teks. Minsan, sa eskwela ay nakakapagdala din kami ng mga ganon at sa mga dinadaang tindahan na may tindang mga teks ay bumibili din kami kapag itoy nauuso. May mga pagkakataong makailang ulit ni papa na sinunog ang aking mga teks dahil sa katigasan ng ulo ko at hindi pag-uwi sa tamang oras. Tandang-tanda ko pa ang mga pangyayaring iyon ng kunin n'ya na lang ang mga naitago kong mga teks sa aking pinaglalagyan dahil gabi na ako nakauwi at hindi na nakapaghapunan. Binitbit n'ya ang mga iyon sa labas ng aming bahay at sa silong namin ay kanyang mga sinunog. Wala akong nagawa noon para pigilan s'ya at ang tanging nagawa ko lang ay ang pag-iyak at panghihinayang.

Ang mga malalaking playing cards o teks ng Marvel at X-men ni Stan Lee ay nauso rin noon. Sobrang dami ko ding nakolekto noon ng mga 'yon. Mga iba't-ibang karakter ng marvel, mga mapa-super heroes man o mga villians ay meron ako. At ang iba don ay naidrawing ko na noon. Muli kong pinauso noon ang paulit-ulit noong Ghost Fighter. Nagtinda din ako ng mga teks n'yon at naging madami talaga ang mga napanalunan ko noon at nakolekta. Ang iba rin 'don o halos karamihan doon ay naidrawing ko din. Ang walang kamatayang Dragon Ball o Dragon Ball Z ay nangolekta din ako at nakapagpanalo din ng maraming teks noon. Noong grade two ako, tandang-tanda ko pa na nauso 'yon at naging palabas din 'yon noon sa channel 9. Naabutan ko pa noon na maliit pa lang si Son Goku habang ang mga kasama n'ya pa lang ay sila Krilyn at Vulma at ilan pa na maliliit pa lang din. Naidrawing ko din ang karamihan sa kanila at magpahanggang ngayon ay kabisado ko pa din idrawing si Son Goku ng walang kopyahan. Marami noon na nausong mga teks, ang iba pa d'yan ay Flame of Recca, Hunter X Hunter, Zenki, Bt' X, Pokemon, Slum Dunk, At napakarami pang iba.

Sa tuwing bakasyon din noon ay mahilig ang aming paliligo sa ilog. Minsan sa kaumagahan pa lang ay nasa ilog na kami. At minsan ay nakakapagpiknik pa kami ng mga kabarkada ko noon. Sari-sari din ang hatid ng ilog samin noon, kahit ang mga kabataang mga babae sa amin ay minsa'y aming nakakasabayan sa paliligong ilog. Hanggang sa magsawa na lang kami sa paliligong ilog at pag-ahon mo ay talagang nangingitim na ang mga balat mo. Ang pagpapalipad din ng mga saranggola ay kinahumalingan din namin noon. Tandang-tanda ko rin noon na halos maubos na ang pasensya ni mama sa galit sa'kin noon dahil kapag mauuso ang mga saranggola ay halos maubos ang aming walis ting-ting at ang mga sinulid ni mama na nakatago. (Hahaha) Napapakamot na lang s'ya sa ulo habang unti-unting nagiging manipis bawat araw ang aming walis ting-ting kakagamit ko upang gawing saranggola. Malimit din ako noong magpalipad sa taas ng aming bahay o bubong ng aking ginawang saranggola. At kadalasan sa plaza at sa kabilang ibayo ang puntahan ng mga katulad kong nagpapalipad nito. Nakakalibang din talaga ang mga bagay na 'yon. Ewan ko ba, napakasarap talagang maging bata.

May mga pagkakataon din noon na sama-samang kaming mga magkakalaro sa panunuod ng mga pambatang mga palabas noon, simula umaga hanggang sa hapon. At sa weekend ang mga palabas gaya ng Mask Man, Shaider Bioman, Mask Raider Black, Machine Man at kung anu-anu pa. Napakasaya noon at simpleng-simple lang ang takbuhan ng buhay bata noon. Malimit din kami noong maggala sa mga subdivision lalo na sa kasiestahan para manguha ng mga prutas ng walang paalam sa may-ari. Naghahanap din din kami ng pagkakakitaan sa mga gustong magpadamo at magpalinis sa mga subdivision sa amin noon tuwing umaga. Andyan na rin ang pagtitinda namin ng pandesal at sama-sama sa pagtulog sa mga nakaparadang mga jeep samin sa gabi. Minsan naman sa aming bahay at sa bahay ng mga kasama ko sa pagtitnda. Marami-rami na din ang mga bahay na natulugan ko noon sa aming lugar. Kila Mandy, ate Rowena, kila Totoy Rosal, kila Raffy, at sa ilan pa. May pagkakataon din sa hapon o sa maggagabi na ay nagtatago-taguan kami. Sobrang saya 'non at talagang kawawa ang magiging taya sa paghahanap sa amin sa gitna ng kadiliman ng gabi. Kung saan-saang mga bahay kami noon sumusuot at madalas sama-sama kaming mga nagtatago noon. Hanggang sa unti-unti ng mangonte kayo dahil sa pagtawag ng ilang mga nanay upang pakainin na ang kanilang mga anak at pauwiin na sa kanilang bahay. Kakasawaan na lang namin ang larong iyon sa paglipas ng isa hanggang dalawang oras. At bukas na naman ay ganon pa rin ang tema. Hindi rin mawawala ang mga kwentong kakatakutan sa pangunguna ng mga nakakatanda sa'min. Si ate Neneng na nanay nila Lucky ang magaling magkwento sa mga kakatakutan noon. Talagang mamangha ka at matatakot sa kanyang mga kwentong nalalaman. Madalas din andon na ang takutan at parang ayaw mo ng umuwi ng bahay ng walang kasabay. Magandang karanasan din 'yon mula sa ilalim ng liwanag ng buwan sa plaza naming iyon. Bukod sa kakatakutan na mga kwento, marami ding mga kwento si ate Neneng na komedya. Masarap s'yang talaga magkwento at wari ko'y talento n'ya 'yon.

Ang tumbang preso, luksong tinik, follow the leader, syato at minsan pa nga kahit ang larong piko na pambabae ay amin ding nilalaro. Ang kabayo-kabayuhan na delikadong laro ay aming ding nilalaro noon. Si Mandy o Erwin ang madalas ko noong kabayo dahil na rin sa kanyang katangkaran noon at kaligsihan. Madalas akong lumaban noon sakay sa kanyang likod habang ang kalaban mo ay may sakay din at kabayo. At minsan labo-labo pa nga ang labanan. Sakitan ang larong iyon, tadyakan kayo ng katunggali mo sa iba't-ibang parte ng katawan n'yo. Kapag nahulog ka, talo kayo at sasakay kang muli para lumaban. Sa larong ganon madalas ang pikunan at may iyakang nagaganap din minsan kapag nasolidan mo ng sipa ang katunggali mo. Ang "Paway" ay isang kasakitan din na laro gamit ang inyong mga tsinelas at mga pamato at panayang maliliit na mga tsinelas. Mahirap din ang laro na 'yon lalo na kung kampihan ang labanan at kapag napag-initan ka at ikaw ang maging kulelat hanggang sa matapos ay kawawa kang talaga. Kapalit n'yon ay malulutong na palo sa iyong palad mula sa cover na tsinelas sa ibabaw ng iyong kamay. Isa-isa silang hahampasin ang kamay mo ng tig-lilimang beses. Talagang masakit 'yon kahit na may sapin pa ang mga kamay mo. Aaray ka sa mga palo nila at pagkatapos 'non, makikita mo na lang ang mga kamay mo at braso ay mamumula na. Kalimitan din may iyakan sa larong iyon. At iba't-ibang uri pa ng mga pisikalan na laro.

Ang mga larong tirahan ng mga goma o lastiko na ang bala ay mga upos ng sigarilyo simula 'nung musmos pa lang ako. Hanggang nariyan na ang mga sulpak mula sa sangay ng mga kawayan na binabalahan ng binasang mga papel at dyaryo ay masarap din laruin. Andon din minsan ang mga pikunan. Magmula sa baril-barilan na mga gawa sa sanga ng mga puno ng saging, water gun hanggang sa nakakasakit na mga pellet gun ay aming hindi din pinalampas. Mga binatilyo na kami noon ng mauso ang nga pellet gun. Nag-ipon ako noon ng pera mula sa pagtitinda ng pandesal para makabili ng AK 47 na pellet gun sa may N.G.I. Halos araw-araw ko 'yon bitbit, sa araw man o gabi malimit ang aming mga barilan noon. Kampihan ang labanan at may pagdaang one on one minsan. Masaya din 'yon ngunit talagang sakitan din ang larong iyon. Mamamantal ang iyong balat sa mga tama ng pellet bullet. Dalawang beses na din akong tinaman sa mata 'non at talagang manunuot sa mata mo ang sakit. Aksidente rin na nakatama ako sa mata noon at sa sobrang galit sa'kin ay sinapok ako ni Nuknoy. (Hehehe) May pagdaan din na sinusundo kami nila Tito Azul na kapatid nila Alex upang dumadayo sa Marikina Village tuwing gabi at makipagbarilan sa mga taga doon ng pellet gun. Naging kalaban namin noon sila Nikolo, Uweng at ilan pang mga naging kabarkada namin doon. Gamit ang aking AK 47 napalimit ang dayo namin 'don sa kanila gabi-gabi. Nakasama namin noon doon sila Raffy, Kenneth, Mark maging si Bossing Bunso/ Raul at ilan pang taga sa amin para makipagbarilan sa kanila ng mga pellet gun. Intense ang bawat labanang iyon sa kalye ng Marikina Village noon.

May mga pagkakataon din na nagbabakasyon kaming magpapamilya sa kamag-anak namin na aking mga tiya sa Cavite at sa may Fairview. Naging masaya din kami sa piling ng aming mga kamag-anak noon. Ang aking mga pinsan ay malimit ko din malaro noon sa tuwing nagpupunta kami sa kanila. At marami din talagang mga masasayang mga alaala ang aming noong mga pinagsaluhan.

Masasabi kong naging makabuluhan talaga ang aming pagkabata. Ang mga panahong iyon ay aking ninamnam at kinasabikan maging ng mga kababata ko na rin.

May lungkot ngunit malimit ang saya. Ang bawat paggising sa umaga at pagtulog sa gabi ay punong-puno ng saya at eksperyensya. At sa paggising mong muli ay panibagong saya na naman ang hatid ng bakasyon sa eskwela.