Chereads / Moonville Series 1: Secret Lovers / Chapter 25 - Together | Separately

Chapter 25 - Together | Separately

Lunes nang muling magkita sina Alex at Richard sa klase nila sa Philippine History. Hindi maitago ni Alex ang lungkot dahil sa gulo sa bahay nila. Kahit noong datnan siya ni Richard ay hindi niya magawang ngumiti.

"Kumusta?" tanong kaagad ni Richard pagkakita dito.

"Heto..." Napabuntong-hininga siya.

"Totoo ba iyong minessage mo sa akin kagabi?"

"Unfortunately, it was true. At iyon na nga pala ang huling message ko sa iyo for the meantime."

"So, wala kang cellphone ngayon?"

Umiling siya. "Also, hatid-sundo kami nung driver namin. Pagkatapos ng klase ko, susunduin na niya ako. Tapos kung hindi pa uuwi si Ate, babalik na lang siya ulit."

"Grabe naman pala ang Daddy ninyo. Sobrang higpit pala siya."

"Mabait naman si Daddy. Kaso disappointed lang talaga siya ng sobra. At ang masakit, si Ate ang napagbuntunan niya ng galit. Dapat sa akin siya galit ngayon."

"Hindi mo naman kasalanan ang nangyari."

"Pero tayo ang dahilan ng lahat ng ito, Richard. Nadamay lang sina Ate at Bryan."

"Hindi naman natin ginusto ito!" Medyo nag-iba na ang tono ni Richard. May ilang kaklase silang napatingin sa kanya, kaya kinalma niyang muli ang sarili. "Hindi natin ginusto na may masaktan. Hindi rin natin ginustong magkagusto sa isa't isa. I didn't choose to like you, I was just... gotten..."

Kung sa ordinaryong pagkakataon lang, siguradong kinilig na si Alex sa confession ni Richard. Pero hindi niya magawang makaramdam ng kilig sa sitwasyon nila ngayon.

"I actually told Ate that I will stop seeing you..."

Natigilan si Richard.

"It's hard, but I thought if there is someone who should suffer, it should be me. Not Ate Angel."

"You're giving up?" Parang maiiyak si Richard.

"Ate told me not to... Hindi ko rin kaya."

Para namang nakahinga ng maluwag si Richard. "Thank you."

Hinawakan ni Alex ang kamay nito at nginitian, though hindi umabot sa mga mata niya ang ngiting iyon. "Kailangan na nating ayusin ito, Richard. Kailangan na nating ayusin ang away ng mga pamilya natin. Para kay Ate."

Tumango si Richard. "Para sa ate mo, at para sa ating dalawa."

Muling ngumiti si Alex. Medyo gumaan ang pakiramdam niya matapos makausap si Richard. Ramdam niya kasi ang kagustuhan nitong maayos ang lahat. Ramdam niyang hindi siya nag-iisa sa laban na iyon kung saan hindi lang pag-iibigan nila ang nakataya, kundi maging ang kaligayahan ng ate niya.

♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎♥︎

Nakatingin lamang si Angel sa kanyang tuna and chili pasta. Nasa canteen siya ngayon para mag-lunch. Mahilig siya sa pasta, pero kahit anong klase ng pasta yata ang kainin niya ngayon ay wala pa rin siyang gana.

Napatingin siya sa isang box ng Ferrero Roche na bigla na lamang sumulpot sa kanyang harapan. Pagkatapos noon ay umupo sa tapat niya si Bryan. Saka siya nito ngintian.

"Chocolate. Comfort food ko kapag malungkot ako o depressed."

Muling napatingin sa tsokolate si Angel. Hindi niya alam kung ano ang nagpasaya sa kanya, ang katotohanang meron siyang tsokolate, o ang presence ni Bryan na nasa harapan niya.

"Nabanggit na sa akin ni Richard ang lahat," ani Bryan. "Ikinuwento daw ni Alex sa kanya."

"Salamat." She tried to smile at him.

"Hayun, nagkukumahog iyong dalawa na tuparin na iyong mission natin sa mga parents natin."

"Hindi naman ganoon kadali iyon," Angel said as she tried to eat again. "We do not even know what happened. Kailangan nating malaman ang dahilan bago tayo mag-isip ng paraan para maayos ang problema."

"You're right," ani Bryan. "Pero sa ngayon, huwag na muna iyon ang isipin natin. Palamigin muna natin ang sitwasyon. Lalo na, wala ka sa mood para mag-brainstorming. Baka mamaya, maungusan na naman kita sa mga exams natin sa klase."

Angel smiled again.

"Kain na," yaya ni Bryan sa kanya. "Gusto mo nitong Seafood Kare-Kare ko? With brown rice pa 'to."

"No, I'm fine," ani Angel. Nagpatuloy na rin ulit siya sa pagkain. Nagsimula na siyang ganahan at parang naramdaman na rin niya ang gutom na kahapon pa siya dine-deadma.

"Mabuti naman at nakakakain ka na. Ang kwento ni Alex kay Richard hindi ka daw makakain kung hindi ka lang pilitin ni Alex."

"Ang hirap kasing i-ignore, eh. Tingin ko mas mabuti na iyong paluin ako ni Mommy kagaya ng nangyari noong bata pa ako. Kaysa naman itong hindi nila ako pinapansin. Hindi nila ako kinakausap. Ni hindi nga sila nag-'Peace be with you' sa akin kahapon sa mass."

"Mukhang masama talaga ang loob nila. Nakaka-guilty tuloy," ani Bryan. "Kung hindi kita pinigilang sumunod kina Alex, di sana hindi naging ganoon ang perception ni Ma'am Elvie sa ating dalawa."

"Nakita daw niya tayo sa may parking lot one time. Iyon yata iyong time na na-discover natin iyong kina Alex at Richard. Tapos nakikita daw niya tayong mag-lunch together."

Napatingin sa paligid si Bryan. "Hindi ko alam na may pagka-tsismosa pala si Ma'am Elvie."

"Hindi naman sa ganoon, pero kaibigan ni Mommy si Tita Elvie. Ninang si Mommy nung anak niya. Ganoon sila ka-close."

"Naku! Ang mga mag-kumare talaga kapag nag-tsismisan..." Umiiling na pumapalatak pa si Bryan.

Napangiti si Angel sa ginawang iyon ni Bryan. Pagkatapos ng nangyari ay ngayon lamang niya nagawang ngumiti ulit.

"Hayan... Kahit papaano napangiti ka. Alam mo, you look better when you smile."

Napatitig si Angel kay Bryan. Bryan smiled again, and again, she felt that warmth that his smile gives her heart. Iyong parang lagi itong nasa tabi niya at handang gawin ang lahat basta maging okay lang siya. She felt good with that look. She felt safe.

Napaiwas ng tingin si Angel. Kunwari ay sa pasta sa kanyang harapan na lamang siya napatingin. Pero ang totoo, bigla siyang nailang sa nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. After some time of being with Bryan, alam na niya kung ano ang ibig sabihin ng nararamdaman niya ngayon. And it's not right. It will never be right.

Siguro nga, deserve niya ang nangyayari sa kanya ngayon. Hindi niya pwedeng maramdaman ang bagay na iyon para kay Bryan. Pero hindi niya mapigilan ang sarili, kaya naman pinaparusahan siya ngayon ng kapalaran. Siguro hindi si Alex ang kailangang mag-sacrifice para matigil na ang lahat ng ito. Maybe it should be her.

Napabuntong-hininga si Angel. "Sa tingin ko, hindi na tayo dapat magsabay pang kumain ng lunch."

Ilang saglit ding natahimik silang dalawa. Pag-angat ng mukha ni Angel, nakita niyang titig na titig si Bryan sa kanya.

"Is that what you want?"

Hindi makasagot si Angel. Hindi niya masabi dito na hindi, hindi niya iyon gusto. Gusto niyang kasama itong kumain ng lunch. Gusto niyang nakaka-kwentuhan ito. Gusto niyang nakaka-bonding ito sa The Coffee Club. Gusto niya itong kasama.

Napayuko si Angel sa naisip na iyon.

"Tingin ko, mas lalo kitang dapat samahan," ang sabi naman ni Bryan. "Lalo na sa lagay mo ngayon. Depressed ka dahil sa mga nangyayari. Dapat lagi kang may kasama. Isa pa, ang alam naman ng mga parents mo boyfriend mo ako. So dapat lang na samahan kita."

"Kaya nga dapat tayong lalong lumayo sa isa't isa. Para maisip nina Daddy na nagkahiwalay na tayo. Baka sakaling hindi na sila magalit sa akin."

"Tingin ko hindi," ani Bryan. "Galit na sila sa iyo. At kahit na makipaghiwalay ka sa akin, kunwari, hindi pa rin noon mababawi ang katotohanang nagsinungaling ka sa kanila."

Naisip ni Angel, tama ang sinabi ni Bryan. Higit sa anupaman, ang katotohanang naglihim siya sa mga magulang ang dahilan ng galit nila sa kanya. Ang daddy na mismo nila ang nagsabi noon.

"Pero siguro nga, tama ka. Baka dapat nga, iwasan na muna natin ang isa't isa." Biglang tumayo si Bryan at saka binitbit ang tray kung saan nakalagay ang pagkain nito.

Gulat na napatingin si Angel dito. Parang gusto niyang tumayo rin at pigilan ito sa pag-alis. Pero ang sarili ang pinigilan niya.

"I hope you'll be better soon."

And with that ay umalis na si Bryan. Sumama na ito sa mga barkada niya na medyo nagulat pa pagkakita sa kanya. Saka napatingin ang mga ito sa kanya.

Napaiwas ng tingin sa mga ito si Angel. Napatingin siya sa Ferrero Roche na bigay ni Bryan. Bigla siyang nagsisi sa nangyari. Ano ba ang naisip niya at bigla na lamang niyang nasabi ang bagay na iyon? Kung kailan nagsisimula na siyang masanay na may isang taong handa siyang pakisamahan, sabayan sa pagkain ng lunch, makipagkwentuhan sa kanya kahit na boring siyang kausap sometimes... most of the time.

Napapikit siya. 𝘈𝘯𝘰 𝘣𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘵𝘢𝘯𝘨𝘢𝘩𝘢𝘯 𝘪𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘨𝘢𝘸𝘢 𝘮𝘰, 𝘈𝘯𝘨𝘦𝘭? She looked at the chocolates again. Hindi niya naiwasang malungkot sa muling pag-iisa.

𝘎𝘰𝘰𝘥𝘣𝘺𝘦, 𝘉𝘳𝘺𝘢𝘯 𝘥𝘦 𝘝𝘦𝘳𝘢. 𝘐𝘵 𝘸𝘢𝘴 𝘯𝘪𝘤𝘦 𝘩𝘢𝘷𝘪𝘯𝘨 𝘺𝘰𝘶 𝘧𝘰𝘳 𝘲𝘶𝘪𝘵𝘦 𝘴𝘰𝘮𝘦 𝘵𝘪𝘮𝘦 𝘪𝘯 𝘮𝘺 𝘭𝘪𝘧𝘦... 𝘐𝘧 𝘰𝘯𝘭𝘺 𝘐 𝘸𝘢𝘴𝘯'𝘵 𝘵𝘩𝘢𝘵 𝘥𝘶𝘮𝘣.

🌼 𝔸𝕝𝕝 𝕀 𝕨𝕒𝕟𝕥 𝕚𝕤 𝕡𝕖𝕒𝕔𝕖, 𝕝𝕠𝕧𝕖, 𝕦𝕟𝕕𝕖𝕣𝕤𝕥𝕒𝕟𝕕𝕚𝕟𝕘, 𝕒𝕟𝕕 𝕒 𝕔𝕙𝕠𝕔𝕠𝕝𝕒𝕥𝕖 𝕓𝕒𝕣 𝕓𝕚𝕘𝕘𝕖𝕣 𝕥𝕙𝕒𝕟 𝕞𝕪 𝕙𝕖𝕒𝕕. 🍫 - 🄰🄽🄾🄽🅈🄼🄾🅄🅂 🌼