Chapter 4 - BETRAYAL

NASA daan na si James ay tahimik parin niyang pinag-iisipan ang sinabi ng ama. Si Mang Damian, ang matandang family driver nila ang nasa harapan ng manibela gaya ng dati ay tahimik lang habang pinatatakbo ang sasakyan.

"Kumusta ho ang pamilya ninyo Mang Damian?" ang naisip niyang itanong sa matanda.

Nakangiti siya nitong sinulyapan mula sa salamin sa may ulunan nito. "Mabuti naman hijo" sagot nito. "hulaan ko, siguro kinausap ka na naman ng Papa mo tungkol sa pag-aasawa ano?" anitong sinundan pa iyon ng mahinang tawa.

Alanganin ang ngiting pumunit sa mga labi ng binata. "Masyado na po bang matanda ang edad kong thirty para ipagtulakan niya akong lumagay sa tahimik?"

Katulad kanina ay nakangiting muling nagsalita ang matanda. "Hindi naman, pero aminin mo, sa mga naging kaibigan at kaklase mo noon sa kolehiyo, ikaw nalang ang walang pamilya?" nasa tono ng matanda ang panunukso.

"Oo nga naman, aminado ako roon" pag-amin niya.

"Sixty six na ang Papa mo hijo, ako manang nasa katayuan niya ay ipagtutulakan na kita sa pag-aasawa. Lalo na at hindi naman lingid sa atin ang sakit niya sa puso" paliwanag sa kanya ni Mang Damian.

Sa huling sinabi ni Mang Damian ay hindi na nakapagsalita pa si James. Mahal na mahal niya ang Papa niya at wala siyang hindi gagawin para dito.

Kung apo lang ang gusto mo Papa mabibigyan kita niyon. Pero manugang?

Sa kaisipang iyon ay natigilang napaisip si James. I'm not sure... Ang kabilang bahagi ng isipan niya.

"HINDI ba dayoff mo ngayon anak? Bakit ang aga mo yatang bumangon?" ang nanay niyang si Norma na noon ay nasa kusina at naghahanda ng agahan.

"May lakad po kami ni Norman, nay" sagot niya saka nagtimpla ng kape.

Tumango-tango ang nanay niya. "Mukhang napasarap ang tulog ng mga kapatid mo. Pakigising mo nga at baka mahuli sa klase. Baka nakalimutan nilang Miyerkules ngayon at hindi Sabado."

Matapos ang almusal ay nagsimula na ring gumayak si Aria. Alam niyang lunch pa ang usapan nila ni Norman. Pero dahil wala rin naman siyang gagawin sa bahay ay naisip niyang sorpresahin na ang nobyo. Para mas matagal niya itong makasama.

May sarili siyang susi sa inuupahang apartment ni Norman na ang nobyo mismo ang nagbigay.

Pasado alas nueve nang marating niya iyon. Napangiti siya nang mapunang sarado parin ang mga bintana ng apartment. Naisip niya na baka tulog pa ito kaya naging maingat siya sa kanyang mga kilos.

Pero iba ang nangyari nang makapasok na si Aria at mamataan ang isang kulay pulang shoulder bag na nakapatong sa ibabaw ng mesa. Nagsimulang kumabog ang dibdib niya saka maingat na naglakad palapit sa kinaroroonan ng kwarto ni Norman.

Parang ipinako sa kinatatayuan niya si Aria nang mula mismo sa malaking uwang ng pintuan ay maaktuhan ang nobyo niyang katalik ang kung sino.

Nag-init ang mga mata niya saka wala sa loob na itinakip ang kamay sa sarili niyang bibig. Napasigok siya at umabot iyon sa pandinig ni Norman na mabilis na natilihan pagkakita sa kanya.

Nakita niyang bumangon ito. Alam niyang magpapaliwanag ang binata. Pero hindi na niya kailangan iyon, tama na ang lahat ng nakita niya. Kaya nagmamadali siyang kumilos at iniwan ang lugar na iyon.