Chereads / The Stolen Identity / Chapter 46 - Patayin ang Impostor

Chapter 46 - Patayin ang Impostor

Lovan Claudio could clearly see herself having sex with the CEO of CSD Bank inside his condo.

"No! How did our video leak on social media?" What if it had already reached Zigfred? Hindi maaari 'yon!

Lalong nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang sarili sa mismong masyon nina Zigfred sa Urdaneta Village habang panakaw na live na bini-video-han ng may-ari ng account na si Avril Arunzado.

Napaatras siya sa pagkagulat. Pa'nong naroon siya sa lugar na 'yon habang andito siya? Huwag sabihing---

Biglang nanginig ang kanyang buong kalamnan at bumakas sa mukha ang takot habang paulit-ulit na umiiling.

Hindi totoo ang nakikita niya! Siya lang ang pwedeng magmay-ari ng mukha na 'yon. Wala ibang Lovan Claudio maliban sa kanya!

"Ako lang ang nag-iisang Lovan Claudio! Isa siyang huwad!" sigaw niya, nagsimulang mamuo ang butil-butil na pawis sa kanyang noo kasabay ng pagpatak ng luhang nangilid agad sa kanyang mata.

"Hi, Senyorita Lovan," boses ni Avril Arunzado ang kanyang narinig.

"Ahhh!" napasigaw na siya sa sobrang takot na tila nakakita ng multo habang hindi inaalis ang mga mata sa screen ng phone.

"Hindi totoo 'yan! Ako lang ang nag-iisang Lovan Claudio! Walang pwedeng maging Lovan Claudio maliban sa'kin!" paulit-ulit na sigaw at nang matabig niya ang silya sa tabi ay bigla siyang napaupo, nangatal ang buong katawan.

"Ang sleeping pills ko! Akina ang sleeping pills ko! Gretaaa!!! Ang sleeping pills ko!!!" parang wala na sa sariling tawag niya sa kanyang yaya.

Doon lang patakbong pumasok si Francis nang marinig ang kanyang sigaw.

"Lovan, bakit?" gulat na usisa nito nang makita siyang yakap ang sarili habang nanginginig ang buong katawan at nanlalaki ang mga mata sa takot.

"Ang sleeping pills ko!" sigaw niya rito.

"Ano'ng sleeping pills?" litong balik-tanong ng lalaki.

"Miss Lovan Claudio. Is it true that you had an affair with the CEO of the CSD Bank kaya nagkunwari kang isang pangit ngayon matapos mong magpakasal kay Mr. Zigfred Arunzado dahil nalaman mong kumalat ang Sex scandal niyo sa social media?" Umalingawngaw ang boses na iyon sa kanyang pandinig dahilan upang muli siyang mapasigaw.

"Isa siyang impostor! Ako ang tunay na Lovan Claudio! Ako si Lovan Claudio!" hiyaw niya uli at tinakpan ang magkabilang tenga.

Sa kanyang balintataw, unti-unting nagkakahugis ang mukha ng isang dalagita. Ang mukhang iyon---

Muli siyang tumili sa takot. Ayaw na niyang maalala ang lahat! Matagal na niyang kinalimutan ang lahat.

"Lovan, ano'ng nangyayari sa'yo?" tarantang usisa ni Francis, nilapitan na siya't hinawakan sa magkabilang balikat.

"Patayin mo siya, Francis. Ninakaw niya ang mukha ko! Patayin mo siya! Hindi siya pwedeng mabuhay!" hiyaw niya sa lalaking takang napalingon sa phone na nakabukas pa.

Tumayo ito't dinampot sa ibabaw ng mesa ang phone ngunit wala na itong makita maliban sa lalaking binubugbog ng mga guard.

"Sino'ng papatayin ko? Sino'ng walanghiyang nanakit sa'yo?" galit na tanong nito, nagsalubong agad ng mga kilay.

Nang tuluyang magkahugis ang imahe sa kanyang balintataw ay tuluyan na siyang nawala sa sarili't isinubsob ang mukha sa sahig na tabla.

"Papatayin ko siya! Ninakaw niya sa'kin ang mukha ko! Papatayin ko siya!"

Lalo lamang naguluhan si Francis sa mga salitang lumalabas sa kanyang bibig lalo sa kakaiba niyang ikinikilos na tila nababaliw. At sa sobrang pag-aalala'y napalitan itong hampasin siya sa leeg gamit ang sarili nitong kamay upang mawalan siya ng malay.

--------

Sa nagngangalit na kalangitan at patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan ay may isang magandang babaeng nakaupo sa driver's seat habang mahigpit na nakakapit sa manibela ng sasakyang nakaparada sa kalsada. Nanatiling nakabukas ang makina ng gamit nito ngunit nakapagtatakang hindi pa nito pinatatakbo ang kotse, nanlilisik lang ang mapupulang mga mata habang nakatitig sa naglalakad sa gilid ng daan.

"Humanda ka sa'kin hayup ka! Isasama kita sa impyerno bilang kabayaran sa ginawa mong pagsira sa relasyon namin ng fiancé ko!" Sa pagitan ng pagpatak ng luha sa mga mata'y mahina ngunit matigas nitong sambit.

"Madami ka nang nilokong tao. Hindi na seguro kasalanan ang patayin ka para matigil na ang kasamaan mo!" patuloy nito sa pagnunumpa saka mabilis na pinaharurot ang sasakyan.

Samantalang heto si Lovan, wala sa sariling naglalakad sa gilid ng daan, hindi alam kung saang dereksyon ang tinatahak, ni hindi ramdam ang panginginig ng katawan sa lamig habang walang tigil ang ulan, humahalo roon ang kanyang luhang wala ring tigil sa pagpatak.

Ni minsan, hindi pumasok sa kanyang isip na ganito ang mangyayari ngayon, na huhusgahan siya ng mga taong isang maruming babae dahil lang sa kagagawan ng babaeng kanyang kamukha. Ni hindi sumagi sa kanyang isip na mag-aaway sina Zigfred at Lenmark dahil lang sa kanya.

Pero nangyari ang lahat sa isang iglap lang. Alam na ng lahat ang kanyang totoong mukha. Malamang malaman na rin ng lahat na hindi siya si Lovan Claudio at posibleng madamay ang kanyang pamilya sa kaguluhang hindi niya inaasahang magaganap sa tanang buhay niya.

Kagat-labi niyang ipinagpatuloy ang paglalakad habang hinahayaang mamalisbis ang luha sa mga mata. Kahit sa isang banda'y mapapaniwala niya si Zigfred na hindi siya si Lovan Claudio at mapilitan itong ibalik ang kanyang kwintas, pero paano kung patay na pala ang totoong si Lovan Claudio at siya ang mapagkamalang pumatay dito upang makuha niya ang yaman ng babae? Kung hindi, bakit siya ang naroon sa piling ni Zigfred at hindi ito? Kahit sabihin pa niyang coincidence lang ang lahat, sino ang maniniwaa sa kanya? Mukha niya ang mukha ni Lovan Claudio. Tapos idagdag pa na marami nang nakakitang nagpapanggap lang siyang pangit dahil daw sa gusto niyang magtago sa kahihiyang nalantad sa social media, ang sex scandal daw nila at ng CEO ng CSD Bank.

Napahagulhol na siya. Wala sanang mangyayaring ganito kung hindi siya dumalo sa kasal ni Madison at hindi hinabol ni Francis dahilan upang mapunta siya sa shuttle bus na iyon at mapagkamalang si Lovan Claudio. Kasalanan niya ang lahat. Walang ibang pwedeng sisihin maliban sa kanya.

Huminto siya sa paglalakad at pa-squat na umupo at humahagulhol na niyakap ang sarili. Ano'ng gagawin niya ngayon? Paano niyang haharapin ang bukas kung ang lahat ng mga kilala niya'y hinuhusgahan siya bilang maruming babae? Wala siyang kinalaman sa nangyayari. Hindi niya ginustong maging kamukha ang babaeng ikinukumpara sa kanya. Inosente siya sa lahat ng ibinibentang sa kanya!

Nasa ganoon siyang kalagayan nang biglang may tumawag sa kanyang pangalan.

"Lovan!"

Napatayo siya agad at tumingin sa paligid. Boses iyon ni Lenmark.

Saka niya lang napansin ang nakasisilaw na headlights ng sasakyang papunta sa gawi niya. Nakaramdam siya bigla ng takot at agad na tumayo't gumilid pa lalo sa kalsada.

Ang akala niya'y mahahagip siya ng sasakyan ngunit mabilis itong pumagitna sa daan nang makalapit sa kanya. Marahil ay nawalan lang ng balanse ang nagmamaneho niyon.

Nakahinga siya nang maluwang sa wakas.

Eksakto namang huminto bigla sa kanyang harapan ang motorsiklo ni Lenmark. Agad nitong tinanggal ang helmet na suot pagkababa lang sa motor, saka siya niyakap nang mahigpit.

"Thanks God I found you. I thought kung ano nang nangyari sa'yo," nag-aalalamg sambit.

Gumanti siya ng yakap, nakahanap ng kakampi sa nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

"Lenmark, hindi totoo ang mga paratang nila sa'kin. Hindi ako maruming babae." Nagsimula na naman siyang humagulhol habang nakayakap sa kaibigan, walang makapansin sa kulog at kidlat na tila humihiwa sa buong paligid. Ni ang malakas na patak ng ulan ay hindi yata nila maramdaman.

"Sssh, I know. Hindi ikaw si Lovan Claudio. Hindi ikaw ang asawa ni Zigfred," pag-aalo naman nito.

Ilang minuto sila sa ganoong kalagayan hanggang sa wakas ay maramdaman niya ang lalo pang lumakas na patak ng ulan na may kasama nang hangin.

"Iuwi mo ako sa'min, Lenmark. Gusto kong makita ang mga magulang ko," pakiusap niya, kumawala na sa binata at niyakap ang sarili saka tiningnan ang buong palibot.

Noon lang niya napagtantong nasa gilid pala siya ng kalsada at maliban sa kidlat at sa streetlight sa kanyang tapat at ang liwanag na nagmumula sa headlight ng nakaparadang sasakyan sa malapit sa kanila, wala na siyang ibang nakitang ilaw sa kanilang kinaroroonan. Hindi rin mga bahay ang nasa gilid ng kalsada kundi nagtataasang mga puno. Kung saang lugar iyon ay hindi niya alam.

Kinuha ni Lenmark ang suot na helmet kanina at ibinigay sa kanya. Saka ito nagpatiunang sumakay sa motor, inalalayan naman siyang makasakay.

Bago pa siya tuluyang sumampa sa likuran ng kaibiga'y muli niyang tinanaw ang nakaparadang sasakyan sa 'di kalayuan na tila sinasadyang pailawan sila.

Malay ba niyang sasakyan iyon ng HR manager at ang nagmamaneho ay si Zigfred.

Hindi rin niya alam na nagtatagis ang bagang nito habang nakatitig sa kanila kanina pa. Muntik na nga itong lumabas ng sasakyan upang bawiin siya kay Lenmark ngunit pinigilan lang ito ng kaibigan.

"This is not the right time, Dude. Hayaan mong makasama niya si Lenmark. Hindi makabubuti kung makikita ka niya. Ikaw ang dahilan kung bakit gumulo bigla ang kanyang buhay ngayon," payo ni Jidlon.

Salubong ang kilay na bumaling si Zigfred dito, pagkuwa'y nakuntento na lang na tanawin siya sa malayo habang kasama ang ibang lalaki.

Ngunit hindi nito napigilan ang sarili't sinuntok ang manibela ng kotse.

Napangiwi si Jildon.

"Dude, mahal 'yan. H'wag mong panggigilan," awat nito.

Gigil na iniamba ni Zigfred ang kamao sa lalaki, saka lang ito biglang tumahimik, ilang beses na lumunok at umayos ng upo.

"Damn! I'm her husband but I can't even be by her side!" maktol ng lalaki, muling sinuntok ang manibela ng sasakyan.

Napangiwi muli si Jildon ngunit hindi makaangal.