Gusto niyang kausapin si Zigfred upang alamin kung bakit pinagli-leave siya ng dalawang linggo samantalang wala pa siyang isang buwan na nagtatrabaho. Dahil ba sa nangyari kagabi o dahil nagalit ito sa sinabi niya kanina? Subalit bigla iyong naalis sa kanyang isip nang maramdaman niya ang paninikip ng dibdib, para bang nakadagan sa kanya ang kung anumang mabigat na bagay.
Biglang siyang natuliro at hindi na mapakali lalo na nang maramdaman ang malamig na hanging nagmumula sa aircon hanggang maramdaman niya ang pangangatal bigla ng katawan. Napahawak siya sa braso ng katabi.
"Hey, what's wrong?" usisa agad ni Zigfred nang makitang namumutla siya at nangangatal ang bibig na tila kinukumbulsyon.
Noon lang nito naalalang ayaw niyang sumakay ng kotse kaya't bigla nitong inihinto sa gilid ng kalsada ang sasakyan, mabilis na tinanggal ang kanilang seatbelt at agad siyang niyakap nang mahigpit.
"Dude, what's wrong?" nag-aalalang usisa ni Jildon.
"Damn, I don't know," tulirong sagot at nagmadali na itong lumabas ng kotse habang karga siya.
Pinagsikapan niyang labanan ang takot subalit hindi niya magawa. Napayakap na siya kay Zigfred nang unti-unting magkahugis sa kanyang balintataw ang kakaibang kapaligirang tila bangungot na paulit-ulit na dumadalaw sa kanya sa twing nasa gano'n siyang kalagayan.
"It's okay, calm down. We're in the safe place. Andito na tayo sa labas ng sasakyan," pag-aalo ni Zigfred habang para siyang batang karga nito at siya'y nanginginig ang buong katawang nakasubsob ang mukha sa dibdib nito at nakapulupot ang dalawang braso sa batok ng lalaki.
Hindi niya alam kung ano'ng meron kay Zigfred. The moment he heard those words, unti-unti siyang kumalma at unti-unting bumalik sa normal ang kanyang heartbeat. Ang natural na init katawan nito ay tumulong upang mawala ang pangangatal ng kanyang katawan.
Biglang huminto sa likod ng sasakyan ang motor ni Lenmark, salubong ang kilay na bumaba ang lalaki't sa nag-iigtingang na mga ugat nito sa leeg at nakakuyom na mga kamao ay halatang susugurin ang pinsan ngunit nang makitang nakayakap siya kay Zigfred ay nagpigil ito.
"She's afraid of cars, you fool!" Nasigawan na nito ang pinsan sa magkahalong galit sa huli at pag-aalala naman para sa kanya.
"I'm okay now. Put me down." Nang maramdaman ang galit ni Lenmark sa boses nito'y sumabad na siya't nagpababa kay Zigfred.
Pagkawala lang ng pagkakapulupot niya sa batok ni Zigfred at pag- apak ng kanyang mga paa sa semento'y agad na siyang hinawakan ng kaibigan sa kamay.
"Lovan, let me take you home. Nag-alala si Tita Areta sa'yo nang makita ka niyang isinakay sa kotse kaya hinabol na kita," anang binata.
Napasulyap siya kay Zigfred na tahimik lang ng mga sandaling iyon habang nakatitig sa kanya, inaarok kung totoong okey na ba talaga siya.
Kusa niyang ipinulupot ang isang kamay sa braso nito't marahang binawi ang isa pang kamay sa kaibigan.
"Not this time, Lenmark. May aasikasuhin lang ako kaya kailangan kong sumama kay Zigfred," tanggi niya sa binata.
"Lovan, I can prove to him that you're not his wife," turan nito, may kaseguraduhan sa sinabi.
Awtomatikong nagliwanag ang kanyang mukha. Sa wakas, maibabalik na rin sa kanya ang kwintas na pamana ng kanyang namatay na ina. Mapapaniwala na rin niya si Zigfred na hindi siya si Lovan Claudio.
Subalit nang masulyapan niya ang lalaking biglang kumulimlim ang mukha sa narinig sa pinsan nito't nagsalubong agad ang mga kilay, kinabahan siya agad. Baka lalo itong magalit sa kanya't hindi ibigay ang kwintas. Kailangan segurong paamuin muna niya ito.
Nawala bigla ang saya niya.
"Sensya na pero kailangan ko lang sumama sa kanya," sagot niya na lang sa binata.
Pagkarinig lang ni Zigfred sa kanyang sinabi'y hinila na siya nito palayo sa binata ngunit humabol pa rin ang huli't hinawakan sa braso ang una.
"Just wait for me. I shall prove to you that she's not your wife," mariing turan kay Zigfred.
Isang matalim lang na titig ang pinakawalan ng lalaki at itinuloy na ang paglalakad palayo sa pinsan.
-----------
Ang motor na ginamit ni Zigfred papunta sa bahay nila ang ginamit na uli nila pabalik sa suite ng lalaki. Hanggang sa makarating sila sa City Garden Hotel ay hindi pa rin ito nagsasalita.
Hindi siya nakatiis at binasag na ang katahimikan nang nasa tapat na sila ng suite at binubuksan na ng lalaki ang pinto niyon.
"Hindi ako pwedeng mag-leave. Zigfred. Kailangan kong magtrabaho," aniya sa mahinang boses.
Tumiim lang ang bagang nito, ngunit hindi pa rin nagsalita.
"Aayusin ko na ang trabaho ko, promise. Hindi na ako magpapasaway," pangungulit niya subalit naagaw ng babaeng palapit sa kanila ang kanyang atensyon. Kasama nito ang HR manager na bitbit ang naiwan niyang shoulder bag sa kotse nito.
Nakasuot ang babae ng itim na strapless mini dress, halos lumuwa na ang suot na panty sa ikli niyon, binagayan ng three inches pointed heels sandals na lalong nagpatangkad sa height nitong 5'5.
"Good morning!" nakangiting bati ng babae kay Zigfred. Ni hindi man lang nilagyan ng honorific ang pagbati na ikinapagtaka niya sabay baling kay Zigfred.
"Sino siya?" tanong niya subalit hindi ito umimik.
Nagkatinginan ang dalawang lalaki, mga mata lang ang nag-usap. Nang tumango si Zigfred ay ibinigay muna ni Jildon ang bag sa kanya, saka inutusan ang babaeng sumunod dito.
Nakaramdam siya ng inis. Bakit hindi man lang siya sagutin ng lalaki kung sino ang babaeng iyon, isa ba sa mga kabit nito? Lantaran nitong ipinapakita sa kanyang hindi siya nito kailangan bilang asawa dahil marami itong babae?
"Sino siya, Zigfred?" Gusto niyang magalit ngunit naalala niyang wala pala siyang karapatang gawin 'yon. May kasunduan silang walang pakialamanan sa personal na buhay. Pero bakit ito nakikiaalam sa personal niyang buhay? Tapos siya ay hindi pwedeng magtanong man lang?
"You'll live here for two weeks. Hindi ka pwedeng lumabas hangga't wala akong pahintulot." Pagkabukas lang ng pinto ng suite ay noon lang ito nagsalita.
"Pero Zigfred, kailangan ko ng trabaho," giit niya subalit agad itong tumalikod at sumunod kina Jildon hanggang sa lumiko ito sa pasilyo at hindi na niya nakita.
Eksakto namang pagbungad ng nurse na nag-aalaga sa ama ni Lovan Claudio.
"Good morning, Mrs. Arunzado. Naghihintay na po ang papa niyo sa kwarto niya," bati sa kanya.
Napabuntunghininga na lang siya't pilit na ngumiti sa nurse.
"Kumusta si Papa?" usisa niya pagkapasok lang sa loob ng suite, inikot agad ng paningin ang buong paligid.
Wala namang ipinagbago doon maliban lang sa tatlong flower vase ng pink tulips sa sala--ang isa'y nakapatong sa center table, ang dalawa'y sa side table ng magkaharap na sofa.
"Okay lang po," maagap na sagot ng nurse.
Nagtuloy-tuloy siya papunta sa kwarto ng ama ni Lovan Claudio ngunit hindi pa man niya nabubuksan ang pinto ay hinawakan na siya sa braso ng kasama.
Agad siyang napabaling dito. Biglang naglikot ang mga mata nito, tiniyak na sila lang dalawa ang nasa paligid.
"Meron po kasi akong gustong ipaalam sa inyo, Ma'am," simula nito, bakas sa mukhang nag-aalangan pa rin itong magtapat.
"Bakit? Ano 'yon?" Lumayo na siya sa pinto ng kwarto, kumawala sa pagkakahawak nito at nagpunta sa sala, umupo sa L-shaped sofa roon at inilapag sa ibabaw ang kanyang shoulder bag.
Tumabi naman ang nurse, napansin niyang pinagsaklop nito ang sariling mga palad, halatang ninenerbyos.
"Ano 'yon? Sige, sabihin mo. Nagpasaway ba si Papa?" usisa na niya, ipinatong ang kamay sa hita nito.
"Hindi po, Ma'am. Mabait naman po siya. Kaya lang eh, hindi ko pa siya pinainom ng gamot na ibinigay ni Mr. Arunzado mula pa kahapon," pag-amin nito.
"Ano'ng gamot?" taka niyang tanong.
"Maintenance daw po 'yon ni Sir Marcus. Iyon daw po ang bilin ng mama niyo," sagot ng kausap, napakagat-labi na sa kaba.
"O, ba't 'di mo pinainom, maintenance pala?"
Pinalagutok nito ang mga daliri, hindi na mapakali sa kinauupuan na lalo niyang ikinapagtaka.
"'Yon nga po ang problema, Ma'am. Pinainom ko po siya kahapon nang umaga pagkaalis niyo. Akala ko, nilunok niya 'yong capsule pero nang kumuha ako ng gatas para ipainom sa kanya, pagbalik ko, nakita ko po siyang hawak yung gamot sa kamay at itinapon sa basurahan," sumbong nito sabay turo sa trash bin sa gilid ng sofa na kinauupuan.
Umawang ang bibig niya sa pagkagulat, tigagal na nakatitig lang sa nurse. Hindi niya ito kilala, kahapon nga lang sila nagkita. Pero ano naman ang mapapala nito kung magsisinungaling sa kanya?
Imposible ang sinasabi nito, hindi nga maiunat ng ama ni Lovan ang siko nito, ni maiangat paitaas, hindi nito kaya, iyon pa kayang magtapon sa isang metro ang layo na trash bin mula sa kinaroroonan nito kahapon?
"Nagulat po ako sa ginawa niya kaya po, kinuha ko ang bote ng gamot at ini-search ko sa google kung ano 'yon," patuloy ng kausap. "Isa iyong imported paralytic drug. Mabisa po siyang gamot para sa katulad po ng ama niyo. Pero hindi po 'yon pwedeng gawing maintenance dahil matindi po ang side effect no'n. Uurong nang tuluyan ang kanyang dila paloob at hindi na po siya makakapagsalita pa."
"Ha?!" Napatayo siya sa pagkagulat sa narinig, mayamaya'y napatingin sa nakapinid na pinto ng kwarto ng ginoo.
"Opo. Kaya nga po banned sa USA ang gano'ng klaseng gamot," pagtatapos ng nurse.
Napaupo siya uli, hinawakan ito sa braso.
"Segurado ka bang sinabi ni Zigfred na bigay 'yon ng mama ko?" paniniyak niya.
Tumango ang nurse.
Hindi siya makaimik pagkatapos, totoong nagulat sa nalaman.
Bakit? Bakit iyon gagawin ng mama ni Lovan Claudio sa sarili nitong asawa? Alam ba iyon ng babae?
Pero sa ikinilos ng ginoo, posibleng alam nito kung ano'ng klaseng gamot ang ibinibigay ng sariling asawa kaya ayaw nitong inumin 'yon.
Napatayo siya, nagparoo't parito sa sala habang nag-iisip nang malalim. Nakakaawa naman ang ama ni Lovan Claudio. Hindi niya ito pwedeng pabayaan. Pero bakit iyon ginagawa ng sarili nitong pamilya? Seguradong walang alam ang anak nito sa ginagawa ng sariling ina. Pero paano kung alam nito, kaso ayaw na lang mangialam dahil sarili nitong ina ang gumagawa niyon?
Umiling-iling siya. Hindi pa rin 'yon makatarungan.
Nilingon niya uli ang kwarto ng ginoo. Ano'ng lihim mayroon ang ama ni Lovan Claudio? Bakit itinatago nito sa lahat na naiuunat nito ang mga braso?
Bumalik siya sa kinauupuan ng nurse na hindi pa rin mapakali nang mga sandaling 'yon, hinawakan uli ang kamay nito.
"May tiwala ako sa'yo na hindi mo pababayaan si Papa. Kahit ano'ng matuklasan mo sa kanya, sabihin mo agad sa'kin."
Tumango na uli ito.
Napangiti siya rito, mayamaya'y muling nag-isip.
Ano'ng lihim mayroon ang pamilya ni Lovan Claudio? Kailangan niyang alamin 'yon. Hindi siya papayag na mapahamak ito lalo na't nasa poder nila ni Zigfred ang ginoo.