Chereads / The Stolen Identity / Chapter 47 - Inilantad Sa Pamilya Ang Totoong Mukha

Chapter 47 - Inilantad Sa Pamilya Ang Totoong Mukha

"Ma," malambing na tawag ni Lovan sa madrasta pagkabukas lang ng huli sa gate ng bahay.

Matagal itong natigagal at nanatiling nakatitig sa kanyang mukha. Nawala na kasi ang kanyang make up na nagpapangit sa kanya. Nunal na lang ang naiwan at ang kanyang makapal na wig.

"Ma, ako ito, si Lovan," pakilala niya.

"Lovan?!" Doon lang ito tila natauhan sabay yakap sa kanya.

"Ano ka ba namang bata ka, ba't ngayon ka lang umuwi?" Gumaralgal agad ang boses nito, may kahalong tampo sa kanya.

"Ma, sorry," gumaralgal na rin ang kanyang boses.

Nang maramdamann basa ang kanyang damit ay agad itong kumawala ng yakap saka siya hinila papasok ng gate at dinala sa sarili niyang silid, kinuha ang kanyang shoulder bag, saka siya pinaligo sa kanyang banyo.

Kalalabas lang niya ng banyo nang mapansin si Lenmark na nakaupo sa gilid ng kanyang kama kausap ang kanyang madrasta.

Nang makita siya sa original niyang mukha'y kapwa napatayo ang dalawa, mariin siyang tinitigan, waring inaarok kung siya nga talaga iyon.

Hindi nakatiis ang kanyang madrasta't lumapit sa kanya, hinimas ang kanyang mukha, pagkuwa'y napahikbi.

"Anak, patawarin mo ako. Ngayon ko lang napagtanto ang kasalanan ni Madison sa'yo. Kung naging maganda sana ang trato niya sa'yo, hindi mo na sana kailangang magpanggap na pangit sa harap ng mga tao," garalgal na uli ang boses na saad nito.

Pinilit niyang huwag magpaapekto sa sinabi nito't pinakawalan ang isang matamis na ngiti.

"Ma, okay lang ako. Nagpapasalamat pa nga ako't naging kapatid ko si Madison. Kung hindi ko siya naging kapatid, eh hindi rin kita naging Mama ngayon," pabiro niyang tugon.

Doon na napangiti ang madrasta, saka siya hinampas sa braso.

"Bolera," sambit pa.

Napahagikhik siya, ito niyakap pagkuwan.

"Kitams, ang swerte ko kasi may ina akong love na love ako," patuloy niya sa pambobola. Natawa naman ang kayakap hanggang sa maghagikhikan silang dalawa.

Mayamaya pa'y kumawala ito't sumeryoso ang mukha.

"Ang sabi ni Lenmark, huwag daw akong mabahala kapag may nakita akong video mo sa internet at TV. Hindi raw totoo 'yon. Eh anak , hindi naman ako mahilig manood ng TV. Mas gusto ko pang kumanta sa Wesing at Starmaker kesa sa social media na 'yan," anang ina.

Napatingin siya kay Lenmark na nagkamot lang bigla ng batok at umiwas ng tingin.

"Okay lang po 'yon, Ma," tipid niyang sagot.

"Eh anak, gusto sana ni Lenmark na dito mahiga sa kwarto mo baka daw kasi sumama ang pakiramdam mo dahil ilang oras kang nababad sa ulan," pakli ng ina.

Nang muli niyang sulyapan si Lenmark ay tila ito nagbibilang ng mga butiki sa kisame, hindi makatingin sa kanya.

Mangani-nganing batukan niya ito dahil hanggang ngayo'y nagkukunwari pa ring bakla sa harap ng kanyang madrasta.

"Ma, and'yan lang po ang bahay niyan sa tabi natin," pagpaparinig niya sa binata.

Doon lang ito bumaling sa kanya at lakas-loob nang lumapit. Ang kanyang madrasta nama'y biglang nagpaalam na bababa na sa sala.

"Okay lang ako, Lenmark. Nangyari na 'yon. Ano pa ba'ng dapat kong ikatakot?" saad niya sa binata, tinanggal ang towel na nakapatong sa ulo at humarap sa tokador, ilang beses na sinuklay ng synthetic bristle brush ang basang buhok.

"Pero, Lovan. It's not as simple as you think. Hindi ako papayag na marumihan ang pangalan mo dahil lang sa babaeng 'yon," giit ng binata.

Napapihit siya paharap dito, tumitig mang mariin sa mga mata nitong naging malamlam.

Ayaw niyang maghinala pero bakit parang matagal na nitong alam na magkamukha sila ng fiancée ni Zigfred? Ni hindi nagulat nang makita ang orihinal niyang mukha.

Agad din niyang pinalis sa isip ang hinuhang iyon. Oo nga pala, pinsan pala nito si Zigfred. Natural na kilala nito si Lovan Claudio. Pero bakit wala itong sinasabi sa kanya na may kamukha siya? Sabagay, ano naman kung alam nitong magkamukha nga sila? Ni hindi nga seguro nito akalaing magtatagpo ang landas niya at si Zigfred at lalong hindi nito inaasahang mapagkakamalan siya ng lahat bilang si Lovan Claudio.

"Hahanapin ko siya. Ihaharap ko siya kay Zigfred upang maniwala siyang hindi ikaw siya at hindi siya ikaw!" matatag na sagot nito, puno ng determinasyon ang boses.

Napalunok siya, nagsimulang maglikot ang mga mata. Paano kung--

"Paano kung patay na pala siya?" Ang laman ng isip ay naisambulat niya.

"What?!" Gulat itong napatitig sa kanya.

Napaharap siya uli sa tokador, pinagmasdan ang sarili sa salamin at ilang beses na huminga nang malalim.

"Noong araw na ikakasal si Madison, sabi niya, sa San Agustin Church daw ang kasal niya kaya doon ako nagpunta," simula niyang magkwento.

"Pero nang makarating ako doon ay nakita ako ni Francis at hinabol kaya pumasok ako sa shuttle bus. Hindi ko naman akalaing kamukha ako ng ikakasal sa simbahang iyon. Akala ko nasa loob na sina Mama at Papa kaya sumama ako kay Zigfred papasok sa loob ng simbahan kasi kinuha niya sa'kin ang kwintas ko. Sa isip ko, baka ibalik niya 'yon sa'kin 'pag pumayag ako sa gusto niyang mangyari. Pero hindi ko akalaing ako pala talaga ang ikakasal," mahaba niyang kwento, hindi napigilang pumatak ang luha sa mga mata.

Hinawakan siya ng kaibigan sa magkabilang balikat, pinagmasdan ang kanyang mukha sa salamin.

"Paano kung si Lovan Claudio ang nakita ni Francis?"

Kumunut ang noo ng binata. Siya nama'y biglang pumihit paharap dito, puno ng takot ang mga mata.

"Paano kung nagahasa na siya at napatay ni Francis? Paano ako? Baka ako ang mapagbintangan nilang may kagagawan ng lahat at inagaw ko ang mukha ng totoong Lovan Claudio?" Isinambulat niya ang laman ng isip, ang bagay na kanina pa gumugulo sa kanyang utak.

Natigilan si Lenmark sa narinig, hindi marahil pumasok sa isip nito ang ganoong senaryo.

Napayakap siya sa kaibigan, umiyak sa mga bisig nito.

"Maniwala ka sa'kin Lenmark. Ang gusto ko lang ay makuha ang kwintas ko kay Zigfred at pagkatapos ay lalayo na ako sa kanya, hindi na ako magpapakita pa. Ayukong magpanggap na si Lovan Claudio dahil alam kong hindi ako siya," patuloy niya sa paglalabas ng saloobin.

Humigpit ang yakap ni Lenmark sa kanya.

"Don't worry. Hindi kita pababayaan. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa'yo," pangako nito.

Humigpit na rin ang yakap niya rito. Mabuti na lang at nasa tabi niya ito, handang makinig at damayan siya sa problema anumang oras. Ano na lang ang gagawin niya kung wala si Lenmark sa piling niya?

-------

Kalabog ng pinto ang pilit na nanggising kay Lovan mula sa mahimbing na pagkakatulog.

"Lovan! Hoy, gising na! Meron daw naghahanap sa'yo sa labas!" aburidong sigaw ni Madison habang malakas ang pagkalampag sa dahon ng pinto ng kanyang kwarto.

Napaungol lang siya bilang sagot ngunit nang paulit-ulit na marinig ang boses ni Madison ay saka lang siya biglang napabalikwas ng bangon at doon lang naalalang umuwi pala siya ng bahay kagabi.

Pero bakit narito din si Madison? Hindi ba't bago lang itong kasal kay Brandon? Huwag sabihing dito tumira ang dalawang 'yon?

Mabilis siyang bumaba sa kama ngunit nagulat nang may hindi natuping kutson sa sahig. Hindi naman dito natulog si Lenmark ah. Kanino ang kutsong 'yon?

"Lovan, ano ba! May naghahanap sa'yo sabi eh!" muling sigaw ni Madison.

"And'yan na!" ganti niyang hiyaw at nagmadaling pumasok sa loob ng banyo saka nagsipilyo't naghilamos bago lumabas ng silid.

Ngunit nagulat na uli nang may makitang estrangherong babae sa may sala. Sino 'yon?

"Hoy, kala mo kung sino kang naglayas--" sunggab ni Madison sa kanya sa may hagdanan subalit natigilan din nang pagbaling niya rito'y nakitang malinis na malinis ang kanyang mukha't lantad ang hanggang beywang niyang buhok na kasingdilim ng hatinggabi mula tuktok hanggang laylayan niyon. Nakasuot siyang maluwang na T-shirt ngunit natabunan niyon ang suot niyang boyshorts kaya't nahantad ang kanyang bilugang mga binti sa paningin nito.

"Sino raw ang naghahanap sa'kin?" usisa niya rito, hindi pinansin ang nakanganga nitong bibig sa pagkagulat sa nakitang itsura niya.

"Anak, halika nga rito't mayroong gustong pumasok sa bahay natin. Kukunin ka raw!" natatarantang hiyaw ng madrasta mula sa labas ng bahay.

"Ha?" Bigla siyang kinabahan. Sino 'yon? Ipapadakip na ba siya? Nakita na ba ng mga pulis ang patay na katawan ni Lovan Claudio?

Bigla siyang nanghina't napakapit sa barandilya ng hagdanan, tila nawalan ng dugo ang pinkish niyang mukha.

"S-sino daw?" pautal niyang usisa sa madrastang kusa nang umakyat sa hagdanan upang alalayan siya.

"Ewan ko, hindi ko kilala. Ayaw namang sabihin ang pangalan niya. Pero gwapo, parang artista," walang gatol na sagot nito.

Gwapo?! Parang artista?!

"Tsaka nag-e-english pa nga anak eh. Sabi, 'I want to take Lovan home'. Sino ba 'yon, anak?" parang tsismosang usyoso nito.

Iisa lang naman ang pwedeng magsabi ng gano'n. Pero imposibleng nalaman agad nito ang bahay nila.

Tinakbo na niya ang hagdanan pababa at halos takbuhin din ang palabas ng gate.

At nanlaki ang kanyang mga mata pagkakita sa lalaking tinutukoy ng madrasta.

Nakasunglass ito't naka-fitted polo shirt na navy blue at puting pantalong maong na binagayan ng puti ring sneakers.

"Ikaw?! Ano'ng ginagawa mo rito?" gulat niyang sambit.