Sa halip na sumagot ay tinanggal nito ang suot na sunglasses at inilagay sa tuktok ng ulo, saka siya matamang pinagmasdan mula sa ayos ng kanyang buhok hanggang sa laylayan ng kanyang suot pababa sa kanyang paa. Hindi niya alam kung bakit nagsalubong ang kilay nito nang dumako ang mga mata sa nakalantad niyang binti.
Siya nama'y gumanti ng titig sa buo nitong katawan. Hindi niya mapigilang mapasinghap sa hindi matatawarang kagwapuhan ng lalaki kahit halatang may pasa ito sa mukha at putok ang ibabang labi dahil sa nangyari kagabi.
"Lovan, sino ang lalaking ito? Ano, kaya ka ba naglayas noon dahil sumama ka sa pataygutom na lalaking ito?" bulyahaw sa kanya ng ama sa labas mismo ng kanilang bahay habang kaharap si Zigfred, ni hindi man lang marahil napansin ang pagbabago ng kanyang itsura.
Biglang tumiim ang bibig ng lalaki. Nakita pa niya ang pagkuyom ng dalawa nitong kamao.
"Naku hindi po, Pa. Nagkakamali kayo," pagtatanggol niya sa sarili.
"Eh sino ang lalaking ito? Tingnan mo nga ang suot na damit, puno ng putik, kahit ang sapatos. 'Tsaka ang gamit na motor, wala sa uso! Hahanap ka rin lang ng aasawahin, 'yong pobre pa!" Ayaw magpaawat ng kanyang papa at pailalim na tinitigan ang kaharap na lalaking agad nagtagis ang bagang sa narinig.
Nang akmang magsasalita na ito ay saka naman siya sumabad, mabilis itong nilapitan at hinawakan sa braso.
"Halika, pumasok ka na. Nakakahiya, andito tayo sa kalsada," bulong niya sa lalaki.
Hindi ito kumibo ngunit nagpatianod sa gusto niyang mangyari.
"Lovan! Hindi ko sinabi sa'yong papasukin mo ang lalaking 'yan!" bulyahaw pa rin ng ama hanggang sa makapasok na sila ng bahay.
Doon na siya humarap sa ama ngunit hawak pa rin sa braso si Zigfred sa takot na baka mag-alburuto agad ito't ang una naman ang umbagan ng suntok.
"Pa, sorry po. Pero kasi, nakakahiya naman kung doon kayo sa labas magwala," katwiran niya sa ama.
"Hay naku, papa. Ayan ang pinakamamahal mong anak. Kaya pala naglayas ay dahil sumama sa isang hampaslupa. Tignan mo nga, halatang basagulero. Baka mamaya, dito naman 'yan mag-amok!" sulsol ni Madison na kabababa lang sa hagdanan.
Nagtatagis ang bagang na hinawakan ni Zigfred ang kanyang kamay saka siya hinila palapit dito't inilapit ang bibig sa kanyang tenga.
"Is this how you treat a poor visitor?" patuyang bulong sa kanya, idiniin pa ang salitang 'poor'.
Kumabog ang kanyang dibdib sa kaba.
"Tell them to shut up or else, I'll let them see how poor I am!" banta nito na lalong nagpatuliro sa kanya at nagmakaawang tumingin rito.
"Zigfred, please," ganti niyang bulong.
Matagal bago naalis ang pagtatagis ng bagang nito, ilang beses na huminga nang malalim bago pasarkastikong ngumiti.
Lumapit na ang kanyang madrasta sa papa niya at pinatahimik ito, pinandilatan din ang anak na si Madison.
"Miguel, pakinggan muna natin ang paliwanag ng anak mo. Baka nagkakamali lang tayo ng hinala. Baka magnobyo pa lang sila at balak pa lang hingin ang permiso natin," paliwanag ng kanyang madrasta.
"Kasal na ho kami," malamig na sabad bigla ni Zigfred.
Dismayado niya itong binalingan ngunit umarko lang ang kilay nito, saka itinaas ang kamay upang makita ng lahat ang kanilang wedding ring, pagkuwa'y pasarkastikong ngumiti sa kanya.
Nagulat siya sa ginawa ng lalaki. Why all of a sudden ay suot nito ang singsing na 'yon? Dati naman ay wala 'yon sa palasingsingan nito.
Natigilan ang tatlo sa nakita. Mayamaya'y galit siyang sinunggaban ng ama at itinaas ang kamay nito upang sampalin siya subalit mabilis iyong nahawakan ni Zigfred.
"The moment you touch my wife's skin or even a single strand of her hair, I'll surely make you see what hell is!" mahina ngunit maawtoridad na saad ng lalaki, sa nagtatagis na mga ngipin ay damang-dama ang pigil na galit, huwag nang isali ang naniningkit nitong mga mata.
"Zigfred, stop it, please. Bahay namin 'to. Papa ko ang kausap mo--"
"He's not your father, dammit!" paasik na wika ng lalaki, pabalyang binitiwan ang kamay ng ginoong namutla bigla sa narinig.
"Zigfred!" hiyaw na niya.
Doon lang ito kumalma at pabalyang umupo sa lumang sofa.
"Papa, palayasin mo ang dalawang 'yan dito! Kung hindi, si Brandon mismo ang magpalayas sa kanila!" utos ni Madison sa kanyang papa, mabilis itong nakalapit sa huli.
"Tumahimik ka!" sigaw niya sa babae, unang beses niyang ginawa iyon sa tanang buhay niya.
"Papa, sinigawan niya ako," sumbong agad.
Si Aling areta nama'y lalong nabahala sa nakitang galit sa kanya.
Dinuro na niya ang kinakapatid, matagal na siyang nanggigigil dito, tinitiis niya lang. Pero ngayon, sawa na siya sa pagiging mabait. Gusto naman niyang pakinggan ng lahat ang kanyang side.
"Ikaw ang dapat kong paalisin rito! Bakit nandito ka pa rin, ha? Hindi ba't may asawa ka na? Bakit nakikisuno ka pa rin sa bahay na 'to? Umuwi ka sa bahay ng asawa mo!" singhal niya sa babae.
Namula agad ang pisngi nito sa galit.
"Aba't ang kapal ng mukha mo! Akin ang pamamahay na 'to. Nabili na namin 'to ni Brandon dahil siya ang nagbayad sa utang ni Papa sa casino!"
"Ano?!" hiyaw niya sa pagkagulat, 'di makapaniwalang bumaling sa amang parang susong nagtago ang ulo sa bahay nito, hindi makapagsalita simula pa kanina.
"Papa, totoo ba?" nanghihina niyang usisa sa ama.
Yumuko ito sa halip na magsalita.
"Nakikita mo ang babaeng 'yan? Siya na ang nakatira sa kwarto mo! Wala ka nang kinalamaan sa bahay na 'to! Kapal ng mukha mo!" patuloy na hiyaw ni Madison, halos magtaasan ang hibla ng mga buhok sa gigil sa kanya.
Kagat-labi siyang napatingin sa kanyang madrasta.
"Ma, bahay 'to ng mama ko. Hindi pwedeng ibenta 'to dahil bahay 'to ng mama ko. Bahay namin 'to," garalgal ang boses na pang-uusig niya sa madrastang hindi rin makasagot.
"Hoy, ano ka ngayon, ha? Kala mo kung sino kang senyorita rito. Pagkatapos mong maglayas ay babalik ka't aangkinin ang bagay na hindi sa'yo!" Patuloy sa panggigigil si Madison.
Hindi siya makaganti ng hiyaw. Nanlulumo siyang lumapit kay Zigfred, tumabi sa pagkakaupo sa sofa at iniyuko ang ulo.
Nagsimulang yumugyog ang kanyang mga balikat. Noon lang niya naramdamang ang mainit na braso ni Zigfred na umakbay sa kanya at pumisil sa kanyang balikat.
"What do you want?" tanong sa kanya.
Napasubsob siya sa dibdib ng lalaki.
"Bahay namin 'to, Zigfred. Binili 'to ni Mama noong nabubuhay pa siya at wala pang trabaho si Papa. Dito ako lumaki. Hindi ko 'to pwedeng ipamigay sa kahit kanino dahil ito lang ang natitirang alaala ko sa mama ko," sumbong niya sa pagitan ng pag-iyak.
Hinalikan siya nito sa buhok, pagkuwa'y matalim na sumulyap sa tatlo.
Ngunit hindi nakatiis ang kanyang madrasta't lumapit sa kanya, lumuhod sa kanyang harapan.
"Anak, patawarin mo kami ng papa mo. Nalulong kasi ang papa mo sa sugal sa casino at huli ko na nalaman ang kanyang ginawa kaya wala na rin akong panahon pang sabihin sa'yo ang lahat," paliwanag ng madrasta, hinawakan siya sa kamay upang humingi ng tawad.
Ngunit hindi siya sumagot, nanatili lang nakasubsob sa dibdib ni Zigfred.
Ang lalaki nama'y kinuha ang phone sa bulsa.
"Jildon, I need a lawyer," mayamaya'y usal nito sa kabilang linya.
Nag-angat siya ng mukha, tinitigan ito. Ang lalaki nama'y pinahid ang luha sa kanyang mga mata. For the first time ay noon lang niya nakita ang sympathy nito sa kanya.
"Don't worry, let me handle this," anas sa kanya saka siya hinalikan sa noo.
Ang madrasta nama'y tumabi na sa kanya sa pagkakaupo.
"Lovan, patawarin mo kami ng papa mo," pagsusumamo nito.
Doon lang siya bumaling dito, hinawakan ito sa kamay.
"Ma, wala kang kasalanan. Kung sana'y natawagan kita agad, nalaman ko sana ang problema niyo," tugon niya.
-------
Ilang minutong tinitigan ni Zigfred nang matiim ang sinasabing ama ni Lovan. Pamilyar ang mukha nito sa kanya subalit hindi niya maalala kung kelan niya nakita. Pero segurado siyang sa Sorsogon nagtagpo ang kanilang landas.
Nakayuko ang ginoo habang magkasaklop ang sariling mga kamay at hinimas himas ang mga iyon, halatang kinkabahan habang katabi nito ang manugang na si Brandon.
Sila naman ni Jildon ay magkatabing naupo sa pangdalawahang sofa sa tapat ng dalawa habang ang lawyer na pinatawag niya'y sa single sofa sa tabi niya umupo.
Inilapag ng lawyer ang mga dokumento sa center table.
Dinampot niya ang mga iyon at sinapat isa-isa. Sa titulo pa lang, halatang hindi iyon orihinal. Pabagsak niyang inilapag pabalik sa mesa ang mga dokumento at sumandig sa headboard ng sofa, saka muling bumaling sa nakayukong ama ni Lovan, ngunit ilang beses nang palihim na sumulyap sa kanya.
"Ibigay mo sakin ang land title ng bahay kapalit ng 5 million pesos," simula niya sa pakikipag-deal.
Gulat na napatingin sa kanya ang magbyenan, pagkuwa'y nagkatinginan sa isa't isa.
"Nagkakamali ka kung inaakala mong maloloko mo ako sa 5 million mo," pagtatapang-tapangan ng ginoo.
Pagak siyang tumawa, hindi inaasahan ang kakapalan ng mukha nito.
"Ang alam ko, galing kang Sorsogon. Wala kayong anak ng una mong asawa subalit nang mapunta ka rito'y bigla na lang kayong nagka-anak? Tell me, do I have to tell Lovan about it?"
Iyon lang ang kanyang sinabi ngunit nakapagtatakang namutla na uli ito sa narinig at nanlaki ang mga matang napatitig sa kanya. Sinubukan niya kung tama ang kanyang hulang hindi nga nito anak si Lovan.
"Brandon, ibabalik ko sayo ang perang ipinambayad mo sa casino. Pero pasensyahan tayo, hindi ko pwedeng ibenta sa'yo ang bahay na 'to. Nakapangalan kasi 'to sa asawa kong namatay," baling sa manugang nito.
Tumayo siya agad sa pagkadismaya. Kung magtatagal pa roo'y baka panggigilan lang niya ang matanda.
Sumunod sa kanya si Jildon paakyat sa ikalawang palapag ng bahay.
"Ano'ng gagawin natin sa bahay na 'to?" usisa ng kaibigan.
"Ipalipat mo ang titulo sa pangalan ni Lovan. Pero hayaang tumira rito ang mga umampon sa kanya maliban lang sa kinakapatid ng asawa ko," malamig niyang utos.
"Kanino'ng pangalan? Kay Lovan Claudio o kay Lovan Arbante?" maang na tanong ng kaibigan.
Isang matalim na tingin ang kanyang ipinukol rito.