SA ISANG komunidad sa Payatas dinala ni Charlie si Jane. Noong una, nagulat si Jane nang makitang ibang sasakyan ang dala ng binata, mas simple iyon kompara sa luxury car na regular nitong gamit. Subalit nang humimpil sila sa hilera ng marami ring sasakyan ay napagtanto niya kung bakit. Weird na magdala ng kahit anong marangyang bagay sa lugar na iyon habang sa paligid ay pulos kahirapan ang makikita. At least, hindi insensitive ang mga volunteer sa feeding program na iyon.
Bumaba sila ng sasakyan at agad na napunta ang tingin ni Jane sa malaking espasyo sa harap nila na inadornohan ng mga palawit na tila fiesta. Sa dulo ay may malaking stage na may malaking sound system. Sa stage ay nakasabit ang malaking banner ng TV8 Foundation. Pumapailanlang ang masiglang tugtog. Halos lahat yata ng residente sa lugar na iyon ay nasa espasyong iyon.
"Sa backstage ang meeting area ng volunteers," sabi ni Charlie at hinawakan ang kanyang kamay upang akaying maglakad.
Manghang napatingin si Jane sa binata nang makaagapay na siya rito. "Palagi mo ba `tong ginagawa? Ang mag-volunteer sa mga ganitong charity event?"
Sinulyapan siya ni Charlie. "Yes. `Yong building kung saan ako nakatira ngayon, we have rules to follow. Isa roon ang monthly volunteer work para sa kung ano-anong charity. It's our way of giving back to the community, and at the same time, to bond with each other."
"Wow! Masaya sigurong tumira sa building kung saan ka nakatira," manghang bulalas ni Jane.
Ngumiti ang binata. "Unfortunately, hindi ka puwedeng tumira doon." Inalis na nito ang tingin sa kanya.
Napalabi si Jane. "Hindi ko naman sinabing titira ako do'n. I wouldn't go as far as following you to where you live, you know."
Natawa si Charlie. Malapit na sila sa backstage nang muli itong magsalita. "Hindi ka puwedeng tumira doon dahil bawal ang babae sa building namin. Everyone who lives there is male."
"Oh," tanging nasambit niya. Wala pa siyang narinig na ganoong klase ng building sa buong buhay niya. Bigla tuloy siyang na-curious sa mga residente ng gusaling iyon. Were they all good-looking like Charlie?
Nasagot ang tanong ni Jane nang marinig niya ang tinig ng isang lalaki na tumawag sa pangalan ni Charlie. Sabay pa silang napalingon ng binata.
"Keith," bati ni Charlie sa lalaking ubod pa rin ng guwapo kahit mahaba kaysa karaniwan ang buhok na naka-ponytail at may stubble.
Kasama ni Keith ang mga lalaking marahil ay nasa sampu, kahit pawang naka-jeans at T-shirt lamang ay para pa ring mga modelo sa tindig at hitsura.
Diyos ko, ang mga lalaking ito ba ang mga kapitbahay ni Charlie? Ang guguwapo, hindi makapaniwalang naisip ni Jane.
Naramdaman niyang hinatak ni Charlie ang kanyang kamay para makalapit sa grupo. Bumalik ang tingin niya sa binata, pagkatapos ay bahagyang napangiti. Pero the best pa rin si Charlie para sa akin.
Ipinakilala siya ni Charlie sa mga lalaking ngiting-ngiting nakipagkamay sa kanya isa-isa. Ayon sa binata, may kulang pa nga raw sa mga lalaking iyon dahil may ibang hindi nakapunta sa event. Ang isa raw ay nasa ibang bansa at gumagawa ng documentary film. Mayroon naman daw na may ginagawa ring pelikula kaya wala roon.
Naroon din si Jay na nakilala na ni Jane noon sa club. Mayamaya pa ay lumapit sa grupo nila si Ross na may akbay na isang magandang babae. May kasama pang isang lalaki na mukhang foreigner at may ka-holding hands na sopistikadang babae.
"Jane! It's good to see you again," masiglang bati ni Ross.
Nginitian ni Jane ang lalaki na ipinakilala ang kaakbay nito, si Bianca na girlfriend nito. Nalaman din niya na ang lalaking mukhang foreigner ay ang pinsan ni Ross na si Rob, at ang babaeng ka-holding hands ni Rob ay ang fiancée nito na si Daisy Alcantara, who happened to be the organizer of the event.
"Okay, boys, mag-uumpisa na tayo. Kayo ang magbibigay ng packed goods sa mga nakapila. `Yong mga hindi pa dumarating, sina Rob at Keith na ang bahalang magsabi kung ano ang gagawin, ha? The girls will stay with me. Ang mga babae ang in charge sa pagpapakain sa mga bata," pahayag ni Daisy.
Nagsikilos na ang mga lalaki para umalis ng backstage. Bumaling si Jane kay Charlie na hindi kumilos upang lumayo sa kanya.
"Okay ka lang ba kahit magkahiwalay tayo rito?" tanong ng binata sa kanya.
Ngumiti siya. "Oo naman. Sige na, sumama ka na sa kanila. I can take care of myself."
Bahagyang umangat ang gilid ng mga labi ni Charlie. "I know that." Pagkatapos pisilin ang kamay niya ay tumalikod na ang binata at sumama kina Ross.
Ilang sandaling napasunod lang si Jane ng tingin sa likod ni Charlie bago siya nakarinig ng pagtikhim mula sa likuran niya. Kumurap siya at pumihit sa pinanggalingan ng tikhim. Nakita niya sina Daisy at Bianca na parehong nakangiti.
"Well, let's get started, Jane," masayang sabi ni Daisy.
Gumanti siya ng ngiti at tumango. Nagtungo sila sa kabilang dulo ng maluwag na espasyo kung saan may mga nakalagay na mahahabang mesa at silya para sa mga bata. Sa isang bahagi ay may mahabang tila buffet table kung saan nakalagay ang mga pagkaing sasandukin nila para sa mga batang pipila. May ilang mga babaeng volunteer na ang nakapuwesto sa ilang putahe sa buffet table.
"Maiwan ko muna kayong dalawa rito, ha? Kailangan kong umakyat sa stage," paalam ni Daisy.
"Okay. Kaya na namin ni Jane na makihalubilo sa ibang volunteers dito," sagot ni Bianca.
Nang umalis si Daisy ay tuluyan na silang lumapit sa buffet table. Nakatalikod ang isang babaeng volunteer at may kausap na matangkad, sexy, at sopistikadang babae kaya ngumiti si Jane upang batiin ang dalawa.
"Hi!"
Napatingin sa kanya ang matangkad na babae at lumingon naman ang nakatalikod. Nawala ang ngiti ni Jane kasabay ng pagkagulat ng babae nang makilala nila ang isa't isa. Si Farah.
"Plain Jane? Bakit nandito ka?" nanlalaki ang mga matang tanong ng dating kaklase.
Naningkit ang mga mata ni Jane dahil iyon pa rin ang tawag nito sa kanya. "Ikaw, ano ang ginagawa mo rito? Bagong kasal ka, hindi ba? Dapat nasa honeymoon ka."
Namula ang mukha ni Farah at tumikhim. "Busy ang asawa ko, okay? We postponed our honeymoon dahil may negosyo siyang kailangang asikasuhin. It couldn't be helped." Arogante ang paraan ng pagsasalita ni Farah pero halatang nahihiya ito.
Napabuntong-hininga na lang si Jane at hindi na nagkomento dahil napapansin niyang hindi komportable si Farah na pag-usapan ang tungkol doon.
"Magkakilala kayo, Jane?" tanong ni Bianca na nasa tabi niya.
Tumikhim siya at bumaling sa nobya ni Ross. "Oo. Kaklase ko siya noong high school. This is Farah." Bumaling siya kay Farah at ipinakilala si Bianca.
Mukhang napipilitan lang si Farah na bumaling naman sa matangkad na babaeng kasama nito. "This is my cousin na kababalik lang galing Amerika. Her name is Vanessa."
Sumikdo ang puso ni Jane at napatitig sa sopistikadang babae na may propesyonal na ngiti sa mga labi. Pinagalitan niya ang sarili na nagkakaganoon siya dahil lang kapangalan ng babae ang kausap ni Charlie sa cell phone noong nakaraan.
"Hi. Sinamahan ko lang si Farah dito dahil hindi makakapunta ang asawa niya," sabi ni Vanessa. She had a cultured and confident way of talking. Para bang ito ang tipo ng babaeng nakukuha lahat ng gusto. May kung ano rin sa tono ni Vanessa na parang si Farah. May pagka-snob. Halatang related ang dalawang babae.
Ngumiwi si Farah at nang muling tumingin kay Jane ay maangas na naman ang ekspresyon sa mukha. "Again, may negosyo siyang kailangan asikasuhin. Eh, ikaw, hindi mo yata kasama ang boyfriend na dinala mo sa kasal ko. O kayo pa rin ba?" Tumawa pa ito nang sarkastiko.
Napabuntong-hininga na lang si Jane. Hindi yata talaga sila magkakasundo ng babaeng ito kahit kailan. Sinusubukan niyang maging mabait pero palaging binabale-wala ni Farah ang pagtatangka niyang makasundo ito. Nagkatinginan sila ni Bianca at nakikita niya sa mukha ng babae na napipikon na ito kay Farah. Nasiguro iyon ni Jane nang si Bianca na ang sumagot sa parunggit ng dati niyang kaklase.
"As a matter of fact, ang boyfriend niya ang nagdala sa kanya rito."
Mukhang walang naisip na isagot si Farah sa talim ng tinig ni Bianca.
Tumikhim si Jane. "Ang mabuti pa, magsimula na tayo sa dapat nating gawin dito, okay?" Sumulyap siya kay Bianca at ngumiti rito nang may pagpapasalamat. Nagsimula na ring pumila ang mga bata sa buffet table kaya naging abala na sila sa paglalagay ng pagkain sa mga plato.
"Hindi ka dapat nagpapatalo sa mga katulad niya," bulong sa kanya ni Bianca sa kalagitnaan ng pagbibigay nila ng pagkain.
Napangiwi si Jane at naglagay muna ng pagkain sa plato ng batang nasa harap niya bago bumulong din sa babae. "Hindi matatapos ang usapan kapag nakipagsabayan ako."
"Matatapos iyon kung ikaw ang huling salita. Kapag palagi mong pinagbibigyan ang mga ganyan, hindi sila titigil na maliitin ka. Paano kung dumating ang panahon na kailangan mong makipaglaban nang harapan para sa taong mahalaga sa `yo? Kailangan mong tibayan ang loob mo," sagot naman ni Bianca.
Alam ni Jane na may punto si Bianca. Napangiti na siya. "Thank you. I'll keep that in mind."
Ngumiti ito. "Dapat lang."
Natawa siya at napagtanto na magiging kaibigan niya si Bianca. Magaling pumili ng girlfriend si Ross.
Nabigyan na nila ng pagkain ang lahat ng bata. Nag-inat si Bianca. Inilapag naman ni Jane ang sandok at dumeretso ng tayo. Hinanap niya ng tingin si Charlie sa kabilang bahagi ng lugar. Agad niyang nakita ang binata na abala sa pag-aabot ng packed goods. Bahagyang nakangiti si Charlie at mukhang nakikipag-usap sa bawat inaabutan nito ng packed goods.
Napangiti si Jane. I want to take a picture of him. Dudukutin pa lang sana niya ang kanyang cell phone upang gawin ang naisip nang marinig na magsalita si Vanessa.
"Oh, I think I see someone I know out there." Kumilos ang babae upang umalis ng buffet table.
"Sino?" nagtatakang tanong ni Farah.
"Someone I like very, very much," tugon ni Vanessa at tuluyan nang naglakad patungo sa direksiyon ng mga lalaki.
Tila nanigas si Jane habang nakasunod ng tingin kay Vanessa. Pakiramdam niya, parang may sumuntok sa kanyang sikmura nang makumpirma ang masamang kutob kanina. Dahil hayun si Vanessa, nakalapit na kay Charlie na gulat na nakatingin din sa babae. At nang yumakap ang babae kay Charlie at halikan ang binata sa mga labi, pakiramdam ni Jane ay may pumiga sa kanyang puso.
Marahil ay naramdaman ni Charlie na nakatingin siya dahil marahan nitong inilayo si Vanessa at nag-angat ng tingin. Sa kabila ng kanilang distansiya ay nagtama ang kanilang mga mata. Ayaw mag-iwas ni Jane ng tingin. Pero may bumikig sa kanyang lalamunan at nag-init ang mga mata kaya natagpuan din ang sariling binawi ang tingin. Bumaling siya kay Bianca na naniningkit ang mga mata habang nakatingin din sa tinitingnan niya.
Ibubuka pa lang ni Jane ang mga labi upang magpaalam nang biglang bumaling sa kanya si Bianca at hinawakan siya sa braso. "Hindi ka aalis," mariing bulong ng babae. "Hindi ikaw ang may ginagawang masama kaya hindi dapat ikaw ang lumayo. Stay here."
Napahugot siya ng malalim na hininga, pagkatapos ay ngumiti. "Yes. Salamat, Bianca."
Gumanti ng ngiti ang babae at binitawan na siya. Kinalma niya ang sarili at nanatili sa kinatatayuan. Iyon lang, hindi na niya nagawa pang tingnan sina Charlie at Vanessa. Hindi niya kaya.