NAKABIHIS na si Jane, nakapagpaayos ng buhok, at nakapagpa-makeup. Hinihintay na lamang niyang sunduin siya ni Charlie para magpunta sa venue ng kasal ni Farah nang tumawag si Cherry. Ang sabi ng kaibigan ay hindi raw ito makakapunta sa kasal dahil nilalagnat daw ang anak nito at ayaw iwan.
"Naku, okay lang ba si Justin?" nag-aalalang tanong ni Jane na ang tinutukoy ay ang anak ni Cherry.
"Hindi naman malala. Pero alam mo naman ang batang `yon, gusto ay nasa tabi ako kapag may sakit. Kasama mo naman si Kuya kaya hindi ako nag-aalala na maaapi ka ng bruhang Farah na `yon."
Napangiti siya sa sinabi ni Cherry. "Hindi naman siguro magmamaldita si Farah sa mismong kasal niya. Magiging okay ako kahit walang tulong ni Charlie. O sige na, bye na. I hope na gumaling na si Justin."
"Oo nga, eh. Sige, good luck sa lakad n'yo. Minsan lang pumayag si Kuya na sumama sa mga ganyang okasyon kaya samantalahin mo na." Iyon lang at tinapos na ni Cherry ang tawag.
Nangingiting inilagay ni Jane sa bag ang kanyang cellphone at muling pinasadahan ng tingin ang sarili sa salamin bago lumabas ng silid. Sa living room na niya hihintayin si Charlie.
Pababa na si Jane ng hagdan nang marinig ang masayang tinig ng kanyang ina sa living room. Kumunot ang kanyang noo at napabilis ang kilos. Sumikdo ang kanyang puso nang malaman kung bakit parang tuwang-tuwa ang mama niya. Naroon na pala si Charlie na nakatayo malapit sa pinto.
"Charlie? Nandito ka na pala!" gulat na bulalas ni Jane.
Napatingala sa kanya ang binata at nagtama ang kanilang mga mata. Nang ngumiti ito ay tila may humalukay sa kanyang sikmura at pakiramdam ay lumobo ang kanyang puso.
"Surprise," nakangiti pa ring sabi nito.
He looked so handsome. Nakasuot si Charlie ng light gray suit, hindi masyadong intimidating kaysa sa madalas na itim na outfit. Ang buhok nito ay mukhang hindi naka-gel kaya halata na alon-alon. Napahigpit ang hawak ni Jane sa balustre ng hagdan dahil parang nangati ang kanyang kamay na suklayin ang buhok ng binata gamit ang kanyang mga daliri. Lalo na at nakita niyang humagod sa kanyang kabuuan ang tingin ni Charlie. Hindi itinago ng binata ang paghanga sa kislap ng mga mata nito. Nagtama ang kanilang mga mata.
Nahigit ni Jane ang hininga nang makita sa mga mata ni Charlie ang kaparehong emosyon na nakita niya roon nang dalawang beses siyang halikan ng binata. He wants to kiss me again. May kumalat na nakakikiliting sensasyon sa kanyang buong katawan sa isiping iyon.
Naputol ang kanilang eye contact nang magsalita ang kanyang ina.
"Jane, hindi mo sinabi sa akin na si Charlie pala ang kasama mong pupunta sa kasal ng kaklase mo," tila nasasabik pang sabi nito.
Natauhan si Jane at tuluyang bumaba ng hagdan. Bumaling siya sa kanyang ina. "Alam ko kasi na magiging ganyan ang reaksiyon n'yo kapag sinabi ko na siya ang kasama ko," pabirong sagot niya.
"What's wrong with being happy to see my daughter with her fiancé?" pabiro ring balik ng kanyang ina.
Bahagyang tumabingi ang ngiti ni Jane at agad na napatingin kay Charlie. Mukhang bale-wala naman sa binata ang komento ng kanyang ina. Sa katunayan, ngumiti pa si Charlie.
"Then we'll be leaving now, Ma'am," magalang na sabi ng binata, pagkatapos ay sumulyap kay Jane at inilahad ang kamay kanya.
Awtomatikong tinanggap iyon ni Jane dahil nasanay na siyang gawin iyon sa ilang beses na pagkikita nila ni Charlie. Humigpit ang pagkakahawak ng binata sa kanyang kamay at marahan siyang hinigit palapit sa tabi nito.
Mukhang hindi nakaligtas sa paningin ng mama ni Jane ang nangyari dahil nahuli niya itong nakatingin sa magkahugpong nilang mga kamay ni Charlie bago ngiting-ngiti na tiningnan ang binata. "O sige. Mag-ingat kayo sa biyahe. Enjoy."
Bago pa may masabing kung ano ang kanyang ina ay hinatak na niya si Charlie palabas ng kanilang bahay. Subalit may naramdaman siyang kasiyahan. Mukha kasing hindi na naiilang ang binata na ipakita sa magulang niya na may unawaan sila. Naisip ni Jane na baka unti-unti ay may nararamdaman na si Charlie para sa kanya. Baka pagkalipas ng dalawang buwan ay mapagtanto ng binata na gusto siya nitong pakasalan.
Sana, sana, taimtim niyang dasal.
"TELL me something about this high school classmate of yours," sabi ni Charlie nang nasa biyahe na sila patungo sa hotel na pagdarausan ng garden wedding at reception ni Farah.
Napangiwi si Jane at sandaling nagdalawang-isip kung sasabihin ba ang totoo sa binata o hindi. Pero naisip din niya na mas magkakaproblema sa hinaharap kung hindi siya magsasabi ng totoo.
"Actually, hindi kami magkaibigan ni Farah. She used to compete with me kahit na kung tutuusin, mas lamang siya sa maraming bagay. She was like the princess in our school back then. At ako, well, ayon sa mga kaklase ko, study bug daw ako. Sa pag-aaral lang nag-i-stand out. Kaya sa totoo lang, hindi ko maintindihan kung bakit palagi niya akong kinokompetensiya noon. I mean, hindi naman sa natural na matalino ako. Hindi ako gano'n, lalo na sa Math, pero nag-aaral lang talaga ako nang mabuti kaya maganda ang grades ko. Ewan ko ba," litanya ni Jane.
Umangat ang mga kilay ni Charlie at sumulyap sa kanya. "Pero pinadalhan ka pa rin niya ng wedding invitation?" manghang tanong nito.
Napangiti siya. "Weird, right? Kahit si Cherry ay nakatanggap, eh, mortal enemy sila no'n. It turns out, pinadalhan niya lahat ng high school classmates namin. Sabi ni Cherry, to show off daw dahil big-time ang napangasawa ni Farah. Hindi ko alam kung ano ang totoo."
"But you still decided to attend," sabi ni Charlie.
Nagkibit-balikat si Jane. "Ayokong isipin niya na dinedma ko ang imbitasyon niya. Pero babalaan na kita ngayon pa lang, just in case mapansin mong hindi kami friendly sa isa't isa."
Napailing ang binata at nanatiling nakatutok ang tingin sa daan. "Women. So complicated." Biglang umangat ang gilid ng mga labi nito na parang may naisip. "Pero nakikinita ko kung ano ang hitsura mo noong high school ka. You were the quiet girl people wanted to bully. Kung magkaedad tayo at magkaklase back in high school, I might have picked on you, too. Not in the way girls do, though."
Sumikdo ang puso ni Jane nang ma-imagine na magkaklase sila ni Charlie. Malamang ay lalo siyang mahuhulog sa binata. Iyon nga na bihira lamang silang magkita ay na-in love na siya, paano pa kaya kung magkaklase sila? Pero natigilan siya sa huling sinabi nito. "Ibu-bully mo ako?" nanlalaki ang mga matang tanong niya.
Sumulyap si Charlie sa kanya. His lips curved into a sexy smile. Nahigit niya ang hininga. "Katulad ng sinabi ko, not in a way girls do. Kung magkaklase tayo noon, habang lahat ng babae ay gustong mapalapit sa akin, sigurado ako na sa `yo ako lalapit. Disturbing a quiet girl is far more interesting than talking to the flirty girls, you know."
Ilang sandaling napatitig lang si Jane sa binata bago umismid upang itago ang pagkalat ng init sa kanyang puso. "Sinungaling. Hindi mo nga ako pinapansin kapag nasa bahay n'yo ako, maliban noong isang beses na tinuruan mo ako sa Math assignment ko." Nakagat niya ang ibabang labi at namilog ang mga mata nang mapagtantong nadulas siya.
Humugot ng malalim na hininga si Charlie. "Because I didn't really pay attention to my sisters' friends. Hell, I didn't pay attention to anyone back then. Kung talagang nangyari na magkaklase tayo noon, I might've found high school more interesting."
Napatitig si Jane sa mukha ng binata. May kung ano sa tinig nito na nagdulot ng kurot sa kanyang puso. "Hindi ba maganda ang naging high school life mo?"
May sumilay na mapait na ngiti sa mga labi ni Charlie subalit hindi nagkomento. Nakaramdam ng pag-aalala si Jane. Paano na ang isang tulad ng binata na perpekto ang hitsura, mayaman, at matalino ay hindi naging maganda ang karanasan noong high school? Palagi niyang nakikita noon na si Charlie ang pinaka-popular na lalaki sa eskuwelahan. Ano kaya ang nangyari noon?
Gustong magtanong ni Jane pero ayaw rin naman niyang masira ang mood ng binata na hindi pa sila nakakarating sa venue. Kaya huminga siya nang malalim at pinasigla ang tinig. "Anyway, kahit ano pa ang tunay na dahilan ni Farah kung bakit niya ako inimbitahan, let's just enjoy ourselves today, okay?"
Umangat ang mga kilay ni Charlie pero wala na ang pait sa ekspresyon nito. "Sa tingin mo, magagawa kong mag-enjoy sa kasal?"
Ngumisi si Jane. "Malay mo."
Sumulyap si Charlie sa kanya at ilang segundong nanatiling nakatitig sa kanya bago ibinalik ang tingin sa kalsada na nakaangat na ang gilid ng mga labi. "If you keep on smiling like that, then maybe I will enjoy myself today," pabulong na sabi nito subalit narinig naman niya.
May init na humaplos sa puso ni Jane at natagpuan niya ang sariling matamis na napangiti. "Kung gano'n, gagawin ko ang makakaya ko para palaging ngumiti para sa `yo, Charlie."
Hindi tumingin sa kanya ang binata ngunit nakita niya na bahagyang lumuwang ang ngiti nito. Magaan ang pakiramdam ni Jane hanggang makarating sila sa hotel na paggaganapan ng kasal. Nahiling lang niya na sana nga ay maghapong maging maganda ang mood nila ni Charlie.