PAGSAPIT ng alas-siyete ng gabi ay nasa restaurant na si Jane kung saan sila magdi-dinner nina Don Carlos at Cherry. Simpleng gray na bestida na hanggang tuhod lamang ang kanyang suot at inilugay lang ang lampas-balikat at tuwid na buhok. Manipis na makeup lang ang ini-apply niya sa mukha. Iyon lang ang kayang iayos ni Jane sa kanyang sarili.
Wala pa sina Don Carlos at Cherry sa restaurant subalit nakapagpa-reserve na raw ng mesa ang matandang don ayon sa isang miyembro ng staff na sumalubong sa kanya. Napakunot ang noo ni Jane nang dalhin siya ng staff member sa isang pandalawahang mesa na mas malayo sa karamihan. Sa katunayan, tago iyon sa ibang customers at nasa tabi ng malawak na bintana na kita ang overlooking view ng Kamaynilaan. Kahit walang karanasan sa ganoon, alam niya base sa kanyang mga napapanood sa pelikula na iyon ay para sa mga lover na nagde-date.
Nagtatakang bumaling siya sa waiter. "Are you sure, ito ang mesa na ipina-reserve ni Mr. Carlos Mariano?"
���Yes, Ma'am. Have a seat, please," nakangiting sagot nito.
Nagtataka pa ring tumalima si Jane. Nang makapuwesto siya sa isang silya ay nagpaalam na ang staff at naiwan siyang mag-isa. Saglit na napatitig lamang siya sa overlooking view sa labas ng restaurant. Ano ba'ng nangyayari? Nasaan si Cherry? Sa naisip ay mabilis niyang kinuha ang cell phone sa bag at tinawagan si Cherry. Matagal na ring lang nang ring ang kabilang linya subalit walang sumasagot. Kumunot na ang kanyang noo at nag-text sa kaibigan.
Nakayuko pa rin si Jane habang nagta-type ng message nang maramdaman ang pagdating ng kung sino. Hindi siya nag-angat ng tingin dahil naisip na baka ang waiter iyon at naroon upang lagyan ng tubig ang basong nasa mesa. Hinintay niyang mag-reply si Cherry sa kanyang text message. Gulat na nag-angat lamang siya ng tingin nang walang anumang hinatak ng bagong dating ang silya sa tapat niya at tila haring umupo roon.
Nahigit ni Jane ang hininga at nanlaki ang mga mata nang makita kung sino ang nakaupo sa harap niya.
"So, ikaw ang babaeng gusto ni Lolo na makilala ko, tama ba?" seryosong tanong ng lalaki na kilalang-kilala niya.
Hindi pa rin siya nakapagsalita at napatitig lamang kay Charlie Mariano, ang panganay na apo ni Don Carlos at nakatatandang kapatid ni Cherry. Hindi sila magkaibigan ni Charlie pero sa dalas ng pagpunta niya sa bahay ng mga ito mula pa noong high school ay madalas na niyang makita ang lalaki. At katulad noong bata pa siya, awtomatikong bumilis ang tibok ng kanyang puso pagkakita rito.
Si Charlie ang pinakaguwapong lalaking nakita ni Jane sa buong buhay niya. Mas guwapo pa kaysa sa mga sikat na artista sa Pilipinas. Dahil sa pagkakaroon ng Spanish blood sa mother's side ay mestizo ang hitsura ng binata. He had deep-set brown eyes, a sharply chiseled nose, shapely lips, and a prominent jaw. Ang buhok ni Charlie, sa kabila ng mga taon ay mas mahaba pa rin, hanggang batok at wavy. And the years had been good to him. Lalong tumindi ang appeal at kaguwapuhan ni Charlie. Para bang lumalabas sa aura nito ang kompiyansa sa sarili na nabuo ng maraming taong karanasan bilang abogado.
Jane had been in love with Charlie since she was twelve. Kahit noong bihira na lamang na makita ang binata ay nasa tagong bahagi pa rin ng kanyang puso ang damdaming iyon. Alam niyang hindi iyon masusuklian kahit kailan. After all, it had already been nineteen years since she first realized that she loved him. Isang beses lamang silang nakapag-usap ng medyo mahaba ni Charlie mula noon hanggang ngayon. Ang kagandahan lang ngayon, hindi na nade-depress si Jane kapag naiisip na hindi siya mamahalin ng taong mahal niya.
Noong teenager pa, medyo iniiyakan pa niya ang katotohanang iyon. Noong nasa kolehiyo na, nakontento na lang siyang sundan ng tingin si Charlie kapag may pagkakataon. When she reached her twenties, napagtanto niya na panahon na para humanap ng ibang lalaki na pag-aalayan ng pagmamahal. Ang kaso, umabot na siya sa edad na treinta y uno ay wala pa rin siyang natagpuang lalaki na kanyang mamahalin. Kapag binabalikan niya ang naging buhay, isang lalaki lang talaga ang naging espesyal sa kanyang puso at si Charlie iyon.
Pero siyempre, walang nakakaalam niyon. Wala siyang sinabihan, kahit si Cherry. Kaya ano ang ginagawa ng binata roon ngayon?
Kumunot ang noo ni Charlie habang nakatitig sa kanya. "Are you done staring at me?" tila iritableng tanong nito.
Napakurap si Jane at nag-init ang kanyang mukha. Tumikhim siya at kinalma ang sarili. Humigpit ang hawak niya sa cell phone sa ilalim ng mesa dahil nanginginig ang kanyang mga kamay. "Ano'ng ginagawa mo rito?" sa wakas ay nagawa niyang isatinig.
Lalong lumalim ang kunot ng noo ng binata. "Ano'ng ibig mong sabihin? Hindi ba at plano n'yo ito ni Lolo? I was under the impression that you badly wanted us to meet. Nagdesisyon akong magpunta na rito para makapag-usap tayo once and for all." Humalukipkip ito at sinalubong ang kanyang tingin.
Tila may bumikig sa lalamunan ni Jane. She felt like she was drowning in his eyes. Halos hindi niya maintindihan ang mga sinasabi ni Charlie. Sa loob ng labinsiyam na taon, ngayon lang siya naging ganoon kalapit sa binata. Ngayon lang siya nito tinitigan nang matagal.
Muli siyang napakurap nang marinig ang pagbuntong-hininga ni Charlie.
Umiling ang binata at tila frustrated na napahawak sa sentido. "Hindi ako makapaniwala. Ikaw ang babaeng napili ni Lolo? You look really dumb to me," usal nito na tila sarili lamang ang kausap.
Noon natauhan si Jane. Oo at plain siya, hindi mahilig makipag-argumento at boring. Pero kahit kailan, walang nagsabi na isa siyang estupida!
Kumunot ang kanyang noo at nakaramdam na ng inis. Bagay na unang beses niyang naramdaman para kay Charlie. "Excuse me, but you have no right to call me dumb," inis na sabi niya.
Muling napatingin sa kanya ang binata. "The way you stare at me looks dumb. What? Are you in love with me or something?"
Nanlaki ang mga mata ni Jane. Sapol kasi ang tunay niyang nararamdaman. At nang sumilay ang tila nang-uuyam na ngiti sa mga labi ni Charlie, napagtanto niya na nalaman ng binata base sa kanyang reaksiyon na tama ito ng sapantaha. Muling nag-init ang kanyang mukha kasabay ng pagsisikip ng dibdib. Could this evening become any worse?
Nang muling magsalita si Charlie, napagtanto ni Jane na oo, may mas sasama pa sa gabing iyon.
"Hindi ko alam kung ano ang arrangement ninyo ni Lolo. Pero gusto kong sabihin sa `yo na wala akong planong magpakasal sa `yo o sa kahit na sino. Magagalit si Lolo sa akin at hindi matutupad ang mga plano ko kung ako ang aatras sa kasal. Kaya mas mabuting ikaw ang umatras. Nagkakaintindihan ba tayo?"
Umawang ang mga labi ni Jane sa pagkalito. "Kasal? Anong kasal ang sinasabi mo?"
Umangat ang isang kilay ni Charlie. "Feigning innocence now? Hindi ba at ilang beses na kayong nag-set ng date para magkita tayo? Ang sabi ni Lolo, fiancée raw kita. So, hindi ba kasal ang gusto mo?"
"Fiancée?!" nanlalaki ang mga matang bulalas ni Jane. "Kailan kita naging fiancé? Bigla kang sumulpot sa dinner na dapat ang kasama ko ay sina Don Carlos at Cherry, nagsalita ng masasakit na salita sa akin, at ngayon ay sinasabi mo na fiancé kita?" hindi na nakatiis na bulalas niya.
Natigilan si Charlie. Noon bumaha ang realisasyon sa isip ni Jane. Ang reaksiyon ni Cherry kanina nang muli siyang yayain ni Don Carlos para sa dinner. Ang linggo-linggong pagyayaya sa kanya ng matandang don, ang pagtawag nito sa cell phone sa kung sino bago ang dinner, at ang pabulong na pag-usal ni Cherry kanina na: hindi pa rin naman siya sisipot. All along, isine-set up siya ni Don Carlos na makasama sa dinner si Charlie, na fiancé pala niya pero wala siyang kaalam-alam.
"Hindi mo alam?" tanong ni Charlie sa iba nang tono; mas mababa at hindi na kasing-anghang tulad kanina.
Umiling si Jane at naitakip ang kamay sa bibig. "W-wala silang sinabi sa akin tungkol dito," halos pabulong na usal niya.
Tumiim ang mga bagang ni Charlie at bumakas ang matinding galit sa mukha. "Damn it!" gigil na bulalas ng binata at tumayo. Napasunod lang ng tingin si Jane nang tingnan siya nitong muli. "Kung wala kang alam, ibig sabihin, isa ka rin lang biktima ng pagiging manipulative ni Lolo. Kung gano'n, kalimutan mo na ang lahat ng mga sinabi ko. Hindi iyon para sa iyo. I apologize."
Nagulat si Jane nang walang-pagdadalawang-isip na humingi ng tawad si Charlie sa kanya. Ang unang impresyon niya nang dumating kanina ang binata ay hindi ito ang tipo ng lalaking basta hihingi ng tawad kahit alam na may maling ginawa.
"And again, I apologize na hindi matutuloy ang dinner na inaasahan mo. I suggest you go home. Ako na ang bahalang makipag-usap kay Lolo." Iyon lang at tumalikod na si Charlie. Kung gaano ito kabilis dumating ay ganoon din kabilis na nawala.
Naiwan si Jane na naghahalo-halo pa rin ang iba't ibang emosyon sa dibdib. Para siyang naidlip at nanaginip. Hindi niya naisip na magkakausap sila ni Charlie nang ganoon. At fiancée niya raw ako? May munting kilig na umahon sa kanyang puso sa isiping iyon, subalit agad ding nalaglag ang mga balikat nang may mapagtanto. May bumikig sa kanyang lalamunan at kahit matagal nang hindi nangyayari ay nag-init ang kanyang mga mata. Ni hindi siya nakilala ni Charlie bilang ang babaeng madalas tumambay sa bahay ng mga ito noon o bilang matalik na kaibigan ng kapatid nitong si Cherry.
All these years, in his world, a girl named Jane never existed.