Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 5 - Chapter 3

Chapter 5 - Chapter 3

NAPAHUGOT ng malalim na hininga si Daisy nang makalabas sila ng club ng lalaking hawak pa rin ang kanyang kamay. Walang tao roon maliban sa kanilang dalawa at sa bouncer na nakatayo sa entrada ng club.

Binitiwan ng lalaki ang kamay ni Daisy at humarap ito sa kanya. Ilang segundong tumigil yata sa pag-function ang kanyang utak nang makita ang mukha ng lalaki. Mukha itong foreigner. A gorgeous foreigner. Mas guwapo pa ito sa napakaraming guwapong lalaking nakilala niya sa Pilipinas at sa Europa.

Sa liwanag na nanggagaling sa lamppost ay nakita ni Daisy na dark blonde ang maiksing buhok ng lalaki. At hindi tulad ng kanyang blonde na buhok, alam niyang natural na kulay iyon. Pati kasi ang makakapal na kilay at pilikmata nito ay ganoon din ang kulay. He had a sexy pair of eyes, a perfect nose, and thin sexy lips. Naka-formal suit ang lalaki na maluwag ang necktie at nakabukas ang unang butones ng polo. Para itong tumalon palabas ng GQ magazine.

Ang kaso, nakakunot ang noo ng lalaki at may bakas ng iritasyon sa mukha. Nakapamaywang pa ito habang nakatingin kay Daisy. "It isn't nice to see women fighting," pasermon na sabi nito.

Napakurap si Daisy at bigla, para siyang natauhan pagkatapos mapasailalim ng kung anong mahika ng lalaki. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig nang rumehistro sa kanya ang disgusto sa mukha nito. She automatically put up her guard. Ganoon ang tono na ginagamit sa kanya ng ama kapag galit ito.

Namaywang din siya. "Sila ang nagsimula ng gulo. Nananahimik ako sa isang tabi, bigla nila akong nilapitan at sinampal. Hindi ako papayag na hindi makaganti," inis na sabi niya.

"Hindi ka nila sasaktan kung wala silang dahilan," sagot ng lalaki. May accent ang pagsasalita nito ng Tagalog pero naiintindihan naman. At hindi gusto ni Daisy ang ibig nitong sabihin kahit na totoo pa iyon. Hinuhusgahan na siya ng lalaki hindi pa naman siya kilala.

Mariing naglapat ang mga labi ni Daisy. "Wala kang pakialam." Tumalikod na siya at kumilos upang maglakad patungo sa kung saan naka-park ang kanyang kotse.

Subalit isang hakbang pa lamang ay napaigik na siya. Muntik pa siyang mawalan ng balanse dahil naka-high-heeled shoes. Hindi niya napansin kanina nang hawak ng lalaki ang kanyang kamay, pero kumikirot ang kanyang mga binti. Tumama iyon kanina sa mesa. Sa katunayan, buong katawan niya ay masakit. Mahapdi rin ang kanyang pisngi at gilid ng mga labi. Lalo na ang kanyang ulo.

"Is that how you talk to someone who just helped you?"

Huminga nang malalim si Daisy at ibinalik ang tingin sa lalaki. "Ano ang inaasahan mong sasabihin ko kung ganyan ang tono mo? Magpapasalamat sana ako pero inunahan mo ako ng kaarogantehan," sikmat niya.

Umangat ang mga kilay ng lalaki at humakbang palapit sa kanya. "I wasn't being arrogant. Nagsasabi lang ako ng totoo. At iyon ang dahilan kung bakit ka nagre-react nang ganyan. Dahil totoo ang sinabi ko at tinamaan ka."

Tumiim ang mga bagang ni Daisy. Pero nag-relax din agad dahil napangiwi siya sa sakit. Malamang ay puno siya ng pasa at sugat. Kapag nakita ng kanyang papa ang hitsura niya pag-uwi ay tiyak na masesermunan na naman siya. Kung kailan nagdesisyon siya na magbago at ayusin ang kanyang buhay ay saka siya nasabak sa away.

Hindi madaling ayusin ang sariling buhay kung napakaraming ginawang masama noon. Life is not that forgiving, mapait na naisip ni Daisy, pagkatapos ay huminga nang malalim upang kalmahin ang sarili.

"Well, whatever. Salamat sa pagtulong mo sa akin. Happy now?" mataray na sabi niya.

Sumeryoso ang tingin ng lalaki sa kanya. Subalit maliban doon ay walang nabago sa ekspresyon ng mukha nito. Para bang hindi ito apektado sa tahasang pagtataray niya. Humakbang pa ang lalaki palapit hanggang nasa mismong harap na ito ni Daisy. Bago pa siya makahakbang paatras, umangat na ang isang kamay ng lalaki papunta sa kanyang mukha. She automatically flinched away. Malinaw pa sa kanya ang pag-igkas ng mga kamay ng mga babae kanina.

Subalit tila hindi iyon alintana ng lalaki dahil ni hindi huminto ang kamay nito. Natigilan si Daisy nang magaan na haplusin ng lalaki ang gilid ng kanyang mga labi. Napangiwi siya dahil makirot ang bahaging iyon ng kanyang mukha.

"May sugat ka. At puro kalmot at pasa ka. Magulo rin ang buhok mo. Are you going home like that?" tanong ng lalaki. Kung hindi lang walang emosyon ang tono nito, baka isipin ni Daisy na nag-aalala ito sa kanya.

Pinalis niya ang kamay ng lalaki. "I'm okay." Umatras siya subalit dahil masakit at nanghihina ang mga binti ay natapilok siya. Napasinghap siya at muntik nang matumba kung hindi lamang siya naagapan ng lalaki. Pumaikot na naman ang mga braso nito sa kanyang baywang. Umangat ang mga kamay ni Daisy pakapit sa mga balikat ng lalaki at napatingin sa mukha nito.

Halos gahibla na lamang ang layo ng mga mukha nila sa isa't isa.

"You're not okay," sabi ng lalaki, pagkatapos ay tinulungan siya na makatayo nang maayos at saka dahan-dahang binitawan.

Sa totoo lang, malapit nang ma-offend si Daisy. Mula pa kanina ay napansin na niyang hindi apektado ang lalaking ito sa kanya. Kahit malapit sila sa isa't isa, wala siyang nakita ni katiting na kislap ng admirasyon sa mga mata nito na katulad ng palagi niyang nakikita sa iba. Ganoon ba siya kapangit ngayon? Pero super sexy pa rin naman siya, ah. O, talagang hindi lang gumagana ang kanyang appeal sa lalaking ito?

"Dadalhin kita sa ospital."

Napakurap si Daisy sa sinabi ng lalaki. May pinalidad sa tono nito at hinawakan pa siya sa braso.

"Do you have a car? Ipagmamaneho kita papunta sa pinakamalapit na ospital para magamot ka."

Gulat na napatitig siya sa mukha ng lalaki. "Ospital? Don't exaggerate. Hindi ko kailangang magpunta sa ospital."

Tumiim ang mga bagang nito at humigpit ang pagkakahawak sa kanyang braso. Napangiwi siya sa sakit.

"Tingnan mo nga, nasasaktan ka. You can't even walk properly. Hindi ako aalis hangga't hindi ko nakikita na nagamot ka," pinal na sabi ng lalaki.

Mahabang sandali na nagkatitigan lamang sila. Hanggang may marinig si Daisy na pag-iingay sa entrada ng club. Nataranta siya. "Fine," sumusukong sabi na lamang niya. Sa kahit anong paraan, basta makaalis lamang siya sa lugar na iyon.

Naglakad si Daisy patungo sa direksiyon ng kanyang kotse. Nakaagapay lamang ang lalaki sa kanya.

Nakaupo na siya sa front passenger's seat habang ang lalaki ay nasa driver's seat nang ilahad nito ang kamay. "Give me your keys."

Nakalapat nang mariin ang mga labi ni Daisy at naniningkit ang mga mata na iniabot ang car key sa lalaki.

"Why don't you look at yourself in the mirror? Para malaman mo kung bakit gusto kitang dalhin sa ospital," sabi pa nito habang binubuhay ang makina ng sasakyan.

Agad na dinukot ni Daisy ang malaking salamin sa compartment ng kotse at tiningnan ang mukha. God, may black eye siya! May sugat din ang gilid ng kanyang mga labi at may kalmot ang mga pisngi hanggang sa leeg at collarbone. Sobrang gulo rin ng blonde at mahaba niyang buhok. She looked like a total mess. No wonder he did not find her attractive.

"Argh!" gigil na bulalas ni Daisy at inihagis sa backseat ang salamin.

"Hindi ka na siguro magrereklamo kung dadalhin kita sa ospital?" tanong ng lalaki.

Isinandal niya ang ulo sa sandalan ng upuan at bumaling paharap sa lalaking nagmamaneho. Seryoso pa rin ang mukha nito. Sa totoo lang, ngayong bumabalik na sa normal ang takbo ng isip ni Daisy ay nagtataka siya kung bakit nagtiwala agad sa isang estranghero. At hindi lang basta estranghero kundi foreigner na nagta-Tagalog kahit may accent. Paano pala kung may masama itong balak sa kanya?

Sa naisip ay napaderetso siya ng upo at na-tense. Paano kung kasabwat pala nina Ellen ang lalaking ito at nagkunwari lang na tinutulungan siya?

Sumulyap sa kanya ang lalaki. "I'm not going to harm you," sabi nito na tila nabasa ang nasa isip niya. At bilang patunay, bumagal ang takbo ng kotse at lumiko patungo sa parking lot ng ospital. Inihimpil ng lalaki ang sasakyan at pinatay ang makina, pagkatapos ay bumaling sa kanya. "We're here."