KUMUNOT ang noo ni Daisy nang habang nasa biyahe sila ng ama papunta sa TV8 at naisip na muling tingnan ang artikulo sa Internet tungkol sa kanya ay wala na siyang nakita. Kahapon lang ay trending pa ang kanyang pangalan dahil sa pakikipag-away niya sa club. Napuno pa nga ng "hate tweets" ang kanyang Twitter account at napakaraming pangit na komento sa mga news article tungkol sa kanya. Sa madaling sabi, nakuha nina Ellen ang simpatya ng netizens. Lahat ay nagalit sa kanya. She was cyberbullied the whole day.
Subalit ngayon, wala na ang mga artikulo tungkol kay Daisy. Pati ang mga tweets na may hashtag na #heiresscatfight ay nawala na parang bula. Ano ang nangyari?
Huminto ang kanilang sasakyan sa VIP parking area ng TV8. Marahas na bumuga ng hininga ang papa ni Daisy kaya nabaling dito ang kanyang tingin. "Are you ready?"
Pinatay niya ang tablet. "Of course." May pasa at bakas pa rin ng sugat ang kanyang mukha subalit nadaan na niya iyon sa makeup. Kahit ang black eye ay nagawa niyang takpan. Mabuti na lang at kumuha rin siya ng short course sa Cosmetology noong kolehiyo.
Bumaba silang mag-ama ng sasakyan. Masakit pa rin ang mga sakong ni Daisy subalit pinilit niyang hindi makita iyon sa kanyang facial expression. Nakasuot siya ng high-heeled boots para hindi makita ang benda sa kanyang mga paa. Para sa kanya, ang pagpasok sa istasyon at pagharap sa board of directors at mga empleyado ay parang pagsabak sa giyera. Hindi siya maaaring magpakita ng kahinaan.
Nagkaroon ng bulungan sa loob ng istasyon nang dumating si Daisy kasama ang kanyang ama. Hindi siya lumilingon kahit alam na nakatingin sa kanya ang lahat ng nadadaanan. Pinilit din niyang maging maayos ang paglalakad kahit sobrang sakit ng kanyang mga paa.
Pagdating sa conference room kung saan naroon na ang board of directors ay may naramdaman siyang tensiyon. They all looked at her with disapproval and disgust. Parang may lumalamutak sa kanyang sikmura. Mukhang mahirap na laban ang kanyang kahaharapin.
"Before we start the meeting, I'd like to inform all of you that starting today, my daughter will be attending all our meetings as part of her training as this network's future CEO. At base sa performance niya, katulad nang nauna ko nang plano, ibibigay ko sa kanya ang posisyon bilang head of programming habang hindi pa ako nagreretiro," maawtoridad na sabi ng papa ni Daisy.
"But Mr. Alcantara!" sabay-sabay na reklamo ng mga naroon.
"Madudungisan niya ang pangalan ng istasyon natin. We cannot allow that. Mainit ang mata ng media at masa sa kanya ngayon," paliwanag ng isang board of director.
"She cannot even take care of herself. How can she handle the responsibility of overseeing this company?"
"She's just a spoiled princess. Imposibleng makaya niyang maging responsable."
Ang dami pang reklamo ng mga tao roon laban kay Daisy. Malapit na niyang sikmatan ang mga ito subalit pinigilan ang sarili. Kapag ginawa niya iyon, lalo lamang niyang mapapatunayan ang pagiging "spoiled princess" na ipinaparatang sa kanya. Kaya kahit hindi sanay, huminga siya nang malalim at pilit na pinalambot ang ekspresyon sa mukha. At sa unang pagkakataon ay nakiusap siya sa ibang tao.
"Please give me a chance."
Napahinto sa pagsasalita ang lahat at tumingin kay Daisy. Ikinuyom niya ang mga kamay.
"I'm sorry for what happened the other night at the club. Kahit hindi ako ang nagsimula, alam ko na may kasalanan din ako sa nangyari. But I really want to work for TV8. Kung ayaw ninyong dumalo ako sa meetings, tatanggapin ko bilang punishment sa eskandalong kinasangkutan ko. You can assign me to any department. Pero patutunayan ko sa inyo that I can manage this company in the future."
Mahabang katahimikan ang namayani pagkatapos ng litanya ni Daisy. Hindi siya nagbaba ng tingin at hinintay ang magiging desisyon ng mga naroon. Kahit ang totoo ay kumakabog ang kanyang dibdib. Paano kung hindi siya pagbigyan ng mga ito? Paano niya mababago ang takbo ng kanyang buhay kung hindi siya bibigyan ng pagkakataon?
Tumikhim ang papa ni Daisy at nalipat dito ang atensiyon ng lahat.
"As you can see, Daisy sincerely wishes to work for TV8. Kaya nakapagdesisyon akong ilagay siya sa TV8 Foundation."
Napatingin siya sa ama. Muling nagkaingay sa buong conference room. Tumahimik ang mga ito sa isang kumpas lang ng kamay ng kanyang papa.
"Hindi ba isang challenge para sa kanya kung paano niya mapapatunayan ang sarili habang nasa Foundation siya? Hindi ako makikialam sa magiging desisyon ninyong lahat sa darating na panahon kung sa tingin ninyo ay karapat-dapat siyang ma-promote o hindi," patuloy ng ama ni Daisy. May pinalidad sa tono nito.
Hindi niya maiwasang humanga sa ama. Darating kaya ang panahon na magkakaroon din siya ng ganoong klaseng authority sa kanyang boses? Magagawa ba niyang tumayo sa kinatatayuan ng kanyang ama ilang taon mula ngayon?
Kailangan.
"Well, then. Tinatanggap namin ang gusto ninyong mangyari, Mr. Alcantara," sabi ng isa. Unti-unti na ring sumang-ayon ang iba pa.
"At mukhang nagawan n'yo na ng paraan ang mga artikulo sa Internet. Ang sabi ng sekretarya ko ay tinanggal na raw ng mga Web site ang balita tungkol sa kanya," sabi ng isa.
"And I heard from a reliable source na hindi na rin ipalalabas ng ibang istasyon ang tungkol sa nangyaring gulo. He said someone pulled the right strings to stop the news," sabi ng isa pa.
Ikinagulat ni Daisy ang mga narinig. Ginawa iyon ng kanyang ama? Subalit nang balingan siya ay nakita niyang nagulat din ito.
"Hindi ko alam ang sinasabi ninyo. At wala akong ginawa para maharangan ang balita tungkol sa anak ko."
"What? Kung gano'n, sino ang humarang sa media para huwag nang ibalita ang nangyari kay Miss Alcantara?"
Iyon din ang tanong ni Daisy sa kanyang sarili. Napakarami niyang kaaway. Alam niya iyon dahil hindi na mabilang sa mga daliri ang mga taong nasaktan niya noon. Subalit wala siyang maisip na tao—makapangyarihang tao na may malawak na koneksiyon—na kaya at handang humarang sa media para lang matigil ang mga balita tungkol sa kanya.
Never mind. Saka na niya aalamin kung sino ang tumulong sa kanya. Ang importante ngayon ay nakalusot siya sa board of directors.
Now, it was time to prove her worth.