Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 53 - Kuwento Ng Pag-ibig (1)

Chapter 53 - Kuwento Ng Pag-ibig (1)

"HINDI naman pala namin kailangang mag-alala. Magaling ka naman palang magmaneho, ah."

Mahinang natawa si Andres sa manghang komentong iyon ni Danny. Ang totoo kasi, kinakabahan pa rin siya kahit nakaupo na sa likod ng manibela at bumibiyahe na sila papunta sa dagat. Bukod sa first time niyang magmaneho na wala si Manong Oscar para i-guide siya, madilim din ang paligid. Iyong mismong kalsada lang na dinadaan ang maliwanag at may palagay siyang hindi lang iyon dahil sa front lights ng kotse.

Alas-nuwebe ng gabi nang makarating sila sa campsite kung saan sila nanatili noong weekend. Lumabas sila ng kotse, bitbit ang mga flashlight na kinuha rin ni Andres sa garahe kanina.

"Ready na ba kayo?" tanong niya sa tatlo na sunod-sunod namang tumango. Huminga siya nang malalim. "Okay. Let's go."

Nag-trekking uli sila sa gilid ng bundok, papunta sa falls na pinasyalan nila noong youth camp. Sa kalagitnaan ng paglalakad, biglang tumingala sa langit si Ruth at nagsalita, "Sinusundan talaga tayo ng buwan. Ni hindi natin kailangan ng flashlight."

Napahinto tuloy silang tatlo sa paglalakad at tumingala rin. Kumabog ang dibdib ni Andres dahil tama si Ruth. Kahit saan sila magpunta, palaging nasa pinakatuktok nila ang buwan. Maliwanag din kahit nasaan sila. Pero kapag nilingon naman nila ang pinanggalingan, sobrang dilim na ni hindi nila makita ang shape ng mga puno at halaman.

"Feeling ko tuloy may guardian tayo," komento ni Selna.

"Ako rin. Nakakawala ng takot at kaba. Nakakakalma," sabi naman ni Danny.

Ilang minuto pang tumitig lang sila sa buwan bago nagawang kumilos uli. Mayamaya pa, narinig na nila ang tunog ng bumabagsak na tubig. Napatakbo tuloy sila hanggang makarating sa falls.

"Maghihintay lang ba tayo rito na gaya ng ginawa natin sa ilog kanina?" tanong ni Danny.

Nanuyo ang lalamunan ni Andres at nagdesisyong sabihin na sa mga kaibigan ang nakita niya noong huli silang pumunta roon. Itinuro niya ang bumabagsak na tubig ng falls. "May nakita akong pigura ng mga babae roon noong Sabado."

Napasinghap ang tatlo at manghang napatitig sa kanya. Lumunok siya at dahan-dahang ibinaba ang kamay. "Natatandaan n'yo noong nahuhuli akong maglakad pababa sa shortcut? Napahinto ako no'n kasi may narinig akong mga bulungan."

Ilang segundong katahimikan.

Si Ruth ang unang nakabawi. Kumurap ito at lumingon sa bumabagsak na tubig. "Ibig sabihin, nandoon ang tirahan nila. Hindi kita sa labas pero malamang may kuweba sa likod ng tubig. Ganoon daw ang tirahan ng mga Naiad sabi sa mga nabasa kong libro. Tara."

"Ha? Lalangoy tayo? Malalim ang tubig diyan, eh," reklamo ni Selna.

"Hindi. May napansin ako noong Sabado at sa tingin ko, puwede tayong dumaan doon." Itinuro ni Ruth ang batuhan sa gilid ng bumabagsak na tubig ng falls. May mga uka-uka at meron din namang nakausling mga bato. Kung magiging maingat sila, magagawa nilang mag-rock climbing patagilid hanggang marating nila ang bumabagsak na tubig.

"Teka lang… puwede bang maiwan na lang kami ni Selna dito?" biglang tanong ni Danny.

Gulat na napatingin dito si Andres. "Bakit?"

"Clumsy si Selna. Madulas pa ang mga bato. Baka mahulog siya sa tubig o kaya magasgasan. Hihintayin na lang namin kayo dito."

Napatingin sina Andres at Ruth kay Selna na napatitig naman kay Danny. Halatang na-touch si Selna sa concern ng binatilyo.

Lihim na napangiti si Andres. "Okay." Nilingon niya si Ruth. "I'm sorry. Kung puwede lang na ako na lang ang pupunta, gagawin ko. Kaso… hindi ko alam kung paano makikipag-usap sa kanila."

Ngumiti ang dalagita. "Okay lang. Kaya ko ang sarili ko. Isa pa, curious din ako kung ano ba talaga ang hitsura ng mga Naiad. Interesado rin ako sa malalaman natin mula sa kanila."

Kaya ilang sandali pa, naglakad na sila palapit sa batuhan. Ipinasok nila sa loob ng kani-kanilang damit ang flashlight, nagbabaka-sakaling magamit pa nila kahit mabasa. Nauna si Andres. Hindi kasi nila alam kung anong klase ng nilalang ang mga Naiad. Mabuti nang siya ang unang mapalapit sa mga ito kaysa si Ruth.

Madulas nga ang mga bato pero hindi naging mahirap ang pagkapa sa mga uka na puwedeng tapakan at nakausling mga bato na nagsilbing hawakan. Direktang tumatama kasi sa kanila ang liwanag mula sa buwan. Parang kahit ang mga puno sa paligid ay lumilihis palayo sa isa't isa para hindi matakpan ang kanilang gabay.

Nang nasa mismong tabi na si Andres ng bumabagsak na tubig ay ikinapa niya ang isang kamay roon. Nanlaki ang mga mata niya dahil imbes na tumama ang kamay sa bato, espasyo lang ang nasa likod ng tubig. "May kuweba nga rito, Ruth! I'll go in now, okay?"

"Okay."

Huminga nang malalim si Andres, inihanda ang sarili at saka mabilis na lumundag. One moment, ramdam niya ang malakas na pressure ng tubig sa buong katawan. Then the next second, he was already kneeling in a hard and cold surface. Tumahimik din na parang nasa loob siya ng isang kuwarto na soundproof. Ni hindi kasi niya naririnig ang malakas na bagsak ng tubig sa falls na naririnig niya kanina sa labas. Inihilamos niya ang isang kamay sa kanyang mukha para alisin ang tubig mula roon, saka dahan-dahang dumilat.

Namangha si Andres sa kanyang nakita. Nasa loob siya ng isang maluwag na kuweba. Malalaki at iba-ibang hugis ang bato sa paligid. Sa gitna ay may malaking bato na hugis-palanggana na puno ng laman dahil sa pumapatak na tubig mula sa itaas. Hindi na rin niya kailangang magbukas ng flashlight dahil may liwanag ding nanggagaling mula sa taas.

Tumingala si Andres. Sa kabila ng mga nakausling bato sa itaas, nakita pa rin niya na may maliit na opening sa pinakatuktok. At mula sa butas na iyon ay nakikita niya ang buwan, parang sinisilip siya habang nagsisilbing ilaw sa buong kuweba.

May ingay siyang narinig mula sa likuran. At nang lumingon, nakita niyang nakapasok na rin doon si Ruth, basang-basa at nauubo pa habang pinapahid ang tubig mula sa mukha.

Agad na tumayo si Andres at lumapit sa dalagita. "Are you okay?"

Tumango ito, umubo sa huling pagkakataon at saka dumilat. Nanlaki ang mga mata nito at napanganga habang iginagala ang tingin sa paligid. "Sino'ng mag-aakala na may ganito sa likod ng falls?"

"Oo nga, eh. Pero parang wala namang nakatira—" Hindi niya natapos ang sasabihin nang mapakapit si Ruth sa kanyang braso at parang may nakikita sa bandang likuran niya.

"Nandito nga sila, Andres," bulong pa nito.

Natigilan si Andres at may kilabot na humagod sa kanyang likod nang maramdamang may naiba sa paligid. Dahan-dahan siyang lumingon at namangha nang makitang biglang nagbago ang loob ng kuweba. Wala na ang batong hugis-palanggana. Ang nasa gitna ay isang puno na nasa six feet lang ang taas pero mataba ang katawan. Habang tumatagal siyang nakatitig doon, nare-realize niyang maraming nakasulat sa puno. Kulay ginto ang tinta, paikot mula sa mga ugat hanggang sa maninipis na sanga kung saan malago ang tubo ng mga dahon. Alam niyang basahin iyon dahil ganoon ang sulat sa mga stone tablets at lumang papel sa third floor ng bahay nila.

Hindi lang ang punong iyon ang bago sa kanyang paningin. Nagniningning na parang may mga gintong nakadikit ang mga bato sa paligid. Iyon ang mas nagbibigay-liwanag ngayon sa kuweba, tinatalo ang buwan sa langit. May mga nakaguhit sa mga bato, mga image na mukhang mga sinaunang tao ang may gawa. Hieroglyphics. May nakita siyang stick figure na mukhang representation ng isang babae dahil sa curvy line na nagsisilbing buhok. Sa tabi ng babae, may iginuhit na crescent moon. Parang pababa iyon mula sa langit, papunta sa drawing ng mga alon. Mayroon ding nakaguhit na may kasama na ang babaeng stick figure, nakaupo ang mga ito sa batuhan.