Chereads / Never Talk Back to a Gangster / Chapter 100 - Chapter One Hundred

Chapter 100 - Chapter One Hundred

Jared Dela Cruz

Asul at berde lang ang kulay na nakikita ko. Asul na langit at berdeng damo. Napakatahimik. Takte ano bang lugar 'to? Ano ba ang ginagawa ko sa lugar na 'to? NAMFUFU!

Ang huling naaalala ko ay nabaril ako. Kinapa ko ang dibdib ko kung may dugo o bala. Teka, bakit wala? Ang sakit pa nga ng tamang 'yon eh. Tsk! Ano nga pala ang nangyari? Bakit ako nabaril?

SI SAMANTHA!!!! Napatayo ako sa hinihigaan kong mga damo. Ano na kaya ang nangyari sa kanya? Ayos lang kaya siya?!

AMPUPU naman kasi! Sabi ko na nga ba't may saltik 'yung babaeng 'yun eh. Hindi ko napaghandaan ang gagawin niya. 'Di pala umubra ang technique ni Jack. Walang kwenta. Tsk!

Pero siguro naman ay ayos lang ang lagay ni Samantha.

Tumingin ako sa aking paligid. Puro damo.

Walang puno, puro damo lang. Nasa talahiban yata ako. Ano bang klaseng lugar 'to? POTEK! Ano ba ang ginagawa ko dito?

Paano ako napunta rito?

Teka... POTEK! Patay na yata ako ah!

PATAY NA 'KO? NYEMAS NAMAN! Bakit ako namatay?

AAAAAAAAAAHHH!! 'Di pa ako handang mamatay!

Hindi pa ako nakakapagtapat. Nakakapagtapat? Kanino? Kay Samantha? TSS! Ang laking TSS naman nyan.

Humiga na lang uli ako sa damo. Eto na ba ang langit? Ang pangit naman! Bad trip walang magagandang babae.

Bumuntong hininga ako. Teka, kailangan ko pa bang huminga kahit patay na ako?

Ma-testing nga. Ilang sandali akong hindi huminga at unti-unti kong naramdaman na sumisikip ang dibdib ko. Napaubo ako bigla. PUNYEMAS! BAKIT KINAKAPOS PA RIN AKO?! TSS!

Kailangan pa lang huminga kahit patay na 'ko. Tiningnan ko uli ang paligid, masyado talagang tahimik. Ang boring. Nakamamatay. Teka, patay na nga pala ako kaya paano ako mamamatay sa sobrang boredom?

Eto na ba talaga ang langit? Takte, impyerno ata ang napuntahan ko eh. Nakakamatay sa boring.

Sana nandito si Samantha. Huh?! POTEK! Huwag pala! Tss! G*go talaga, sinagip ko na nga tapos hihilingin ko pa na sana nandito siya? Sana ayos lang siya.

Kahit kailan talaga napakalapitin nun sa bala. Bata pa lang kami ay ang hilig na niyang ipahamak ang sarili.

Aaaaaaayyyy! Sana may yosi man lang ako dito. Pumutol na lang ako ng isang mahabang damo at inilagay ang dulo nun sa bibig ko. Isipin ko na lang na yosi 'to.

Pumikit na ako para matulog. Teka, natutulog ba ang mga patay na? Makakatulog kaya ako kapag pumikit ako? Mananaginip din kaya ako? Makikita ko kaya si Samantha sa panaginip ko? Sana.

Samantha. Samantha. Samantha.

Inalala ko ang mukha niya.

AH! Ano ba 'to? Patay na ako kaya dapat kalimutan ko na siya. Si TOP lang naman ang mahal niya. Tss. Ano lang ba ako sa kanya? Kaibigan?

Ang sakit. Nasasaktan din pala kahit patay na?

Ahh. Parang walang ipinagbago nung nabubuhay pa ako, 'yun nga lang nakakulong na ako sa lugar na 'to.

Ano ba ang tawag sa lugar na 'to? Akala ko ba kapag langit dapat puro puti? Dapat may kasama ako dito ah. 'Yung mga yumao kong kamag-anak. Asan na ang mga 'yon?

'Di kaya na-reincarnate na?

Ako kaya? Tinitigan ko na lang uli 'yung asul na langit. Parang narating ko na 'to ah. Pamilyar ang lugar na 'to. Tumayo ako at muling nilibot ng tingin ang paligid. Tama, pamilyar nga.

Nakapunta na kami ni Samantha dito. Malapit sa Orchard nila, sa France. Tingnan mo nga naman. Dito pa pala ako mapupunta. Ang tanong, bakit ako dito napunta?

Ayaw ba sa'kin ng langit? TSS! Ako pa ang inayawan nila? Sa gwapo kong 'to? Ahhhh! Ang hirap aliwin ng sarili. Sana may kasama ako dito. Sana kahit sandali lang ay makita ko uli ang mukha niya.

AAAAAAAAAAAAAHHHHHHHH!!! Ayoko na dito! PAKSHET YAAAAAN! Nagkakalokohan na yata rito! 'Di kaya nananaginip lang ako? Pero kapag nananaginip ako, once na sinabi ko na ang salitang 'panaganip' eh agad naman akong nagigising. Ilang beses ko na bang nasabi ang salitang panaginip?

Kung ganon, hindi ako nananaginip? BANGUNGOT 'TO SHET!! Masisiraan na ako ng ulo. Ampupu na 'yan!

"JARED DELA CRUZ!"

May tumawag sa'kin! Tumingin ako sa pinanggalingan ng boses at nakita ko siya na nakatayo roon. Agad akong napatayo sa gulat. PAKSYEEEEEETT!! Ano'ng ginagawa niya rito?

"SAMANTHA!!" nilapitan ko siya.

Tumakbo ako papalapit sa kanya. Siya nga. Siya nga talaga!

"Nandito ka lang pala! Halika na! Magluto ka na ng tanghalian, nagugutom na ako!" sabi niya nang nakanguso. 'Yan ang madalas niyang gawin kapag kailangan niya ako.

Hinila niya ang braso ko. Naramdaman ko siya. Hindi tumagos ang pagkakahawak niya sa akin. Patay na rin siya? Spirit?

"Teka lang. Ano'ng ginagawa mo rito?!"

AMPUPU!! ANG ALAM KO EH NAHARANG KO 'YUNG BALA AH!! TINAMAAN BA SIYA?!! NAMATAY NA RIN BA SIYA?!

"Natamaan ka rin ba ng bala? Namatay ka rin ba?!" hinawakan ko siya sa magkabilang balikat niya.

Tinitigan niya ako nang namimilog ang mga mata.

"Hahahahahaha!" bigla na lang siyang tumawa. "Jared! Nananaginip ka ba? Ahh, nakatulog ka siguro 'no? Hahaha!"

Panaginip? Tumatawa pa rin siya. Tumingin uli ako sa paligid. Eto talaga 'yung sa orchard nina Samantha pero dapat nakikita ko na rin dito 'yung lawa at 'yung bahay nila. Pagtingin ko sa kabilang direksyon ay biglang sumulpot ang isang bahay at 'yung lawa. Teka, wala naman 'yang mga 'yan kanina ah!

"Halika na, Jared! Magluto ka na para makakain na tayo. Daliiiii!" sabi ni Samantha habang hinihila ang kamay ko.

Hindi ako nagpadala sa paghila ni Samantha sa'kin bagkus ay nanatili akong nakatayo sa pwesto ko. Ang lahat ng ito ba ay.... mga alaala? Mga pinapahalagahan kong alaala noong nasa France pa kami? Tumingin ako sa mukha ni Samantha. Hinawakan ko ang magkabilang pisngi niya.

"Samantha..."

"Bakit Jared?" pati boses niya ay katulad din ng kay Sam.

Eto nga siguro ang langit. Pwede akong mabuhay sa mga alaala na gusto kong puntahan? Ngumiti ako. Kung ganon langit na nga 'to para sa'kin.

Ngumiti ako at niyakap nang mahigpit ang babaeng mahal ko. Sa lugar na 'to ay pwede ko siyang mahalin nang hindi nagkakasala. Magiging malaya na rin ako.

Humiwalay ako sa pagyakap sa kanya at tinitigan ko siya sa kanyang mga mata.

"Mahal kita, Samantha," sabi ko sa kanya.

Sa wakas ay nasabi ko na rin sa kanya. Ang tagal kong itinago, ang tagal kong nagtimpi. Nasabi ko na ang gusto kong sabihin sa kanya noon pa.

Nakatingin lang siya sa akin habang unti-unting ngumingiti.

"Mahal din kita," binigyan niya ako ng isang matamis na ngiti.

Tumawa ako saglit bago umiling. Patay na nga talaga ako. Imposible na sabihin 'to sa'kin ni Samantha. Pero ayos na rin 'to. Ako ang mahal niya sa lugar na 'to at hindi ang kaibigan ko.

Unti-unti kong nilapit ang mukha ko sa kanya at hinalikan ko ang labi niya. Isang bagay na gusto ko talagang gawin araw-araw noong buhay pa ako at magkasama kami sa France.

Kung eto ang langit ko, tatanggapin ko ng buong buo ang kamatayan ko. Basta kasama ko siya, ayos lang. Kahit ilang beses pa siguro akong mamatay basta makasama ko siya nang ganito. Basta malaya akong mahalin siya.

Dito na lang ako. Tinatanggap ko na.

Huminga ako nang malalim at naramdaman ang paggaan ng katawan ko.

"JARED DELA CRUZ! GUMISING KA NA SABI!!!"

Shit! Napalayo ako kay Samantha nang may marinig akong sumigaw. Tumingin ako sa paligid. Saan nanggagaling ang sigaw na 'yon?

"Bakit?" tanong sa'kin ni Samantha na mukhang nagtataka.

Umiling ako. Guni-guni ko lang siguro 'yon.

"JARED!!! PLEASE!!!"

Ampupu! Boses ni Samantha 'yon ah. Tiningnan ko ang babaeng nasa harap ko pero hindi siya ang sumigaw, parang galing sa itaas. Tumingala ako.

Nakita ko si Samantha sa itaas at.... ang sarili ko. Nasa kama ako ng isang ospital. 'Yun ba ako ngayon? Namatay ba ako habang kasama siya? Umiiyak si Samantha at pinapalo ang dibdib ko.

Napahawak ako sa dibdib ko, sumasakit ang puso ko. Bakit siya umiiyak?

"Jared..."

Pinanood ko siya. Nakatingin siya sa mukha ko habang patuloy sa pag-iyak. Hindi ko alam na iiyakan niya ang pagkamatay ko.

"Mahal kita..."

Ano'ng sinabi niya? Tama ba ang narinig ko? Sinabi niya na mahal niya ako? Baka naman isa rin itong alaala.

"Please Jared, huwag mo 'kong iwan.."

Paksyet! Hindi ko na alam ang paniniwalaan ko! Nawala na si Samantha sa itaas. Nawala na rin ang boses niya. Ano ba 'to? Ano ang nangyayari? Nasaan ba talaga ako?

Napaluhod na lang ako at naihilamos ang dalawa kong kamay sa aking mukha. Ano ba talaga ang nangyayari sa'kin? T@ng*nang 'yan, gusto kong puntahan si Samantha!

Hindi ko kayang makita siyang umiiyak nang ganon. Hindi ko siya kayang iwan nang ganon, siguradong sisisihin niya ang kanyang sarili. Lintek naman kasi!

"Jared..." may humawak sa balikat ko at muli kong nakita ang mukha ni Samantha. Ang Samantha na nilikha ko para may makasama ako sa lugar na 'to. Tss. Ganito na ba ako ka-desperado na makasama siya?

"Tayo na, pumasok na tayo sa bahay."

Tumayo ako. Ano bang ginagawa ko? Ang g*go ko talaga.

"Sorry, Samantha," niyakap ko siya.

Eksakto ang pagkakabuo ng alaala ko sa kanya. Pati ang katawan niya ay walang pinag-iba sa totoong Samantha. Natawa ako saglit.

"Mas gusto ko pa rin kasi ang original," sabi ko.

Ayoko ng isang Samantha na kontrolado ko. Alam ko na ang Samantha na kasama ko ngayon ay ang Samantha na pinapangarap ko. Isang Samantha na mahal din ako.

Pero takte mahal ko talaga 'yung original. Oras na siguro para bumalik. Humiwalay ako nang yakap at muli kong siniil ng halik ang labi niya. Gusto kong mabuhay para magawa ko 'to sa totoong Samantha. Sana bigyan pa ako ng pangalawang pagkakataon ng langit para makasama ko siya.

"Humirit ako ng isa pa, baka hindi na maulit eh," kinindatan ko siya.

Gusto kong mabuhay. Gusto ko nang bumalik. Tumingin ako sa langit. Papalubog na ang araw at maya-maya lang ay dumilim na ang paligid. Nang buksan ko ang mga mata ko, nasa ibang lugar na ako.

Una kong nakita?

Puting kisame ng ospital.