Chereads / FLOWER OF LOVE / Chapter 122 - TELEPATHY

Chapter 122 - TELEPATHY

Halik sa noo ang nanggising kay Flora Amor nang umagang yun.

Agad siyang nagdilat ng mga mata at ipinulupot bigla ang mga kamay niya sa batok ng asawa nang akmang ilalayo na nito ang mukha sa kanya.

"Saan ka pupunta?" tanong niya.

"Papasok muna ako. Madami akong dapat ayusin sa opisina." sagot nito saka siya hinalikan sa mga labi.

"Wag ka munang pumasok. Dito ka muna." lambing niya rito.

Itinukod na nito ang mga kamay sa ibabaw ng kama saka napapangiting tumitig sa kanya.

"Nabitin ka ba kagabi?" panunudyo nito.

"Tse!" singhal niya.

Nang maamoy ang niluluto ng ina---

"Ambaho naman ng niluluto ni Mama. Puntahan mo nga, sabihin mo isara yung pinto sa kusina nang di umaabot dito yung amoy ng niluluto niya." reklamo niya sabay tanggal ng isang kamay sa batok ng asawa at itinakip sa ilong.

Natatawang pinitik ni Dixal ang kanyang noo.

"Okay, boss. May ipapabili ka ba?"

"Guyabano na lang tsaka mangga't alamang." sagot niya na halos di maunawaan ng asawa ang sinasabi dahil nakatakip sa bibig at ilong ang kanyang kamay.

"Wait puntahan ko lang si Mama." paalam nito.

Saka lang niya ito pinakawalan at dumapa sa kama saka nakatulog uli.

Nang bumalik si Dixal sa kwarto ay masarap na uli ang tulog niya.

Inayos muna nito ang pagkakahiga niya at kinumutan siya hanggang dibdib.

Maya-maya'y umalis na ito ng bahay pagkatapos magpaalam sa byenan.

Tanghali na nang magising uli si Flora Amor. Agad siyang bumangon at dumiretso sa banyo upang magpalit ng napkin ngunit tulad kagabi'y kunti lang uli ang laman ng napkin. Nagtataka na siya habang naglalakad papunta sa kusina upang kumain.

Eksakto namang naruon ang ina at naghahanda na pala ng pagkain.

"O ayan ha? Wala nang mabaho jan sa mga niluto ko." anito sa kanya.

Ngumiti lang siya bilang tugon sabay upo sa isang silya paharap sa mesa.

"Bakit kaya kunti lang ang mens ko, Ma? Halos walang lumalabas kahapon pa." tanong niya.

Napanganga ang ina sa pagtataka, nagsalubong ang mga kilay.

"Bruha ka! Katawan mo di mo alam anong dahilan? Aba'y malamang buntis ka."pabara nitong sagot.

Siya naman ang nagsalubong ang kilay.

"Merun nga ako, Ma." Giit niya.

Umupo na rin ito sa silya sa tapat niya at nagsimulang magsandok ng pagkain. Gumaya na rin siya.

"Magpacheck-up ka ngang bata ka. Mamaya eh baka masamang senyales na yan. Baka mababa ang matres mo kaya ka dinudugo kahit buntis ka." payo ng ina.

Buntis ba talaga siya? Kaya ba magana siyang kumain nitong mga nakaraang araw at gustong gusto niya ng maasim na prutas?

Hindi niya kasi nafeel magbuntis noong kay Devon, basta na lang lumubo ang tyan niya nun. Pero ngayon, parang lagi siyang nanghihina, gusto niya laging nakahilata sa kama. Parang ayaw nga niyang bumangon, gusto niya matulog na lang lagi.

"Aalis ako ngayon. Mamaya pa akong hapon babalik. Kung dito ka lang naman----" paalam ng ina.

"Aalis din ako, Ma. Pupunta akong Novaliches. Dadalawin ko si Papa." sabad niya agad.

Matagal na niyang gustong bumisita sa puntod ng ama, kahit noong nasa ospital pa siya.

Sandaling natigilan ang kausap.

"Alam mo ba kung saang sementeryo siya nakalagay?"

"Saan ba?"

"Ipinalipat ko siya sa Holy Cross." sagot nito.

Tumango siya at nagsimulang kumain.

Katahimikan.

"Anak, naaalala mo na raw ang lahat ng nangyari satin, sabi ni Dixal." alanganing banggit ng ina.

Sinulyapan niya ito at nagpatuloy sa pagkain.

"Wag kang mag-alala, Ma. Matagal na yun. Bata pa ako nung sumugod ako sa City Hall para kausapin yung kabit niya. Wala na rin naman ata dun yung kabit kaya dederetso lang ako sa Sementeryo." sagot niya nang maunawaan ang ibig nitong sabihin.

"O siya, siya. Wag na nating pag-usapan yun." anito saka ipinagpatuloy ang pagkain.

Sa totoo lang, wala talaga siyang balak puntahan at makita ang kabit ng kanyang ama. Ibang tao ang kakatagpuin niya ngayon, ang ama ni Anton.

Gusto niyang malaman kung bakit nito binaril sa ulo ang Papa niya.

Hindi siya titigil hangga't di nalalaman kung ano ba talaga ang dahilan, bakit ganun ang nangyari sa ama.

"MA, AALIS NA AKO!" paalam niya bago umalis ng bahay.

"Wag kang magpapagabi sa daan ha? Pag alam mong gagabihin ka, kina Mariel ka na makitulog." anang ina.

"Opo." sagot niya saka lumabas na ng bahay.

Nagtricycle na lang siya papunta sa sakayan ng bus. Pag nagabihan siya, saka siya magpapasundo kay Dixal.

Mabuti na lang nakiayon sa kanya ang pagkakataon at agad siyang nakasakay ng bus dalawang minuto lang pagkatapos niyang bumaba ng tricycle.

At mas mabuti na lang maluwang ang loob ng bus, kunti lang ang pasahero at di matrapik nang araw na yun, mabilis siyang makakarating sa pupuntahan.

Trenta minutos lang at nakababa na siya ng bus, paakyat na sa footbridge nang makita niya ang isang pamilyar na mukha, pababa ng footbridge.

"Papa?" Gulat niyang bulalas.

Hindi siya pwedeng magkamali. Ang Papa niya yun.

Pero patay na ang Papa niya. Matagal na itong patay.

Subalit kahit nakatalikod pa ang ama, makilala at makilala niya yun lalo na ngayong ambilis ng tibok ng kanyang dibdib. At ang damit nitong yun, yun ang damit na gamit nito noong nakita niya rin ito sa SM fairview ilang taon na ang nakakalipas.

Gusto niyang makaseguro. Alam niyang patay na ang papa niya. Pero hindi siya pwedeng magkamali sa nakita niya, ang Papa nga niya yung pababa sa hagdanan sa kabila.

Baka sakali. Baka sakali buhay pa ang Papa niya. Baka hindi talaga ito namatay.

Nagmamadali siyang umakyat sa footbridge at desidido nang habulin ang pinaghihinalaang ama nang biglang sumakit ang kanyang puson na tila hinahalungkat sa loob sa sakit.

Napakapit siya sa barandilya ng footbridge at hinimas agad ang sumasakit na puson. Ilang beses niya iyong hinimas hanggang sa mawala ang sakit subalit bigla rin namang nawala ang nakitang pamilyar na mukha saka niya naramdamang tila may sumusunod sa kanya.

Agad na lumitaw sa kanyang balintataw ang mukha ni Dixal.

'Run, Amor!' Tila narinig niyang hiyaw ng asawa.

HINDI MALAMAN NI DIXAL KUNG BAKIT BIGLA siyang kinabahan habang nakatitig sa mga papeles na pipirmahan.

Tumingala siya sa nakatayong si Lemuel sa tapat ng kanyang mesa.

"Yang mga tingin mong yan, Dixal. Talagang kinakabahan ako sa mga tinging yan at parang ako na naman itong tatambakan mo ng trabaho eh." puno ng antisipasyong wika ng kaibigan.

Sa halip na sumagot ay dinampot niya ang telepono at tinawagan ang asawa ngunit panay lang ring ang phone nito, walang sumasagot.

Yung byenan na ang kanyang tinawagan.

"Hello, sino to?" anang byenan niya.

"Hello po Ma. Nasan po si Amor, ba't ayaw sagutin ang tawag ko?" tanong niya.

"Umalis. Pupunta raw sa Novaliches, bibisita sa puntod ng Papa niya." sagot nito.

"Kelan pa umalis?" salubong agad ang kilay na usisa niya.

"Mga isang oras na ngayon." sagot nito.

Lalong bumilis ang kabog ng kanyang dibdib.

"Sige po Ma, salamat po." anya saka agad ibinaba ang telepono at bumaling kay Lemuel.

"Dude---"nanghihingi ng pang-unawang wika niya.

Walang sabi-sabing dinampot ni Lemuel ang mga folders sa ibabaw ng kanyang mesa.

"Malakas talaga ang radar ko. Sabi ko na't ibabalik ko na naman to sa opisina eh." anang kaibigan.

"Salamat Dude." anya rito.

Agad siyang tumayo at hinintay munang makaalis ang lalaki.

Ngunit bago sila nakalabas ng pinto ay tumunog ang kanyang phone. Sinagot niya muna ang tawag.

"Nasan si Flor?" matigas na tanong ni Ricky.

"Ikaw ang dapat nakakaalam niyan dahil lagi kang nakabantay sa kanya." matigas rin niyang sabi. Lalo lang lumakas ang kabog ng kanyang dibdib.

"Sinabi ko na sayo, wag mo siyang papupuntahin sa Novaliches!" pasigaw na wika ng kausap. "Iniutos na ng ganid na matanda ang pagdukot sa kanya!"

Biglang sumakit ang parte ng ulo niyang naoperahan pagkarinig lang sa sinabi ni Ricky.

Agad niya yung hinawakan.

Hayup talaga ang matandang yun. Marahil ay

alam na ni Donald Randall na asawa niya si Amor, sinabi na seguro ng matanda.

"Dixal? Bakit? May problema ba? Okay ka lang Buddy?" usisa agad ni Lemuel pagkakita sa kanyang nakahawak ang kamay sa kanyang ulo. Buti na lang di pa rin ito nakakalabas ng pinto.

Mabilis itong sumaklolo at inalalayan siyang makaupo sa sofa malapit sa may pinto.

"I'll get pain reliever." anang kaibigan nang makaupo na siya at nagmamadaling nagpunta sa kusina para kumuha ng gamot sa ibabaw ng ref.

Bumukas ang pinto ng opisina.

Napatayo agad si Dixal. Iisang tao lang ang pwedeng maglabas-pasok sa opsinang yun liban sa kanya.

"Dixal!"

"Oh my God, Amor!" nagsabay pa silang nagsalita nang magtama ang kanilang mga mata.

HUMIHIKBI si Flora Amor na tumakbo sa kinaruruunan ng asawa at agad yumakap rito.

"Thank God walang nangyaring masama sayo." pinakawalan nito ang maluwang na paghinga.

"Muntik na kung hindi ko narinig ang boses mo." napaiyak na siya at isinubsob ang mukha sa balikat ng asawa.

"Anong nangyari?" nag-aalala nitong usisa.

Ilang beses nitong hinagod ang kanyang likod bago sila naupo sa sofa.

Naratnan sila ni Lemuel na magkayakap.

Sandali itong tumalikod ngunit kalauna'y humarap din at ibinigay sa kaibigan ang pain reliever saka isang basong tubig.

"Inumin mo muna tong gamot bago kayo magharutan jan." nakataas ang kilay na sabad nito.

Inabot naman yun ng lalaki at agad na uminom ng gamot sinabayan ng tubig.

"Sumasakit ba ang ulo mo?" nag-aalala niyang tanong.

"Pano'y nag-alala sayo." si Lemuel na ang sumagot sa kanya.

Sumulyap siya sa lalaki bago bumaling na uli sa katabi.

"Ano bang nangyari? Ang sabi ni Mama pupunta ka raw sa Novaliches." usisa nito sa halip na siya ang mag-usisa.

Bumuntunghininga muna siya bago nagsalita.

"Paakyat na sana ako sa footbridge nang makita ko si Papa. Alam ko siya yun. Gusto ko siyang habulin pero sumakit bigla ang puson ko kaya nawala siya sa paningin ko. Pero napansin kong may sumusunod na sakin pagkatapos nun. Tsaka narinig ko ang boses mo na pinatatakbo mo ako. Mabuti na lang may pasalubong saking isang grupo ng mga estudyante, sumama ako sa kanila as if kilala ko sila saka ko sinabi sa kanilang may sumusunod sakin. Kaya di nila ako iniwan hanggat di dumarating yung tinawag kong driver mo. Yun nga, nagpahatid ako rito." kwento niya.

Hinawakan ng asawa ang dalawa niyang kamay saka tumitig sa kanya.

"Hindi na kita hahayaang umalis nang mag-isa, Amor." anito.

Napayuko siya sabay hikbi.

"Gusto ko lang namang malaman kung anong totoong nangyari bakit pinatay ni Director Diaz ang Papa ko." Gusto kong malaman ang totoo, Dixal nang matapos na ang mga bagay na gumugulo sa utak ko." sagot niya rito, hindi napigilan ang pagpatak ng mga luha.

"Hindi man lang namin nakita ang bangkay niya nung nakaburol siya. Ni di man lang namin siya naihatid sa libingan. Masakit yun sakin, Dixal." napahagulhol na siya.

"Sssshhhhh! Tama na. Di makakabuti sa ipinagbubuntis mo kung lagi kang iiyak at magdadalamhati. Baka malaglag ang anak natin." saway nito sa kanya.

Natigilan siya. Pano nitong nalamang buntis siya? Sinabi ng Mama niya kanina?

Kumawala siya sa pagkakayap rito at nagpahid ng luha sa mga mata.

"Sinong maysabing sayong buntis ako?" maang niyang tanong.

"Kailangan pa bang may magsabi sakin para malaman ko?" nngingiti nitong wika.

Napaawang ang labi ni Lemuel ngunit di makahirit magsalita.

"Amor, panahon na seguro para humarap tayong dalawa sa matanda nang tumigil na siya sa pagharang satin at pagbabalak sayo ng masama." Pinisil ni Dixal nang marahan ang hawak pa rin nitong mga kamay niya.

Sandali niya itong tinitigan, saka nag-isip.

Seguro nga ito na ang tamang panahon para humarap siya sa matandang yun.

"Ahem! Baka naman! Baka naman gawin niyo kaming ninang ni Beth pag lumabas na yung bata." napaubo si Lemuel nang malakas kasabay ang mga salitang yun.

Natatawang bumaling ang kaibigan sa lalaking di magawang makaupo, nanatili lang nakatayo sa harap ni Dixal.

"Don't worry Dude, kayo ni Beth ang pinakauna sa listahan ng mga ninong at ninang." Matamis ang ngiting pinakawalan ni Dixal.

"Ano ba nagpagaling sayo? Yung gamot o si Madam?" usisa ng lalaki pagkuwan.

Muntik na naman itong mahampas ng lalaki kung ito hindi natatawang umilag.

"Dixal, kailangan ko na yatang magpacheck-up. Madalas sumakit ang puson ko. Baka nga buntis ako. Huminto kasi ang regla ko. Baka delikado ang bata sa sinapupunan ko." suhestyon niya sa asawa.

"Sige, magpunta agad tayo sa ospital. Pagkatapos bisitahin natin yung matanda sa kulungan." anito.