Chereads / FLOWER OF LOVE / Chapter 120 - THE MEMORABLE PICNIC

Chapter 120 - THE MEMORABLE PICNIC

Ang lalim ng buntunghininga ni Dixal nang makita niya ang asawang panay ang iyak habang nakadapa sa kama at nakasubsob sa unan.

Ngayon niya naaalalang paggising niya noon mula nang mahimatay sa ginawa ni Veron ay nakausap niya agad ang matandang yun at sinabi nitong ang alam ni Amor ay peke ang kanilang kasal. Kaya seguro ito galit na galit sa kanya.

Pero ang sinasabi nitong pinagpustahan nila ito ng mga kaibigan niya, wala talaga siyang maintindihan. Yun ba ang dahilan kung bakit ito umalis?

Saka lang biglang sumagi sa isip niyang hindi pala alam ni Amor noon na may kakambal siya.

Nagkunwari ba si Dix na siya at sinabing pinagpustahan nila si Amor?

Mga kaibigan niya? Si Lemuel lang ang kanyang kaibigan. Pero si Dix, alam niyang marami itong mga kaibigan.

Gusto niyang makaseguro kaya't tinawagan niya ang kapatid.

"Totoo bang pinagpustahan niyo si Amor?" deretsahan niyang tanong rito habang nakasandal sa pinto ng kwarto.

Natahimik sandali ang binata pagkuwa'y napabuntunghininga.

"Alam mo na pala. Pero matagal ko nang pinagsisihan yun Dixal. Alam mong takot ako kay lolo kaya ipinarinig ko yun kay Flor nung mismong birthday natin. Patawarin mo ako Dixal." malungkot na pag-amin nito.

"Damn!" nasambit lang niya saka pinatay ang tawag at ibinalik sa bulsa ang mobile.

So, totoo ngang napagkamalan ni Amor si Dix na siya. Kasalanan pala talaga niya ang lahat. Madami siyang inilihim sa asawa noon. Hindi siya naging tapat dito mula pa sa simula.

Hihingi siya ng tawad kay Amor. Hindi pwedeng hindi sila magkaayos ngayon.

Subalit bago pa niya maihakbang ang mga paa palapit sa asawa ay nag-vibrate ang nakasilent niyang phone.

Sinagot niya ang tawag.

"Hello, Dixal anak. Kagagaling ko lang sa ospital. Bakit mo di sinabing nakalabas ka na pala? Asan si Flor? Naku ang batang yun, di naman sinabi saking may nararamdaman pala siya. Kanina ko pa lang napagtantong baka buntis yang asawa mo. Andami kasing pinabili saking mangga tsaka para siyang namunutla kanina, parang hilung-hilo, di lang seguro makapagsalita sakin kasi nahihiya."

"What?" Bulalas niya saka agad na tumitig sa nakadapang babae.

Buntis si Amor? Buntis ang asawa niya? Kaya pala ang takaw nitong kumain ngayon at kung anu-anong hinihiling sa kanyang bilhin, buntis pala ito?

Napahalakhak siya bigla.

"Oy, oy Dixal. Nahirapang magbantay sayo sa ospital yang asawa mo. Kung talagang magaling ka na ngayon, wag mong bibigyan ng sama ng loob yang asawa mo baka malaglag yang dinadala niyan. Tandaan mo, bawal siyang magalit. Ikaw na lang ang umunawa sa kanya. Sundin mo kung anong gusto niya nang di malaglag ang magiging apo ko." payo ng ina bago nagpaalam na matutulog muna.

Ang saya-saya niya. Walang pagsidlan ang kanyang tuwa ngayong nalaman niyang buntis pala ang kanyang asawa.

Pero nag-alangan siyang lapitan ito baka magalit lalo sa kanya.

Anong gagawin niya para mawala na ang galit nito?

Ngayon lang tila naging bahag ang kanyang buntot sa babae lang na to, sa kanyang asawa lang. Matapang siya sa kahit sinong tao, Kay Amor lang siya takot.

Bahala na. Kailangang gumawa siya ng paraan para magkaayos sila.

Dahan-dahan siyang lumapit sa asawa.

"Amor..." bulong niya.

Bigla itong nag-angat ng mukha.

"Stop right there!" pigil nito sa gagawin niya.

Ang lakas talaga ng pandinig nito. Ngayon siya naniniwala kay Devon na naririnig ng mag-ina ang bulong niya kahit ganu pa yun kahina.

"Amor, sorry na. Alam kong kasalanan ko ang lahat. Patawarin mo ako." pagpapakumbaba niya.

"Sorry? Kanina, ayaw mong umamin kay Mama. Tapos ngayon, nagsosorry ka na?" pang-uuyam nito.

"Amor, ano bang gagawin ko para mapatawad mo ako? Hindi ko na matandaan ang mga kasalanan ko sayo pero heto ako ngayon, begging for your forgiveness." sadya niyang pinapiyok ang boses at kunwa'y parang batang humikbi. Kahit anong paraan gagawin niya, wag lang itong magalit na sa kanya.

"Lumuhod ka sa labas ng dalawang linggo! Saka lang kita patatawarin!" sigaw uli nito.

"Okay, i'll do it." anya agad na bumalik sa pinto at kinatok sa labas ang byenan.

"Ma, nagkaayos na po kami." hiyaw niya nang marinig siya nito mula sa labas.

Nagmamadali naman nitong binuksan ang pinto at nag-usisa agad nang lumabas siya.

"O ano, okey na kayo?"

"Opo. Luluhod na po ako sa labas para mapatawad niya po ako." sagot niya.

"Aba't hinampak na batang yun, ba't ka pa paluluhurin sa labas kung nagkaayos na kayo?" taka nitong tanong.

Hindi na siya sumagot. Agad siyang lumabas ng bahay at lumuhod sa tapat ng pinto.

Agad siya nitong pinatayo pero hindi siya tuminag sa pagkakaluhod.

Tama namang kadarating lang ni Hanna galing sa school. Nagulat ito pagkakita sa bayaw na nakaluhod sa tapat ng pinto.

"Hoy kuya, tapos na yung all saints day at all souls day. Next year pa ang Panata sa Semana Santa . Ba't ka nakaluhod jan?" takang usisa ng hipag.

Pero hindi siya sumagot. Kahit ano pang marinig niya, wala siyang pakialam. Ang mahalaga lumambot ang puso ni Amor sa kanya.

"Ma! Ma!" tawag agad ng dalaga sa ina nang makapasok na sa loob ng bahay.

"Ma! Anong ginagawa ni Kuya sa labas? Ba't nakaluhod yun? Kelan pala siya nakalabas? Di ba kahapon lang nasa ospital pa sila ni Ate?" sobra rin ang pagtataka nito.

Gigil na dinuro ng ina ang anak sa loob ng kwarto.

"Yang pasaway mong Ate. Sukat bang paluhurin ang asawa niya sa labas. Kuuuu! Pag may nangyari sa manugang ko na yan! Talagang malilintikan sakin yang Ate mo!" sinadya pa nitong isigaw ang huling pangungusap na sinabi nang marinig ni Flora Amor sa loob.

Kahit ang mga kapatid ng babae na nagsiuwi galing sa paaralan ay nagpakanganga sa pagtataka bakit nakaluhod sa labas ang Daddy ni Devon.

Tama namang kadarating lang din ng bata galing school kasama ang nagsundo ditong si Harold.

Hindi kumibo ang binata sa nakita, sa halip ay dumiretso ito sa loob ng bahay ngunit pagkapasok sa loob ay tinawag agad ang inang kausap ni Hanna.

"Ma, bakit nakaluhod si Dixal sa labas? Di ba't kahapon lang ay nasa coma yan?" nagtataka rin nitong usisa sa inang paulit-ulit na lang ang isinasagot sa mga anak.

"Hoy Harold! Kausapin mo nga yang kapatid mo. Ako ang nenenerbyos sa pwedeng mangyari jan kay Dixal. Baka patayin tayo ng mga kamag-anak niyan pag nalamang hinayaan nating lumuhod sa labas ang manugang ko. Nakupo! Nakupo! May opera pa naman yan sa ulo. Diyos ko po!" tuliro na ring utos ng ina sa binata.

Ngunit kahit na anong katok ni Harold sa kapatid, nasa kasarapan na ng tulog si Flora Amor. Napagod sa kaiiyak.

Sa labas ng bahay agad na yumakap ang bata sa ama.

"Daddy, bakit po kayo nakaluhod?" inosenteng tanong ng bata.

Kinabig niya ang ulo ng anak at bumulong sa tenga nito.

"Magkakaruon ka na ng kapatid,anak. Naglilihi si Mommy at si Daddy ang pinaglilihian kaya ako nakaluhod. Yun kasi ang gusto ni Mommy." paliwanag nito sa batang biglang humagikhik.

"Yehey!" hiyaw nito saka tumakbo sa loob ng bahay.

Dumiretso sa kwarto ng lola at kumuha ng dalawang doormat sa kabinet saka muling tumakbo palabas ng bahay.

Ibinigay nito sa ama ang isang doormat na tinanggap naman niya. at ang isa'y itinabi nito sa kanya saka muling pumasok sa loob ng bahay.

"Mama! Tawag nito sa lolang nasa kusina na dahil alam nitong kakain agad ang apo pagkadating sa school.

"Mama, damihan niyo po ang ulam namin ni Daddy ha para di siya mapagod sa pagluhod." utos nito sa ginang na napaharap agad sa apo.

Pagkuwa'y napahagikhik ito.

"Ang talino talaga ng baby ko. Manang-mana ka talaga sakin. Hahaha!" natatawa nitong sambit.

Wala naman palang sinabi si Amor na bawal kumain si Dixal. Pinaluluhod lang nito ang asawa sa labas.

Natatawa ang ginang habang naghahanda ng pagkain para sa mag-ama.

"Pinaglilihian po kasi ni Mommy si Daddy kaya po sasamahan ko na po si Daddy sa labas." pagbabalita ng bata.

Nagulat si Aling Nancy sa kaswal lang na sinabi ng bata pagkuwa'y napahalakhak ito nang malakas.

"Hinampak na batang yun, grabeng maglihi."

Tawa ito nang tawa habang pinaiinit ang mga ulam na ihahain para sa pangkalahatan na.

Tumakbo na uli sa labas ang bata.

Si Aling Nancy naman ay inusisa muna ang anak sa kwarto nito, at nang makitang nakatihaya na ang babae habang mahimbing na natutulog ay saka nito muling isinara at inilock ang pinto ng kwarto saka naghanap ng tatlong maliliit na mesa at binitbit palabas ng bahay sa harap ni Dixal.

"Ma?" kunut-noong sambit niya.

Tinapik siya nito sa balikat sabay tawa.

"Wag kang mag-alala. Ang sabi ni Flor, lumuhod ka, hindi niya sinabing bawal kang kumain. Wala rin siyang sinabing bawal kaming makipag-usap sayo. Kaya para mas masaya, dito na tayo magsikain para maging memorable ang araw na to." natatawang sagot nito.

Napapangiti na lang siyang sumang-ayon.

Kaya ang nangyari, napaaga ang kain nila ng hapunan at lahat sila nagpakaluhod habang sinasaluhan si Dixal sa pagkain.

"Bakit di mo naman kasi agad sinabi na naglilihi pala si Flor nang nagawan na natin ng paraan kanina?" tila paninisi ng ginang sa kanya habang nagpakaluhod sila sa nakalatag na malapad na picnic mattress na para lang silang nagpipicnic at masayang nagsisikain.

Napangiti lang siya bilang sagot at sinulyapan ang anak na nakaluhod din sa tabi niya.

"Alam mo kuya, Liyon yan si Ate pag nagbubuntis. Si Maureen nga pinaglihian niyan, pinakain nang pinakain ng daing na bangus. Lumubo tuloy si Maureen noon." natatawang kwento ni Hanna sa bayaw.

Siniko ni Maureen ang dalaga.

"Sa dami natin dito, ako pa ang napagtripan mong itsismis." angal nito.

Humagikhik ang ate.

"Totoo naman eh." ani Hanna.

"Kuuuu, sanayin mo na ang sarili mo mula ngayon, Dixal. Talagang kakaiba maglihi yang asawa mo. Kung hindi ka susunod eh talagang panggigigilan ka sa galit." payo ng byenan.

Tinapik naman ni Harold ang kanyang balikat na noo'y katabi ni Devon.

"Okay ka lang bayaw?" tanong nito.

Tipid siyang ngumiti.

"Okay lang bayaw, salamat." anya.

Natutuwa siya sa pamilya ng asawa. Kung tutuusin ay nakakahiya ang pinagawa sa kanya ni Amor. Pero dahil masayahin ang pamilya nito, picnic ang kinalabasan ng pagpapaluhod ng asawa sa kanya sa labas ng bahay nito.