"Flor, patawarin mo ako. Hinayaan kong mapahamak ka para lang mahuli ko ang mastermind sa nangyari sa'yo."
"Amor, when are you going to wake up? Promise, paggising mo tatawagin na kitang mommy. Basta gumising ka lang po."
"Flor, anak. Gumising ka na. Wala na akong sinisinghalan araw-araw kasi wala nang nangungulit sa'kin. Wala nang nanenermon sakin kasi ini-spoil ko si Devon. Anak gumising ka na please. Kahapon ka pa nakahiga d'yan, 'di ko na alam kung ano'ng isasagot ko kay Devon sa kakatanong niya kung bakit 'di ka pa nagigising."
Iyon ang iba't ibang boses na pilit na humihila sa kanya mula sa malawak at madilim na silid na kanyang kinalalagyan. Subalit kahit ano'ng libot niya ng tingin sa buong paligid, wala siyang makita kundi madalim na kapaligiran. Tila siya nakulong sa silid na 'yon. Gusto na niyang makalabas, gusto na niyang makalaya, gusto niyang makita ang mukha ng lalaking sumira sa kanilang sumpaan at pinaglaruan siya.
Ngunit nang wala siya maisip na paraan para makaalis doon ay napahagulhol na lang siya bigla.
Bakit? Bakit ginawa 'yon ni Dixal? Bakit siya nito niloko gayong minahal naman niya ito nang totoo, ipinagkatiwala niya rito ang lahat-lahat sa kanya?
Subalit nang maalala niya kung paano siya nito iniligtas mula sa gustong bumangga sa kanya, bigla siyang huminto sa pag-iyak. Ano nang nangyari sa kanyang asawa? Bakit hindi niya marinig ang boses nito hanggang ngayon? Nakita niya kung paanong dumaloy ang dugo mula sa ulo nito. Patay na ba si Dixal? Patay na ba silang dalawa? Bakit andito siya sa lugar na 'to? Bakit hindi sila magkasama ni Dixal kung parehas na silang patay?
Hindi maari 'yon! Kailangan niyang makawala sa lugar na kinalalagyan. Kailangan niyang makausap si Dixal at isumbat rito ang mga kasalanan nito sa kanya.
"Dixal! Dixal! Asan ka? Asan ka? Dixal!!!" Buong lakas siyang sumigaw upang marinig iyon ng lalaki at magpakita sa kanya.
BAHAGYANG MGA PISIL SA PALAD NG ISANG MUMUNTING MGA KAMAY ANG TULUYANG NAGPAGISING SA KANYANG NATUTULOG NA KAMALAYAN.
Naramdaman niya agad ang pamamanhid ng buong katawan at kunting pananakit ng ulo.
"Dapat kayong magpasalamat sa Diyos Misis dahil sa totoo lang, ngayon lang ako nakakita ng pasyenteng mula sa pagkakabangga ay wala man lang pinsalang natamo sa katawan maliban sa gasgas ng kaliwang siko," bahagya niya lang narinig ang mahinang wika ng isang lalaki na kung tama ang kanyang hula ay ang kanyang ina ang kausap nito.
Dahan-dahan niyang idinilat ang kanyang mga mata, ang unang nasilayan ay ang batang nakaupo sa gilid ng kama at malungkot ang mukhang nakatitig sa kanan niyang kamay na paulit-ulit nitong pinipisil.
Tinitigan niya ito. Ang batang ito ang naging bunga ng pagmamahal niya kay Dixal, ang bunga ng panloloko ng lalaki sa kanya.
Gumanti siya ng pisil na ikinagulat nito ngunit agad siyang niyakap nang matiyak nitong gising na siya.
"Mommy, gising ka na po," anitong sinabayan ng bungisngis ang sinabi.
Napangiti siya sa tinawag nito sa kanya. Akala niya'y 'di niya maririnig ang salitang mommy sa mismong bibig ng kanyang anak. Pero heto ngayon, walang anuman siya nitong tinawag na tila ba sanay na ito sa gano'ng pagtawag sa kanya.
Dahan-dahan niyang itinaas ang isang kamay at inihimas sa buhok nito.
"My handsome baby boy," sambit niya.
"Flor! Flor, salamat sa Diyos at gising ka na," mangiyak-ngiyak na wika ng ina habang nagmamadaling lumapit sa kanya at umupo rin sa gilid ng kama sa tapat ni Devon, pagkuwa'y hinawakan ang kanyang kamay na nakahawak sa ulo ng bata.
"Tinakot mo kaming lahat. Mabuti na lang sabi ng doktor wala raw napinsala sa'yo," anito saka bumaling sa doktor na noon ay lumapit na rin sa pasyente.
"Good morning Miss Salvador. Ano ho bang pakiramdam mo ngayon?" usisa agad ng doktor.
"Namamanhid po ang katawan ko at medyo masakit ang ulo ko," mahina niyang sagot.
"Normal lang 'yan. Dahil 'yan sa mga gamot na ini-inject sa'yo," anito saka kinuha ang kanyang BP at temperature, nang masegurong okay lang siya'y saka ito lumabas ng kwarto.
"Ma, gusto ko nang umuwi," baling niya sa ina.
Alanganing tumango ang kausap.
"Kailangan muna nating magpaalam sa doktor, anak," anito't napadako ang tingin sa saradong pinto.
"Mommy, hindi ba natin pupuntahan si daddy?"usisa ng bata nang ilayo ang katawan sa kanya at umayos ng upo.
Agad nagsalubong ang kanyang mga kilay.
'Don't call him daddy. Manloloko siya anak. Niloko niya si mommy. Ginawa nilang pustahan si mommy at pinaniwalang kasal kami. Pero peke ang kasal, 'yon ang sabi ng matanda sakin!' Gusto niyang ibulalas ang mga katagang 'yon sa anak ngunit nagpigil siya.
Bata pa si Devon, hindi pa nito mauunawaan ang bagay na 'yon. At kahit ipaunawa niya dito, hindi pa rin ito maniniwala sa sasabihin niya.
Kaya minabuti niyang 'wag na lang magsalita at muling bumaling sa ina.
"Ma, okay na ako. Pakisabi sa doktor gusto ko nang umuwi. Nakakasuka ang amoy ng ospital," mahina niyang sambit.
Pero bago pa ito magsalita'y bigla nang bumukas ang pinto ng silid, at iniluwa ang mag-asawang Anton at Mariel.
"Tita Nancy, andito po uli kami. Nagdala na kaming pananghalian para makakain tayo," wika ni Mariel ngunit nang makitang gising na siya'y bigla itong umiyak at nagmamadaling lumapit sa kanya sabay yapos sa kanyang katawan.
"Beshie. Tinakot mo kami ni Anton. Akala namin 'di ka namin makikitang buhay kasi sabi sa TV, binangga kayo ni Dixal at nag-aagaw buhay daw kayong dalawa," saad nito sa pagitan ng pag-iyak.
Mahina siyang napahagikhik.
"OA ka naman Beshie," sagot niya, panakaw na sinulyapan si Anton na tahimik lang na nakatayo sa gilid ng bed bitbit ang mga pinamili nito at nakatingin sa kanya.
Ayaw niyang makita ang mukha ng asawa ni Mariel lalo na't biglang sumagi sa isip niya ang ginawa ng ama nito sa kanyang papa. Subalit muli siyang nagtimpi ng galit.
Kagigising niya lang mula sa trahedyang nangyari sa kanya. Dapat siyang magpasalamat sa Diyos na heto't buhay pa rin siya sa kabila ng nangyari.
"Loka, umiiyak na nga 'yong tao, tinatawanan mo pa," pairap na sambit ni Mariel ngunit humigpit ang yakap sa kanya.
"Natakot talaga ako, akala ko 'di na tayo makakapagbiruan nang gan'to," anito't 'di pa rin tumitigil sa paghikbi saka tinawag si Anton na lumapit sa kanya.
"F--lor," anang lalaking atubiling lumapit sa kanya para sana kumustahin siya ngunit inilayo niya ang mukha rito at bumaling sa anak.
"Anak, si Tita Mariel at-Tito Anton, mga kaibigan ko sila. Magbless ka sa kanila," pakilala niya sabay utos sa bata.
Nagpatianod naman ang anak at magbless nga sa dalawa.
"Naku, Beshie kahapon pa panay bless itong anak mo nang makita kami. Kahapon pa siya andito mula nang dalhin ka sa ospital," kwento ni Mariel.
"Magsikain muna kaya tayo," biglang sabad ng kanyang ina saka ito tumayo at kinuha mula kay Anton ang bitbit na pagkain.
Kalalapag lang ng ginang ng supot sa ibabaw ng maliit na kabinet sa tabi ng bed nang bigla uling bumukas ang pinto ng silid, iniluwa ruon ang isang lalaki.
Napatingin agad ang tatlo sa pumasok maliban sa kanyang sa anak nakatitig habang ito'y nakangiti rin sa kanya. Ang kanyang anak, kahit saang anggulo niya tignan ay kamukhang kamukha talaga ni Dixal.
"Dixal? Pa'no kang nakapunta rito? Di ba't na-coma ka raw pagkatapos ng operasyon sa'yo kagabi?" bulalas ng kanyang ina habang nakaharap sa pumasok.
Bigla ang pagpintig nang malakas ng kanyang
dibdib kasabay ng pagpitik bigla ng kung ano'ng bagay sa kanyang puson.
Dumukwang siya upang makita ang sinasabing Dixal ng ina, nagtama ang mga mata nila ni Dix.
"F--Flor..." usal ng lalaki.
Nang mga sandling 'yon, nakalimutan niya agad na galit pala siya kay Dixal, na kinamumuhian pala niya ang lalaking iyon.
"Asan siya?" tanong niya sa binata ngunit hindi ito sumagot.
"Asan siya?!" sigaw na niya.
"Nasa ICU," mahina nitong sagot saka yumuko.
Pigil ang iyak na tinanggal niya ang maliit na tubong nakakabit sa kanyang kamay at inipon ang lahat ng lakas para lang makabangon agad.
Si Devon nama'y awang ang mga labing napatitig kay Dix ngunit nakapagtatakang hindi man lang ito tuminag sa kinauupuan pagkakita sa binata. Kung paano nitong nasegurong hindi iyon ang ama nito, tanging ito lang ang nakakaalam.
"Aba anak 'wag ka munang tatayo, hindi ka pa gaanong magaling, baka kung mapa'no ka," nag-aalalang pigil ng ina sa kanya.
Si Anton ang agad umalalay sa kanya upang tuluyan siyang makatayo ngunit tinapik niya ang kamay nito.
Si Mariel nama'y pagkakita sa ginawa niya'y agad din siyang hinawakan at nang hawakan niya ang braso nito'y dahan dahan siyang inalalayang makababa sa bed habang ang anak nama'y napakapit agad sa kanyang mahabang damit.
"Beshie, dalhin mo ako sa ICU," pakiusap niya sa kaibigan.
"No, Flor! Take care of yourself first," pigil ni Dix na noo'y humarang agad sa kanyang daraanan.
Biglang dumapo ang namamanhid niyang palad sa pisngi nito.
"You still have that face to stop me from seeing him? Sa lahat ng ginawa mo samin, may gana ka pang magpakita sa'kin ngayon?!" sigaw niya rito.
Napayuko ito na 'di man lang hinimas ang nasaktang pisngi.
"I'm sorry Flor. Alam kong malaki ang kasalanan ko sa inyong----" anito.
"Get out! Get out!" muli niyang sigaw at galit na itinuro ang pintuan ng silid .
Malungkot na nag-angat ng mukha ang binata.
"Flor, pinagsisisihan ko na ang lahat ng nagawa ko sa inyo ni Dixal. Pero nasa ICU si mama at ang alam niya'y ikaw----" pilit nitong paliwanag.
"I said get out! Get out!" naghehestirya na siya sa galit, nag-alala na rin ang mga naruon lalo si Anton kaya inakbayan na palabas ng silid ang binata.
"Anak sino 'yon? Hindi ba siya ang daddy ni Devon? Bakit magkamukha sila?" nalilitong tanong ng ina.
"Hindi," tipid niyang sagot, kumawala sa pagkakahawak ni Mariel saka naglakad at hinawakan ang kamay ng anak na nakakapit sa kanyang damit, sabay silang lumabas ng silid. Sumunod naman ang ina at ang kaibigan sa kanya.
"Okay na po ako, Ma. Kami na lang ni Devon ang pupuntang ICU. Mariel, pakisamahan si mama sa reception counter para asikasuhin ang paglabas ko ng ospital," baling niya sa dalawa nang makitang nakasunod ang mga ito.
"Flor, baka kung mapano ka. Kagigising mo lang," nag-aalala pa ring sagot ng ina.
Pilit ang ngiting kumawala sa mga labi niya.
"Okay na ako, Ma. Sige na, asikasuhin mo na ang paglabas ko rito," giit niya.
Napabuntung-hininga na lang ang ina nang mapansing ayaw talaga niyang magpasama.
"Basta Beshie, mag-iingat ka ha?"paalala ng kaibigan at inakbayan na ang mama niya patalikod sa kanila, hinayaan silang mag-inang makalayo sa lugar na iyon.