Nakaawang ang bibig ng ina sa pagtataka nang sa paglabas ni Flora Amor sa banyo ay hindi pa rin niya tinatanggal ang ngiti sa mga labi.
"Aba, himala! 'Di ko narinig 'yang bunganga mo ngayong umagang nagdadakdak," puna nito.
Lumapit siya sa ina saka tinapik ang braso nito.
"Ma, aminin niyo nang nagmana lang talaga ako sa inyo. No'ng nasa edad nga ako ni Hanna, laging walwal ang dila niyo kakasigaw sa'kin eh. Pero 'pag nagigising akong maaga, 'di ba tahimik kayo?" paliwanag niya.
Blangko ang mukhang napatango ang ina.
"O, ngayon?" anito.
"Nakita mo ba si Hanna sa labas ng banyo pagkatapos ko maligo?" tanong niya.
Umiling ito.
Pumilantik siya.
"Kitams? Sa bruha lang namang 'yon ako maingay eh. Pero ngayong naligo siyang maaga, tahimik ang bahay natin," nakangiti niyang paliwanag sa inang sinabayan ng chin-up ang huling sinabi.
"Pa'nong 'di ako maliligong maaga eh binuhusan mo ng tubig ang mukha ko habang natutulog. Alas singko nang madaling araw nanggigising ka na!" Reklamo ng kapatid habang padabog na bumababa ng hagdanan, nakabihis na't aalis na lang.
"Hoy, second sem na ngayong bruhilda ka! Bawal nang ma-late sa klase at baka bumagsak ka!" nakapameywang niyang hiyaw sa kapatid, mangani-nganing ihampas niya rito ang tuwalyang nakabalot sa kanyang buhok.
Ingos lang ang sinagot ng huli.
"Ma, baon ko," nakasimangot na baling nito sa ina.
"Wala akong pera, d'yan ka sa ate mo humingi't bagong sahod 'yan."
"Ma, kukunin ko pa lang ang sahod ko ngayong araw," angal niya.
"Ano'ng gagawin mo sakin eh wala akong pera?" anang ina.
Napairap siya.
"Magkano ba baon mo?" salubong ang kilay na baling niya sa kapatid.
"200." Biglang umamo ang mukha nito.
"200?!" bulalas niya. "Samantalang no'ng nag-aaral ako, trenta lang baon ko. Aba, sobra ka nang babae ka ha?"
"Ate naman, 'yon talaga ang baon ko. Alangang maglakad ako papuntang school, kababae kong tao, papaglakarin mo ako?" pangungunsensya nito.
"O siya, siya. 200 na kung 200. Basta't ayusin mo lang ang pag-aaral mo." Nakaramdam siya ng awa sa sinabi ng kapatid kaya't siya na rin ang sumuko. Mas maganda nga namang may extra money ito palagi dahil babae ito't dalaga na. Hindi nga naman maganda kung mag-isa itong maglalakad sa daan 'pag naubusan ng baon lalo 'pag gabi na.
Tumalikod siya rito't pumasok sa kanyang kwarto saka dinampot ang bag sa ibabaw ng tokador katabi ng kanyang work table kung saan nakaupo sa harapan niyon si Devon at kinakalikot na naman ang nakapatong doong lappy.
Ang kapatid nama'y tahimik na sumunod sa kanya.
"O ayan ang baon mo, 200 'yan ha."
Napangiti ang kapatid nang iabot niya ang pera.
"Tsaka 'yan palang mga damit kong maiikli, ibibigay ko na sa'yo. Bumili na akong mga bagong pambahay kahapon. Sa'yo na lahat ng 'yan," aniya rito't itinuro ang bag sa tabi ng kanyang kabinet.
Umawang ang bibig nito sa pagkagulat.
"Sure ka ate? Ano'ng nakain mo't 'di mo lang ipinahihiram ang mga damit mo, ipinambibigay mo pa?" di makapaniwalang tanong nito.
Nagsalubong agad ang kanyang mga kilay sa narinig ngunit nang mapansing naiinis na siya'y ngumisi ito't agad na hinatak ang malaking bag sa tabi ng kabinet, bago makalabas ng kwarto'y humarap uli ito sa kanya.
"May party kami sa school next week ate. Pahiram ng bodycon dress mo, 'yong kulay peach," hirit nito.
"O sige, ibibigay ko na rin 'yon sa'yo. Kunin mo na lang 'pag ginamit mo na," pakaswal niyang sagot.
'Di agad ito nakapagsalita, nakangangang napatitig sa kanya, nagugulat sa mga sinasabi niya. Nang walang marinig na sagot mula rito'y napasulyap siya sa kapatid.
"O bakit para kang tinuka ng ahas d'yan?" usisa niya.
"'Di ba ayaw mo 'yong ipahiram dati kasi 500 ang bili mo no'n sa mall?"
"O bakit, ano naman kung 500 eh sa 'di ko naman na gagamitin 'yon?"
Lalong napamulagat ang kapatid.
"Segurado ka?" 'di pa rin ito makapaniwala.
Tumango siya.
"Tsaka 'yong mga maiikling bodycon d'yan at mini-dress, pagkukunin mo na rin. 'Di ko na rin gagamitin mga 'yon. Bagay lahat 'yon sa'yo," dugtong niya saka lumapit sa anak at yumukod rito.
Ang kapatid nama'y tumalima agad nang masegurong hindi nga siya nagbibiro. Halos tuloy lahat ng mga damit niya'y bitbit nito palabas ng kanyang kwarto, natatakot marahil na baka mag-iba ang ihip ng hangin at magbago ang desisyon niya.
"Bata, asan na 'yong mga cosmetics ko? Ilabas mo na anak nang makapag-ayos na si Amor. Baka magalit si Dixal sa'kin 'pag na-late ako ng pasok," lambing niya sa bata.
Tumingala muna ito sa kanya.
"Kay daddy ka lang magpapaganda?" paniniyak nito.
"Syempre, kanino pa ba? Kay daddy lang naman ako nagpapaganda ah," sagot niya.
"Amor, kay daddy ka lang magpaganda ha?"
Tumango siya sabay ngiti.
Mabilis itong tumayo't patakbong lumabas ng kwarto. Napapailing na lang siya habang habol ito ng tingin pagkuwa'y napasulyap sa lappy. Sabi na nga ba niya't sa labas nito inilagay ang kanyang mga cosmetics.
Subalit gulat siyang napatitig sa screen ng lappy.
Hindi naglalaro ang anak niya!? Gumagawa ito ng plano ng bahay sa AutoCAD?! Oh My! Alam niyang matalino ang anak niya, oo. Pero nakakagulat pa rin ang ginagawa nito ngayon. Pa'no nito naidownload 'yong AutoCAD sa lappy niya?
Ini-scroll niya ang mouse. Halos matatapos na nito ang ginagawa.
"Amor, ito na po 'yong cosmetics mo."
Nagulat pa siya nang makabalik ito agad sabay lingon rito.
Lumapit ito sa kanya't ibinigay ang bitbit na supot saka sinulyapan ang screen ng lappy.
"Anong ginagawa mo, bata?" usisa niya kahit alam na kung anong ginagawa nito.
"Tinutulungan ko po si Dixal gumawa ng maraming designs ng house para matalo na niya 'yong mga anay sa company natin," kaswal na sagot nito.
"Anay sa company natin?" pag-uulit niya sa sinabi nito.
"Opo. 'Di ba company ni Dixal ang pinagtatrabahuan mo? It's his company, it's also yours and it's also mine. Kaya dapat tulungan ko po siya."
"Oo nga--pero bata ka pa, Devon. Let your dad handle his company. Hindi mo pa dapat iniisip ang gano'ng bagay," paliwanag niya rito.
Hindi talaga siya makapaniwalang napaka-advance ng utak nito na pati paggamit ng AutoCAD ay alam na nito. Pati ang problema ni Dixal, concern ang bata.
Hinawakan siya nito sa kamay.
"Amor, busy si daddy kahapon pa kaya wala siyang time sa'tin. 'Pag tinulungan ko siya, magkakaroon na siya ng time sa'tin. 'Pag nawala na ang anay sa company niya, wala na siyang problema, pwede na tayong lumipat sa kanya, tapos hindi ka na magtatrabaho, aalagaan mo na lang ako kasi marami naman na tayong pera," mahaba nitong paliwanag.
Kinabig niya ang anak sa sobrang awa rito. Ngayon niya lang nauunawaan kung anong gusto nitong mangyari, ang magkaroon sila ng time ni Dixal para dito.
"Sige, 'pag naayos na ni Dixal ang problema niya sa company natin, hindi na magtatrabaho si Amor. Aalagaan na lang niya si Devon. Pero bata pa kasi si Devon, dapat naglalaro lang muna siya tulad ng ginagawa ng ibang bata."
Tila may bumabara sa lalamunan niya habang sinasabi ang mga bagay na yun sa anak.
"Talaga, Amor? Titigil ka na sa pagtatrabaho 'pag nawala na ang anay sa company ni Dixal?" paniniyak nito.
"Opo. Basta wala ka nang pagsasabihang marami ka nang nalalaman ha? Tsaka dapat nakiki-join ka sa paglalaro kasama ang mga tita mo," an'ya rito.
"Opo," sagot nito.
Ang higpit ng yakap niya sa anak. Ngayon, alam na niya kung ano'ng gagawin. Tama ang anak niya, dapat tinutulungan niya si Dixal sa problema ng kompanya nito. 'Yon din dapat ang concern niya.
Ito na nga seguro ang tamang oras para ipakita niya sa lahat kung anong kaya niyang gawin para kay Dixal at bilang PA nito.
Kakausapin niya si Dixal, magpapaturo siya mismo sa lalaki sa mga bagay na kailangan niyang malaman tungkol sa trabaho niya at sa kompanya.