HINDI lubos maisip ni Kira kung paano siya napunta sa sitwasyong ito; Ang isang kamay ay prote-protekta ang batang si Violet at ang isa nama'y hawak-hawak nang mahigpit ang espada niyang gawa sa yelo na pinalilibutan ang talim ng madikit at nakakasulasok na amoy ng kulay itim na dugo habang matalim niyang tinititigan ang anim na kalalakihang suot-suot ang mga balabal na itim na may marka ng konseho, sa paligid nila ay mga nalulusaw na bangkay ng mga diablo at sa likod ng mga ito ang imahe ng isang sunog at sirang bayang dating kilala bilang bayan ng hiwaga't mahika-Ang Astonia.
Ang layo sa una niyang layon na mangisda lamang sa ilog ng Zur.
Naalala niya pang kani-kanina lamang ay nagpaalam sila ni Violet kina Xerxes upang makahanap ng makakain dahil ang plano nila ay pagkatapos nilang kumain ay pupunta na silang Astonia upang hanapin ang mahikero. Ngunit sa gitna ng kanilang masayang pangingisda ni Violet ay nakarinig sila ng sigawan at amoy usok mula sa direksyon ng Astonia at sila'y nanlumo at galit ang namutawi sa puso nang makitang kasama ng mga diyablo ay anim na miyembro ng konseho na pumapatay ng mga taga-Astonia at ang dating magandang bayan ay naging impyerno.
Mahihina lang naman ang mga sumugod sa Astonia... Tunay ngang kung wala ang mahikero o kung tawagin na lang nating 'nahirang na emperador ng Astonia' ay magiging walang laban ang bayan dahil ang 'mahika at hiwaga' sa Astonia ay ang mismong emperador nito.
Hindi rin niya maintindihan kung bakit ginagawa ito ng konseho, 'di ba nga't ang mga diablo lamang ang naninira ng mga bayan? Ngunit bakit ito tinutulungan ng konseho? Tunay ngang tama ang sinabi ng nilalang ng Sepir... Hindi mapagkakatiwalaan ang konseho.
Ganoon na ba kasama ang konseho at nagagawa nitong umanib sa kabaluktutan? Ganoon ba ang epekto ng pagkaganid sa kapangyarihan?
Isa lang ang totoo... Kaaway ang konseho.
Tiningnan niya ang batang kasama niya na blanko lamang ang tingin sa mga lalaki. Tinapik niya ito at bumulong sa tainga nito. "Pagbilang ko ng qio, pert, etza tumakbo ka papunta doon sa likod ng puno ng roe. " Tinuro niya ang isang maliit na puno na ang taas ay limampu't limang pulgada na may payat na katawan at pabilog na putong. Ito ay merong kulay kayumanggi-pilak na upak na makinis at kulay lilang mabuhok na dahong umuusbong. Ang mga bulaklak naman nito'y kulay kremang puti na siksikang nagkukumpulan sa hulihan ng mga sanga, may mga bunga rin itong kulay pula gaya ng prutas na pome na maaring gawing kape at kahit na ang-alak.
Bakit nga ba siya nag-iisip ng alak sa panahong ito? Alak na ipambubuhos niya ata sa mga mata ng mga hangal na taga-konseho. Tama.
Ayaw niyang masaktan ang bata o madamay sa magaganap na laban, kanina nga'y malapit na makagat ng mga diyablo ang bata buti na nga lang ay sa huling minuto ay nasabi niya ang enkantasyon ng enuo; kung saan prinoprotektahan ito ang nais protektahan ng nag-enkantasyon at sa dalang liwanag nito ay sapat na ito upang bulagin at abuhin ang sino mang magtatangkang saktan ang prinoprotektahan nito. Hindi sumagot ang bata sa kaniyang itinuro ngunit nakarinig siya ng kalabog at tunog ng mga kinakasang sandata. Napatingin siya sa mga lalaki na ngayo'y ngumingisi. "At nagagawa mo pang makipag-usap? Minamaliit mo ba kami? Ngayong napatay mo ang mga diablo? Ngayong kilala ka sa buong kontinente? Kailangan mong mamatay bukod sa nakita mo ang aming lihim ay pinapadakip ka ng konseho!" ani ng isa sa mga ito at winasiwas ang hawak na sibat.
Tiningnan niyang muli ang batang si Violet na ngayo'y nakatingin sa kaniya. "qio, pert, etza... " Pagkatapos niya itong sabihin ay marahan niyang tinulak ang bata papunta sa direksyon ng puno ng roe.
Pagkatapos niya itong gawin ay ang agarang pagsugod ng anim na lalaki na sabay-sabay niyang sinubukang salagin. Winasiwas niya ang espada at sinabayan ang bawat talim na nagtatangkang siya ay hiwain sa kaliwa habang ang kanan niyang kamay ay naglalabas ng poseq bloze na mula sa tubig at yelo na wangis ng kaniyang lakas. Tagaktak ang pawis sa kaniyang noo at nanlalamig ang kaniyang laman. Alam niyang nagawa na niya ito noong sumugod ang heneral at ang mga higante at nagawa rin niyang lumaban at pumatay kani-kanina sa mga diyablong kasama ng taga-konseho ngunit hindi pa rin siya sanay na makitang hindi lamang ang kaniyang katalinuhan ang ginagamit sa laban kung'di pati ang kaniyang lakas na matagal nang nagkukubli sa kaloloob-looban niya na naging malaya noong piliin niyang maging malakas.
Ginamit niya ang kaniyang kaliwang binti upang sipain palayo ang hawak na espada ng isa, lumipad ito papunta sa isang patay na puno na dahilan kung bakit ito tuluyang napatumba at naging dahilan ng paggambala sa mga ibon na lumipad sa himpapawid. Rinig na rinig din nang kaniyang mga tainga ang mga habol na paghinga at mga ungol mula sa mga lalaki at rinig din niya ang sariling puso na kumakabog-kabog sa kaniyang dibdib.
Pinalibutan siya ng mga lalaki at kaniyang inihanda ang sarili; lumilipad-lipad ang kulay pilak niyang buhok sa hangin habang tinaas niya ang hawak na espada na lumiwanag ang talim mula sa liwanag. "Isa ka lang isang walang kwentang babae na tumaas ang estado dahil sa panlalandi mo sa prinsipe ng Titania na hindi ka naman kinampihan!" ani ng lalaking may hawak na sibat at siya ay inatake, sa unang atake nito ay natamaan siya sa may braso dahilan kung bakit siya'y napakagat-labi at kita na niya ang ngiti ng hangal na waging-wagi.
Paano naging walang kwenta ang babaeng hanggang ngayon gusto niyong mahuli?
Tumalim ang kaniyang mata at hindi ininda ang hapdi mula sa sugat at ang saganang pag-agos ng dugo mula rito. Mabilis siyang yumuko upang iwasan ang talim ng ikalawang atake ng sibat at buong lakas na sinaksak gamit ang kaniyang espada ang sikmura ng may hawak ng sibat, tumalsik ang dugo nito sa kaniyang damit at sa kaniyang mukha ngunit hindi niya ito binigyang pansin. Agad niyang kinuha ang hawak nitong sibat at inihagis sa isa pang lalaki na nagtatangkang atakihin siya gamit ang isang kapangyarihang may wangis na itim na baril. Tumama ang sibat sa noo nito at lumagpas sa likod ng ulo, may sumama pa ngang nagdurugong laman sa talim ng sibat na alam niyang bahagi ng utak nito.
Isa... Dalawa... Apat pa. At kailangan niyang magmadali upang masabi kina Xerxes ang nangyari sa Astonia.
"Kaya ba ng isang walang kwentang tapusin ang mga buhay niyong walang ambag sa mundo?" hindi na niya hinayaang makasagot ang mga lalaki at agad sinugatan ang kaniyang hinlalaki. Pumikit siya at ibinukas ang mata upang manambit ng isang enkantasyon.
Alam niyang hindi niya kontrolado ang kaniyang lakas at maari nanaman siyang mapahamak kung susubuking gamitin itong muli... Kaya ito na lamang ang paraan. Ayaw niyang mag-aalala nanaman si Xerxes.
"Dalisay na tubig, palitan ang iyong wangis at kasamaan ay lupigin. Ispiritong nabubuhay, akin ikaw ay tinatawag upang tulungan ang kabutihan! Spitio dagaz!"
Lumakas ang ihip ng hangin at nabasa ang lupa. Tila ba tumatakbo papunta sa direksyon nila ang tubig mula sa ilog at mga sapa, tila mga takot na pusa ang mga lalaki habang tinitingnan ang tubig na nagkakaroon ng wangis, unti-unti itong naging korteng tao na gawa sa tubig at may buntot-isang sirena na may mahabang alon-alon na buhok at lumuluhang mga mata.
Napatingin siya rito at humarap ito sa kaniya habang patuloy na lumuluha ang mata. Nanindig ang kaniyang laman. Ang enkantasyon ng spitio dagaz ay ang pagtawag ng ispirito na malapit sa lugar kung nasaan ang nagtawag upang maging redeza ng summire at magamit nito ang kapangyarihang taglay ng ispirito. Ang lakas, wangis at klase ng matatawag na ispirito ay nakadepende sa lakas at baitang ng mahika ng summire. Ito ang isa sa mga enkantasyon na itinuro sa kaniya ni Violet mula sa libro ng, Executio mula nang makaalis sila sa kweba ng Sepir. Ngunit hindi niya inakalang ang ispirito na naririto ay ang mismong ispirito ng kahuli-huling sirena.
Hinakawan nito ang kaniyang hinlalaki na may dugo at lumiwanag ng kulay asul ang katawan nito, kasabay ng liwanag ay ang pagbabago ng balat nito mula sa kulay asul na gawa sa tubig ay naging aktwal na laman ito, mas lalong lumitaw ang ganda ng sirena at ang kulay puti nitong mata. Nakikita na rin ang pinagsamang asul at lilang kulay na kaliskis sa buntot nito na nagliliwanag sa sikat ng araw.
Nanginginig sa takot ang mga taga-konseho at nanatiling nakatayo lamang si Kira habang pinagmamasdan kung paanong nahati sa dalawa ang apat na lalaki sa isang iglap noong kumanta ang sirena. Napinturahan ng dugo ang paligid at nagsimulang malusaw ang mga katawan at naging purong tubig.
Sabi sa alamat, ang kahuli-huling sirena raw ay mabait at hindi kayang pumatay... Taliwas sa nakita niya ngayon. Ito mismo ang pumatay na nararapat siya habang hinihiram niya ang kapangyarihan nito.
Humarap muli ang sirena sa kaniya habang patuloy pa rin ang pagtangis. Madiin siya nitong tiningnan at kinalaunan ito'y yumukod at unti-unting nawala hanggang sa naramdaman niya sa kaniyang gitnang daliri ang isang kulay pilak na singsing na may kulay asul na perlas.
Sa araw na ito ay naging redeza niya ang isang sinumpang nilalang.
"Mali ang iyong ginawa, ate Kira. Hindi tama ang panahon kung kailan mo ginawang redeza ang ispiritong prumoprotekta sa Astonia at hindi ka dapat nagmadaling tapusin ang mga taga-konseho." Lumabas mula sa likod ng puno ng roe ang batang si Violet habang seryoso siya nitong tinitingnan.
"Ano ang ibig mong sabihin?" Nagtataka niyang wika sa bata habang mahigpit niyang hawak ang espada hanggang sa ito'y naglaho.
Nakarinig siya ng kaluskos sa paligid. "Hindi mo pa kaya. "
Hindi na siya nakatanong pa nang maramdaman niyang tumilapon siya papunta sa isang puno habang pilit na humihinga at tinatanggal ang kamay na nakasakal sa kaniyang leeg.
Tumilapon siyang muli at natamaan ang kaniyang likod sa isang malaking bato. Napadaing siya sa sakit at bumulwak ang dugo sa kaniyang bibig habang habol-habol niya ang kaniyang hininga. Pinikit niya ang kaniyang mga mata habang pinipilit na tumayo.
"Et sacharia! "
Rinig niya ang isang boses sa kung saan. Binuksan niya ang talukap ng kaniyang mga mata...
Ngunit tanging kadiliman lang ang kaniyang nakikita.
-
Vocabulary:
Et sacharia!-isa kang tampalasan!
summire-summoner
redeza-familiar
poseq bloze-power blasts
pome-pomegranate
roe-rowen
qio, pert, etza-isa, dalawa, tatlo