Chereads / Alchemic Chaos: Fate / Chapter 33 - Kabanata Beinte Dos - Ang Nakaraan

Chapter 33 - Kabanata Beinte Dos - Ang Nakaraan

ILANG minuto nang nakakalipas at malapit ng mag-isang oras at hindi pa rin bumabalik sina Kira. Hindi maiwasang mag-alala ni Xerxes kung kaya't hindi mapakali ang kaniyang buntot na galaw nang galaw. Kitang-kita ito ni Spencer na umiiling-iling na lamang habang tinitingnan ang mga halaman at punong gumagalaw din dahil sa kapangyarihan ni Xerxes.

Kinamot ni Spencer ang kaniyang ulo at inayos-ayos ang kaniyang olandes na buhok. "Puwede ba? Huminahon ka, baka mamaya iyan maging halimaw ang isa sa mga puno rito nang hindi mo namamalayan. " Hindi siya pinansin ni Xerxes bagkus ay tumayo; bakas ang determinasyon sa mga mata.

"Sundan na natin sila, " puno ng kaseryosohan na wika ni Xerxes na ikinatawa lamang ni Spencer.

Lumapit si Spencer sa kaibigan at tinitigan sa mata. "Sabihin mo nga, anong meron sa inyo ng babaeng iyon? At mismong ako na kaibigan mo inaway mo nong nakaraan?" puno nang pagtutukso na tanong niya sa kaibigang ngayon ay nagulat at napaiwas ng tingin. Tila naging estatwa pa nga ang buntot nitong kanina lamang ay walang pagod sa kagagalaw.

Ngumisi siya at sinundot-sundot ang tagiliran ng kaibigan at agad siyang sinamaan ng tingin nito. "Tumahimik ka, Spencer! Sasamain ka talaga sa akin! " puno nang pagbabanta ang boses ni Xerxes ngunit hindi man lang siya natakot lalo na't bakas ang kaunting tinta ng pula sa pisngi ng kaibigan niyang kilala bilang isang 'halimaw'.

Hindi niya inakalang may ganitong reaksyon si Xerxes at tila natutuwa siyang paglaruan ito.

Tumaas-baba ang kaniyang kilay at patuloy na sinundot ang tagiliran ng kaibigan. "Talaga ba? Bakit ako sasamain? Kasi meron nga? Tingnan mo nga naman ang halimaw na puno mukhang mansanas, namumula! " Hindi niya mapigilang humalakhak at dinuro-duro ang mukha ng kaibigan na mas lalong namumula-baka nga sa oras na ito ay dahil sa inis sa kaniya.

Hindi alam ni Spencer bakit nagustuhan ni Xerxes si Kira, ngunit isa lang ang alam niya-siguro may dahilan ito at hindi kasing sama ang dilag o hindi kaya't ito'y nagbago na.

"Niligtas mo siya 'di ba? Ngunit bakit sa aking pakiwari'y may ginawa ka pa? Bakit tila yata kaamoy mo siya? " ulit niyang asar at winika ang kaniyang obserbasyon.

Noong una niyang makita muli sa Kira ay napansin niya na ito, hindi niya na lamang pinansin dahil inakala niyang dahil lamang na magkasama ang dalawa at masiyado siyang nabubulag sa galit noon.

"Spencer! " dumagundong ang boses ni Xerxes at alam ni Spencer na oras na para tumakbo.

Nagsimula ang kanilang habulan na si Spencer ay ang daga at si Xerxes ang pusa. May hawak pang sanga ng puno si Xerxes upang siya'y hampasin sakaling mahabol siya nito. Sayang-saya naman si Spencer na nagpapahabol sa kaibigan, bakas ang ngiti sa kaniyang mga labi na kaniyang hindi na nagagawa ilang taon na mula nang lisanin niya ang kaibigan upang ituloy ang kaniyang paghihiganti.

"Hindi naman masama umamin, eh! Isusumbong kita sa nilalang ng Sepir kasi may tinatago ka pa! " tawang-tawa niyang wika at humarap pa kay Xerxes at sumenyas pa ng pag-ibig sa kaniyang dibdib.

Namula ang buong mukha ni Xerxes at inihampas ang kaibigan at agad itong nagreklamo. "Asare! Nanakit ka! Ngayong ang dakilang si Xerxes ay may iniibig at siguro hindi pa niya naamin! Isa kang malaking wedeo! " Sumasakit na ang tiyan ni Spencer sa katatawa at hindi na maipinta ang mukha ni Xerxes habang aakmang hahampasin nanaman ang kaibigan ngunit ito'y nakatakbo.

Sumeryoso naman ang mukha ni Xerxes. "Bakit sumeryoso ang iyong mukha? May ibang iniibig ang iyong iniirog? " Humalakhak si Spencer kasabay nang malutong na pagmumura ng kaibigan.

Lumaki ang mata ni Spencer at napatakip ng bibig. Sumenyas pa siya ng puso na nabibiyak at inihagis sa kaniya ni Xerxes ang sanga na agad niyang sinalo. "Siya nga? Sino ba ang nilalang na iyan nang makuryente ko at maalis na sa mundo? " Sumama ang tingin sa kaniya ni Xerxes at ipinakita ang kamao.

"Bakit? Tinutulungan na kita, taga-Titania ba? Nasa palasyo? " sunod-sunod na tanong ni Spencer at hindi umimik si Xerxes.

Lumaki naman ang mata ni Spencer nang may mapagtanto. "Napaka-dramatiko ng iyong buhay, kaibigan! Ahh! Ang kaniyang iniibig ay iniirog din ng sariling kapatid! Ahh! Napakahirap! Nakakaawa! " umakto pa siyang umiiyak at sumayaw-sayaw gaya ng nasa theatro.

Kumuha muli ng sanga muli si Xerxes mula sa puno at inihampas kay Spencer. Napadaing siya ngunit tumawang muli. "Ikaw! Sumosobra ka na! " kumuha din ng sanga si Spencer at itinutok ito kay Xerxes.

"Et gerde! " At doo'y nagsimula ang mumunting dwelo nila gamit ang sanga bilang mga espada habang tila mga paslit na naglalaro at nagkakasiyahan.

Tunay ngang napaka-swerte ng isang nilalang na may totoong kaibigan.

Kung may itinatak ang Sepir sa kaniya iyon ay-kahit siya'y wala nang pamilya mayroon pa ring naroroon para sa kaniya, ito ang kaniyang kaibigan at parang nakatatandang kapatid-si Xerxes.

"O? Tila yata sumeryoso mukha mo? Nagngingitngit ka kasi talo ka pa rin hanggang ngayon sa espada? " natatawang sabi ni Xerxes at tinapik-tapik ang balikat ng kaibigan.

Ngumiti lamang si Spencer, pagkara'ay yumuko sa harapan ni Xerxes. Bakas naman ang gulat sa mukha ni Xerxes at nakatitig lang sa nakayukong kaibigan. Ilang segundo pa bago siya'y nakasalita. "Ano ba ang iyong ginagawa? Bakit ka yumuyuko? "

Nakarinig siya ng hikbi mula sa kaibigan. "H-Hindi pa kita napapasalamatan sa pagkupkop mo sa akin noon at pagsasanay mo sa akin... Pati na rin ang pagiging kaibigan ko at parang nakatatanda kong kapatid. Alefia deu, zè. Pasensya nang ginamit ko sa kasamaan ang itinuro mo para maghiganti. Sedfia zereta ode, zè, sedfia," pumipiyok ang boses nito dala ng pag-iyak, hindi napigilang mapangiti ni Xerxes sa narinig at ginulo-gulo ang buhok ng kaibigan.

"Walang anuman... Huwag ka nang yumuko ang sagwa mo. "

Maraming salamat din sa pagiging kaibigan ko.

Nais sana ring sabihin ni Xerxes pero hindi niya nagawa. "Nakakadiring tingnang humihikbi ang isang kinatatakutang mamatay, " natatawa niyang pagpapatuloy.

Iniangat na ni Spencer ang kaniyang ulo at iniharap ang kaniyang kamao. Agad naman naintindihan ni Xerxes ang kaniyang kamao at idinaplis sa kamao ng kaibigan.

Kapwa sila napangiti. Akmang magsasalita pa sana si Spencer nang makarinig sila pareho ng kalabog at amoy sunog na para bang may nanununog sa gubat at alam nilang hindi ito maganda.

Mas lalong nakaramdam ng pag-aalala si Xerxes kay Kira at Violet dahil wala pa rin ang mga ito. "Nararamdaman mo ba iyon? May napakalakas na enerhiya na may gawa nito. " Naramdaman ng dalawa ang napakalakas na enerhiya na nangangaling sa-dilim. Isang mahika na mas mataas pa sa baitang ng kapangyarihan nilang dalawa at ang tanging intensyon nito ay-manira at pumatay.

"Hindi maaring masunog ang gubat na ito, Xerxes. Dahil kapag ito'y mangyayari ay mawawalan ng balanse ang buong kontinente, " seryosong wika ni Spencer at nagsimulang lumiwanag at maglabas ng kuryente ang kaniyang mga palad.

Tumango si Xerxes at ngumisi. "Naalala mo iyong unang laban nating magkasama at iyong pinagsama nating lakas?" Ngumisi rin si Spencer at mula sa nagliliwanag na kamay ay lumabas ang isang pana na gawa sa kuryente, kasabay non ay ang pagdilim ng kalangitan at pagkulog.

Kinuyom ni Xerxes ang kaniyang kamao kasabay nang paggalaw ng mga puno't halaman sa paligid.

Sino ba namang mag-aakala na pagkatapos ang pagbabalik ng kanilang pagkakaibigan ay ang unang laban nilang muli na magkasama.

HINDI nila inasahan na ang kanilang makikita ay isang mataas na opisyal sa konseho. Ito'y may malalamig na mata habang ang mga kamay ay mayroong asul na apoy na tila isang mananayaw na hindi karikitan ang nais kung'di upusin ang gubat at tapusin ang buhay na naroon. Ramdam na ramdam ang taglay na kasamaan sa paligid na tila isang lason na nagpapahirap sa kung sino mang makahinga at makagalaw.

Sa naramdaman nilang kakaibang lakas, ay parang tumigil ang kakayahan ng kanilang tuhod na humakbang at awtomatikong nagbubutil-butil ang kanilang mga pawis sa noo na para bang umiiyak na ito at nais na tumakas.

Hindi mapigilan ni Xerxes ang makaramdam ng galit habang naririnig niya ang hiyaw ng sakit ng mga halamang kinakain ng mainit na apoy. "Hindi ko inasahang naririto pala kayo, ang dalawa sa kriminal na nararapat hulihin ng konseho, sana hindi na lamang kayo nagpakita. " bawat letrang bigkas nito ay may dalang kakaibang kaba kina Xerxes at Spencer. Matagal na silang lumalaban at ito ang unang pagkakataon na idinidikta ng kanilang isip at katawan na lumayo mula sa nilalang na ito dahil ang tanging dala nito ay-panganib.

Pilit na winawaksi ni Xerxes ang kakaibang nararamdaman at pinilit na igalaw ang mga binti at isawalang bahala ang panganib na maaring matamo bagkus ay iniharap ang palad sa nag-aapoy na gubat at pumikit. Maya pa't mabilis na nahigop ang asul na apoy kasabay ng kaniyang pagdilat at pagbago ng kulay ng kaniyang kaliwang mata-pula.

Mabilis namang gumalaw si Spencer pagkatapos ng ginawa ng kaibigan, agad siyang kumuha ng palaso na gawa sa kidlat at pinana ito sa direksyon ng taga-konseho na walang kagatol-gatol nitong nasalo at malamig na ngumiti na para bang hindi man lang nasaktan sa kuryente ng palaso. "Akala ko ba malakas kayo? Kung nalaman ko lang na hindi pala, ako na lamang sana ang pumatay sa inyo noon. " Natalo pa ng kidlat ni Spencer ang bilis ng pangyayari, ang kaninang taga-konseho na medyo may kalayuan sa kanila ay mabilis na nasa kanilang harapan na may hawak ng parehong asul na apoy.

Hindi na nito hinayaang makagalaw o makalaban man lang si Spencer. Isang kamao na pinalilibutan ng asul na apoy ang dumapo sa kaniyang sikmura at isa pang kamao ang dumapo sa kaniyang panga na sapat na para paliparin siya at marinig niya ang tunog ng kaniyang butong nabali at maramdaman ang kaniyang dugo na dumadaloy sa kaniyang bibig.

Sa nasaksihan, mas lalong umapaw ang galit ni Xerxes at sa kaniyang palad ay lumabas ang isang napakalaking espada na gawa sa halaman. Agad niyang sinubukang atakihin ang taga-konseho na mukhang nagulat din at nadaplisan ng espada ang kanang pisngi.

Hindi pa tumigil si Xerxes at patuloy na pinag-aatake ang taga-konseho na agad namang nakaka-iwas. Sa kaniyang kanang kamay ay inilabas ni Xerxes ang puting apoy at ginamit ito upang atakihin ang taga-konseho na para bang hibang na hindi man lang umiwas at nagawa pang tumawa.

Isa sa kapangyarihang meron siya bilang isang sumpang nilalang ay ang puting apoy ng isang taong-lobo.

"Ah! Kung naririto pa't nabubuhay ang iyong ina ay siya'y masisiyahan na ang isa sa kaniyang anak pala ay nakuha ang kaniyang kakayahan. Ngunit, hindi katulad ng ina mo ang iyong kakayahan dahil... " hindi nito itinapos ang sasabihin at tila isang pagsabog ang paglabas ng asul na apoy sa katawan nito na nagpaalis sa puting apoy ni Xerxes at dahilan upang tumilapon siya.

"Mahina ka. " napakagat-labi si Xerxes dahil sa kirot na nararamdaman ng kaniyang katawan ngunit pilit pa rin siyang tumayo at kinuha ang espada sa sahig.

"Bakit mo kilala ang aking ina? " hindi napigilang itanong ni Xerxes ito sa lalaki na hindi sumagot bagkus ay itinapat ang hintuturo sa bibig at umiling-iling.

"At kilala ko rin ang iyong kapatid na ngayo'y..." Hindi muli nito tinapos ang sasabihin at tumawa nang napakalakas.

"Ano ang nangyari sa kapatid ko? Ano ang ginawa niyo sa kaniya? " Dumagundong ang boses ni Xerxes at napakuyom ang kamao niya sa galit hanggang sa ito'y dumugo. Nanginginig ang kaniyang laman at nararamdaman niyang tumatalas ang kaniyang pangil.

Tumakbo siya papunta sa direksyon ng lalaki at nagsimula nanamang umatake ngunit gaya ng nangyari kanina ay agad na nakakaiwas ang lalaki. Lumabas ang mga halaman sa likod ni Xerxes, mga halamang matitinik na lagi niyang gamit upang gapusin ang kaniyang kalaban at saksakin ang mga ito gamit ang mga tinik nitong kasing talim ng isang espada.

"Sinumpang dugo ako ngayo'y yakapin, lakas na natatago sa loob-looban ng aking pagkatao ikaw ngayo'y maging malaya... " Ang mga halaman sa kaniyang likuran ay nagsimulang gumalaw, ang espada na kaniyang hawak ay lumutang sa ere't naging isang karit na ang talim ay gawa sa tinik ng halaman na pinalilibutan ng lason, pagkara'ay ang mga halaman ay gumapos sa kaniyang laman hanggang sa ang dating kulay berdeng halaman ay naging itim. Lumabas ang kakaibang iskripto at nagsilbing tinta sa kaniyang braso at sa kaniyang leeg.

Kung ang tanging paraan ay gisingin ang kaniyang pagkahalimaw ay gagawin niya.

Naramdaman niya ang kakaibang kagustuhan niyang makakita ng dugo at pagkalat ng laman. Hindi man lang natakot ang taga-konseho habang matalim niya itong tinitingnan nagawa pa nitong pumalakpak na para bang nakakatuwa ang naganap na pangyayari.

"Magaling! Isang kapangyarihang mula sa mga dheyati ngunit higit na mas malakas! Sige! Magalit ka pa! Hayaang namnamin ka ng dilim at ako'y saktan gamit nito! " Humalakhak ito at naglalakad pa papalapit sa kaniya na para bang gusto nitong maranasan ang kaniyang gagawin.

Nanginginig ang laman ni Xerxes at akmang gagamitin ang kaniyang karit upang atakihin ang kalaban.

"K-Kaya ko pa. " Narinig ni Xerxes ang boses ng kaibigang si Spencer na sapo-sapo ang sikmura at paika-ikang naglalakad papunta sa tabi ni Xerxes. "Huwag mong gamitin ang karit na iyan, ang sinumpang sandata kapag ginamit ng isang isinumpang nilalang at hindi niya pa natatalo ang sumpa sa kaniyang kaloob-looban ay unti-unting lalamon sa nilalang hanggang sa maging isa siyang dheyati. " Ikinagat ni Spencer ang kaniyang hintuturo hanggang sa ito'y dumugo, hindi inaalintana ang sakit na nararamdaman sa kaniyang katawan.

Alam niyang hindi siya kasing lakas ni Xerxes, o kasing lakas ng taga-konseho pero isa lang ang kaniyang alam... Na sa kuwestiyon ng sumpang dugo ay kokonti lamang ang epekto sa gaya niya at hindi niya hahayaang maging isang dheyati ang kaibigan.

"Buhay ka pa pala! Magaling! " Sumeryoso ang mukha ng taga-konseho at nagsimulang dumikit ang asul na apoy sa katawan nito hanggang sa naging isa itong kasuotang pandigma, sa kamay nito ay ang isang malaking pamukpok na gawa sa kulay itim na bakal. May mga lumang iskriptong nakaulit dito, "Nak et eresas" na ang ibig sabihin ay "lipulin ang lahat".

"Kaya mo pa ba talaga, Spencer? " tanong ni Xerxes, hindi ito sumagot bagkus ay lumabas sa katawan nito ang nakakasilaw na liwanag at puting kidlat.

"Oo, itago mo na iyang sumpang sandata at tulungan mo akong ipagsama ang ating kapangyarihan. " hindi alam ni Xerxes kung bakit parang kinakain ng liwanag ni Spencer ang dilim sa paligid ngunit tama ang kaibigan, hahanapin pa nila si Kira mamaya at alam niyang hindi nito magugustuhan na magiging dheyati siya.

Magkikita pa rin sila ng kaniyang kapatid at nararapat siyang manalig na ligtas ito. Nawala ang karit at ang mga itim na iskripto sa katawan ni Xerxes, ikinagat din niya ang kaniyang hintuturo habang ang kaliwang kamay ay may inilabas na puting apoy.

"Kidlat na mula sa mga diyos, kumapit sa aking pakpak at ako'y bigyan ng lakas upang makalaban sa mga pwersa ng kasamaan, O anghel ng liwanag, Gabriel, ako'y pahiramin ng proteksyong habang nilulupig ko ang kasamaan! Etherius Diveni! " Lumabas sa likod ni Spencer ang puting pakpak at mula sa langit ay kumidlat ng malakas papunta sa direksyon ni Spencer, nagbago ang itsura ng kidlat at naging isang malaking kalasag at isang malaking pana na gawa sa ginto at pilak. May mga iskriptong nagsasayawan sa pana na gawa sa puting kidlat.

"Lakas na nagmula sa buhay, kaluluwa ko'y patnubayan. Azazel, diyos ng buhay at kamatayan kapangyarihan mo'y ipahiram nang maigawad ang kaparusahan sa kasamaan! Sancticus verdimir! " Lumabas ang isang malaking rosas na may matatalim na pangil sa likuran ni Xerxes at gumapang papunta sa kaniyang kamay, nagliwanag ang mga talulot nito hanggang sa naging isa itong korteng mga espada na may kani-kaniyang pangil na lubhang nakalalason.

Tanging tawa lamang ang kanilang naririnig mula sa taga-konseho. "Magaling! Pero kulang pa rin. " Iwinasiwas nito ang hawak na malaking martilyo na naging dahilan ng pagkasunog ng mga puno sa tabi nito.

Bumulwak ang dugo mula sa bibig ni Spencer na pilit na ikino-kontrol ang kapangyarihan kahit na hindi na kaya ng katawan niyang sugatan. "G-Gawin na natin ito, Xerxes, " mahinang wika niya at itinaas ang hawak na pana at inihanda ang sisidlan ng kaniyang pana.

Tumango si Xerxes at inihanda ang kaniyang mga mahiwagang espada. "Lihim na paraan: Ipinagbabawal na mahika! Mefeses Sere, Vers diveni! " sabay nilang sigaw at magkasabay na ginawa ang atake, lumipad sa ere ang mga pana at ang espada at parang magandang ulan ng bulalakaw na kamatayan ang dala, lumilipad ito sa direksyon ng taga-konseho; Nagdikit-dikit ang mga ito hanggang sa kumorte itong isang malaking anghel na may hawak na malaking espada.

Hindi gumalaw ang nakangiting hangal ng ilang segundo hanggang sa itinaas nito ang hawak na martilyo at walang kahirap-hirap na winasiwas ang pinagsamang kapangyarihan nina Xerxes at Spencer.

Hindi na maramdaman ng dalawa ang kanilang binti at alam nilang ito na ang tanging kaya ng kanilang lakas at maya't mawawalan na sila ng malay.

Kung ganito kalakas ang konseho na tumutulong sa mga dheyati, ibig bang sabihin mas malakas pa ang pinuno ng dheyati... At sa kalagayan ng mga tulad nilang alkemista ngayon ay malabong matalo nila ang mga ito sa kakayahang meron sila.

Sumayaw-sayaw ang taga-konseho at kalmadong lumakad papunta sa kanila na para bang ang dali lang nilang mapapaslang. "Rinig kong hawak niyo ang likido na mula sa Sepir? Magaling! Matutulungan niyo kami bago kayo mamatay! " Pilit man gustong gumalaw nina Xerxes ay hindi na kaya ng katawan.

'Ito na ba ang kamatayan? '

Pumikit na lamang sila habang palapit nang palapit ang taga-konseho.

Isang malaking pagsabog ang nagpa-ingay sa paligid at napatigil ang taga-konseho.

At may isang nilalang na hindi inaasahan ang dumating.

SAMANTALA, sa isang palasyo na gawa sa marmol at stygerea. Isang babaeng may pulang buhok ang hindi komportableng naka-upo sa kaniyang trono habang bakas ang pag-aalala sa mukha, sa kaniyang kamay ay isang bolang kristal na gawa sa rodefia; isang kristal na tanging nakukuha sa kailaliman ng isang bulkan.

Kung pupwede lamang siyang makaalis sa palasyong ito na nagsisilbi niyang kulungan at tulungan sila. Ngunit, kung siya ay aalis ay mas magugulo ang sitwasyon.

"Ert severina ase. " Lumabas sa kaniyang palad ang isang pulang butil at ito'y inihip niya palayo.

Umaasang makakarating ang mensahe at nanalig na sana...

Hindi na maulit pa ang pangyayaring naganap isang daang taon na ang nakakalipas.

-

Vocabulary:

Asare - Aray

wedeo - Torpe/Duwag

Et gerde - Simulan na

Alefia deu, zè - Maraming salamat, kuya

Sedfia zereta ode, zè - I am very very sorry, kuya.

dheyati - Nilalang ng dilim

Mefeses Sere - meteor shower

Ert severina ase - I hope it will reach you